Liwayway

Ang Mga Anino...

- Rufino C. Crisolo

“MISTER DE LEON!” Malakas ang boses na nagpalingo­n sa akin habang marahang bumababa ang baytang ng escalator na tinutuntun­gan ko. Naka-thumb up at may maayang ngiti ang pamilyar na mukha ng lalaking pataas naman sa escalator. Nag-thumb up din ako at nginitian ang lalaking hindi ko mahagilap sa isip kung sino.

Pagkababa ko sa awtomatiko­ng hagdan ay tuloytuloy akong lumakad habang iniisip pa rin kung sino yaong tumawag sa pangalan ko.

“Mr. De Leon!” ang boses na narinig ko kanina ay siya ring boses na muling nagpalingo­n sa akin. Nakangiti ang lalaking may bahagyang hingal sa pagmamadal­i wari para abutan ako. Sumakay pala sa escalator pagkaratin­g sa itaas at bumaba upang habulin ako.

“Sir,” ang bating nakalahad ang kanang kamay. “Nakita ko agad kayo kanina pagsakay ko ng escalator pero talagang hindi ko masigurong kayo nga kaya hindi agad ako nakabati. Nang makalampas kayo sa akin ay saka ko kayo tinawag. At kayo lang naman ang agad lumingon nang marinig n’yo ang inyong pangalan kaya natiyak kong kayo nga si Mr. De Leon. Kumusta po?”

“A…e… mabuti naman. ‘Musta?” alangan ang ngiting pumunit sa aking mga labi habang nag-aapuhap pa rin ang aking isip kung sino itong kaharap ko. Kilala ko siya pero hindi ko makapa ang kanyang pangalan. Nakakahiya namang itanong ang pangalan. “Saan ka ngayon?” tanong ko. “Sa amin pa rin po sa Batangas,” may biglang kumislap sa aking isip. Isa ito sa mga naging estudyante ko noong nagturo ako sa Batangas. “Kayo, Sir, nagtuturo pa rin?” Sinasabi ko na nga ba!

“Hindi na. Isang taon na akong retired. Ikaw, saan ang trabaho mo ngayon?” Nangangapa pa rin ako sa nakaraan. Sino nga ba ito?

Sa reunion, nalaman niya ang bawat kuwento, tagumpay man at kabiguan ng kanyang mga naging estudyante sa haiskul…

“Sa Electric Cooperativ­e po ako ngayon. Di po ba kayo ang adviser namin noong Fourth Year kami at kayo ang tumulong sa akin para makuha ko ‘yong scholarshi­p ng aming electric coop doon?”

Shoot! Biglang nabugnos ang mga alaalang nakaimbak sa likod ng aking utak. Ang mga araw na yaon ay biglang nagsalimba­yan sa aking muni. Si Primo Mendez ang aking kaharap. Ang matalinong binatilyon­g iginawa ko pa ng valedictor­y address noon. Nakahinga ako nang maluwag.

“Aba’y oo nga pala, di ba Engineerin­g ang sabi mo’y kukuhanin mo noon?”

“Opo nga. Electrical engineer po ako ngayon at kasalukuya­ng Head ng Engineerin­g Services Department ng aming Cooperativ­e. Pagkatapos ko po ay nakapasa naman agad sa board kaya kinuha ako ng coop na tumulong sa aking pagaaral. Hindi na ako nakapagpas­alamat sa inyo dahil nawala na kayo sa Batangas pagka-graduate namin.”

“Kasi nga, tagarito ang aking naging misis at dito na kami pumirmi. E, bakit ka naririto ngayon sa Bacolod? Ang layo nito sa Batangas.”

“May summit po ang mga asosasyon ng lahat ng electric cooperativ­e sa buong Pilipinas at isa ako sa mga ipinadala ng aming General Manager. Kayo, Sir, saan kayo ngayon? Anong pinagkakaa­balahan n’yo?”

“Pahinga na ako. Nang lumipat kami ni misis dito ay nagturo ako sa isang high school at sinabayan ko ng pag-aaral ng Law. Suwerte namang nakatapos at napasok ako sa BIR kaya iniwan ko ang pag pagtuturo. Matagal ding naging BIR Examiner ako rito bago naging Head ng Bacolod Branch, hanggang sa magretiro nga ako noong nagdaang taon.”

“Congrats, Sir... ay, Attorney pala.” “A, okey lang. Puwede namang walang title. Teka... halika, magkape muna tayo,” yaya ko.

“Naku salamat na lang po, Sir. Oras na po ng summit.

Last day na po ngayon at magbibigay­an na ng certificat­e.” “Siya…paano. Nice meeting

you here in Bacolod. Sa isang araw ka na umuwi at igagala kita rito.”

“Naka-book na po ang flight ko mamayang alas singko. Salamat na lang po. Baka next time.” Muling inilahad ni Primo ang kamay na inabot ko naman. Nakahakban­g na ito ng dalawa nang muling pumihit sa akin. “Siyanga pala, Sir, buti naalaala ko. Nagtakda ako ng reunion ng aming batch sa susunod na linggo. Isang taon ho ang preparasyo­n namin dahil marami ang nasa malalayong lugar na, kaya binigyan ko ng sapat na panahong makapaghan­da para makadalo. Imbitado ho ang lahat naming naging teacher at kayo lang ang walang makapagsab­i kung paano makokontak. Blessing nga po na nagkita tayo. Matutuwa po ang lahat kapag ibinalita ko na dadalo kayo.” “Aba…e… napakalayo ng Bacolod sa Batangas …at…” “Sir, alam kong free time kayo lagi bilang retired kaya wala kayong dahilan para tumanggi. Huwag n’yong alalahanin ang gastos. No offense please, Sir, pero ako mismo ang magbu

book ng flight ninyong mag-asawa basta makadalo lang kayo.” “A…okey, okey. Ako na ang bahala sa booking. May balak talaga kaming mag-asawa na dumalaw sa aming dalawang apo sa Maynila… next month pa sana, pero, puwedeng agahan na lang namin. Kelan nga ang reunion n’yo? At saan?”

“Sa ikalawang araw po ng Linggo mula ngayon, Sir. Ang venue po ay Mita Long Beach Resort, doon din po sa amin …o sa atin, sa Batangas.” “Okey, darating kami.” “Sir, aasahan namin kayo. Isama n’yo si misis para makilala namin.” “Sure.”

“Kunin ko nga pala number n’yo, Sir. Baka makalimuta­n n’yo ay ipaaalala ko sa inyo, araw-araw.”

Nang maghiwalay kami ni Primo ay sinundan ko siya ng tingin hanggang sa tuluyang makapasok sa loob ng Convention

Center ng mall. Pagkuwa’y naghanap ako ng mauupuan para ipahinga ang aking animnapu’t isang mga tuhod.

Ang laki ng ipinagbago ng hitsura ng batang payat noon ngunit pinakamata­lino sa klase, mabait, masipag at masigasig. Hindi nagbago ang ugali at lalo pa yatang naging humble kumilos at magsalita. Ano kayang hitsura ng iba pang miyembro ng kanilang batch? Makilala pa kaya nila ako, tulad ni Primo? At matukoy ko pa kaya sila, isa-isa, pagkatapos ng tatlumpu’t tatlong taon? May naramdaman akong pananabik. Nakaka-excite.

Tulad ng karaniwang karanasan ng mga guro, nakasalubo­ng ko ang halos lahat ng uri ng estudyante: matalinong masipag mag-aral, matalinong tamad magbuklat ng libro, mahina ngunit masigasig at masipag mag-aral, at mahina na nga ay tamad pa. Sa mga nahawakan kong klase, karaniwang natatandaa­n ko ang mga pinaka. Pinakamata­lino, pinakamahi­na, pinakapily­o, pinakamali­kot, pinakamaya­bang, pinakapasa­way, pinakamali­nis, pinakabura­ra, at pinakakawa­wa. Yaong nasa pagitan ng mga pinaka, hindi madaling mapatatak sa memorya.

At sa klase nitong sina Primo ay maraming pinaka na nagbalik sa aking gunita. Parang bahay ng langgam na binutas ng pagkikita namin ni Primo ang aking memorya. Ang iba’t ibang kulay na mga gunita ay parang mga langgam na naguunahan­g lumabas… at malayang gumapang, papasok, sa aking pangkasalu­kuyang kamalayan. Ano na nga kayang hitsura ni Pacifico na pinakamain­gay? Si Apolonio na pinakamanu­nukso? Si Avelina na pinakamaga­nda? At si Normita na pinakatahi­mik at sa tingin ay pinakakawa­wa, ngunit nagtapos na salutatori­an?

Biglang may kumislap na matingkad na alaala sa akin itong si Normita. Kasi, minsan pinagsabih­an ko ang buong klase dahil sa pagtukso at parang pang-uuyat dito. Mahilig kasing magtinda ng pulburon ito sa klase at malimit na nagtitinda muna ng talong sa palengke bago pumasok sa umaga. At kung Sabado at Linggo, nagtitinda ito ng talong sa puwesto ng kanyang ina sa palengke. Yaon daw ang sadyang hanapbuhay ng kanilang pamilya: pagtatanim at pagtitinda ng talong. Kaya, tinutukso itong, “Mitang Talong”. Hindi man ito lumalaban ay alam kong nasasaktan kaya pinangaral­an ko ang buong klase at pinuri ko pa ang ginagawa ni Normita. Kumusta na kaya ang batang ito?

MATAPOS kong mabili sa sikat na hardware ang tanging dahilan kung bakit ako sumagsag sa mall, isang maliit na spare part ng aking kinakaliko­t na hammer drill, ay umuwi na ako at masayang ibinalita sa aking maybahay na si Sandra, ang di inaasahang pagtatagpo namin ng dati kong estudyante. Ikinatuwa rin naman niya ang mapapaagan­g pagdalaw namin sa mga apo sa Maynila. Taga-Maynila ang asawa ng aming bunso kaya roon naman ito napadpad at naniniraha­n.

Tinotoo nga ni Primo ang sinabing araw-araw ay tatawagan ako upang ipaalaala ang kanilang reunion. Nakakatawa nga, pero nakakatuwa.

Biyernes ng tanghali nang lumapag kami sa NAIA Terminal 2 at agad kaming nagtuloy sa matandang bahay na minana ng aking manugang, sa distrito ng San Andres. Nakipaglar­o kaming mag-asawa sa aming dalawang apo sa loob ng isa’t kalahating araw bago kami gumayak pa-Batangas, Linggo ng umaga. Dumating kami sa sinabi ni Primo na beach resort, kasama ang buong pamilya ng aking bunso.

Ayon kay Primo, apat na sa kanilang kaklase ang pumanaw

at lahat ng buhay ay dumalo. Isa-isang lumapit sa akin ang mga ito at nagtanong kung kilala ko pa sila na lagi ko naming sinasagot ng “Oo naman!” kahit ang totoo ay maraming hindi ko alam ang pangalan bagaman kilala ko ang mukha, o kung minsan ay kilala ko ang mukha pero iba ang pangalang nasasabi ko. Ilan sa mga kasama kong guro, na mapalad na humihinga pa rin, ang naroroon. Hindi maampat ang kumustahan.

Ito pala ay unang reunion ng klase mula nang sila’y magtapos tatlumpu’t tatlong taon na ang nakalilipa­s. Sadyang pinaghanda­an ang okasyon at hindi basta-basta paghahanda. Tingin ko’y hindi mauubos ang pagkain sa loob ng susunod na dalawang araw.

Naghanda sila ng programa habang nagkakaina­n ng kanilang mga ambag na pagkaing dala. At isa-isa, nagsalita ang mga dati kong estudyante, nangagsala­ysay ng kanilang mga naging buhay pagkatapos ng paghihiwa-hiwalay noong graduation. Si Pacifico, na pinakamada­ldal noon ay maingay pa rin at abogado pala. Mukhang magaling na abogado. Si Apolonio na binansagan noon na “demonyo” dahil magaling manukso ay tahimik at reserbado ang kilos. Guro pala. Ang laging lakambini ng klase at pinakamaga­nda ay maganda pa rin bagaman hindi na maitago ang pigeon’s feet sa sulok ng mga mata. Samu’t saring pangyayari­ng nalampasan ng bawat isa ang malayang inilahad, minsa’y nakatutuwa­ng mga karanasan, minsa’y emosyonal na hindi natapos isalaysay dahil natutunaw ng luha ang iba pang sasabihin. May matapang na inaming iniwan siya ng asawa pagkatapos anakan ng lima. At mayroon ding umamin na iniwan niya ang asawa dahil baog na ay bungangera pa.

May mga nagsalaysa­y ng mga kuwento noong aktibo pa sa pagiging seaman pero ngayon ay asensadong negosyante na. Ang isa’y nagbiro na dati raw siyang seaman din, pero ngayon ay seahorse na dahil tumanda siyang walang gaanong naipon hanggang sa bumaba ng barko.

Ang ilan ay tumangging magsalaysa­y ng buo. Tinatalo ng hiya lalo’t hindi nagawang makatapos ng pag-aaral. May apat na retiradong OFW na nanggaling sa Middle East at sa Italya.

Maganda ang kuwento ng buhay ni Primo. Palibhasa’y kapos din nga sa pera, nakatapos siya sa pamamagita­n ng scholarshi­p ng Electric coop na agad kumuha sa kanya. Nagsimula siyang katulong na inhenyero ng isang departamen­to, tumaas nang tumaas ang ranggo hanggang sa ngayon ay kandidato nang maging General Manager. Palibhasa’y matalino, nanatiling mapagpakum­baba.

Pero ang dati nilang Salutatori­an na si Normita, na laging tinutukson­g “Mitang Talong”, ang mas tumawag ng pansin ng lahat, lalo ako. Marahan at maliwanag ang kanyang mga kataga. Naroon ang diin ngunit wala akong naramdaman­g pait o hinanakit. Higit kong nasisinag ang pagmamalak­ing pilit itinatago.

“Tatlumpu’t tatlong taon na nga mula nang huli tayong magkasama-sama sa iisang okasyon, di ba? Noong graduation natin,” simula ni Normita. “Sa totoo lang, natutuwa ako noon dahil libre na ako sa panunukso at panunudyo ng ilan, pero higit akong nalulungko­t dahil magkakahiw­alay na kami ng aking mga kaibigan. Alam n’yo, pagkatapos ng gabing iyon, kinabukasa­n ay nagtitinda na uli ako ng talong sa palengke, katulong ni Inay. Gusto kong magaral ngunit hindi kaya ng aking mga magulang. Pero, sabi ko sa aking sarili: “Ayaw kong habang buhay ay ganitong talong na

lang aking hahawakan”. Twenty one na ako nang suwertihin­g matanggap na DH sa Hong Kong. Nagkudkod ng libag ng may libag at kumain ng mga salitang hindi kayang lunukin maging ng aso ng amo kong Intsik. Pero pinalad akong makakita ng mabait na among British na nagsama sa akin sa London nang ipasiya ng pamilya na bumalik doon. May nanligaw sa akin doon na diborsiyad­o pero bata pa rin. Ma-edad lang sa akin ng pitong taon. Napakabait niya. Pinag-aral niya ako sa London at nagtulong kami para makapagtay­o ng negosyo sa Maynila, at dito sa ating bayan. To cut the story short, natupad ang

pangarap kong makahawak naman ng ibang talong. Eto, British

eggplant na ang hinihimas ko ngayon.” Nakahawa sa lahat ang halakhak ni Normita. “Pero, classmates, hindi ko sinasabi ito para manumbat, lalo na sa mga nanunukso sa akin noon. Taus-pusong gusto ko kayong pasalamata­n sapagkat kayo ang adrenalin na nagpakulo sa hangarin kong makaahon sa hirap. Kaya nga para manatiling buhay ang bahaging iyon ng aking buhay ay itinayo namin ng aking asawa ang beach resort na ito. Hayan! Mita Long Beach

Resort. Mi-talong Beach Resort. Nandiyan pa rin ang paborito kong talong, di ba?”

Nagtawanan uli samantalan­g ang iba, katulad ko, ay napanganga nang marinig na pag-aari pala ni Mitang Talong ang resort. “Classmates,” pagtatapos ni Normita. “You are all welcome to this place not only today, but any day, for the rest of your life or for as

long as this resort is existing. Darating sa susunod na buwan ang aking husband at imbitado ko uli kayo lahat dito sa Mita Long Beach. Wala kayong dadalhin. Just come.”

May naramdaman akong mainit na gumapang pababa sa aking pisngi. Patay-malisya kong hinawi iyon ng aking mga daliri. Nadala pala ako sa kuwento ni Normita. Nagsasalit­a siya kanina ay naglalaro naman sa aking guniguni ang mga araw na yaon na nagbigay ng sari-saring kulay na kay sarap isiping nakakulapo­l sa kaakuhan ko ngayon…sa kung ano ako ngayon.

Lumaki ako sa isang magulong sulok ng Maynila. Wala akong kapatid at iginapang ng aking mga magulang ang aking pag-aaral sa kabila ng kahirapan. Umaangkat o namimili si Inay ng mga gulayin at naglalako sa mga kapitbahay samantalan­g si Itay ay karpintero. Walang araw na hindi nakababad ang aking mga kamay sa isang batyang tubig na pinaglilin­isan ko ng santambak na luya at kamote. Bumangon din ang alaala ng pag-iigib ko ng tubig ng kapitbahay kapalit ng ilang sentimong pambili ko ng papel sa school; gayundin ang pangungule­kta ko ng kaning-baboy sa mga kapitbahay para ipagbili kay Mang Adong magbababoy. Nasa ikalawang taon ako sa kursong Edukasyon nang tamaan ng ligaw na bala at nasawi si Itay. Pauwi siya noon mula sa trabaho nang maraanan ang isang rambol malapit sa aming barungbaro­ng. Hindi ako pinahinto ni Inay. Kahit hindi maka-full load bawat semester ay nagtiyaga ako. Katulong ako ni Inay sa pag-aayos ng kanyang itinitinda. Wala akong piniling trabaho. Basta kikita ako kahit barya lang, pasok. Nagtinda ako ng sigarilyo sa gitna ng kalye, nakikipagp­atintero sa mga dyip makapag-alok lang ng yosi at bubble gum sa mga driver. Nakasasama lang ng loob na nang magtapos ako’y wala na si Inay. Namatay siya sa pulmonya. Bitbit ang aking diploma, nilisan ko ang aming barungbaro­ng at nakapagtur­o naman ako sa Cavite sa tulong ng isa kong naging kaklase sa kolehiyo. Pagkalipas ng ilang taon ay napadpad ako sa Batangas. Huling taon ko roon nang maging advisory class ko itong klase nina Primo. Umalis ako sa Batangas nang matanggap akong court interprete­r sa isang Municipal Trial Court sa Cavite. Doon ko nakilala ang aming stenograph­er, si Sandra, na siya kong naging maybahay. Dito nga sa kanyang bayan ng Bacolod kami nagpakasal at nanirahan. Dito na rin ako nagtapos ng abogasya.

Napakislot ako nang tawagin ni Primo ang aking pangalan para sa maikli raw mensahe. Tumayo ako at bumati muna sa lahat at nagpasalam­at sa kanilang mainit na pagtanggap sa aming mga gurang nilang teacher.

“Ayaw kong magkuwento ng buhay ko sa inyo sapagkat hindi naman ako kasali sa kuwentuhan­g ‘yan,” wika kong nakangiti. “At siguro ay mawawala ako sa tamang linya kung mangangara­l pa ako sa inyo, sa edad n’yong ‘yan. Basta ipaaalaala ko na lang sa inyo ang mensahe ng tulang “The Bamboo” na binigyang buhay ng marami sa inyo dito ngayon. Di ba ganoon ang kawayan, habang humahaba ay lalong tumutungo sa lupa? Kapag nilingon natin ang nakaraan, ipagmalaki natin bawat kulay na ating mabanaagan, sapagkat tayo ang pintor na nagkulapol ng mga iyon. Ikinararan­gal kong sabihin na ako’y naging bahagi ng inyong buhay, kahit sa maliit na paraan lang.”

Unang kumamay at yumakap sa akin si Mitang Talong.

 ??  ?? “Sa Electric Cooperativ­e po ako ngayon. Di po ba kayo ang adviser namin noong Fourth Year kami at kayo ang tumulong sa akin para makuha ko ‘yong scholarshi­p ng aming electric coop doon?”
“Sa Electric Cooperativ­e po ako ngayon. Di po ba kayo ang adviser namin noong Fourth Year kami at kayo ang tumulong sa akin para makuha ko ‘yong scholarshi­p ng aming electric coop doon?”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines