Liwayway

Da Best Ka Talaga!

- Ni ARMANDO T. JAVIER

Armando T. Javier

(UNANG BAHAGI)

HINDI inaasahan ni Miyo na papatulan siya ni Julie. Kuwarenta’y dos na siya, malaki ang tiyan at may salit nang puti ang buhok. Ang dating makisig niyang katawan ay mahagway na ngayon dahil sa malimit na pag-inom ng alak. Mabuti na lang at mabait si Architect Timbang at hindi siya pinalayas bilang driver nang mag-eskandalo ang kanyang misis dahil nahuli siyang may babae.

Naeskandal­o, siyempre pa, ang pamilya ni Architect Timbang, kung saan siya nakatira nang stay-in sa maliit na silid katabi ng garahe. Hiniling pa nga ng misis nito, ni Marta, na palayasin siya. “May mga anak tayong babae,” katwiran nito sa asawang arkitekto. Pero hindi naman siya pinalayas ng arkitekto, pinagsabih­an lamang.

“Uli-uli, kung magloloko ka, ‘wag kang magpapahul­i!” “Nat’yempuhan lang, boss. Ayoko naman talagang isama pauwi si Susan. Kaso, nang sunduin ko sa klab e lasing na…” “Pa’no ngayon ‘yan?” Nagkibit-balikat siya. Dati na naman silang nag-aaway ni Flora, ang misis niya, sa babae rin, pero nagkakabat­i rin naman sila.

“Nag-alsa-balutan sa bahay namin. Sabi ng mga kapitbahay namin do’n umuwi raw sa Mindoro.”

“Mag-iingat ka na. Pag naulit pa ‘yan, wala na ‘kong magagawa. Nakakahiya rin kay Marta.” “Oho, boss.” Pinanindig­an niya ang pangako sa among arkitekto. Hindi na siya bumalik sa klab na pinagtatra­bahuhan ni Susan. Hindi na rin siya nag-text at tumawag.

Sa halip, ang libreng oras niya kung Linggo na day-off niya’y ginugol niya sa pagliliban­g, sa panonood ng sine o sa paglalaro sa arcade sa bagong bukas na mall sa kabilang bayan. Doon na rin siya nananangha­lian at kung abutin nang gabi’y doon na rin naghahapun­an. At sa pag-uwi, bibili siya ng isang boteng brandy na iinumin niya bago mahiga, pampatulog.

May isang buwan na siyang nagpapabal­ik-balik sa mall. Namumukhaa­n na nga siya ng saleslady sa liquor section ng supermarke­t.

“Ser,” nakangitin­g bati sa kanya sa pagkakatay­o niya sa harap ng eskaparate ng alak, “brandi uli?” “Alam mo na’ng brand ko, ha?” “S’yempre ho, lagi ba naman…” Ang babae ay may kaliitan, hanggang balikat lamang niya, morena, makipot ang labi at litaw ang batok sa maigsing buhok. Mukhang masayahing tao, laging nakangiti at tila lagi ring bubungisng­is. Sa tantiya niya, mga beinte kuwatro lamang o baka wala pa. Madaya sa paningin ang tunay na edad ng isang maliit na babae.

Dinampot niya ang brand ng brandy at sinundan siya ng tingin ng saleslady. “Dalawahin n’yo na, ser.” “Ubusin ko muna ‘to. Babalik na lang ako uli pag nabitin ako para magkita uli tayo…” “Sige, ser, hapi dringking!” Nag-iinom sa bakuran ng among arkitekto, bumabalik-balik sa isip ni Miyo ang ma-PR na saleslady; ang mukhang laging may nakahandan­g ngiti, ang matambok na pisngi at maputi pang ngipin. Dalaga pa kaya? Sayang. Hindi niya naitanong ang pangalan.

Nasa project site sila ni Architect Timbang nang mabasa niya ang text ni Susan: Musta? Buhay ka pa?

Napangiti si Miyo. Nami-miss din pala siya ni Susan. Baka gusto? Sinagot niya ang text: Buhay na buhay pa. Naghahanap ng

kalaban!

Asa ka pa? Naiimadyin niyang nakatawa si Susan nang sagutin ang text niya.

Nang makauwi nga sila ng arkitekto, naghapunan lang siya, naligo at pinagsadya sa klab si Susan. Hinintay niyang makalabas pero hindi naman niya isinama sa inuuwian niya. Naalala pa niya ang pangako kay Architect Timbang. “Do’n na lang tayo sa inyo,” sabi niya. “’Ando’n ang anak ko, inihatid ng nanay ko kahapon.” Naroon din noong isang buwan ang anak nito. “Tulog na siguro ‘yon, hatinggabi na. Halika na.” Tatlong magkakadik­it na unit ang inuupahang apartment ni Susan. Maliliit ang sukat at iisa lamang ang kuwarto. Ang kaigehan lang, may sariling banyo. Ang bata na siguro’y tatlong taon na, ay tulog na nga sa silid. Ipinakikiu­sap ng ina na silip- silipin ng matandang tiyahin ng nangungupa­han sa katabing pinto. Inaabutan na lamang ni Susan ng pera ang matanda. “Tulog na tulog,” sabi niya at kinindatan si Susan. “E, ano naman ngayon…?” “P’wede.” Umingos, pero nang yakapin niya at halikan ay gumanti naman. Pinigil ni Susan ang kamay niyang nagsisimul­ang maglikot. Malaking babae si Susan, makapal ang labi, malalapad ang balikat. “Teka muna, paliguin mo muna ako…!” Na-miss nga siguro siya ni Susan. Tipikal ang istorya ni Susan. Naanakan ng boyfriend, iniwan at para tustusan ang gastos ng anak, napilitang pumasok sa klab. Palasak na istoryang ilang beses na niyang narinig sa mga naitebol niyang GRO noong nanlalabas­an pa siya ng jeep bago niya nailigtas si Architect Timbang sa tangkang karnap.

Gabi noon, pagarahe na siya at napadaan sa kalyeng patungo sa garahe ng kanyang operator. Nakita niya ang dalawang lalaking iyon na kapwa may hawak na balisong at tinututuka­n sa leeg ang arkitekto na pasakay na sana sa bagong kotse nito. Tinapatan niya at sinita. “Hoy! Ano ‘yan?” Hawak na niya sa kamay ang tubong panukat ng krudo. “’Wag kang makialam dito…!” sabi ng isa sa mga lalaki, itinutulak papasok sa loob ng kotse ang arkitekto.

Bumaba siya sa jeep, nagpalinga-linga muna upang matiyak na dalawa lamang ang karnaper na kapwa patpatin. Itinutok ng isa ang balisong sa kanya na agad naman niyang napalo ng tubo, napaatras at napalapit sa kasama.

“Tutuluyan ko ‘to,” banta ng kasama nito na humigpit ang kapit sa leeg ni Architect Timbang at namalaging nakatutok ang balisong.

“Mam’ya lang daraan dito’ng sidecar ng barangay para magronda. T’yak, sakote kayong dalawa!”

Hinampas niya uli ang kasama nitong wala nang balisong, tinamaan niya sa tagiliran, pagkuwa’y sa tuhod; napaaringk­ing at napaatras ang kasama nito, nalito. Sinamantal­a ng arkitekto, nasiko, nasaktan at agad ding pinalo ni Miyo sa kamay. Sa halip na lumaban, itinulak si Architect Timbang at pumulas ng takbo, sinundan ang iika-ikang kasama.

Inalok siya nito ng pera, pakunsuwel­o, hanggang sa tuluyan siyang kuning driver. Tatlong taon na ngayon siyang nagtatraba­ho sa arkitekto.

Kumislot ang anak ni Susan at saglit silang huminto sa kanilang ginagawa. Latag lamang ng kutson ang hinihigaan ng mag-ina. Pumihit lang naman ang bata, hindi nagising. Itinuloy nila ni Susan ang laban. Sabik nga, nanggigigi­l.

Pagkatapos, gusto ni Susan na roon na siya magpaumaga. Ayaw niya. Nakakahiya kina Architect Timbang kung malamang hindi na naman siya natulog sa quarter niya.

NAGING abala sila ni Architect Timbang nang sumunod na linggo. May dalawang project na sinusubayb­ayan ang arkitekto: isang residentia­l house sa isang bagong bukas na subdibisyo­n at isang two-story building sa kabilang bayan. Gabi na sila laging nakakauwi. Kaya nang Linggong iyon, na day-off niya, maaga pa’y nasa mall na siya at nagliliban­g.

Nananangha­lian siya sa food court nang mapansin ang babaeng iyon, may dalang tray ng pagkain at naghahanap ng mauupuan. Ang saleslady sa tindahan ng alak.

“Miss…” Kinawayan ni Miyo, napalingon at napangiti nang makilala siya. Pandalawah­an ang mesang kinaroroon­an niya. Naupo sa katapat na silya ang babae.

Masalimuot ang buhay ni Miyo dahil sa kalikutan niya sa babae…

“Ser…” “O, ba’t di ka naka-duty?” “S-Suspendido ho ako, tri deys…”

“Bakit naman?”

“Laging leyt.” “Malayo ba’ng inuuwian mo?” “Oho.” At sinabi nito kung saan. Ang lugar, alam ni Miyo, ay may tatlo ngang bottleneck, aabutin ka nang siyam-siyam sa trapik kung tanghali ka nang aalis ng bahay. “Ba’t di ka na lang mag-board sa malapit?” “Baka di ko ho kayanin, maliit lang kasi’ng sinus’weldo ko.” “Pag sinuma’ng gastos mo sa pamasahe, gano’n din.” “Sabagay nga ho…” Nagsimulan­g kumain ang saleslady. “Ba’t ‘andito ka ngayon kung suspendido ka?” “Kumuha ko’ng s’weldo sa ATM. Wala ho kasing branch ng ATM do’n sa ‘min.”

Nakatapos kumain si Miyo, hinintay niyang makatapos din ang saleslady. “Me lakad ka pa ba?” “Wala na ho.” “Gusto mong manood ng sine?” Tiningnan lang siya. “—Kung gusto mo lang naman? Maaga pa naman. Wala ka naman yatang gagawin sa bahay.” “Wala nga ho.” “Tena.” Nasa third floor ang mga sinehan doon. Ang saleslady ang pinamili niya ng palabas: isang animation at isang horror

movie. Pinili nito ang horror movie. Matatakuti­n naman pala, nangangapi­t sa braso niya tuwing may nakakatako­t na eksena, humihilig at sumisiksik pa sa kanyang balikat, saka tila nahihiyang sinabi, “Naku, sori ho…” “Okey lang.” Kahit natutukso siya tuwing magkakadik­it ang mga braso nila, humalukipk­ip si Miyo. Ngayon lamang sumama sa kanya sa sine ang babae, nagtitiwal­a sa kanya at dapat lamang na maging maginoo siya. Next time na lang, sinasabi niya sa sarili, kung may next time pa. Natapos nila ang palabas at muling nagyayang kumain si Miyo. “Nakakahiya naman yata. Inilibre n’yo na ‘ko sa sine, tapos sa meryenda pa uli…”

“Ako naman ang nagyaya. Alangan namang magmeryend­a akong mag-isa nang hindi kita alukin.” Sumama rin. Nag-pizza sila. At doon niya nalaman ang pangalan ng babae: Julie pala mula sa Julieta.

“Tingnan mo nga naman, parang pinagtiyap. Alam mo bang Romeong pangalan ko?”

Napangiti ang babae. “Talaga ho? Ang palayaw n’yo, Romy?” “Miyo.” Tila ibig mapabungis­ngis ni Julie. “Ser Miyo, totoo bang pag Romeong pangalan ng lalaki, maano…?” “Maano?” “—Ma-tsiks.” Nagkibit-balikat siya. “Ewan. Basta ako stick to one…” “Talaga ho?” “Oo. Stick to one hundred!” Bungisngis nga, yumuyugyog ang balikat sa katatawa, naluluha pa. Mababaw rin pala ang kaligayaha­n. “Siguro ho marami kayong gerlpren?” “Wala nga kahit isa.” “Maniwala…” “Maniwala ka.”

Ayaw niyang itanong kung may boyfriend na ito. Sa edad ni Julie, alangan namang wala?

Inabot na sila ng takipsilim. Sa uwian, ibinili niya sa ng isang dosenang ang naraanang donut stand donuts saleslady. “Para sa’n ho ‘to?” “Meryendahi­n mo sa bahay.” Ngumiti. “Naku, salamat ho!” Hinintay niyang makasakay ng bus si Julie, saka siya sumakay ng jeep pauwi sa bahay ng among arkitekto. Nakapagsim­ula na siya, follow-up na lamang ang kailangan. Napangiti siya sa isiping iyon.

Sa bahay-garahe makapaligo, ininom niya ang natirang alak na hindi niya naubos kagabi. Naalala niya si Flora at ang anak nila. Kumusta na kaya?

Biyuda na si Flora nang maging girlfriend niya. Suki niya itong pasahero (tindera sa palengke—sa dry goods—si Flora at may isang anak na babae) at siya’y hiwalay naman sa kanyang kinakasama. Nagkaanak sila ni Flora, lalaki, nang sila’y magsama. Pitong taon na ngayon si JayAr.

Nagpadala siya ng pera sa Mindoro nang tanggapin ang kanyang suweldo. Doon man lamang ay makabawi siya sa kanyang mag-ina.

Hindi siya tine-text ni Susan. Naipagtapa­t nito sa kanya na may nanliligaw rito, retiradong Tsinoy na biyudo na.

“’Wag mo nang pakawalan,” sabi niya noong gabing magkatabi sila, “s’werte mo na ‘yan.” Nag-isip. “Baka hindi rin.” “Bakit naman?” “Muk’ang lambutin na.”

“Vitamin E lang ang katapat n’yan.” Napabungis­ngis. Nilingon uli nila ang natutulog nitong anak.

“Iba pa rin ‘yung natural—sumusulak!” At dinama siya sa ilalim ng kumot. “Tulad nito…”

Muli siyang naantig; napangiti si Susan. “Kitams, umilaw uli!” “Isang round pa tayo?” “Kaya mo pa ba?” “Ako pa?” Namungay ang mga mata ni Susan. “Sige.” Umulit sila. Iyon na pala ang huling pagtatagpo nila. Wala na ito sa pinapasuka­ng klab nang pasyalan niya. Sumama na raw sa Tsinoy na manliligaw, nagpagarah­e na. Sa isang banda, mabuti para kay Susan at sa anak nito. May perang papa ang sinamahan.

NAGING magiliw sa kanya si Julie mula noon. Kung bumibili siya ng alak, nakikipagm­atagalan sa pakikipag-usap sa kanya kahit palingun-lingon lagi, tinitiyak na wala sa paligid ang masungit na store supervisor. “Buti hindi ka na nale-leyt?” “Nale-leyt pa rin nga. Muntik-muntikan na naman akong masuspendi.” “Sabi ko kasi sa ‘yo mangupahan ka na lang sa malapit…” “Baka hindi kayanin ng s’weldo ko.” “Di ‘yung kaya lang ng s’weldo mo’ng kunin mong uupahan…” “Me alam ba kayo?” “Maghanap tayo. Kelan ka p’wede?” Martes ang day-off ni Julie. Kung maaga silang makakauwi ni Architect Timbang mula sa pagbisita sa mga project nito, masasamaha­n niya kahit sa hapon o sa gabi si Julie. “Sige, i-text kita kung p’wede ako sa Martes…” Hiningi niya ang cellphone number ng saleslady; idinikta sa kanya ni Julie.

Hindi sila natuloy nang Martes na iyon, gabi na silang nakauwi ni Architect Timbang. Sa halip, kina-Lingguhan, hinintay niyang makalabas sa supermarke­t si Julie, niyayang maghapunan at saka niyaya uling maghanap ng mauupahang kuwarto o bahay. “Hindi ba alanganin na? Gabi na.” Pasado alas-diyes na nga. “Maliwanag naman do’n sa paupahang nakita ko.” Nag-aatubili man, tiwalang sumama sa kanya si Julie. Ang paupahang tinutukoy niya ay ang apartment na nilisan ni Susan nang ibahay ng manliligaw na Tsinoy. Hinarap sila ng may-ari kahit gabi na, pinagbuksa­n at ipinakita sa kanila ang kabuuan ng apartment na kabisadung-kabisado ni Miyo. “O, gusto mo na rito?” “Solo-k’warto pala ‘to? Mag-isa lang naman ako. Baka mahal, di kayanin ng badyet ko?” “Gusto mo nga?” Nakangiti si Julie nang tumango. “Pahiramin muna kita ng pera, pandagdag.” Namilog ang mga mata. “T-Talaga?” “Ako pa!” “Tenk yu, Ser Miyo, da best ka talaga!” Nakalipat si Julie. Kapag sinusundo niya ito sa mall tuloy hatid na niya matapos silang maghapunan. Isang gabi, may iniabot si Julie sa kanya, supot. “O, ano ‘to?” Sa salat, tiyak niyang alak. Magkaharap sila sa mesang kainan sa food court. “Bigay ko sa ‘yo, pa-tenk yu.” Tuluyan niyang inilabas sa supot. Ang brand niya ng brandy. “Matutuwa’ng bahay-alak ko nito, inumin natin.”

Bumili siya ng pulutang bopis sa nadaanang hilera ng mga panindang pagkain.

Wala pang masyadong kasangkapa­n sa tinitirhan ni Julie. Ni walang mesang kainan. Panay ang hingi sa kanya ng paumanhin. Naupo sila sa lapag, nakasandal ang likod sa dinding, tig-isa sila ng baso at tig-isa rin ng kutsara. “Malakas ka bang uminom?” Umiling. “Malakas malasing!” Nagtampala­n sila ng mga palad. Gusto niya ang babaeng ito, sinasabi ni Miyo sa kanyang sarili: kalog, natural, masayahin.

Napasulyap siya sa pinto ng silid ni Julie na dati ring silid ni Susan at naalala ang maaalab nilang gabi roon ng syotang GRO. Kung alam lang ni Julie…

Mahigit sa kalahati na ang nabawas nila sa bote ng brandy. Wala nang yelo. “Yelo pa? Bibili ako sa tindahan…” “’Wag na. Baka malasing ako e hindi ako makauwi.” Napangiti. “P’wede ka namang matulog dito. Bukas ka na lang umuwi…”

Napangiti rin si Miyo.

(MAY KARUGTONG)

 ??  ?? Pero hindi naman siya pinalayas ng arkitekto, pinagsabih­an lamang.
“Uli-uli, kung magloloko ka, ‘wag kang magpapahul­i!”
Pero hindi naman siya pinalayas ng arkitekto, pinagsabih­an lamang. “Uli-uli, kung magloloko ka, ‘wag kang magpapahul­i!”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines