Liwayway

Retirado Na Si Lolo

- Jing C. Jumaquio

ILANG linggo ko nang napapansin na hindi umaalis si Lolo Pogi sa aming bahay. Siya pa nga ang naghahatid sa akin sa gate tuwing umaga upang isakay ang aking school bag sa service kong tricycle. Nagtataka ako kasi rati ay nagmamadal­i siya tuwing umaga sa paliligo dahil malayo ang pinapasuka­n niyang opisina at ayaw niyang male-late. Pero ngayon ay hindi na nga siya pumapasok. Retirado na rin kaya si Lolo Pogi tulad ni Lola Ganda na matagal na ring maagang nagretiro? Na naging apostolic na rin gaya ng naririnig kong sinasabi ni Lola sa mga kapitbahay namin? Na nang usisain

ko kung ano ang ibig sabihin ng apostolic ay sinabi niya na nag-aalaga ng apo. Isang araw ay hindi ko napigilan na itanong kay lolo kung bakit hindi na siya pumapasok. “Retarded na ang Lolo Pogi mo, Aenon John,” sagot ng matanda. “Ano po, Lolo?” “He he…retired na gaya ng iyong Lola Ganda.” Napangiti ako. Sabi na nga ba, retirado na rin ang aking lolo. “Eh, ano na po ang work n’yo, Lolo?” “Mula ngayon, ako na ang inyong magiging houseboy,” sagot ni Lolo, “tagasaing, tagaluto ng ulam, tagapamale­ngke, tagalaba, tagapamala­ntsa, tagalinis ng bahay…”

“Aba, mas dumami pa po ang trabaho n’yo, Lolo, kesa noong nag-oopisina pa kayo!”

Parehong malakas ang tawa namin ni Lolo.

HINDI ko pinapansin pero nakikita ko na busy si Lolo Pogi sa kanyang mga ginagawa sa harap-bahay. Pagkahatid sa aking bag sa service kong tricycle ay balik na ulit sa kung anong ginagawa niya. Kahapon ay nangunguha siya ng mga basyong lata, plastic at sirang palanggana. Inaalis din niya ang mga tanim ni Lola na ornamental plants sa mga plastic na paso at inililipat sa lupa. May paggagamit­an daw siya sa mga lumang paso. Noong isang araw ay mga basyong sako na nilalagyan niya ng mga tuyong dahon at mga basang basura mula sa aming kusina. Compost bags daw ang tawag doon. Gagawin daw niyang organic fertilizer. Tila may kung anong pinaghahan­daan si Lolo. Ang alam ko ay retired Agricultur­ist si Lolo. Marami siyang alam tungkol sa pag-aalaga ng halaman at mga hayop. Noong nagtatraba­ho pa siya ay tumutulong siya sa mga magsasaka sa aming lalawigan upang magkaroon ng masaganang ani ng palay, mais, gulay at mga prutas. Nagpupunta rin siya sa Laguna

Lake para bisitahin ang mga baklad ng tilapia. Minsan nga ay sumasama ako sa kanya kapag araw ng Sabado. Gusto ko ang sumakay sa bangka at makita ang mga alagaan ng tilapia at bangus. Grade 5 pa lamang ako pero gusto ko ang trabaho ni Lolo.

Isang araw naman ay may katulong si Lolo na gumagawa ng akala ko ay swimming pool. Isa pala itong maliit na pond na alagaan daw ng tilapia. Puwede pala ang tilapia sa harap ng aming bahay! Akala ko ay sa lawa lamang nabubuhay ang mga isda. Nang matapos ang fishpond ay nilagyan na ito ni Lolo ng mga tilapia na hinuli namin sa ilog ng Prinza. Arawaraw ay pinakakain namin ni Lolo ang mga isda. Tilapia

feeds ang ibinibigay ni Lolo para raw mabilis lumaki ang mga ito. Kapag marumi na ang tubig sa pond ay pinapalita­n na ito ni Lolo. Nilagyan din niya ng air pump para raw may tamang supply ng oxygen ang mga isda.

PAGKARAAN ng dalawang linggo ay may taniman na ng mga gulay si Lolo Pogi. Ang mga napulot niyang plastic, palanggana, lata at iba pa ay ginawa niyang paso na taniman ng sili, kangkong, kamatis at iba pang gulay. Nagtanim din siya ng petsay at mustasa sa isang maliit na bakanteng lupa. Hindi magtatagal, ayon sa kanya, ay hindi na sila bibili ng mga gulay na meron sila.

May mga araw na umaalis si Lolo sa aming bahay. Nagpupunta pala siya sa bukid sa kabilang baryo na binili raw nina Lolo mula sa kanilang retirement money. Isang ektarya ito na tinatanima­n ng palay. Binili nila ito para sa retirement days ni Lolo. Mahirap daw na nakatengga lamang siya sa bahay. Kailangan niya ng mapaglilib­angan at pagkakakit­aan pa rin. Naisip ko, kahit pala retirado na ay hindi pa rin tumitigil sa paggawa ang isang tao. Pero sabi ni Lolo ay supervisin­g farmer lang siya. Gusto raw niya na inaabutan ng init sa gitna ng bukid, sa ibabaw ng pilapil, habang nagbibigay ng instructio­ns sa mga inuupahan niyang farm laborers. Sabi pa ni Lolo na kinukulang na nga raw ng farm laborers sa bukid dahil nagtatraba­ho na ang mga tao sa factory. Kung malaki-laki sana ang bukid ni Lolo ay baka bumili na siya ng mga makinarya upang gumawa ng mga gawain sa bukid.

Pero si Lolo ay mas madalas na nasa kanyang garden. Parang pinapanood niya ang unti-unting paglaki at paglago ng kanyang mga tanim at ang paglaki ng kanyang mga alagang tilapia. Minsan ay kinukunan ni Lolo ng pictures ang kanyang mga alaga. Ipo- post daw niya sa kanyang social

media account. Kaya pala may time na busy si Lolo sa kanyang cellphone. Nag-a-upload siguro ng mga pictures. At dahil friend ko naman si Lolo sa Facebook, kaya nakita ko ang kanyang mga pictures. Heto ang ilan sa mga pictures ni Lolo. Kangkong sa mga lumang plastik na paso. Dati ay rose ang nakatanim dito. Puno ng sili sa halip na ornamental plants.

Tilapia sa maliit na fishpond sa harap-bahay namin. At puno ng gabi sa loob ng fishpond. “Ha ha, ang daming likes at shares ng mga pictures,” sabi ko minsan kay Lolo Pogi.

“Oo nga, apo,” nasisiyaha­ng sabi ni Lolo, “may mga nagpapatur­o pa ng pag-aalaga ng mga halaman at tilapia sa kanilang mga maliliit na bakuran.”

Marami kasi sa mga kaibigan ni Lolo ang retirado na rin. Kaya siguro naghahanap din sila ng pagkakaaba­lahan. At marami rin ang kulang sa lupang-taniman kaya interesado sa mga paso ni Lolo na mula sa recycled materials.

ARAW ng Sabado at maraming bisita si Lolo. Lahat sila ay nangakaupo sa mga bangko sa lilim ng punong mangga at tila matamang nakikinig kay Lolo Pogi. Mga kaibigan pala ito ni Lolo mula sa karatig na subdibisyo­n pati na ang ilang kapitbahay nila. At lahat sila ay tinuturuan ni lolo ng city gardening. Marami talaga ang nakagusto ng mga ginagawa ni Lolo sa panahon ng kanyang retirement. Kaysa nga naman maghapong tumunganga o namnamin ang mga sakit ng pagtanda o bumabad sa mga bingo sa mga malls, e mas kapaki-pakinabang ang mga maliliit na proyekto ni Lolo.

Retirado na si Lolo? Opo, sa trabahong pang-opisina. Pero sa trabahong pampalipas-oras ay nagsisimul­a pa lamang siya.

Retirado na ang kanyang lolo sa trabahong pang-opisina. Pero sa trabahong pampalipas­oras ay nagsisimul­a pa lamang ito…

 ??  ?? Pero si Lolo ay mas madalas na nasa kanyang garden. Parang pinapanood niya ang unti-unting paglaki at paglago ng kanyang mga tanim at ang paglaki ng kanyang mga alagang tilapia.
Pero si Lolo ay mas madalas na nasa kanyang garden. Parang pinapanood niya ang unti-unting paglaki at paglago ng kanyang mga tanim at ang paglaki ng kanyang mga alagang tilapia.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines