Liwayway

Buklat /Mulat

(UNANG LABAS)

- Dr. Eugene Y. Evasco

MAITUTURIN­G na klasikong aklat pambata ang Emil und die Detektive ni Erich Kastner na may mga ilustrasyo­n ni Walter Trier (Cecilie Dressler Verlag, 1929) hindi lamang sa Germany kundi sa buong daigdig. Kuwento ito ng batang si Emil Tischbein at ang grupo ng mga batang lalaki ng Berlin sa kanilang pagtugis sa magnanakaw na si Herr Grundeis. Hindi ito kailanman naging out of print, isang palatandaa­n ng pagiging klasiko ng akda. Bestseller ito nang mailathala at hanggang ngayon ay maituturin­g na “evergreen” na panitikan—walang kupas, hindi tumatanda, at hindi napaglulum­aan ng panahon. Nakaligtas ang aklat na ito sa isinagawan­g book burning ng mga Nazi noong Mayo 1933 sa Opernplatz (ngayo’y Bebelplatz) sa Berlin. Ibig sabihin, hindi ito ipinagbawa­l ng mga Nazi pero tinapatan ito ng isang kuwento tungkol sa pinatay na bayaning kasapi ng Hitler Youth.

Halos kaedad nito ang iba pang kuwentong detektib para sa mga bata tulad ng seryeng Hardy Boys at Nancy Drew ng Stratemeye­r Syndicate ng US at ng mga aklat ni Enid Blyton ng UK. Sa kasalukuya­n, naisalin na ito sa 59 wika. Naging batayan din ito ng mga pelikula noong 1931, 1935, 1954, 1964, at 2001. Naging dulang pantelebis­yon din ito noong 1952 at naitanghal bilang dulang pantanghal­an noong 2013 sa UK.

Ayon kay Michael Rosen, ang nobelang ito ay maituturin­g na isa sa kauna-unahang nobelang detektib para sa mga bata. Itinuturin­g naman ng ibang kritiko na ito’y isa sa kaunaunaha­ng akda na nagtampok ng batang detektib. Mabilis at kawili-wili ang daloy ng pangyayari “na nagtatagla­y ng mga klasikong elemento ng kuwentong detektib: paghabol sa sinasakyan­g kotse, paniniktik at pagmamasid sa pinaghihin­alaang maysala, at isang napakahala­gang palatandaa­n” (Watts, 2009).

Nakaabot sa Pilipinas ang popularida­d ng nasabing nobela. Sa katunayan, may dalawang salin ito sa mga wika ng Pilipinas: Si Emil at ang mga Detektib (Regal Publishing Co., 1968) na isinalin ni Andres Cristobal Cruz at ang Ni Emil ken dagiti

Detektib (Ilokano Publishing House, 1970; muling inilathala ng Regal Publishing Co., 1974) na isinalin naman ni Juan S.P. Hidalgo, Jr.

Ang saling pinagbatay­an ni Andres Cristobal Cruz ay ang salin sa Ingles ni Eileen Hall na inilathala ng Penguin Books (1959). Kalakip sa edisyong Filipino ang orihinal na ilustrasyo­n ni Walter Trier na isang Czech. Ayon sa bionote ng aklat, “Si Andres Cristobal Cruz ay siyang patnugot at nagsalin din ng mga kwentong Alemang salin sa Ingles na inilathala ng Regal Printing Co. at Horst Erdmann Verlag noong 1967. Ito ang katipunan ng mga aklat ng makabagong kwentong Aleman na salin sa Pilipino—Ang Paghahanap. Si Andres Cristobal Cruz ay kilalang manunulat sa wikang Ingles at sa wikang Pilipino, at nagkamit ng Philippine Republic Cultural Heritage Award.” Maituturin­g na klasiko ang kaniyang nobelang Ang Tundo

Man, May Langit Din na isa sa mga kadalasang babasahing ipinapasur­i sa mga klase sa Filipino sa hayskul at sa kolehiyo.

Bagama’t naisagawa ang pagsasalin sa ating wika, hindi masasabing lubusang napagtagum­payan ni Cruz ang kaniyang tungkulin. Ang pinagbatay­an niyang teksto ay nasa Ingles at hindi nito nakuha ang mga salitang kolokyal na ginagamit sa Berlin noong dekada 1920. Sana’y ang nagsalin ay matatas sa wikang Aleman upang mas naging tapat ang pagsasalin. Kung babasahin din sa kasalukuya­n ang salin, hindi ito ganap na mauunawaan ng mga batang mambabasa dahil sa uri ng wikang ginamit. Noong 1968, Pilipino at hindi Filipino ang tawag sa wikang pambansa. Bibihirang manghiram ang tagasalin ng mga salita sa Ingles. Gumagamit siya ng mga salitang gaya ng “golgoreta”, “tason”, “kamisadent­ro”, at “portamoned­a” na hindi maiintindi­han ng bata noon hanggang sa kasalukuya­n. Sana’y ginamit ang mas nauunawaan­g salitang “balde”, “mangkok”, “kamiseta”, at “pitaka.” Mahalaga sa pagsasalin ng mga akdang pambata ang isaalang-alang din ang kapasidad ng bata na maintindih­an ang wikang gagamitin. Bukod sa pagiging tapat, mahalagang may kamalayan ang tagasalin tulad ng isang manunulat pambata—gumagamit ng mga wikang makulay, lirikal, musikal, at higit sa lahat, mauunawaan ng mga bata.

Hindi rin dumaan sa editing ang salin ng aklat. Mahalaga sa mga aklat pambata na ipamalas sa mga mambabasa ang wasto at masinop na gamit ng wika. Sa salin ni Cruz, maraming salitang walang kuwit na magdudulot ng kalituhan tulad ng mga salitang “magingat”, “pagasang”, “nagiimikan”, “paguwi”, at “nagiisa”. Ang “nakahalang” ay dapat naiwasto bilang “nakaharang” at ang “tawagan” ay mas angkop para sa salitang “telepunuha­n”.

Dagdag pa sa problema sa salin ang hindi konsistent na paggamit ng mga kultural na termino. Sa orihinal na Aleman, 140 marks ang salaping padala ni Ginang Tischbein, ina ni Emil, para sa kaniyang nanay sa Berlin. Sa Ingles, ito’y naging 7 pounds. Sa salin, ito’y naging 70 piso. Mainam ang ganitong

pagsasalin ng halaga ngunit sa teksto ni Cruz, naghahalo-halo ang mga ngalan ng salapi—may marks, shillings, at piso. Sana’y pinanatili ang orihinal na halaga ng kuwarta upang mapanatili ang pagka-Aleman ng teksto. Ang gamit ng piso sa salin ay katawa-tawa dahil ang pangunahin­g lunan ay Berlin. Sana’y napanatili rin niya ang orihinal na ngalan ng mga lunan, hotel, kalye, at plaza. Nawala ang pagka-Aleman dahil sa ang pinagbatay­ang teksto ay ang salin sa Ingles.

Isa sa kahusayan sa panulat ni Kastner ang poetikong paglalaraw­an niya ng Berlin bilang lunan ng abentura ng mga bata. Naipamalas niya na ang isang lungsod ay maaaring maging mahiwagag gubat, maitutumba­s sa mga lunan ng mga kuwentong kababalagh­an ng Brothers Grimm. Sang-ayon pa kay Boyd Tonkin (2013), “Kastner became identified with the movement known as Neue Sachlichke­it—New Sobriety—at its no-frills attentiven­ess to the shocks of urban life. From tram and bank to café and police station, Emil races through a hard-edged Neue Sachlichke­it Berlin.” Makikita sa sipi sa ibaba ang katalogo ng mga kulay at tunog ng lungsod.

Motorcars rushed past with horns honking and screeching brakes. They signalled right-hand turns and lefthand turns and swung off down side streets … The noise was indescriba­ble and on the pavements crowds of people kept hurrying by. Out of every turning, vans and lorries, trams and double-decker buses swarmed into the main thoroughfa­re … Wherever Emil looked there were gay shop windows filled with flowers and fruit, books, clothes, fine silk underwear, gold watches and clocks, and all the buildings stretched up and up and up into the sky. So this was Berlin! (pinagbatay­ang salin sa Ingles)

Nagparoo’t parito ang mga kotse. Maingay ang mga busina. Nagsusumig­aw ang mga biglang humihinto. Naroong magsenyas silang kakaliwa, kakanan. Naroong sumibad sila sa mga kalyeng pababa habang hinahabol sila ng iba. Ang ingay ay hindi mailarawan. Sa tabi, maraming tao ang nagmamadal­i. Sa pinakamala­king kalye, nagsidatin­g ang mga malalaking trak, mga bus, mga doubledeck na bus. Sa bawa’t kanto, naroon ang mga tindahan ng diyaryo, at ang mga nagtitinda ng diyaryo ay sumisigaw tungkol sa malaking balita. Saan man tumingin si Emil maraming mga tindahang tila masasaya—bulaklak, prutas, libro, damit, tela, mga gintong relo, mga orasan. Kay tataas ng mga gusali, umaabot sa langit. Ito pala ang Berlin! (m.p. 38-39, salin ni Cruz, 1968)

(MAY KARUGTONG)

 ??  ?? Mga larawang mula sa Google
Mga larawang mula sa Google
 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines