Liwayway

Mga Bituin Sa Tubig (17)

- Ni EFREN ABUEG

Efren Abueg

(IKA-17 NA LABAS)

SINADYA ni Armand si Chief sa headquarte­rs ng pulisya sa maliit na bayang iyon ng Pangasinan. Nagliwanag ang mukha nito nang makita siya at binulungan ang kausap na sibilyan. Saka inakbayan siya papasok sa opisina nito.

“Tumawag ka muna sana. Ako ang dapat nagpunta kung saan ka man ngayon nagrenta ng hotel!”

“Napadaan lang ako…galing ako sa Baguio. May naisip lang akong itanong sa iyo.” Hindi totoo ang kaniyang sinabi. “Ikaw naman. Itinawag mo na lang sana.” “Ibig ko lang makakuha ng kopya ng amilyar ng malaking bahay na puti. Curious lang ako sa may-ari nito. Magkano kaya

ang assessment ng bahay na iyon?” “O, mukhang interesado ka sa bahay. May kaibigan ka bang real estate agent?”

“Wala naman. May kaibigan ako sa abroad na gustong bumili ng bahay sa ano mang lugar na malapit sa shoreline. Depende ‘yon sa presyo.”

“Mga dalawang kilometro ang layo ng bahay na iyon sa beach…” “Perfect!”

“Kung itinawag mo ba agad, e, nakuha ko na ‘yon. Maliit lang ang bayan namin, kaya treasurer ng bayan ang tumatayong

assessor din. Nagkataong kumpare ko siya…” “Talaga?” Bigay na ngumiti si Armand. “Malaking bagay ‘yan sa akin!”

Kinamayan ni Armand si Chief Rene. Tinapik pa sa balikat. “Baka makadaan ako sa Crame…ikukumusta kita kay MajGen!”

Inihatid pa siya nito hanggang sa kaniyang ginagamit na lumang kotse.

Mabilis siyang nakabalik sa Maynila, nagkita uli sila ni Atty. Seprida at namangha siya nang sabihin sa kaniya nito na nakiusap si Virmin na makadaan siya sa computer shop nito sa Paranaque. “Bakit di pa siyang dumeretso ng tawag sa akin?” “Kasi noon, nasabi kong masyadong marami nang problema sa kaso ng kaniyang mga pamangkin. Siguro, ibig muna niyang matantiyan­g hindi siya makakaabal­a sa mga sked mo.”

Hindi alam ni Atty. Seprida na nagtungo siya sa Pangasinan. Ibig muna niyang matiyak ang iniisip niya tungkol kay Mr. Kikuryo bago niya ipaalam iyon sa kasama. Ayaw niyang ipaalam dito kung walang pangakong “resulta” ang kaniyang mga pagkilos.

Hindi naman siya lubhang napagod sa biyahe. Isip ang umandar sa kaniya. Ngayong marami na siyang suspetsa tungkol sa “Papang” nina Zaida at Normi, mabibigo siya kung mauuwi sa wala ang kaniyang hinala rito.

“O, papasyalan mo ba siya?” usisa ni Atty. Seprida. “Wala naman akong bagong update tungkol sa assignment­s mo sa akin.”

Alam niyang may simpatiya si Atty. Seprida sa pagiging malapit ang kalooban ni Virmin sa kaniya. Nagsususpe­tsa pa siyang “kinakasapa­kat” ito ng dalaga para hindi siya makatanggi kung nagaanya ito sa kaniya.

“Kliyente natin siya…trabaho lang natin ito.” Agaw agad niya. “May oras naman akong inirereser­ba sa kaniya kung kailangan ako o ikaw. Di ba gusto mo rin na may mabuting relasyon tayo sa kaniya?”

“Ayoko kasing mapag-isipan mong itinutulak kita sa kaniya. Pero sa obserbasyo­n ko sa kaniya, hindi lamang propesyona­l nating serbisyo ang kailangan niya sa iyo.”

Hindi naman siya makapaglil­ihim kay Atty. Seprida. Bilang binata, kahit mahigit isang dekada ang edad niya rito, alam niyang pinakikira­mdaman siya nito sa kanilang propesyona­l na relasyon kay Virmin. At ibig din niyang maging matapat dito dahil marami siyang karanasan maibabahag­i rito.

“Ibig ko nga sana, matapos na natin ang kasong ito. Siguro, ma-e-evaluate ko na ang kalooban namin sa isa’t isa!” Parang umamin na siya sa kasama.

“Sir…” Nagtaka siya at sumeryoso si Atty. Seprida. “Ako rin…umaasang may ise-share ka sa akin sa pagiging bachelor mo!”

Ngayon, nadama ni Armand na lumapit pa ang kalooban niya sa kasama. Parang si Bart na ito sa kaniya. At kung may ibubukas itong personal na mga bagay sa kaniya, lalakihan niya ang espasyo roon para sa kasamang abugado.

“Oo, ba? Ayokong masayang kung kangi-kangino lamang ang mga karanasan kong nakatutulo­ng ngayon sa aking buhay!”

Nagtawa si Atty. Seprida. “Kung sakaling ma-develop ‘yong para kay Ms. Arago, ise-share mo ‘yon sa akin?” “Loko ka, ha? Tsismis na yata’ng gusto mo!” Nagkatawan­an sila. Ngunit sa kalooban ni Armand, alam niyang seryosong-seryoso ang tanong nito sa kaniya.

TINAWAGAN muna ni Armand si Virmin. “Thank you. Two weeks na tayong walang kontak!”

Ayaw niyang sabihing abala siya. Wala pa silang maipakitan­g resulta sa kasong hawak nila na ikatutuwa nito. Ibig niyang isipin nito na ayaw niyang makabawas sa mga oras nito sa negosyo. “Just thinking that I may intrude sa heavy transactio­ns ng dalawang computer shops mo!”

“Di ba ‘yon ang sinasabi ng mga tauhan ko rito na palusot na dahilan?” Nagbiro na si Virmin.

“Totoo ‘yung sinabi ko. Business can’t afford to lose a few pesos because of personal reasons!” “Ay! Mr. Abeza, just say you can come.” “You asked me to come, why not?” Nagtawa sa linya si Virmin. “Okay then…sorry to see your reaction when you eat the dinner I will prepare for you.” “What? Culinary art is your new interest now?” “Bakit? Cooking is a natural calling for women!” “Profession­al women do not think of kitchen chores.” “Really? You mean profession­al women don’t think of getting married!” Nabitag siya ni Virmin. May ipinahihiw­atig na ito sa kaniya sa una pa lamang na mga salita nito bilang tugon sa tawag niya.

“Sorry, I am still with the thinking of my mother and other relatives in the province.”

“Just come, please! Say, six pm?”

Dumating si Armand sa gayong oras. Pinagbuksa­n siya ng pinto ni Virmin at sumunod siya rito hanggang dining room. May naka-set na mesa para sa dalawa.

“Will you assist me taking the food to the table?”

Namangha siya. Inakala niyang kahit papaano’y may kasamang katulong si Virmin sa paghahanda ng hapunan. Nag-iisa ito. Nakaapron pa gayong panlabas ang bestidang suot nito. “This is not a joking matter,” tudyo ni Armand nang angatin niya ang isang porselang serving tray na puno ng ulam. Umiling si Virmin. “Hindi nga. I prepared everything that we will consume this evening. Be honest. Tell me if you like or not all the food we are setting on the table…”

Hindi na inulit ni Armand ang panunudyo. Seryoso sa pagluluto si Virmin. Ngayon, kinakatulo­ng pa siya sa paglalagay sa mesa ng mga pagkaing inihanda nito.

Magkaharap na silang nakaupo sa dining table nang ilapag ni Virmin sa harap niya ang isang soup bowl.

“Try mo nga…” malambing na wika ni Virmin. “Hmmm…malasa naman,” sabi niya.

“Not good, di ba? You add naman!” “Masarap talaga…” ulit niya. “No. Now taste this fish fillet.”

Totoo ba ang ipinangako ni Armand kay Bart na gagawin nila para makita uli sina Zaida at Normi?

Tumikim nga siya ng inalok nito. Nginuya niya, medyo nagtagal. “Okay?” “Hindi…maalat!” Totoo, naalatan siya.

“I like what you said. Honest ka na now. Next time, low salt lang ang idagdag ko sa food na ganiyan.”

Ngunit inubos din ni Armand ang fish fillet na bahagi ng kaniyang kinutsara. Ngayon, sinandukan siya ng kanin ni Virmin. Saka tinabihan iyon ng isang pirasong karne na may gravy. “Delicious, pero makunat!” sabi niya. Tumawa na si Virmin. Ngayon, itinuro nito ang mashed potato sa pinggan niya. Kinutsara niya ang kalahati ng isang tumpok. Malinamnam.

“I like it. Soft, so milky with slight taste of pepper!” “Really?” Parang naniniwala na si Virmin sa kaniyang sinabi.

Nagtuloy-tuloy na siya ng pagsubo ng isa pang ulam. Sinusundan niya ng tig-iisang kutsarang kanin. “Busog na ako…” nasabi ni Armand pagkaraan ng ilang sandali. Nagtawa si Virmin. “Bakit?” “You want to leave early?”

Napakunot-noo siya. At sinundan iyon ng pagtawa pa ni Virmin. Naintindih­an niya ang ibig sabihin nito. Mukha nga namang nagmamadal­i siya.

“Oo, I eat fast because that is the training of people who are alertready to respond to emergencie­s!”

Tumango-tango lamang si Virmin. Magkatulon­g silang nag-urong ng pinagkanan pagkatapos nilang makunsumo ang dessert. Nakaguwant­es na naghugas ng mga pinggan si Virmin. Tinuyo naman niya ng malinis na puting basahan ang mga nahugasan. Saka nag-usap sila sa veranda.

“Bakit ka pumasyal kay Police Director Hernandez?” kaswal na tanong niya. Parang napahiya si Virmin.

“Sorry, routine lang,” kambiyo agad niya. “Nandoon ako dahil may mga impormasyo­n siyang ibinigay sa akin.”

“Dumalaw nga ako, nagdala ng something for him. He’s quite well for his age and I am happy for him. I regard him as my father…” “Did he tell you something about the case?” “Yes, that you are digging deeper into the case. I am hopeful!” Tumingin sa kaniya si Virmin. Saka hindi niya inaasahan, bigla nitong hinawakan ang kaniyang kanang kamay. “Thanks, Armand…” Dalawang oras lang siya sa bahay ni Virmin. Sapat na para maobserbah­an uli niya ang katahimika­n nito kapag may sinasabi siyang mga bagay-bagay sa Pilipinas. “Go on,” sabi nito. “Listening to you could make me catch up with many things I missed in our country.”

Saglit-saglit na katahimika­n. Sa kaniya, sa pagitan ng mga saglit na iyon, may nababakas siyang malalim na kalungkuta­n nito. Hindi siya makapagtan­ong. Natatakot siyang sa pagtatanon­g, biglang may bumugnos sa kalooban nito. At baka hindi siya handa na salubungin iyon.

“Parang sirkulo, paluwang nang paluwang, hindi namin alam ni Atty. Serpida kung gaano ang sasaklawin n’yon!” sabi niya kay Virmin para ilayo ito sa nadarama o iniisip nito.

Nang ihatid siya sa pintuan sa ibaba, muling hinawakan nito ang kanang palad niya.

“Salamat…salamat!” Natuwa siya at ngayon, parang nagbabalik ang pagiging kampante nito na magsalita ng wikang nilakhan nito.

NAPALAKIHA­N na niya sa laboratory­o ng NBI ang larawang nakunan ni Bart sa putol na ilog. Nakatitiya­k siyang nakita nga niya sa hagdanan sa maliit na bahay na iyon sa Pangasinan ang lalaking kuba na sumusundo ngayon sa magkapatid na dalaga. At bago niya isinara at itinago sa kabinet ang kaniyang laptop bilang paghahanda sa pag-uwi niya sa Daang Kalesa, binuksan niya ang inbox nito. “Nasa pangalan ng korporasyo­n ang bahay at isang Francisco Ciquiryo ang nakapirma sa dokumento ng assessment. Mensahe iyon sa email ni Chief Rene. May kopya siya ng dokumento. Nakalagay roon ang halaga ng zonal at market value ng ari-ariang iyon.

MALINAW ang text message ni Bart nang halos kalahati na ang distansiya ng kaniyang namamaneho patungo sa Daang Kalesa. Uncle, mabuti at uuwi ka. Sad ako. Hindi na naliligo sina Zaida at Normi sa putol na ilog. Alam ko na ang dahilan. Isang araw, dahil sinabi kong bantayan ko ang daan sa bungad ng gubat, may nakita akong isang SUV na papalabas sa national highway. Sad na talaga ako. Tingin ko’y umalis na sila sa gubat. Umalis ang magkapatid sa gubat? Saan pupunta? Nagunita ni Armand ang bilin niya kay Bart. Kapag walang pasok sa iskuwela, ibig niyang umistambay ito sa pambansang lansangan sa tapat ng gubat sa dakong umaga o kaya’y sa hapon. Ibig niyang obserbahan nito ang mga sasakyang pumapasok at lumalabas doon.

Napalarawa­n nga sa kaniyang isip si Bart. Nakasambal­ilo nang malapad, nakatayo sa ilalim ng isang puno sa gilid ng daang labasan-pasukan sa gubat. Nakatingin sa isang itim na SUV na lumalabas sa daang wari’y iniluwal ng makapal na kakahuyan sa gubat. Nakatingin ito sa sasakyan, ngunit hindi nagpapahal­atang inaaninaw nitong mabuti ang naka-tint na salaming bintana ng sasakyan. At may dalawang kabataang babaeng nakasakay roon at ang isa’y parang nakatingin sa kaniyang pamangkin.

Matamlay na nakaupo si Bart sa papag sa ilalim ng punong mangga sa malapit sa tarangkaha­n ng looban ng kaniyang pinsang si Nancy. Parang hindi narinig ang lagunlong ng kotseng ipinapasok na niya sa loobang iyon. “Uncle….” Walang idinugtong si Bart. Nakababa na si Armand sa kotse at narinig niya ang sambit ni Bart. Lumapit siya rito nang hindi nito dinugtunga­n ang pagbati sa kaniya.

“Umalis na sila…” Halos anas ang narinig niya sa pamangkin.

“Pasukan na, di ba ‘yon ang sinabi mo noon sa akin? At naliligo lamang sila sa putol na ilog dahil nagbabakas­yon sila!”

Hindi sumagot si Bart. Nanatiling walang kibo, matamlay. Narinig niya ang kalaskas ng tsinelas ng pinsan niyang si Nancy. Narinig marahil nito ang ugong ng kotseng ipinasok niya sa bakuran.

“Di ka nagpasabi…oy, Bart, humuli ka ng isang inahin sa silong. Tutal ayaw na ‘yong mangitlog!” utos nito sa binatilyon­g anak.

Bumalik si Armand sa kotse. Kinuha sa loob nito ang kaniyang mga pasalubong. Dahil may mga binili siyang kailangang mailagay agad sa refrigerat­or, maliksing nakapanhik agad sa bahay ang kaniyang pinsan.

“Palamig na ang hapon, ‘Insan,” tawag niya kay Nancy. “Pasasama lang akong maglakad-lakad kay Bart. Ibig kong maalis ang paninigas ng mga binti ko dahil sa pagmamaneh­o!”

Narinig niya ang sagot ng pagsang-ayon ni Nancy. Nauna na sa kaniya si Bart sa paglalakad. Pagawi ito sa landas patungo sa putol na ilog. Binilisan niya ang paglakad para makasabay sa pamangkin.

“Bakit pa tayo pupunta d’un, e, sabi mo’y wala na sila d’un?”

“Ibig kong pasukin ang gubat at magtanong kung saan nag-aaral sina Normi at Zaida!” Padarag ang sagot ni Bart, mukhang hindi papipigil sa hangos na paglalakad. “Gusto mong lapain ka ng mga aso d’un?” Saka lamang naghinay-hinay sa paglakad si Bart. Saka huminto at hinarap siya.

“Paano’ng gagawin natin, Uncle? Ibig kong makita si Normi!” Mataas ang boses ni Bart sa pagtatanon­g.

Saglit na tinitigan ni Armand ang pamangkin. Saka nilapitan.

“Baka bumalik sila sa weekend. Kung hindi, pupuntahan natin sa Sabado o Linggo ang lahat ng mga iskuwelaha­ng

exclusive sa probinsiya natin o katabing mga bayan. Ipagtatano­ng natin sila!”

(ITUTULOY)

 ??  ?? Napalarawa­n nga sa kaniyang isip si Bart. Nakasambal­ilo nang malapad, nakatayo sa ilalim ng isang puno sa gilid ng daang labasan-pasukan sa gubat. Nakatingin sa isang itim na SUV na lumalabas sa daang wari’y iniluwal ng makapal na kakahuyan sa gubat.
Napalarawa­n nga sa kaniyang isip si Bart. Nakasambal­ilo nang malapad, nakatayo sa ilalim ng isang puno sa gilid ng daang labasan-pasukan sa gubat. Nakatingin sa isang itim na SUV na lumalabas sa daang wari’y iniluwal ng makapal na kakahuyan sa gubat.
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines