Bakit Di Dapat Kalimutan Na Si Kristo'y Naging Tao Rin?
NAIKUWENTO na sa maraming daang taon ang istorya ng Semana Santa sa iba’t ibang uri ng sining, literatura, mga kaugalian at paniniwala. Batay sa ebanghelyo, mga dokumento, ebidensiya, at sacred tradition, sa simula’t simula pa’y itinuro na ng Simbahan na si Kristo’y Diyos na nagkatawang tao. Nagkasala ang tao sa Diyos, at samakatuwid, Diyos lamang ang makapagliligtas sa tao. Ang tao ang siyang tumalikod at nagkasala sa Diyos, kaya’t kailangang makibahagi ang tao sa pagliligtas ng sangkatauhan. Kaya, kailangang maging tao ang Diyos na tagapagligtas.
LUBHANG napagtuunan ng pansin ang pagiging Diyos ni Kristo kaya tila ang paniniwala tungkol sa Kanyang pagiging tao’y nakaligtaan na. Subalit ang katotohanan ng Kanyang pagkakatawang-tao ang siyang sentro ng lahat ng ritwal at kaugalian tuwing Semana Santa.
Sapagkat, kung si Kristo’y Diyos lamang, hindi maaaring tularan ang Kanyang pamumuhay na banal at walang bahid ng kasalanan. At madali sana Siyang tularan hindi dahil Siya’y Diyos, kundi dahil Siya’y naging tao!
Bago pa dumating ang Vatican II noong 1960s, ang karaniwang kaisipan ay: maaari lamang maging santo o banal ang isang tao kapag siya’y isang monghe, pari, o martir. Kaya, binigyang-diin ng Vatican II na ang ordinaryong tao o laiko ay hindi maaaring taguriang “second-rate Christians” sapagkat ang lahat ng nananampalataya ay tinatawag upang maging banal.
Inulit din ng Vatican II ang aral ni Kristo tungkol sa pundasyon ng lahat ng birtud – ang pag-ibig; at may kakayahang umibig ang bawat tao.
Nakaligtaan ang kanyang pagiging tao
Literal
ITINURO ni Kristo kung paano ibigin ang kapwa – pagalingin ang mga maysakit, bihisan ang mga walang maisuot, pakanin ang mga nagugutom, dalawin ang mga nasa piitan, at ituro ang matuwid na daan.
Ngunit tila literal ang pakahulugan ng mga Kristiyano nang sabihin ni Kristong “humayo ka at ipagbili ang iyong mga ariarian, at sumunod sa Akin.” Natural, ang magiging sagot ng lahat ay: “Hindi ko puwedeng ipagbili ang lahat ng aking pag- aari!” Ang kahinaan ng tao ang nagsasabi sa kanya na hindi niya maaaring ipagbili ang lahat ng kanyang pag-aari, ngunit maaari siyang magbigay o magbahagi. Si Kristo’y naging tao kaya alam Niya ang kahinaan ng bawat isa sa atin; Siya’y katulad natin sa lahat ng bagay, maliban sa kasalanan.
Totoong tao
ANONG mga kuwento sa ebanghelyo ang nagsasabing nadama rin ni Kristo ang emosyon, panlulumo at pighati ng isang tao? Tunghayan na lamang natin ang eksena kung saan nanalangin si Kristo sa hardin ng Gethsemane habang natutulog ang Kanyang mga alagad. Hindi ba’t sinabi Niya: “…namamanglaw na lubha ang kaluluwa ko, hanggang sa kamatayan…malapit na ang oras at ang Anak ng tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan…”? (Mateo 26)
Ang “Ecce homo” (Behold the man) na sinabi ni Pilato nang iharap si Kristo sa mga Hudyo’y naging paksa ng obra
maestra ng mga pintor at eskultor sa maraming henerasyon. Inilalarawan Siya na may balabal na lila, tadtad ng hiwa, sugat at pasa ang buong katawan, nakagapos ang dalawang kamay, at ang duguang ulo’y pinutungan ng koronang tinik.
Ipinahihiwatig ng “Ecce homo” ang pamamanglaw at kahinaan ng isang tao. Ang kakayahang madama ang nadama ni Kristo sa oras na Siya’y ipinagkanulo ni Hudas, at dakpin ng mga sundalong Romano, isakdal, at sa mga oras na ipako sa krus na Kanyang pinasan patungo sa Kalbaryo ang siyang nasa likod ng kapangyarihan ng Diyos na iligtas ang sanlibutan. Nadarama natin ito kapag dinarasal at pinagninilayan natin ang mga misteryo ng hapis ng rosaryo.
Totoong Diyos si Kristo, ngunit naging totoong tao rin Siya. Sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao Niya’y nagugunita at nagagawa natin ang lahat ng ritwal na kaugnay ng Semana Santa.