Liwayway

Lamang-Tiyan (2)

- Armando T. Javier

(HULING BAHAGI)

HABANG hinihintay si Lily, nilibang ni Boyong ang sarili sa pagsasarbe­y sa isip ng mga paupahang silid sa malapit: mayroon sa tapat lamang ng fastfood restaurant, mayroon din sa gilid nito at mayroon pa rin sa dulo ng Avenida bago dumating ng Recto. Marami silang pagpipilia­n ni Lily, sakaling tulad ni Dina, ay sumama ito. Napangiti si Boyong. Tiningnan niya ang kanyang relos, lumipas pa uli ang kinse minutos. Isang oras at kinse minutos na siyang naghihinta­y. Ano ang nangyari sa babaeng ito?

Bumalik siya sa counter at umorder pa uli ng kape.

Naalala niya nang gabing ihatid niya si Lily sa Tondo at nakawan niya ng halik. Hindi naman pumalag, hindi siya sinita at hindi itinulak. Type rin siguro siya, nagkakaamo­r na sa kanya, o baka dahil wala lang nakakita.

Nangamba pa nga siguro sa kaligtasan niya si Lily kaya sinabi sa kanyang umiba siya ng daan. Notoryus siguro roon ang drayber ng kuliglig, baka nga nangungurs­unada ng mga bagong mukha roon. Mukhang loko nga. Ano nga ang pangalan? Banjo?

Inunti-unti niya ang paginom ng kape. Bibigyan pa niya ng kinse minutos pa si Lily. Kapag hindi pa rin dumating, aalis na lang siya at aariing pinasakay nga lamang siya, saka inindiyan ng matangkad na weytres.

Sayang. Sana’y si Dina na lamang ang niyaya niya. May napasimula­n na sila ni Dina at lumabas sila sa paupahang silid nang kapwa masaya. Nakakahiya lang kay Noel. Huwag sanang madulas ang dila ni Dina.

Natapos ang labinliman­g minuto pang palugit ni Boyong kay Lily. Tumayo siya at lumabas na sa fastfood restaurant. Asar na asar siya. Nasayang lang ang pagod at oras niya. Bitbit ang supot ng energy

drink na binili niya sa Pasay Rotonda, naglakad siya sa gilid

Kung minsan, ikinapapah­amak din ni Boyong ang kahinaan niya sa babae…

ng fastfood restaurant patungong Florentino Torres St.. Balak niyang sa Cantonese restaurant mananghali­an, kumakalam na ang kanyang tiyan—nang marinig niya ang kanyang pangalan. “B-Boyong…!” Nalingunan niya si Lily na humahangos palapit sa kanya, tila lalong tumangkad sa suot na pantalong pitis at de-takong na sapatos.

“Sinilip kita do’n sa meeting place natin, pero wala ka. Buti’t inabot pa kita dito.” “Anong petsa na?” sabi niya, ipinahalat­ang inis siya. “Pasens’ya ka na. Pinaghihig­pitan kasi ako ng uncle ko, inusisang mabuti kung sa’n ako pupunta. Mam’yang hapon pa raw naman ang pasok ko.”

Sinabayan siya ni Lily sa paglalakad. Nakaingos pa rin si Boyong, hindi nililingon ang kasabay. Matangkad sa kanya ng dalawa’t kalahating pulgada si Lily. Five four lang si Boyong, bagsak ang buhok, gupit-Beatles. Bumagay ang bigote niya sa may katabaan niyang katawan.

“Boyong naman…” Kinakalabi­t siya ni Lily pero iniiwas niya ang kanyang braso, tuwid ang kanyang tingin, diretso ang kanyang lakad. Nang makarating siya sa Florentino Torres, sa halip na sa Cantonese restaurant na kinainan nila ni Dina, namataan niya ang restoran-kantinang iyon na may malalaking letrang DELICIOUS sa karatula. Pumasok siya roon, hindi na makahintay na maglakad pa nang malayo. Nagrerebol­usyon na ang kanyang sikmura. Nasa likod pa rin niya si Lily, kasunod niya sa pagpanhik sa makitid na hagdan patungo sa second floor. Inaamo pa rin siya nang tabihan siya sa pagkakaupo.

“Tumatakas lang ako sa opis,” sabi ni Boyong, “alam mo ba ‘yon?”

Pinapayaga­n naman silang mag-under time, huwag lang nilang aabusuhin, basta’t walang nakabiting trabaho.

Nakamata pa rin sa kanya si Lily, naghihinta­y na pansinin niya. Lumapit sa mesa nila ang isang may edad nang weytres at iniabot sa kanya ang menu. Umorder siya nang hindi nag-iisip. “Bihon guisado.” “Dalawa, ser?” Nilingon niya si Lily. “Sige.” “Drinks n’yo, ser?” “Coke na lang.” “Dalawa rin?” Nagpalipat-lipat ang tingin ng weytres sa kanila ni Lily, napapakira­mdaman sigurong nag-aaway sila. Tumango si Boyong. Iniwan sila ng weytres, saka pa lamang niya napagtanto na sa halip na pananghali­an ay pang-meryenda ang inorder niya.

“O, ba’t gusto mong magkita tayo?” angat pa rin ang boses niya, ipinahahal­ata kay Lily na asar pa siya. “Sabi mo kasi, liligawan mo ‘ko…” “O, ano na?” “Seryoso ka ba?” Nakatungha­y ito ngayon sa mukha niya. Kapag ganito na ang tono ng babae, diskumpiya­do na si Boyong. Alisto siya. “Ba’t ganyan ang tanong mo?” “S’yempre. Wala pa naman akong nagiging boyfriend e…” Naalala niya ang sabi ni Dina na si Lily ay virgin pa. Ayaw niyang maniwala. Ayaw ring maniwala ni Noel.

“Nagt’yaga na nga akong maghintay sa ‘yo, itatanong mo pa sa ‘kin kung seryoso ako…?”

Tila lumiwanag ang mukha ni Lliy, napangiti at napahawak sa kanyang braso. “Sori,” sabi uli. “Sori talaga. Hindi na mauulit…” “Kundi lang kita ano…” sabi ni Boyong, sadyang ibinitin ang kanyang sagot. “Ano?” “Wala.” Tuluyang dumikit sa kanya si Lily at humilig sa kanyang balikat. Kumalas lamang nang balikan sila ng weytres, dala ang inorder nilang pansit guisado at Coke. Habang kumakain, napansin ni Lily ang supot na nakapatong sa ibabaw ng mesa. “Ano ‘yan?” “Pamparesis­tens’ya.” Nagkunot-noo si Lily, hindi nakuha ang ibig niyang ipakahulug­an.

Nang matapos silang kumain, tila nakalimuta­n ni Boyong ang hinanakit na pinaghinta­y siya nang mahigit isang oras ng ka-date na weytres. “Sa’n tayo pupunta ngayon?” Nakalabas na sila sa restoran at kainitan pa ng araw. “’Nood tayo’ng sine.” “Ha?” “Me maganda bang palabas?” “Meron.” Nag-jeep sila patungong city hall at sa mal sa likod niyon, nalaman niya ang pelikulang gustong panoorin ni Lily. Bida si Empoy.

“Usap-usapan kasi ro’n sa ‘min. Ako na lang yata’ng hindi pa nakakapano­od…”

Pagbigyan. Punuan nga sa loob lalo na sa pinakadulo­ng upuan sa balcony. Hindi siya makadiskar­te. Tawa nang tawa si Lily sa buong haba ng pelikula at siya’y natatawa naman sa kanyang sarili. Naghanda pa naman siya, bumili ng energy drink, ay sa sinehan lang pala ang bagsak nila. Bago sila lumabas, pinaunlaka­n naman siya ni Lily ng isang halik saka nagpahatid sa kanya sa restoran sa Caloocan.

May araw pa nang maghiwalay sila. Bitbit pa rin niya pauwi sa Tambo, Paranaque ang supot ng energy drink. Ang inuming pamparesis­tensiyang hindi niya nagamit para kay Lily, naisip ni Boyong, ay baka magamit niya mamayang gabi para kay Zeny.

MAY intindihan na sila. Inaasahan ni Boyong na tulad ni Dina, may mangyayari rin sa kanila ni Lily. Tiyempo lang ang kailangan, konting diskarte pa, pasasaan ba’t bibigay rin ang matangkad na weytres.

Regular siyang nag-inom na restoran. Minsan ay kasama si Noel, minsan ay nagsosolo siya.

Ngiting nakakaunaw­a ang ipinupukol sa kanya ni Dina at minsan, hindi nakatiis, nilapitan siya’t pasimpleng sinabihan, “Tinit’yaga mo talaga, ha?” saka nilingon si Lily na nagseserve sa ibang kostumer.

Nagpataas ng kilay si Boyong. “S’yempre, para makatikim ng nilaga!”

Ihahatid niya uli pauwi sa Tondo si Lily at pabalat-bungang niyaya niya si Dina na sumabay na sa kanila. “’Wag na. Baka makaistorb­o lang ako sa inyo…” Iniisip siguro ni Dina na ibibiglang liko niya si Lily. “Sabay ka na, Dins,” ulit ni Lily, “dadaan naman ‘tong taksi sa R. Papa.” “’Wag na, okey lang ako. Sige na.” Nauna nang sumakay sa likurang upuan si Lily. Bago sumunod sa loob, nilingon uli ni Boyong si Dina at kinawayan.

Nang makalayu-layo, dumikit at humilig na sa kanya si Lily, naghikab pa. “Di ka ba hahanapin ng misis mo?” “Sanay na sa ‘kin ‘yon. Nagtataka pa nga ‘yon pag maaga akong umuwi, sasalatin ako ng palad sa leeg at tatanungin kung may lagnat ako…”

“Maloko ka kasi…!” Napapapiki­t na rin si Boyong sa antok. Nakawalong bote siya habang hinihintay na makalabas sa restoran si Lily. Tinitiis niya ang puyat mairaos lamang ang kanyang bisyo. Binulungan niya si Lily. “Kelan mo naman ako patitikimi­n…?” Nandilat. “Pine-pressure mo ba ‘ko?” “Hindi naman. Baka lang gusto mo.” Binelatan siya saka muling sumiksik at sumubsob sa kanyang leeg. Muli nilang naraanan ang ilang nakaparada­ng kuliglig at pedicab patungo sa eskinitang kinaroroon­an ng bahay ng tiyuhin ni Lily. May pagmamadal­i sa lakad ni Lily at nahiwatiga­n niya kung bakit. Naroon na naman sa pila at nakatingin sa kanila ang kabataang lalaking may bigote at nakaloloko­ng ngisi; naka-jersey ngayon at shorts na hanggang tuhod, may cap uli. “Lily, sino ‘yang kasama mo?” sabi nang mapadaan sila sa tapat nito. Sa halip na sumagot, iningusan ni Lily at hinila siya, pinagmadal­ing makalayo roon. “Lily…!” Dire-diretso sila ni Lily, hindi lumilingon. Nagmarahan lang sila nang makapasok na sa eskinita. May bahagyang hingal si Boyong, palinga-linga siya, baka sinundan sila ng drayber ng kuliglig. Pero ang mangilan-ngilang dumaraan, mga residente roon. Naisip ni Boyong na hindi siya makakaisko­r ng halik.

Bahagyang itinulak ni Lily ang pinto ng bahay pero nakasara. Marahan siyang kumatok at ilang minuto ang lumipas bago pinagbuksa­n. Paalis na sana si Boyong, pabalik sa kanilang dinaanan, nang lumuwang ang bukas ng pinto, mabuhay ang ilaw sa loob at sumungaw ang isang malaki, maitim at maskuladon­g lalaking panot pero makapal ang bigote. “Ikaw pala ‘yan, Liliosa.” Nilingon siya ng lalaki. “Me kasama ka?” “S-Si Ser Boyong ho. Isinabay lang ho ako sa pag-uwi…” Yumukod si Boyong, nagmaganda­ng gabi kahit madaling-araw na. “Paalis na rin ho ako, isinabay ko nga lang ho si Lily pauwi.” “Mabuti naman,” sabi ng tiyuhin nito, hindi ngumingiti. Humakbang na paalis si Boyong. “Sige, Lily. Sige ho.” Muling nagpasalam­at sa kanya si Lily at pumasok na sa loob ng bahay. Nang maglingon-likod si Boyong, nakatayo pa rin sa harap ng pinto ang tiyuhin nito at tinatanaw siya.

Sa kalituhan, sa halip na pakanan ay pakaliwa ang tinungo niya. Naisip na lamang niya ang kanyang pagkakamal­i nang makita ang hilera ng mga kuliglig at pedicab. “Boss, sidecar!” Lumingon siya. Nakangisi nga sa kanya ang kuliglig driver na iniiwasan ni Lily. Ano nga ang pangalan nito? Banjo?

Umiling siya at nagpatuloy sa paglalakad pero nilapitan siya at sinabayan ng kabataan pang lalaki. Maasta. Maporma. “Boss, nililigawa­n mo ba si Lily?” “Hindi. Bakit?” sabi niya at nagpatuloy sa paglalakad. Ngumisi na naman. “Akala ko, nililigawa­n mo, e…!” Binayaan siyang makalayo at bumalik na sa pilahan. Walang dumaraang taksi, naglakad pa uli siya palayo roon at saka kinawayan ang natanaw na taksing nagbaba ng pasahero. Nakahinga siya nang maluwag. Sa loob-loob niya, huling pagkakatao­n na iyon na ihahatid niya si Lily sa Tondo.

ILANG araw siyang hindi nagpunta sa restoran, nagpahiyan­g. Kundi pa siya tinawagan ni Noel, ginayak na mag-inom sila roon, parang tinatamad pa siyang magpakita kay Lily. Nauna na roon si Noel. Pangalawan­g bote na nga ang iniinom na beer nang datnan niya. “Kanina ka pa hinahanap sa ‘kin ni Lily, pare, muk’ang nami-miss ka. Kayo na ba?” “Ewan ko sa kanya.” Nilingon nito si Dina, na lumapit sa kanila. Wala sa paningin niya si Lily, baka nasa CR o nasa kusina. Iniorder siya ng beer ni Noel at umorder na rin ng tokwa’t baboy.

“Bati na kami nito, pare,” tila nagmamalak­ing sabi sa kanya habang hawak sa kamay si Dina. Nilingon niya si Dina na napangiti. “Anong ginawa mo?” tanong niya kay Noel nang makaalis ang weytres. “Ibinili ko ng sapatos. Panghilot. Nagsabi na ‘ko na ihahatid ko s’ya mam’ya. Pumayag.” “Alalay lang ang inom, baka wala kang ibuga!” Bumalik si Dina sa mesa nila dala ang beer at pulutan, kasunod na nito si Lily na

malayo pa’y nakangiti na. “Hi,” malambing na sabi, pumatong ang isang kamay sa balikat niya. Ginanting-bati niya si Lily. “Magtatagal ba kayo?” Napakiramd­aman ni Boyong na may gustong sabihin sa kanya si Lily. “Baka. Hihintayin daw ni Pareng Noel si Dina.” “Di hintayin mo na rin ako.” Nilingon niya si Noel. Tumango si Noel. “Sige. Kung gusto mo…” “Sige, mam’ya…” At masigla itong bumalik sa counter.

“Obvious, pare, kayo na nga!” Binayaan niyang maintriga si Noel. Pinauna nilang makasakay ng taksi sina Noel at Dina. May bitbit ngang plastic bag si Dina, ang kahon siguro nang bagong biling sapatos.

“Muk’ang sus’wertihin si Noel ngayong gabi,” naibulong niya kay Lily. “Nainggit ka naman?” Sa totoo’y ayaw niyang ihatid si Lily sa Tondo. Baka makatagpo na naman niya ang kuliglig driver na tila gusto siyang kursunadah­in, mahirap na. Binusinaha­n sila ng isang paparating na taksi. “Gusto mo na bang umuwi?” “B-Boyong, ayokong umuwi…” “Anong ayaw mo? Magmamadal­ing araw na…” Hindi pa rin tumitinag sa pagkakatay­o si Lily. “Nag-away kasi kami ng uncle ko. Napagalita­n ako.” “Ano naman ang pinag-awayan n’yo?” Mukhang loko nga, mukhang ex-convict ang tiyuhin nito at mukhang mabigat din ang kamay. Baka sinaktan si Lily kaya ayaw umuwi. “Basta, ayokong umuwi!” Nag-aasal-bata na naman ang matangkad na weytres. “Sasama ka sa ‘kin?” “O-Oo.” Nilapitan nila ang humimpil na taksi. Nakaupo sa gilid ng kama si Lily nang lumabas siya mula sa paliligo, nakatapi na lamang ng tuwalya sa katawan, nakatungo at pinagmamas­dan ang mga kuko. Inilapag ni Boyong ang hinubad niyang mga damit sa silya at tinabihan sa pagkakaupo si Lily. “O, ba’t ganyan ang mukha mo? Me problema ba?” “Boyong, seryoso ka ba talaga sa ‘kin?” “Nasagot ko na dati ‘yan. Hindi ka pa ba kontento sa sagot ko?”

Nagbawi ng tingin si Lily, muling tumungo at muling kinutkot ang mga kuko sa daliri, panay ang buntunghin­inga at mailap ang mata. Nakahiwati­g si Boyong. “Umamin ka nga sa ‘kin, buntis ka ba?” Napatuwid si Lily, nandilat ang mga mata nang lingunin siya. “Ano? Tinatanong kita. Buntis ka ba?” Sa halip na sumagot, isinubsob ni Lily ang mukha sa magkabilan­g palad at umiyak. Napailing si Boyong. Para siyang nawalan nang gana. Matagal silang hindi nagkibuan ni Lily. Kaya pala sarap na sarap ito sa pagpangos sa bigay na mangga ni Noel. At nakuha pa ni Dinang sabihin na virgin pa ang kasamahan? “Ilang buwan na ba ‘yan?” “M-Mahigit two months na…” “—At sino naman ang nakaano sa ‘yo?” Nilingon uli siya ni Lily, isinubsob uli ang mukha sa magkabilan­g palad, umiyak uli. “S-Si Banjo…” “’Yung drayber ng kuliglig?” “Oo.” Kaya pala mainit sa kanya at gusto siyang kursunadah­in. “Sabi mo wala ka pang nagiging boyfriend ?” “Wala pa naman talaga. Hindi ko naman s’ya boyfriend.” “E, ba’t nagpaano ka?” “Di ko naman ginusto ‘to. Nayaya lang ako ng isa kong barkada sa bertdeyan. Bisita rin do’n sina Banjo at ‘yung barkada n’yang magsyota. Nag-iinuman na sila nang datnan namin, tinagayan kaming magkaibiga­n. Nang maubos ang iniinom namin, nagyaya ‘yung barkada n’yang do’n na lang daw ituloy sa bahay nila. Sakay kami ng kuliglig ni Banjo, pero ‘yung kaibigan ko, nagsuka sa daan, nagpaiwan na. Magpapaiwa­n na rin sana ‘ko, pero kinant’yawan ako ni Banjo at no’ng kasama n’ya: ‘Di na nga sumama si Esang, pati ba naman ikaw?’ Kahiyaan na. Nakarating kami sa bahay nina Kulot, ng tropa n’ya, at doon itinuloy ang inuman. Unti-unti lang naman ang inom ko, ayokong malasing. Maya-maya, iniwan kami ni Kulot at no’ng syota n’ya. Pumasok sila sa k’warto, nag-lock ng pinto.

“Gusto ko nang umuwi. Maaga pa raw naman, sabi ni Banjo, ihahatid daw naman ako. Nag-CR ako. Pagbalik ko sa salas, ininom ko ‘yung naiwan kong baso ng alak. Sabi ko kay Banjo, pagkatapos no’n, ihatid na n’ya ‘ko. Pumayag. Pero saglit lang, nahilo ako, di ko alam kung bakit. Siguro me inilagay s’ya sa baso ko habang nasa CR ako. Nahimasmas­an ako na nakahiga na sa kama, hubad. Hubad-baro rin si Banjo, naka-underwear na lang, naninigari­lyo habang nakaupo. Inihatid n’ya ‘ko pauwi sa ‘min. Gusto kong kalimutan na lang sana’ng lahat, kaso, nabuo. Napaamin ako ng tiyuhin ko. Pinuntahan n’ya si Banjo, kinausap. Handa raw naman si Banjo na pakisamaha­n ako. Takot s’ya sa tiyuhin ko. Minsan na kasing nakulong si Uncle dahil sa frustrated homicide, nakasaksak.” “’Yon naman pala, ba’t di mo pakisamaha­n?” “Ayoko nga sa kanya, hindi ko naman s’ya boyfriend. ‘Tsaka, marami s’yang bisyo, adik pa, isnatser pa raw at laging me trobol. Ano’ng magiging kinabukasa­n ko—at nang magiging anak ko—sa kanya?” Matagal ang namagitang katahimika­n sa pagitan nila. Tumayo si Lily, nagbalik sa banyo at nang muling lumabas ay nahiga na sa kama, nagkumot bago tuluyang inalis ang taping tuwalya sa katawan. Hindi pa rin tumitinag si Boyong sa pagkakaupo sa gilid ng kama. Tumatakbo ang oras nila. Mahigit dalawang oras pa ang itatagal nila sa silid. “Halika na, Boyong.” Nilingon niya ang weytres, na ang nakataping puting kumot ay humahakab sa hubad nitong katawan. “’Lika na,” ulit ni Lily. Nagpakawal­a si Boyong ng isang mahabang buntunghin­inga, saka sumampa sa kama at niyakap si Lily. “P-Patayin mo muna’ng ilaw, nahihiya ako e…” “’Wag na. Gusto kong makita…” Sinelyuhan niya ng halik ang tangkang pagtutol ni Lily. Sa paghupa ng alab, nakasiksik pa rin sa kanya si Lily, nakayakap ang kaliwang kamay sa kanyang tagiliran, halik nang halik sa kanyang pisngi.

“Buti na lang nakilala kita, Boyong, kung hindi, ewan ko kung sa’n ako pupulutin.”

Nakapatong ang kanang braso ni Boyong sa kanyang noo, nakatitig sa kisame. Bahagya nang rumehistro sa kanyang isip ang sinabi ni Lily. Ang weytres, na hindi naman niya masyadong type at pinatutung­kulan nila ni Noel ng birong ‘lamang-tiyan’, ay literal palang may laman ang tiyan.

“Thank you, Boyong,” patuloy ang paghalik sa kanyang pisngi ni Lily, parang hindi pa tapos ang paglilihi, “’ambait-bait mo talaga…” Kinabig siya at niyakap nang mahigpit, animo’y hindi bibitiw.

Namalaging nakatingin si Boyong sa kisame.

 ??  ?? Inilapag ni Boyong ang hinubad niyang mga damit sa silya at tinabihan si Lily. “O ba’t ganyan ang mukha mo? Me problema ka ba?”
Inilapag ni Boyong ang hinubad niyang mga damit sa silya at tinabihan si Lily. “O ba’t ganyan ang mukha mo? Me problema ka ba?”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines