Liwayway

Si Bebot At Si Kelly

- Armando T. Javier

PILYO talaga! naisaloob ni Kelly sa kasamahang si Bebot. Bagong pasok siya bilang sales staff sa tindahang iyon na nagbebenta ng mga segundaman­ong libro at magasin at mga bago namang school supplies at si Bebot, ang ka-team niya, ay dalawang taon ang seniority sa kanya. Ipinakilal­a sa kanya ng may-ari ng prangkisa, si Ma’m Maita. “Bebot, ikaw na’ng bahala sa kanya. Turuan mo s’ya.” “Yes, ma’m…!”

Nginitian siya ni Bebot, kumindat pa. Matangkad na lalaki si Bebot, kulot ang buhok, moreno, mga beinte sais anyos. Nakaunipor­me na rin siya ng polong kulay-asul, tulad nito, at nahuli niya kung saan ito nakatingin—sa tapat ng kanyang dibdib. Sumimangot siya.

Tumimo sa isip ni Kelly ang unang impresyon sa kanyang ka-trabaho.

Malimit na sila lamang dalawa ang nasa bookstore. Alasotso ang pasok nila dahil karaniwang alas-nuwebe nagbubukas ang shopping center. Palibhasa’y probationa­ry pa, maaga siyang pumapasok; kasunod na niya si Bebot. Kung may mga bagong deliber na libro, isasalansa­n nila, lilikumin ang mga librong ipu-pull-out na, mamarkahan at saka bibigkisin.

Tumatagal, napapansin niya, na masayahing tao naman pala si Bebot. Pilyo nga lang.

Sa tanghalian, na siya’y lumalabas pa sa puwesto upang kumain sa food section ng shoping center, si Bebot ay sa stock

room nananangha­lian, may sariling baon. “Kung nagbabaon ka na rin lang, di nakakatipi­d ka pa?” sabi nito sa kanya. May pagkakurip­ot din pala. “—Makakapag-share pa tayo sa ulam mo at sa ulam ko…” Sakay ng jeep pauwi, naisip niyang may katwiran ang kasamahan. Saan nga ba susuot ang suweldo niyang mataas lang nang kaunti sa minimum, tumutulong pa siya sa gastusin at pagbabayad ng kuryente sa bahay, pamasahe pa arawaraw?

Kinabukasa­n, sa oras ng pananghali­an, nagulat si Bebot na siya’y kasunod nito sa stock room. “O…?” “Me baon din ako,” sabi niya. Ipinatong din niya ang kanyang baunan sa ibabaw ng dalawang kahong pinagpaton­g ni Bebot para magsilbing patungan. “Ano’ng ulam mo?” Ngumisi. “’Yung paborito n’yong mga chika beybs…” at unti-unti nitong inangat ang takip ng baunan. “Tsaran…!”

Tumambad sa kanya ang dalawang piraso ng jumbo

hotdog at isang pirasong pritong itlog. Ibig niyang matawa. Ano ito almusal? “Ikaw? Ano’ng baon mo?” “Prito.” “Pritong ano…?” “Pla-pla.” Malapad, maalsang pla-pla na tila malutong ang pagkakapri­to. “Waw, tayp!” Tinampal niya nang mahina sa braso si Bebot. Tininidor nito ang isa sa dalawang jumbo hotdog at inilipat sa baunan niya.

“O, ‘wag ka nang mahiya,” sabi, saka tumusok ng laman sa baon niyang ulam. “Patikim naman ng tilapya mo.” Diretso sa bibig. “Sarap!” Pinamulaha­n siya ng mukha. Naging regular silang magkasalo ni Bebot sa pananghali­an. Unti-unti na rin siyang nasanay sa ugali nito, sa mga berdeng biro na ikinaba-blush niya.

“Wala ka pa sigurong nagiging syota, ‘no?” minsan ay tanong sa kanya ni Bebot. “Meron na, ‘no!” “Ilan?” “Isa lang.” “Matagal ba kayo?” “Seven months.”

“Ba’t ‘andali naman?” “Ayaw nila sa bahay—babaero raw…” Natawa si Bebot. “Sa panahon ngayon, pag di babaero’ng lalaki, malamang beki!”

“Hindi rin…”

Isang hapon, nakatoka sa kaha si Bebot, bigla’y umalis ito sa counter, nilapitan siya na noon ay nag-aayos ng salansan ng mga libro.

“Kels, do’n ka muna sa kaha. Pag me naghanap sa ‘king babae, wala ‘kamo ‘ko. Katukin mo na lang ako sa stock

room pag nakaalis na.” “Ha? Bakit?” Pero hindi na siya nasagot ni Bebot, pumasok na sa stock

room at nag-lock ng pinto. Naayos ang salansan ng mga libro, pumuwesto siya sa kaha. Hindi pa nga siya katagalang nakakaupo roon, isang babaeng katamtaman ang taas, nakukulaya­n ng light brown ang buhok, medyo chubby, ang lumapit sa kanya at nagtanong. “’And’yan ba si Bebot?” Pinagmasda­n niya ang babaeng mukhang mataray, naalala ang bilin sa kanya ng kasamahan. “Wala s’ya.” “Hindi pumasok?” “Nagpunta sa main office sa Quezon City.” Napaismid ang babae. “Pinagtatag­uan na yata ako ng lokong ‘yon, a?” sabing tila kinakausap ang sarili. “P’wede ba, pagbalik n’ya, pakisabing galing dito si Cynthia.” “Sige.” May dabog na lumabas sa bookstore ang babae at nang matanaw niyang tuluyang lumabas sa shopping center, saka pa lamang niya kinatok sa stock room si Bebot. “Umalis na?” “Oo, muk’ang galit. Sino ba ‘yon?” “Ex ko.” “Ba’t parang galit sa ‘yo? Ba’t parang hinahantin­g ka?”

“Dyontis kasi. Ako’ng itinuturon­g ama.”

“Hindi ba?” Nagkibit-balikat. “Malamang hindi. Makati pa sa gabing Bicol ang babaeng ‘yon…!”

Bumalik si Bebot sa puwesto nito sa kaha at nagbalik siya sa pag-aayos naman sa salansan ng mga magasin. Pinapagisi­p siya ng sinabi ni Bebot.

ILANG beses pang nagpabalik-balik sa second hand bookstore si Cynthia at halos maubusan na nang maidadahil­an si Kelly sa pagkakaila sa kasamahan.

“Sabihin mo sa magaling na lalaking ‘yan, magaling lang s’yang mambuntis, hindi naman n’ya kayang panindigan!”

Sa stock room, sa tanghalian, parang hindi naman apektado si Bebot. Cool na cool. Pangiti-ngiti lang.

“Magsasawa rin ‘yan. Alam naman n’ya ang totoo. Siguro, ayaw s’yang suportahan no’ng talagang naka-dyontis sa kanya…kaya ako’ng nagpagdidi­skitahan.” “Baka naman sa ‘yo talaga?” “Bomalabs ‘yon. Wala na kami no’ng madyontis s’ya. Kung totoong dal’wang buwan nang mahigit ang t’yan n’ya.” “Sino’ng suspetsa mo?” “Malamang ‘yung boss n’ya. Bookkeeper s’ya sa sanglaan at ‘yung amo n’yang lalaki, si Mr. Ecama, e nililigawa­n s’ya. Panay nga’ng regalo sa kanya ng alahas na rematado na.”

“Sa palagay mo, ba’t di n’ya ro’n ipasalo’ng dinadala n’ya?”

“Bomalabs. Parang tatay na n’ya si Mr. Ecama, mataray at masungit pa’ng misis.”

Ilang araw mang hindi nagpakita sa bookstore si Cynthia, dinaan naman nito sa text at tawag ang pangunguli­t kay Bebot.

Tumimo sa isip ni Kelly ang unang impresyon sa kanyang ka-trabaho…

“Ba’t di mo sagutin?” sabi niya rito na habang nananangha­lian sila ay panay ang tunog ng cellphone.

“Si Cynthia lang ‘yan. Bayaan mong mainip!” Umaasta man si Bebot na wala lang, hindi apektado ng problema kay Cynthia, minsan ay napapansin niyang tahimik ito, malalim at tila lumilipad ang isip. Naaawa rin siya.

Isang gabing labasan, heto’t kasabay niya hanggang sa sakayan ng jeep. Nakapila siya at nakatayo ito sa tabi niya. “Sa bookstore pa lang tahimik ka na, bakit ba?” “Kinompront­a kasi ako ni Cynthia…” “Na naman?” Tumango. “Inabangan n’ya ‘ko do’n sa boarding house, di na ‘ko nakaatras nang makita ko s’ya.” “At…?” “Inaway na naman ako, binantaan pa. Ipagugulpi n’ya raw ako sa pinsan n’ya at sa mga tropa nito ‘pag di ko s’ya pinakisama­han.” “Gusto lang naman pala’ng pakisamaha­n mo s’ya…?” “’Yon nga, bistado ko na’ng ugali n’ya. Makakatiis ba ‘kong makisama sa isang taong kinaiinisa­n ko?” Samantala’y umaabante na ang pila. “Sino ba’ng kasama mo sa bahay?” tanong ni Bebot. “Tatay ko lang ‘tsaka dal’wang kapatid. Bakit?” “P-P’wede bang magpalipas muna ‘ko ng oras sa inyo? Baka kasi inaabangan na naman ako ni Bruha sa boarding house.”

“Sige. Tena.” Magkasunod silang sumampa sa jeep. Ama na lamang ang kasamang magulang ni Kelly sa bahay. Apat na taon nang biyudo si Mang Asiong mula nang maaksident­e sa Middle East si Aling Ising. Nasiraan daw ng bait, tumalon sa tinitirhan­g condo ng amo, nasa kabaong na nang iuwi. Dinamdam ni Mang Asiong ang pagkamatay ng asawa, lumala ang pagiging lasenggo kaya’t tinatanggi­han na ng mga operator na palabasin ng jeep.

Nag-iinom nga sa labas ng bahay ang ama ni Kelly nang datnan nila. Nagmano si Kelly sa ama, pero ang tingin nito ay nasa kanyang kasama. “Si Bebot ho, kasama ko sa trabaho.”

“Good evening ho, ‘Tay…” “Gud ibning din. Umiinom ka ba?” Nilingon siya ni Bebot. Ibig ni Kelly na sawayin ito sa tingin pero naunahan na siya ng ama.

“Ikuha mo nga ng baso ‘tong kasama mo’t nang magkak’wentuhan kami…”

Iniwan niya si Bebot, na pinatabi ni Mang Asiong sa inuupuang bangko, pumasok sa bahay at kumuha ng baso. Inabot ni Bebot, sinalinan ni Mang Asiong ng iniinom nitong rhum, nilagyan ng yelo’t kaunting tubig. Nakipag

toast ang ama ni Kelly. Gumuhit sa lalamunan ni Bebot ang alak, pinamulaha­n ito ng mukha. Sinupil ni Kelly ang matawa.

“’Tay, ‘wag n’yo s’yang lasingin. Me pasok pa kami bukas.”

“Ano bang lasingin? Nagpapakon­disyon lang kami, di ba, bata?” “O-Oho.” Iniwan ni Kelly ang dalawa, pumakusina at naghanap ng maibibigay na pulutan kina Mang Asiong at Bebot. May corned beef pa sa eskaparate, iginisa niya sa bawang at sibuyas saka lumabas uli dala ang dalawang kutsara at inilapag sa ibabaw ng mesitang pinag-iinuman ng ama at ni Bebot.

Nanonood ng telebisyon ang dalawa niyang kapatid na kapwa nasa elementary­a habang may isinusulat din sa kuwaderno. Mandi’y tinuturuan ni Kitkat, ang matanda sa dalawa, ang bunsong si Rokrok. “Kumain na ba kayo?” “Tapos na kami, ‘te,” sabi ni Kitkat, nag-angat ng tingin, saka ngumiti. “Sino ‘yung kasama mo, boypren mo?” “Hindi, kasamahan ko sa bookstore.” Sa mesa, may natira pa ngang menudo na natatakpan ng plato. Gutom na nga rin siya, nakakahiya lamang na kumain nang hindi inaalok si Bebot. Masamang may nakakainum­an ang kanyang ama, imbes na maagang makatapos ito at matulog na, baka mapasarap ay magpabili pa ng alak. Nilabas niya ang dalawa. “’Tay, p’wede bang hiramin ko muna si Bebot? Maghahapun­an lang kami.”

“Ay, oo nga naman pala! Sige, iho, kumain muna kayo. Pagod nga pala kayo sa trabaho. Ako nama’y nagpapaant­ok lang…”

Niyaya ni Kelly sa tingin si Bebot, tumayo at nagpasinta­bi kay Mang Asiong.

“Nakakahiya naman yata, nakasahog pa ‘ko sa hapunan n’yo…” “Kumain na sila, itinira lamang ang para sa ‘kin.” Nagsandok siya ng kanin at inilapag sa mesa ang mga plato nila. Mahigit pa sa kalahati ang natirang menudo sa mangkok. “Kasya na siguro sa ‘tin ‘to….” “Oo naman,” sabi ni Bebot. “Pabili tayo ng softdrinks.” Dumukot ito ng isandaang piso. Inutusan ni Kelly si Kitkat na manindahan. Tumalima. Inalok ni Bebot ng softdrinks ang magkapatid, na nagsalin sa tig-isang baso. Ang sukli’y ibinigay na ni Bebot kay Kitkat.

“Okey naman pala kayo rito,” sabi ni Bebot, “parang masaya kayo…” “Kami-kami na lang kasi, di pa ba kami magkakasun­do?” “A-Ang mother mo?” Ikinuwento ni Kelly ang masaklap na sinapit ng ina sa pagtatraba­ho sa Gitnang Silangan.

Binalikan ni Bebot si Mang Asiong matapos kumain. Naibuwal nila ang iniinom nitong lapad at nang magprisint­ang magpabili pa si Bebot, sinaway nito.

“’Wag na, iho, solb na ‘ko. Makakatulo­g na ‘ko nito…” Ngumiti. “Okey ka. Kahit anong oras na gusto mong pumunta rito, welkam ka sa ‘min…”

Lumingon sa kanya si Bebot. Noo’y nakasandal siya sa hamba ng pinto at nakikiusyo­so sa pag-iinom ng kaibigan at ng ama. Ngumiti si Bebot at kinindatan siya. Iniwan sila ni Mang Asiong, matutulog na. “Koboy pala’ng tatay mo,” sabi ni Bebot nang tabihan niya sa pagkakaupo sa bangko.

“Hindi lagi. Me oras din na masungit ‘yon, namimili ng kausap. Siguro, nahuli mo’ng kiliti.” “Siguro nga!” Panay ang tingin ni Bebot sa relos nito. Nakahalata siya. “Baka nag-aabang pa sa ‘yo si Cynthia?” “Oo nga. Eskandalos­a pa naman ang bruhang ‘yon! Pag di n’ya ‘ko nilubayan, didiretsah­in ko na s’ya, magkaalama­n na kami!” Pasado alas-nuwebe, nagpaalam si Bebot. “Uuwi ka na?” “Bahala na. Kita tayo uli sa bookstore.” “Sige. Ingat.” Pinisil ni Bebot ang palad niya bago umalis.

HINDI nagkabula ang sapantaha ni Bebot na determinad­o

nga si Cynthia na eskandaluh­in siya. Natiyempuh­an siya sa bookstore isang araw, kung kailan narito si Ma’m Maita. Sa may-ari nakapagtan­ong at bago pa makapagkai­la si Kelly, na noon ay nag-ayos ng mga bagong dating na libro, tinawag na ni Ma’m Maita si Bebot sa stock room. “Me bisita ka. Kostumer mo yata.” Lumabas si Bebot para sinuhin. Huli na. Nakita na siya si Cynthia. Pasugod na lumapit sa kanya, dinuro siya.

“Nat’yempuhan din kita. Akala mo ‘y habampanah­on mo ‘kong maiiwasan, bruho ka! Ano’ng balak mo ngayon sa ‘kin, pagtaguan? Pa’no ‘tong ipinagbubu­ntis ko, gano’n na lang? Matapos mo ‘kong pagsawaan, iiwan mo na lang ako?” Nagpalipat-lipat kay Bebot at kay Cynthia ang tingin ni Ma’m Maita. Hininaan ni Bebot ang boses. “Cynthia, ‘wag kang mag-eskandalo dito. Nakakahiya sa boss ko…” “Ngayon, nahihiya ka? No’ng buntisin mo ‘ko, sarap na sarap ka!” Napapaling­on na rin sa loob ng bookstore ang mga napaparaan sa tapat ng puwesto.

“Pag-usapan n’yo ‘to, ‘wag kayong mag-eskandalo dito. Malas ‘yan sa negosyo,” sabi ni Ma’m Maita.

Binatak ni Bebot si Cynthia at isinama sa stock room. Nagtagal doon ang dalawa nang mga ilang minuto, saka nagdadabog at umiiyak na patakbong lumabas ng bookstore si Cynthia. At si Bebot, sinuspendi ng may-ari nang tatlong araw. Dinatnan na niya kinabukasa­n nang gabi sa kanilang bahay si Bebot, kainuman ng kanyang ama.

“O ‘ayan na pala’ng hinihintay mo,” sabi ni Mang Asiong nang makitang palapit na siya. Tumayo si Bebot at nagmaganda­ng gabi sa kanya. “Kanina ka pa?” “Medyo.” Napangalah­ati na nga ang bote ng lapad. Nagtuloy siya sa loob ng bahay. Naghuhubad ng sapatos, nalingunan niya ang malaking kahon ng pizza sa ibabaw ng mesang kainan. Nagtsinela­s siya, nilapitan ang mesa at iniangat ang takip ng kahon. May bawas na ang meat lover’s pizza. Kumuha siya ng isang slice at binalikan sina Bebot at Mang Asiong sa labas. “Dala mo ‘to?” “Oo,” sabi ni Bebot. “Pambawi sa paghahapun­an ko dito no’ng isang gabi.” “Masarap s’ya…” Nagpalipat-lipat sa kanila ang tingin ni Mang Asiong. “Baka me pag-uusapan kayong dalawa. Sige na, iho, pumasok ka na sa loob.” Yumukod si Bebot at sumunod kay Kelly sa salas. Nasa silid ang dalawa niyang kapatid, doon siguro nag-aaral. Tinabihan siya ni Bebot sa pagkakaupo sa lumang sopa. “Kumusta’ng bakasyon?” tanong niya, ibig magbiro. Nagkibit-balikat si Bebot. “Okey lang. Naiintindi­han ko naman si Ma’m. Naeskandal­o ang p’westo n’ya. Nakakahiya talaga’ng ginawa ni Cynthia.”

“Di mo s’ya masisisi, desperada na kasi. Baka nape-pressure sa pamilya. A-Ano’ng napag-usapan n’yo?”

“Hinamon ko s’ya. Sabi ko, kung talagang akin ang ipinagbubu­ntis n’ya, aakuin ko, basta mag-match sa ‘kin ang DNA kapag isinilang na ang bata. Nasorpresa s’ya, pinanlakih­an nga ng mata. Tapos, napahagulg­ol na, iniwan ako sa stock room.” “Hindi nga siguro ikaw ang ama.” “Sinabi ko na sa ‘yo, di ba?” “Para ka palang nabunutan ng tinik?” “Mismo!” Napasukan sila ni Mang Asiong na nag-uusap sa salas. Nginitian nito si Bebot, tinapik pa sa balikat. “Ikaw na’ng bahala sa kanya, Kelly.” “Oho, ‘Tay.” At pumasok na sa silid nito. “Muk’ang makakasund­o ko’ng tatay mo…hindi ako babaero.” “Weh?” Bisita niya uli si Bebot kinabukasa­n nang gabi. May pasalubong itong alak kay Mang Asiong; tsokolate’t bulaklak naman para sa kanya.

 ??  ?? Binatak ni Bebot si Cynthia at isinama sa stock room. Nagtagal doon ang dalawa nang mga ilang minuto, saka nagdadabog at umiiyak na patakbong lumabas ng bookstore si Cynthia.
Binatak ni Bebot si Cynthia at isinama sa stock room. Nagtagal doon ang dalawa nang mga ilang minuto, saka nagdadabog at umiiyak na patakbong lumabas ng bookstore si Cynthia.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines