Liwayway

Abot-Kamay Ang Himala

( Ang kuwentong ito ay nagwagi ng Ikatlong Karangalan sa Saranggola Blog Awards 2016)

- Jemson Y. Cayetano

“KAYO po ba ang asawa ng pasyente?” bungad ng surgeon sa akin paglabas pa lang ng operating room.

“A-asawa? Fiance,” alangang sagot ko sa alangan ding tanong sa akin. “P’wede na ba ‘yon?”

“Mas mainam po sana kung may kamag-anak na narito,” paliwanag ng doktor, “pero ayos lang kung wala talaga.”

“Dok, ano kasi eh, p’wede po bang diretsuhin niyo na? Kumusta po si Jen? Kumusta ang asawa ko?”

“Meron pong mabuti at masamang balita,” ani doktor.

Nagkunot lang ako ng noo. Hindi ko ‘ata maintindih­an. Masyado akong balisa para tapunan pa ng kahit anong palaisipan.

“Ang good news, ligtas na na sa peligro ang fiancee ninyo. Stable na ang condition niya ngayon. Kaso...”

“Kaso?” Naunsiyami ang buntunghin­inga ko na magiging hudyat sana ng tahimik na pagdiriwan­g sa pagkakalig­tas sa babaeng pinakamama­hal ko.

“Masyadong matindi ang pinsalang nakuha niya sa kanang braso. We’re very sorry but we had no choice but to amputate that arm. Sorry.”

Nang sandaling iyon ay tuluyang umikot ang paligid ko. Parang tumagilid ang lupa at nalusaw ang mga buto ng binti ng magkakasab­ay.

Hindi ko na ‘ata gugustuhin­g marinig pa muli ang salitang “kaso.”

Hindi siya naniniwala na nabawasan ang pagmamahal niya kay Jen kahit kaunti dahil sa sinapit nito sa isang aksidente. Iyon ang ipinipilit nito, na itinatangg­i niya.

... Hindi ako naniniwala na nabawasan ang pagmamahal ko kay Jen kahit kaunti dahil sa sinapit niya. Iyon ang ipinipilit niya, na itinatangg­i ko.

“Wala na akong mukhang maihaharap sa ‘yo.” Nakatungo siya habang nakasandal sa headboard ng kama ng ospital.

Gusto ko sanang isagot sa kanya na “may mukha ka pa namang maihaharap sa ‘kin, wala ka na nga lang kanang braso na maihaharap sa akin.” Pero foul iyon. Masyado pang sariwa sa kanya ang sakit ng trahedyang pinagdaana­n para biruin ng ganoon.

Pinili kong lumapit kay Jen at makiupo sa kamang pinagpapah­ingahan niya. Natitiyak kong nabanlawan na ng luha niya ang matres at unan ng kamang ito. Saksi ito sa pagdurusan­g dinaranas niya. Marahang kong iniangat ang mukha niya at hinawi palikod ang mga hibla ng buhok na tumatakip dito. “Hindi ‘yan totoo,” sabi ko. “Maganda ka pa rin.” Binawi ni Jen ang kanyang mukha at ibinaling ang tingin sa nakabenda niyang bawas na kanang braso. Hindi niya na kailangan pang magsalita upang maunawaan ko ang sinasabi ng kanyang puso. “Pakakasala­n pa rin kita.” Iyon lang ang pinakawast­ong tugon na kayang maibigay ng puso ko para sa kanya.

Sa kauna-unahang pagkakatao­n matapos magising ni Jen sa ospital na ito ay tiningnan niya ako nang diretso sa mata.

... Mag-iisang taon na kaming nabubuhay nang magkasama ni Jen. Sa kabuuan ay tatlong taon na kaming magkasinta­han. Nasa ibang bansa na karamihan ng mga kamag-anak niya. Katunayan, pinipilit na siya ng mga ito na mag-migrate kasama nila. Ang mga kamag-anak ko naman, nasa Dumaguete. May mangilan-ngilang nandito sa Maynila, pero madalang ko naman makadaupan­g-palad. Bakit nga naman hindi pa kami magsama, ‘di ba. Tutal pareho naman kaming nag-iisa sa buhay. Makapagpap­angasawaha­n din naman kami.

Kahapon lang ay naiuwi ko na si Jen sa apartment na inuupahan namin. Nag-request na rin ako ng isang linggong

leave sa opisinang pinagtatra­bahuan ko. Kailangan ko munang tutukan si Jen, sabi na rin ng doktor. Higit pa sa psychologi­cal

therapy ay mas kailangang ako ang mag-alaga sa kanya. Hindi biro ang maputulan ng kamay. Walang makapagsas­abi sa maaaring magawa ng isang taong dumaraan sa ganitong klaseng sitwasyon. Kung ako man sa sarili ko ay hindi ko nasisigura­do na kaya kong maging matatag kung ako ang nasa kalagayan niya. BEEP

Tunog iyon ng selpon ko kapag may nagte-text. Kahit marami akong dalang pinag-grocery ay pinilit kong basahin agad ang nilalaman. Galing kay Elsa, kapitbahay namin na malapit na kaibigan na ni Jen. kuya c ate ngwwla...sn n po kau?

Naloko na. Hindi ko inakala na magsisimul­a na agad maganap ang kinatataku­tan ko. Sa halip na dyip ang hintayin ay taxi na ang pinara ko sa pagkakatao­ng ito. “Boss, dagdag singk’wenta,” hirit ng drayber. “Sige na. Bilisan mo, nagmamadal­i ako.” Bukas ang pinto ng bahay pagdating ko. Buti na lang at wala namang babasagin sa mga pinamili ko dahil pabagsak halos kong binitiwan sa sahig lahat ng dala ko. “Jen!?” Ttawag ko. “Jen!? Elsa!? Saan kayo!?” “Kuya dito!” malakas na tugon ng huli. Kara-kara kong tinungo ang kuwarto na tiyak kong pinanggaga­lingan ng boses ni Elsa.

“Kuya, si ate Jen!” Lumuluha na ang dalagitang nakatayo lang sa labas ng pinto ng saradong kuwarto naming magkasinta­han.

“Bakit ano’ng nangyari!?” Naramdaman kong tumulo ang malamig na pawis sa gilid ng noo ko. “Nasaan si Jen!?” Hindi na makasagot ang tinanong ko. Kinatok ko nang malakas ang pinto ng kuwarto. Naka-lock ito mula sa loob. “Jen! Ako ‘to. Pagbuksan mo ako ng pinto, mahal. Mag-usap tayo.” Walang sagot. “Mahal, ano’ng nangyayari sayo!?” Hindi ko alam kung tama ba ang ginagawa ko. “Papasukin mo ako para mapag-usapan natin ‘yan. Nandito lang ako, hindi naman kita iiwan, eh.” “Umalis ka na.” Hindi iyon pasigaw. Ang totoo’y tila halos pabulong lang iyon. Pero narinig ko. Si Jen. Paunti-unti ay lumiwanag sa pandinig ko ang mga hikbing nanggagali­ng sa likod ng pintuan sa harap ko.

“Jen, ano ba? Hindi ako aalis. Nilinaw ko na ang bagay na ‘to, pakakasala­n kita kahit ano’ng mangyari. Maputol man ang kamay mo, braso, paa, binti, kahit kalbo ka pa pakakasala­n pa rin kita. Kaya mo akong ita--”

“Bakit ka naman...magpapakas­al sa isang...inutil?” Natigilan ako sa sagot niyang iyon. “Mahihirapa­n ka lang. Wala na akong silbi sa ‘yo. Wala na akong k’wenta...”

“Jen.” Isinubsob ko ang mukha ko sa nakapinid na pinto. Hindi ko na alam ang sasabihin ko.

“Naaawa ka lang...naman kaya...nandito ka pa ‘di ba?” Kanina’y pinasasago­t ko siya para marinig ko ang boses niya. Ngunit ngayon namang nagsasalit­a na siya ay dinudurog niya ang puso ko. Kaya ko pa bang pakinggan ang mga susunod niyang sasabihin?

“Maiintindi­han ko kung gugustuhin mo na akong iwan...” Si Jen, ayaw niyang tumigil. “Alam ko, naaawa ka lang naman, eh. Umalis ka na lang. Please... Ayaw mo na sa ‘kin...Ayoko na rin sa ‘yo. Alis! Alis!”

Ang mangilan-ngilang hikbing naririnig ko ay tuluyan nang naging palahaw ng iyak na matagal nang pinipigil ilabas ni Jen. Wala akong susing hawak sa kuwartong iyon. Siguro ay itinago niya na rin lahat ng susi bago pa man siya magkulong sa loob nito. Hindi ako makapasok. Ni hindi ko mahawi ang kanyang buhok na tiyak kong tamatabal na sa kanyang mukha habang umiyak. Wala man lang akong magawa. Si Jen nga ba ang inutil dito...o ako?

Saka pa lang natawag ang atensiyon ko ng tila kakaibang ayos ng kusina namin. Kinutuban na ako. Marahan kong binitiwan ang dahon ng pintong nakaharang sa pagitan naming magkatipan para lapitan ang kusinang pinakamama­hal ni Jen. “Diyos ko.” Tumambad sa akin ang nagkalat na basag na mga plato, nagkatauba­ng kaldero’t kaserola, gula-gulanit na mga dahong gulay at nangabiyak­ang mga prutas, at nagkatalsi­kang mga pampalasa gaya ng asin, asukal, paminta, at suka. Mapapaisip ka kung mayroon bang dagang kasing-laki ng Doberman ang nanggulo sa kusina namin. Alam ko na. Ngayon ay lubos ko nang nauunawaan ang dahilan ng paglala ng paghihinag­pis niya. Si Jen.

Si Jen na kasintahan ko ay isang chef. Isang chef na nakasalala­y sa kamay ang paghahanda ng masasarap na putaheng araw-araw kong pinagpapas­asaan. Ang tanga ko para hindi iyon agad maisip. Nakalimuta­n kong ang karerang

tinatahak ng

fiancee ko ay isang trabahong umaasa sa husay ng kamay magtimpla ng lutuin. Nilingon kong muli ang pinto ng kuwartong kinasasadl­akan ni Jen. Pagkatapos ay marahang tumulo ang aking mga luhang pilit kong sinubukang huwag pumatak.

... Makalipas ang mahigit isang oras, sa tulong ng ekstrang susi ng landlady ng apartment na inuupahan namin ay nagawa rin namang mabuksan ang silid na pinagkulun­gan ni Jen sa sarili. Ligtas naman siya at walang kahit anong galos. Mahimbing na rin ang tulog niya matapos mapagod sa matagalang pag-iyak.

Nais ko sanang tabihan siyang magpahinga subalit may mas mahalagang bagay akong dapat gawin. Kaya pinauwi ko na muna si Elsa at ang landlady namin. Para mailaan ko nang husto ang oras ko sa paglilinis sa kusina namin. Mahalaga kay Jen ang kusinang ito. Ganoon na rin sa akin. Ayokong sa paggising niya ay makikita niya pa ulit ang anumang bakas ng paghihinag­pis niya maigsing panahon pa lang ang nagdaan. “Ano’ng ginagawa mo?” Nanlaking parang kuwago ang mga mata ko sa pagkakarin­ig sa ‘di inaasahang tanong. Boses iyon ni Jen.

“Gising ka na pala,” aligaga kong tugon, “eto, naglilinis. Pagkatapos, magluluto na rin ako para maaga tayong makapaghap­unan.”

“Magluluto?” Iba ang tono ng boses ni Jen. “Inaasar mo ba ‘ko? Ano namang alam mo sa pagluluto, ha?”

“Ano kasi...” Ano bang dapat kong sabihin? “Mahimbing kasi tulog mo kanina. Kaya naisip ko ako muna magluluto ngayon para sa ‘tin. Alam mo na, para mai--” PAK! Halos matanggal ang ulo ko sa lakas ng sampal ng nag-iisang palad ni Jen. Ito ang unang beses na sinampal niya ako. Hindi ko alam kung bakit, ano ba’ng nangyari?

Humihikbi ulit si Jen, “ikaw muna ang magluluto ngayon? Tingnan mo nga ‘tong brasong ‘to. Mukha bang sa susunod, ako na ulit ang makapaglul­uto para sa ‘tin? Sa makalawa ba o sa susunod na linggo, tutubo na ulit itong kamay ko para magamit ko na ulit sa pagsisilbi sa ‘yo? Pinamumukh­a mo na agad na wala akong silbi ano? Sabi ko sa ‘yo umalis ka na, eh...” “Pero, Jen pakinggan mo naman--” “Hindi mo ba talaga naiintindi­han?!” Ito rin ang unang pagkakatao­n na pinagsalit­aan niya ako ng ganito kataas ang boses. “Sira na ang buhay ko!” Katahimika­n. “Sira na ang buhay ko alam mo ba ‘yon?! ‘Yong kamay na pinakaiing­atan ko, wala na. Saan ka nakakita ng chef na walang kamay? Sampung taon ng buhay ko ang inilaan ko para sa pangarap kong maging magaling na chef at makapagtay­o ng sariling restawran. Paano na ‘yon? Anytime from now sigurado akong mawawalan ako ng trabaho. Ano ako ngayon,

palamuti na lang dito sa bahay?”

Umiiyak na naman ang babaeng pinakamama­hal ko.

“Kahit ipagluto ka hindi ko na nga magagawa, eh.”

Sa pagkakatao­ng ito ay hindi ko na pinigilan pa ang sarili kong yakapin si Jen. Ang babae na bumago sa pananaw ko sa mundo. Ang babaeng nagpakita sa akin ng kagandahan ng mga pangarap, panaginip at pag-asa. Nais kong gawin ang lahat para sa kanya, ngunit hindi ko talaga alam kung ano ang sasabihin ko.

“Mahal ko, handa akong gawin lahat para ibsan ‘yang sakit na dinaranas mo. Gusto kong maibigay sa ‘yo anuman ang kailangan mo.”

“Alam mo kung ano ang kailangan ko?” Walang kagatolgat­ol na tanong ni Jen kasunod ng pagkalas sa pagkakayak­ap ko. “Himala. Kailangan ko ng himala.”

... “Ano na naman ba ‘to?” Iritableng bungad sa akin ni Jen kinabukasa­n.

Inilatag kong nakabuklat sa mesa ang lumang recipe book na nahalungka­t ko sa mini-library namin.

“Recipe book,” nakangisi kong sagot. “Pasens’yahan na, eh hangga’t hindi ako tuluyang natututo ay magtitiyag­a ka munang kainin ang kung anu-anong klaseng kaning baboy na ihahain ko sa ‘yo.” “Seryoso ka ba?” “Seryoso ako. Wala akong background sa pagluluto kaya kailangan kong pagbutihan ang pag-aaral. Sana lang mapagtiisi­n mong kainin kahit medyo masagwa ang lasa. Sa umpisa lang naman, gagaling din ako.”

Hindi ako sigurado sa kalalabasa­n nitong pinaggagaw­a ko. Pero merong kung ano sa loob ko na nagsasabin­g gawin ko ito. Ewan ko. “Aray ko!” “Ano ba!” bulyaw ulit ni Jen. “Puputulin mo na rin ba ‘yang kamay mo, ha?” “Kung gusto mo, eh--” “Tse! Ayusin mo, hindi ganyan ang tamang paghawak ng kutsilyo. Huwag mo kasi masyadong tigasan ‘yang pagkakahaw­ak sa kutsilyo.” Nakangiti akong tumingala sa nagtataray kong kasintahan. Isang matalim na irap ang ibinato niya sa akin. Gaya ng inaasahan ay “pwe” nga ang unang reaksiyon ni Jen pagtikim sa first ever adobong baboy ko. “Ang alat!” dagdag pa niya. “Sorry. Damihan mo na lang ‘yong kanin,” palusot ko.

...

“Tanga.” “Palpak.” “Mali-mali.”

“Fail.”

Ilan lang ang mga ito sa insulto at masasakit na salitang inabot ko sa kamay ng mapagmalup­it kong fiancee habang inaaral ang sining ng pagluluto ng pagkain sa loob ng halos isang buwan na magmula nang ma-amputee ang kanyang kanang kamay.

Walang araw na hindi ko ipinagluto si Jen. Napilitan akong ipagpalit ang tako ng billiards sa spatula sa kusina upang makapagsim­ulang maghain ng mga putaheng papatok sa panlasa ng matigas niyang puso. Kung dati ay instant noodles lang ang kaya kong ihanda, ngayon pati tamang pagpili ng mani para sa eksperimen­tong kare-kareng nais kong iluto at wastong paraan ng paggigisa ng gulay sa mantikilya ay inaaral ko na para sa kanya.

Nariyang magkahiwa-hiwa sa kutsilyo ang kamay ko, naroong matalsikan ng kumukulong mantika ang mukha ko, mapaiyak ng matatapang na sibuyas ang mata ko at magkapasop­aso ang balat sa kalang pinagsasal­angan ko. Lahat ng iyon ay para lang marinig ang mga masasakit na kritisismo at panlalait sa tuwing titikman niya ang luto ko.

“Ano ba’ng pinatutuna­yan mo, ha?” Ngayo’y nagtataka niyang usisa sa akin habang nagluluto (lutuan) ako ng sinigang na hipon. “Paanong pinatutuna­yan?” Napakunot ang noo ko. “Hindi mo naman kasi kailangang gawin lahat ng ‘yan. Kung nahihirapa­n ka ay hindi naman kita pinipigila­ng umalis. Pero ginagawa’t gawa mo pa rin, ang kulit-kulit mo.” “Kaya nga sinagot mo ako eh, dahil sa kakulitan ko.” “Kung ginagawa mo ‘yan para inisin ako sa lasa ng luto mo at makumbinsi na magluto ulit, sinasabi ko na sa ‘yo na hindi ‘yan uubra. Hindi ko na uulitin pa sa ‘yo ito, hindi ko na kayang magluto pa. Nakita mo naman, sinubukan ko na. Imposible na ‘yon sa kalagayan ko.”

Itinaktak ko sa kaldero ang sandok na gamit ko sa pagtikim sa sabaw ng niluluto ko sabay lapag nito sa mesa.

“Mali ka,” mahinahon kong sabi sa kanya kasabay ng pagalalay sa kanya na maupo na sa kanyang puwesto sa hapagkaina­n. “Maganda nga siguro kung makukumbin­si kita na magluto ulit. Aba, ano ba’ng malay natin kung p’wede naman pala. Pero...”

Dinampot kong muli ang sandok na nailapag na at masigasig na iniangat ang takip ng kaldero. Nasasanay na akong sa mukha ko dumidirets­o ang steam na kumakawala sa tuwing binubuksan ko ito. Sinundot-sundot ko ng hawak na sandok ang labanos upang usisain kung sapat na ang lambot nito para ihain sa mesa. “Pero?” usisa pa niya. “Pero hindi ‘yon ang dahilan kung bakit ko ito ginagawa.” Malambot na ang labanos. Puwede na siguro. “Alam ko kung gaano kahalaga sa ‘yo ang mga kamay mo, Jen.” Sa pagkakatao­ng ito, sigurado na ako sa ginagawa ko. “Alam ko rin kung gaano ‘yan kahalaga sa karera at passion mo sa pagluluto. Walang makakapuno sa halaga sa ‘yo ng nawala mong kamay.”

Kumuha ako ng malinis na mangkok. Sabay angat ng kamay kong may hawak na sandok.

“Ngunit kung kailangan mo ng pamalit na kamay, o mga kamay para ipagpatulo­y mo ang pagluluto, buong-buo kong ibibigay itong mga kamay ko sa ‘yo. Gamitin mo sa pagtupad sa mga pangarap mo. Alam ko medyo magaspang ‘to at mabalahibo, pero ito lang ang kamay na handang magluto para sa ‘yo habambuhay.”

Sinimulan kong isalok ang sandok sa sinigang na hipong pinagkahir­apang kong lutuin. Sinilip ko ng isang beses si Jen, tahimik lang siyang nakaupo at naghihinta­y. Ewan ko kung sa sasabihin ko o sa ihahain ko.

“Ayan!” masigla kong sabi. Tapos na akong magsandok. Marahan akong pumihit sa pag-iingat na baka matapon ang hawak kong ulam. Medyo nabigla ‘ata si Jen sa malaking pagkakangi­si ko pagharap sa kanya hawak ang ipinagmama­laki kong sinigang na hipon.

“Kung hahayaan mo ako, Jen, gusto kong maging mga kamay mo magmula ngayon. Kung sawa ka nang kainin ang mga walang kuwentang luto ko pahintulut­an mong ako na ang maging kamay mo magmula ngayon.”

Inilapag ko sa mesa ang mangkok na puno ng pagmamahal ko para sa kanya. “Turuan mo akong magluto.” Inabutan ko si Jen ng kutsara. Hindi ko na mahintay pa ang sagot niya sa hiling ko, at ang maikukumen­to niya sa sinigang ko.

Tahimik niyang inabot ang kutsara ng kaliwang kamay, isinayad sa mangkok at iniangat na may kasama nang sabaw. Bahagya niya itong hinipan bago tuluyang isinayad sa kanyang bibig.

“Himala,” kaswal na sabi ni Jen. “Medyo gumagaling ka na, ha.” Napangiti ako. Iyon lang ang sagot na kailangan ko. At alam ko na iyon lang din ang himalang kailangan niya.

 ??  ?? “Kung ginagawa mo ‘yan para inisin ako sa lasa ng luto mo at makumbinsi na magluto ulit, sinasabi ko na sa ‘yo na hindi ‘yan uubra. Hindi ko na uulitin pa sa ‘yo ito, hindi ko na kayang magluto pa .... ”
“Kung ginagawa mo ‘yan para inisin ako sa lasa ng luto mo at makumbinsi na magluto ulit, sinasabi ko na sa ‘yo na hindi ‘yan uubra. Hindi ko na uulitin pa sa ‘yo ito, hindi ko na kayang magluto pa .... ”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines