Agrikultura
NOONG nakausap namin si Simon N. Groot, ang nagpundar ng East-West Seed, inihayag niya na nahirapan silang makumbinse ang mga magsasaka upang magtanim sila ng mga hybrid na binhi. Pagkatapos ng sampung taon mula ng naitayo ang East-West Seed, umaabot pa lamang sa 20 porsiyento ng mga magsasakang gustong magtanim ng mga hybrid na binhi. Taong 1992 noon, ayon kay Groot.
Sabagay, naiintindihan niya. Mas mahal ang mga binhing hybrid at mahirap kumbinsihin ang isang taong kulang ang pambili sa mamahaling pananim. Wala kasi silang pruweba at mahirap nang magkamali. Bilang konsuwelo sa kanya, ganoon din daw ang nangyari sa Iowa sa Estados Unidos. Ang Iowa ay isa sa pinakamalaking taniman ng mais sa Amerika, at ayon kay Groot, saka lang 100 porsiyento ang nagtatanim ng hybrid corn sa Iowa pagtapos ng 18 taon.
Sa ngayon, tuwang-tuwa si Groot sapagkat napakarami na ang mga Filipinong kumbinsido na malaki talaga ang pakinabang sa mga makabagong binhi. Ang isa rito ay si Renato C. Rabanera ng Alaminos City. Siya ang tinatawag na Watermelon King ng Pangasinan sapagkat siya ang maituturing na isa sa pinakamatagumpay sa pagtatanim ng pakwan.
Noong nakaraang taon, umani siya ng 120 toneladang pakwan na naibenta niya sa halagang P15 kada kilo. Kaya P1.8 milyon ang kanyang pinagbentahan. Noong araw, palay at konting pakwan lamang ang kanyang itinatanim. Pero noong nakita niya na maganda palang pagkakitaan
ang pakwan, nagtanim na siya ng mas malawak. Bumili siya ng karagdagang lupain, gamit ang kanyang pinagbentahan kaya mayroon na siya ngayong 5 ektaryang lupain.
Para mabilis ang paghahanda sa kanyang taniman, bumili siya ng isang Kubota traktor. Ang makina ay hindi lamang ginagamit sa pag-araro kundi pati sa paghakot ng inani niya sa bukid. Nakabili rin siya ng isang trak na pandeliber ng kanyang pambenta.
Paborito ni Renato ang Sugar Ball na barayti ng pakwan sapagkat malalaki ang bunga at matibay sa sakit. Marami nang natutuhang makabagong paraan sa kanyang pagsasaka na itinuro ng mga teknisyan ng East-West at iba pang kompanya ng mga binhi. Kasama rito ang paggamit ng drip irrigation para matipid sa tubig at maginhawa ring gamitin. Gumagamit na siya ng plastic mulch o iyong itim na plastik bilang pangkilib sa mga pananim para mapigilan ang pagtubo ng damo at mapanatili ang basa sa lupa. Gumagamit na rin siya ng plastik
tray na pagpupunlaan ng mga buto.
ANG MAGKAKAMATIS SA IFUGAO – Isa ring nakikinabang sa mga makabagong barayti ng East-West si Jonie Lindawan, 36 anyos, na nagtatanim ng Diamante Max na kamatis sa Tinoc, Ifugao.
Bulubundukin ang tinatamnan ni Jonie. May lawak na 2,500 metro kuwadrado ang sarili niyang lupa at umuupa rin ng 2,500 metro kuwadrado. Malakas mamunga ang Diamante Max na barayti ng East-West. Biryin ninyo, kada linggo, nakapipitas si Jonie ng 4,600 na kilo sa kanyang tanim sa kalahating ektarya.
Ang kaso lang, napakamura ang bili sa kanya ang kanyang pinipitas. Umaabot lamang daw sa P6 hanggang P8 bawat kilo. Dinadala niya ito sa Trading Post sa Bambang, Nueva Vizcaya. Malaki rin ang ibinabayad niya sa pagdadala sa pamilihan.
Ganoon pa man, maski mura ang kanyang benta, hindi pa rin siya lugi maski papano. Ito ay dahil malakas mamunga ang Diamante Max. Ayon sa kanya, umaabot sa 9 hanggang 10 beses niya napagpipitasan ang kanyang tanim bago mamatay ang mga puno.
Bukod sa malakas mamunga ang Diamante Max, paborito ito ni Jonie sapagkat maaaring itanim ito sa panahon ng tag-araw at sa panahon ng tag-ulan.
Siyempre, masayang-masaya ngayon si Simon N. Groot sapagkat nakikita na niya na marami na talaga ang mga nakikinabang sa mga binhing gawa ng kanyang kompanya. Sa Katunayan, laganap na ang mga barayti ng East-West sa ibang bansa kagaya ng India, Sri Langka, Myanmar, Pakistan, Vietnam, Africa at pati sa Mexico at iba pang bansa sa Katimugang Amerika.