Pambansang Sinupan: Haligi Ng Kalinangan
Jon E. Royeca
ANG Pambansang Sinupan ng Pilipinas o National
Archives of the Philippines (NAP) ay isang pangkalinangang ahensiya ng pamahalaan na tungkulin ang pangangasiwa sa mga sinupan at talâ—dapat nitong tipunin, imbakin, kupkupin, at ibahagi sa madla ang mga talâng pambayan na ang halaga sa kasaysayan at pananaliksik ay walang hangganan.
Isa ito sa anim na pangasiwaan na kahanay ng Pambansang Komisyon para sa Kalinangan at mga Sining, ang pangunahing pangkalinangang ahensiya ng pamahalaan. Ang limang iba pa ay ang Pambansang Museo ng Pilipinas, Pambansang Aklatan ng Pilipinas, Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, at Komisyon sa Wikang Filipino.
Naitatag ito noon pang panahon ng pananakop ng Espanya sa Pilipinas. Noong 1898, umiral ito biláng ang Sangay ng Sinupan ng pamahalaang kolonyal ng Espanya. Sa mga unang taon ng pananakop ng Estados Unidos, o eksaktong noong ika-21 ng Oktubre 1901, pormal itong naitatag bílang ang Tanggapan ng Sinupan.
Sa mga sumunod na dekada, sumailalim ito sa mga reorganisasyon at nailapat bílang isang mahalagang sangay mula sa isang higit na malaking ahensiya ng pamahalaan patungo sa iba pa. Mula sa pagiging Tanggapan ng Sinupan, ito ay naging Kawanihan sa Pangangasiwa ng mga Talâ o Bureau of Records Management (BRM) noong 1958, Tanggapan sa Pamamahala ng mga Talâ at Sinupan o Records Management
and Archives Office (RMAO) noong 1972, at NAP noong ika21 ng Mayo 2007, nang lagdaan ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo ang Atas ng Republika Blg. 9470—ang batas na lumikha sa NAP.
Mga Kayamanan
ANG NAP ang imbakan ng mga talâ ng bansa, at ang mga iniingatan nitong talâ ay agad na maituturing na kayamanan. Binubuo ang mga iyon ng 60 milyong dokumento na nakalap sa panahon ng pananakop ng Espanya (1565-1898), Estados Unidos (1898-1946), at Hapon (1941-45), at mula nang makamit ng bansa ang kasarinlan o panahong republikano na nagsimula noong 1946. Nilalagom ng mga dokumentong iyon ang kasaysayan ng politika, ekonomiya, lipunan, kalinangan, agham, at legal
ng bansa. Ang pinakatatanging taglay na NAP ay ang Koleksiyong
Espanyol, na binubuo ng 18.8 milyong piraso ng dokumento na nagawa noong panahon ng pananakop ng Espanya. Kabílang sa mga dokumentong ito ay mga atas ng mga hari; bula at liham ng mga papa; talâ ng Kataas-taasang Hukuman at mabababang hukuman; pamamahagi sa lupa ng mga hari; ulat ng mga enkomendero, punong-bayan, at gobernador na Espanyol; sulat pastoral at talâng eklesyastiko; ulat ng mga pamahalaang panlalawigan at pambayan; planong pang-inhinyeriya at pangkonstruksiyon; mapa; at talâ ng mga himagsik ng mga katutubong Pilipino. Nag-iingat din ang NAP ng mga talâ ng kapanganakan (1920-33), kasal (1920-28), mga katibayan ng pagmamay-ari sa lupa, at mga dokumento notaryo (Records
Quarterly, Tomo III, Blg. 1, Maynila: RMAO, p. 2). Ang mga kayamanang ito ay dapat mailayo mula sa lahat ng puwersa ng pagkasira at pagkawasak—mga peste, polusyon, sunog, bagyo, baha, pagnanakaw, at digmaan. At ang mga pinuno at kawani ng NAP ay sagad-sagarang ginagawa ang kanilang tungkuling mapangalagaan ang mga yamang iyon. Kabílang sa pag-iingat na ginagawa nila ay ang muling pagsasaayos o restoration ng mga talâ na unti-unting sinisirà ng panahon, klima, at mga peste.
Salo-salo sa Iisang Gusali
NOONG hulíng bahagi ng dekada 1950, ang pamahalaan ng Pilipinas, sa pamamagitan ng Pambansang Komisyon ng Ikasandaang Taon ni Jose Rizal o Jose Rizal National Centennial
Commission (JRNCC), ay nagpasya na magtayo ng mga gusali bílang parangal sa ika-100 kaarawan ng pambansang bayaning si Jose Rizal (noong 1961). Sa dinami-rami ng mga binalak na itayo, iisa lámang ang nagawa ng JRNCC—ang gusali ng Pambansang Aklatan.
Ang gusali ay nakatayo sa timog na kaliwang bahagi ng pinakatampok na liwasan ng bansa, ang Liwasang Rizal, sa Ermita, Maynila. Bagama’t ipinangalan iyon sa pangunahing aklatan ng bansa, napagkasunduan noon na ibabahagi iyon ng Pambansang Aklatan sa dalawa pang ahensiyang pangkalinangan ng bansa: ang BRM at ang JRNCC. Sa kalaunan, ang JRNCC ay naging Pambansang Suriang Pangkasaysayan o National Historical Institute (NHI) at Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas o National Historical Commission of the Philippines (NHCP).
Kayâ, sa sumunod na tatlong dekada, masayang pinagsaluhan ng tatlong ahensiya ang gusaling iyon. Subalit noong dekada 1990, humiling ang NHI sa Kongreso ng sarili nitóng gusali. Napakapalad nito dahil nabiyayaan ito ng pondo at sa gayon ay sariling gusali—ilang metro lámang ang layo mula sa Pambansang Aklatan.
Higit na mapalad ang isa pang ahensiyang pangkalinangan ng pamahalaan, ang Pambansang Museo, dahil nakakuha ito hindi lámang ng iisa kundi tatlong edipisyo—ang mga lumang gusali ng Kongreso, Kagawaran ng Pinansiya, at Kagawaran ng Turismo, na nakatayo lahat sa looban ng Liwasang Rizal.
Ang BRM, na naging RMAO na, ay nanatili sa Pambansang Aklatan. Noong 1997, pinamunuan ni Pang. Fidel V. Ramos ang mga seremonya na nagpapatunay na ibinibigay na sa RMAO ang matandang Gusaling Intendencia sa Intramuros, Maynila. Ang gusali ay inaasahan na siyang magiging panghabambúhay nang tahanan ng RMAO. Subalit pumalag ang Pangasiwaan ng Intramuros, at ipinaggiitan na ito ang nagmamay-ari sa lupa na kinalalagyan ng mga guho ng Intendencia. Hinarang nito ang RMAO na masamsam na ang Gusaling Intendencia.
Pinabayaan?
DAHIL wala na ang NHI sa Pambansang Aklatan, naisip marahil ng hulí na silá ang tanging nagmamay-ari sa gusali. Sinimulan na nitong pagsabihan ang RMAO na umalis na sa gusali at maghanap na ng sariling luklukan sa ibang pook. Hindi pinansin ng RMAO ang walang humpay na pabatid ng Pambansang Aklatan.
Noong 2010, napagpasyahan ng mga pinuno ng Pambansang Aklatan na patibayin ang gusali. Binalaan nila ang RMAO, na naging NAP na, na kung hindi magtutungo
sa ibang pook habang pinatitibay ang gusali, mailalagay sa panganib ang mga kawani ng NAP. Maaaring bumagsak sa mga kawani ang mga bakal, semento, at iba pang gámit sa konstruksiyon, at maaaring magdulot ang mga iyon ng pinsala at maging kamatayan. Hindi pa rin pinansin ng NAP ang babala, kahit mariin iyon.
Subalit nang mag-umpisa na ang pagpapatibay, at binubutas na ang iba’t ibang bahagi ng gusali ng Pambansang Aklatan mula noong 2012, kabílang na ang mga espasyo ng NAP, napilitan na ang NAP na lumikas mula sa gusali. Subalit hindi nito madala ang Koleksiyong Espanyol, dahil walang mapaglalagyan niyon. Hinayaan naman ng pangasiwaan ng Pambansang Aklatan na manatili iyon sa gusali.
Nakatagpo ang NAP ng bágong tanggapan sa Daungan ng Maynila. Hindi mainam ang pook na iyon, dahil napalilibutan iyon ng mga kolonya ng iskuwater at madalas maganap ang sunog doon. Subalit walang magawa ang NAP. Iyon ang tanging nakita na pansamantalang mapagkakanlungan nila. Noong 2017, muling lumipat ang NAP sa isang gusali sa Binondo, Maynila. At nito lámang ika-28 ng Mayo, narating na yata ng NAP ang dulo ng kamalasan, dahil nasunog ang nilipatang gusali. Mabuti na lámang at nailigtas ang mahahalagang dokumentong nakaimbak doon.
Ang pakiramdam ng mga pinuno at kawani ng NAP ay napabayaan silá. Humihingi silá sa gayon ng sarili nilang tahanan. Ang pinakamabuting pook para sa gayong tahanan ay ang puwang sa kaliwang gilid ng gusali ng Pambansang Aklatan. Inaasam na ang kasalukuyang pambansang pamahalaan ay pakikinggan at bibigyan ng halaga ang hiling ng isa sa mga haliging pangkalinangan ng bansa.