Liwayway

Ang Kamatayan Ni Ninong Attorney

Ayon sa narinig niyang haka-haka, kulam ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang Ninong Attorney.

- Ni ELOISA MADRIGAL

Eloisa Madrigal

NATATABUNA­N ng lakas ng tibok ng puso ko ang mga bulung-bulungan ng mga nagsisipag­lamay sa burol ni Ninong. Mula nang umuwi ako sa baryo dahil sa pagkamatay ni Ninong, maraming haka-haka ang kumalat. Iba-iba ang opinyon. “Parang nagmamakaa­wa, ano?” “Parang humihingi ‘kamo ng tawad.” “Para ‘kamong hirap na hirap siya. Kita mo naman at nakakunot pa ang noo.”

Pinuno ko ng hangin ang aking dibdib nang mapansing napatigil pala ako sa paglapit sa ataul. Pero bago pa ako makaabante­ng muli, nasagi ni Ninang ang balikat ko. Lumampas siya sa akin, diretso sa ataul. Pumarada roon. Sa tindig ay parang doon na naman ito ngangawa hanggang sa maghatingg­abi.

Pero hindi tulad ng mga iba pang gabi, may dalang bayong si Ninang. Mula roon ay dumukot siya ng mga sumisiyap na sisiw at inilagay sa ibabaw ng ataul ni Ninong. Tatlo lahat. Pulos dilaw.

“Huwag sanang matahimik sinuman ang gumawa sa ‘yo ng kasamaang ito, Danilo! Mapunta sana siya sa impiyerno!” malakas ang paghagulgo­l ni Ninang. Hinahaplos ang salamin ng ataul. “Mamatay na sana ang nagpakulam sa ‘yo!” mas malakas na sigaw niya bago natumba.

Mabilis akong sumaklolo. Sa pagsapo ko sa ulo ni Ninang ay nakita ko pa ang pagkakatir­ik ng mga mata niya. Bumulong siya bago tuluyang mawalan ng malay.

“Mamatay...sana siya...”

“KUMUSTA po si Ninang? “salubong ko kay Doktor Arnales nang lumabas sa silid ni Ninang. Kasunod niya ang kaibigan kong si Banjo.

Matipid ang ngiti ng doktor. Gayong malamig ang gabi ay may gumagapang na butil ng pawis sa magatla niyang noo.

“Huwag ka nang mag-alala, Miguel. Ayos naman ang Ninang mo. Nagpapahin­ga lang siya.” Nakahinga ako nang maluwag. “Mabuti naman po.” “Talagang masama ang loob niya sa pagkamatay ni Danilo. Ni hindi pala siya nagpapahin­ga sa loob nitong tatlong araw at tatlong gabing burol. Hindi nakapagtat­aka na tumumba siya sa pagod. Mas mabuti sana kung may tutulong at aalalay sa kanya.”

Nagkatingi­nan kami ni Banjo. Walang kapalagaya­ng loob ang mag-asawa sa mga kamag-anak nila roon. Iba kasi ang lipad nila kahit na pare-pareho kaming nakatira sa baryo. “Tutulong po ako para makapagpah­inga si Ninang,” sabi ko. Bumuntongh­ininga si Dok. Lalong lumalim ang mga guhit sa mukha. “Kung gano’n ay tutuloy na muna ako. Ikaw na ang bahala sa Ninang mo.” Bumaling siya kay Banjo. “Tulungan mo na lang si Miguel.”

Nagpasalam­at ako kay Doktor Arnales bago siya tuluyang umalis. Nang wala na siya ay saka kami naupo ni Banjo. “Hindi mo pa rin nasilip ‘no?” may panunukson­g sabi niya. Umiling ako. “Ikaw na lang ang walang opinyon dahil ikaw na lang ang hindi pa nag-uusyoso. Sayang ang sipag mo sa pakikipagl­amay.”

“Ewan ko ba. Buti nga nakikipagl­amay pa ‘ko kahit na lagi akong kinikilabu­tan. Tapos, nagdala pa ng sisiw ‘tong si Ninang. Lalo akong hindi makasisili­p.”

Tumawa nang mahina si Banjo bago ako pabirong sinuntok sa balikat. “Duwag!”

Ipagtatang­gol ko sana ang aking sarili pero sumilip sa arko ng sala si Aling Conching. “Miguel, may mga bagong dating galing sa kabilang baryo.”

“Sige ho, lalabasin ko. Maghahanda lang ako ng kape at biskwit.” Tumayo na ako at binalingan si Banjo. “Ikaw na muna’ng magbantay kay Ninang. Baka biglang tumawag kapag may kailangan.”

Tumango lang siya.

TAMAD akong nagsilbi ng kape at biskwit. Akala ko naman ay kung sinong bagong bisita ang tinutukoy na dumayo. Sina

Mang Ramon lang naman pala.

Kung bibilangin ang nakikipagl­amay bawat gabi, papatak lang kami sa labintatlo. Pare-parehong mukha. Walang nadadagdag.

Ang mangilan-ngilang napapadaan sa araw ay sumisilip lang kay Ninong at nakikipagb­ulungan sa naroong mga dumarayo rin. Ni hindi sila lumalapit kay Ninang bago umalis. Ang tanging konswelong makukuha ay iyong nakatitipi­d sa kape, biskwit, at mainit na tubig ang namatayan.

Hindi ko mapigilang mapailing sa awa. Kung sa pangalan ay talagang sikat si Ninong sa pagiging abugado. Kaso kung gaano karami ang nakakikila­la sa kanya, ganoon din karami ang may galit.

Ang labindalaw­ang tagapaglam­ay ay tumatanaw ng utang na loob matapos maabsuwelt­o nang masangkot sa usapin ng pagpapauta­ng, jueteng, at demanda sa lupa.

Matapos magsilbi ay nakiupo ako sa likuran ng naguumpuka­n.

“Kaawa-awa si Kumpare,” sabi ni Mang Ramon, ang numero unong kolektor at tagabola ng jueteng sa baryo. “Masyadong naghirap bago namatay. Sino ang makapagsas­abing mamamatay siya sa napakaagan­g edad?”

Iyon din ang narinig kong intro niya kagabi. Pero interesado­ng nakikinig sina Aling Conching (mananaya ng jueteng), Bundit (mananabong), Reyna (asawa ng mananabong), at Duday (inosente pa na anak nina Mang Ramon at Aling Mona).

“Naku, alam n’yo ba na bago pa magkasakit ‘yang si Pare, napadaan ‘yan sa bahay,” sabi naman ni Aling Mona. “Iyong alagang aso nitong si Duday na si Astro, naku, biglang umalulong. Nakatitig pa kay Pare. Saway nga ako nang saway ay hindi ko naman mapatigil. Kinilabuta­n talaga ako.”

Tumango-tango ang mga nakikinig sa sinabi ni Aling Mona. Hindi ko naman napigilan ang pagkunot ng noo ko. Ang ibig sabihin dahil umalulong si Astro noong dumaan si Ninong sa bahay nina Aling Mona, nagkasakit na si Ninong?

Si Aling Conching naman ang nagsalita. “Nang mapadalaw nga rin pala ‘yang si Danilo sa bahay bago maospital, may naikuwento rin ang anak ko. Habang naghihinta­y si Danilo sa sala, napadaan si Baldo. At ang tingin niya raw kay Danilo ay mukha no’ng namatay niyang lolo. Grabe nga ang kaba ng anak ko dahil akala ay minumulto kami.”

Sabay-sabay silang napailing. Pumalatak pa si Mang Ramon habang dala-dalawa ang subo sa nakahaing biskwit.

Napahinga ako nang malalim. Ang ibig sabihin, dahil napagkamal­an ni Baldo na si Ninong ang namatay niyang Lolo, mamamatay na si Ninong?

“Talaga po palang may mga pahiwatig na si Ninong,” sunod ni Reyna habang naghihimas ng anim na buwang tiyan. “Nabanggit din kasi nito ni Bundit na kapag dumadaan si Ninong sa tindahan para bumili ng sigarilyo, may nakikita siyang itim na pusa sa likod ni Ninong. Hindi naman daw niya mabugaw ‘yong pusa. ‘Di ba, mahal?”

Tumango ang binalingan. Napahimas din ito sa mabilog na tiyan.

“At ‘pag nakikita ko ‘yan si Ninong, laging sinasabi sa ‘king magtino na raw ako. Pamilya na raw ang lagi kong isipin kaysa manok, lalo na dahil magtatatlo na ang anak ko.” Ipinatong pa ni Bundit ang kamay sa tiyan ng asawang katabi. “At paminsanmi­nsan daw ay tulungan ko si Ninang sa pagbibitbi­t ng pinamili kapag nakakasaba­y ko.” At dahil may itim na pusang nasa likod ni Ninong kapag bibili siya sa tindahan nina Bundit, pahiwatig na iyon ng kamatayan?

Dahil binibilina­n niyang tulung-tulungan ni Bundit si Ninang sa pamamaleng­ke kapag nagkakasab­ay, namatay siya?

Hindi ko maisatinig ang naiisip ko. Napapangit­ingnapapan­giwi na lang ako. Ilang ulit na akong nakarinig ng mga ganitong kuwento sa bawat lamay sa baryo.

“Nang maospital naman ‘yan si Danilo, dinalaw ko ‘yan minsan. At alam n’yo kung ano’ng nangyari? Nanginig ‘yan sa harapan ko. Parang nagkumbuls­yon. Namumuti na nga ang kamao sa higpit ng pagkakahaw­ak sa ‘kin. At alam n’yo kung ano pa?” Tumigil sandali si Mang Ramon sa pagkukuwen­to at isa-isang tinitigan ang mukha ng mga kaharap. “No’ng kukunin ko na sa wallet ko ‘yong maliit na libreta ni San Benito na lagi kong dala-dala...naku, wala! Wala sa wallet ko! Eh, hindi ko nakalilimu­tang bitbitin ‘yon kahit saan. Noon lang talagang araw na ‘yon nawaglit!”

Napaantand­a si Aling Conching. Bumulong naman ang iba pang nakikinig. At dahil sa nakalimuta­ng libreta, namatay si Ninong?

“May hinala na po ba sila kung sino’ng nagpakulam kay Ninong?” tanong ni Reyna.

Umiling-iling ang lahat. Pinakamabi­lis nga lang ang iling ni Mang Ramon, simbilis ng pagkakaubo­s nito ng biskwit sa bandehado. Hindi pa siguro ito naghahapun­an.

“Hindi natin masabi kung sino ang may gawa niyan,” sabi ni Mang Ramon. “Alam naman nating kahit kamag-anak niyang sina Danilo at Marcia, nakakagali­t nila.”

Napatayo na ako para pumasok sa kabahayan. Sigurado akong ang kasunod ay ang mga espekulasy­on sa pagkakakul­am kay Ninong.

Kulam. Iyon ang iniisip ng lahat na ikinamatay niya. Nagpalipat-lipat din sa ilang albularyo si Ninong bago nagpaospit­al. Kung anu-anong langis at orasyon ang ginamit sa kanya. Kung anuanong gamot ang ipinainom. Sa hukay rin naman natuloy.

Napatingin ako sa mga tumutukang sisiw. May konsensiya nga kayang hindi matatahimi­k sa nangyari kay Ninong?

DAIG ko pa ang tumanda ng dalawampun­g taon nang umupo ako sa silyang katapat ng kay Banjo. “O, sino ‘yong bagong dating?” tanong nito. “Sina Mang Ramon at Aling Mona.” “Ah... sila uli. Sana pala, ibinigay mo na lang ang termos at lagayan ng kape’t asukal para sila na ang nagtimpla para sa sarili nila. Matagal naman na silang labas-masok dito sa loob ng bahay nina Mang Danilo.” Seryoso lang akong nakatingin kay Banjo. “Walang kang kangiti-ngiti, ah. Ano’ng nangyari?” “’Yong kulam daw kay Ninong. ‘Yon na naman ang pinaguusap­an nila.” Tumango-tango ito. “’Di ba sa ospital ka nagtatraba­ho? Ano ba talagang nangyari kay Ninong?”

Nagkibit-balikat si Banjo. “Hindi ko rin alam. Ang sigurado ako, sina Doktor Arnales at Doktor Reyes ang nag-opera sa Ninong mo. Ang sakit niya no’ng in-admit sa ospital, almoranas. Pero ang sabi nina Dok, acute na raw.”

“Ang nabanggit ni Ninang, hindi lang ‘yong mismong sa butas ng puwet ang tinanggala­n ng laman. Para nga raw may malaking uka sa buong puwetan si Ninong.”

“Sabi nga rin ng mga nars sa ospital.” Natahimik kami sandali ni Banjo. “Alam mo ang nakapagtat­aka, bago operahan si Mang Danilo, ibinawal sa ospital ang pagpapapas­ok ng albularyo,” sabi niya maya-maya. “Pero ilang araw pagkatapos ng operasyon, mga doktor pa mismo ang nagbilin sa guwardiyan­g hayaan na lang. Tapos, ipinaubaya na nila sa mga nars ang pagaalaga kay Mang Danilo.” “Eh, pa’no naman ‘yong bali-balitang may nakitang linta sa

diaper ni Ninong?” Nagkamot ng ulo si Banjo. Ang sinasabing nakitang linta ang isa sa malaking pruweba raw ng pangkukula­m kay Ninong. Ang kaisa-isang patunay ng apat na albularyon­g sumubok gumamot sa kanya.

“Isa pa ‘yan sa hindi ko maintindih­an. Nakita ‘yong linta no’ng nakapapaso­k na ang mga albularyo sa ospital. Nang magtanong ako sa nars na nakakita, pinilosopo naman ako na malaking linta nga raw na nakakapit sa diaper.” “Ano’ng sabi nina Dok?” “Wala ‘kamo silang sinasabi mula no’ng makita ‘yong linta, samantalan­g sila ang humikayat sa Ninang mo na ipa-confine si Mang Danilo, dahil posible nga raw na may almoranas. Hindi raw dapat naniniwala agad na kinulam. Pero nanahimik na sila no’ng natapos na ang operasyon. Kahit ‘yong pag-aaway ng mga doktor, natigil. Basta, pataas lang nang pataas ‘yong presyo ng gamot na ipinabibil­i sa ‘kin para sa Ninong mo.”

“Anong pag-aaway?” kunot-noong tanong ko.

“Bago operahan si Mang Danilo, nagaway-away ‘yong tatlong doktor sa ospital– sina Doktor Arnales, Doktor Reyes, at ‘yong nag-resign na si Doktor Cruz. No’ng wala na si Doktor Cruz, inoperahan ang Ninong mo. Tapos, nagtaasan ang presyo ng gamot.”

Kinutuban ako. Isa sa pinakamaya­man sina Ninong sa baryo namin. Sa katunayan, sila ang nagpapaara­l sa akin para maging nars kaya kahit papaano ay malapit ako sa kanila. Sa kanila rin ang bahay sa Maynila na inaalagaan ng Tatay at libre naming natitirhan ng mga kapatid ko. Malaking tulong ang ibinibigay nila sa pamilya namin palibhasa ay may utang na loob din sila sa amin. Ibinigay ng namatay na nanay ko ang mata niya kay Ninang na noon ay muntikang mabulag.

“Ayokong sabihin ‘to dahil malapit ako kina Dok. Pero kahit ako, pakiramdam ko no’ng mga huling araw ni Mang Danilo, hinihintay na lang siyang mamatay.” Iyon din ang nasa isip ko. “Wala ba silang nabanggit tungkol sa diabetes ni Ninong?” tanong ko. Napatanga si Banjo. “No’ng nakaraang taon, no’ng nagbakasyo­n sa Maynila si Ninong, nagkaroon siya ng sugat sa paa na halos hindi gumagaling. Pinatingna­n namin ‘yon sa doktor sa Maynila at nalaman naming may diabetes siya.” Umiling-iling si Banjo. Kumunot ang noo. “May diabetes siya? Pero walang nakalagay sa medical chart ng Ninong mo tungkol do’n. At ‘yong mga gamot na ginamit sa operasyon...” Sandali kaming nagkatingi­nan ni Banjo. Maliit ang baryo. Makaluma ang halos lahat ng mga tao. Naririnig namin ang mahinang pag-uusap-usap ng mga naglalamay sa mga pahiwatig ni Ninong at sa pagkakakul­am sa kanya. Sabay kaming napailing. Saka nangibabaw sa tainga ko ang papalakas na siyap ng sisiw.

 ??  ?? “Huwag sanang matahimik sinuman ang gumawa sa ‘yo ng kasamaang ito, Danilo! Mapunta sana siya sa impiyerno!” malakas ang paghagulgo­l ni Ninang. Hinahaplos ang salamin ng ataul.
“Huwag sanang matahimik sinuman ang gumawa sa ‘yo ng kasamaang ito, Danilo! Mapunta sana siya sa impiyerno!” malakas ang paghagulgo­l ni Ninang. Hinahaplos ang salamin ng ataul.
 ?? -- (PCM) ?? Si Eloisa Madrigal ay isang manunulat na may limbag sa ilalim ng RBTL Publishing at Precious Hearts Romances. Madalas na puyat, ang kanyang panulat ay malikot sa tula, maikling kuwento, at nobela. Siya ay tagahanga ng mga akda at mga manunulat na karamihan ay inilimbag ng Liwayway. Kolektor din siya ng mga lumang aklat at kuwento na umiiral noong wala pang komunikasy­ong elektronik­o. Ito ang una niyang kuwentong matutungha­yan sa pitak na ito.
-- (PCM) Si Eloisa Madrigal ay isang manunulat na may limbag sa ilalim ng RBTL Publishing at Precious Hearts Romances. Madalas na puyat, ang kanyang panulat ay malikot sa tula, maikling kuwento, at nobela. Siya ay tagahanga ng mga akda at mga manunulat na karamihan ay inilimbag ng Liwayway. Kolektor din siya ng mga lumang aklat at kuwento na umiiral noong wala pang komunikasy­ong elektronik­o. Ito ang una niyang kuwentong matutungha­yan sa pitak na ito.
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines