Pag-Usapan Natin!
Kuya Sam
DEAR KUYA SAM: Ako nga pala si Bella, labingwalong taong gulang, nag-aaral sa isang pamantasan sa Maynila. Naging boypren ko po, Kuya Sam, ang isa sa mga propesor namin. Minsan kasing niyaya niya akong magkape at nagkausap kami nang masinsinan. Doon ko nalaman na nagkalabuan na pala sila ng kanyang misis dahil, sabi niya, may ibang lalaki rin itong kinalolokohan. Naawa naman ako sa kanya. Sa kanyang kabaitan, nagawa pang lokohin ng kanyang misis. Ilang buwan pa ang nakalipas at nanligaw siya sa akin. Hindi ko naman pinatagal, sinagot ko siya.
Sa totoo lang, Kuya Sam, hindi ko iniisip ang consequence ng relasyon namin noon. Napagtanto ko lang ito nang nag-confide ako sa matalik kong kaibigan tungkol dito. Ang sabi niya, kahit pa sabihin nating malabo ang relasyon nilang mag-asawa, mag-asawa pa rin sila at p’wede niyang balikan ang misis niya.
Lubha akong natakot dito, Kuya Sam. Mali itong kinasasadlakan kong sitwasyon. Mali itong relasyon namin ni Sir. Wala akong karapatan sa kanya. Wala akong maipaghahabol sa kanya. Isa itong kabaliwan, alam ko.
Ngunit sa kabilang dako, Kuya Sam, dinig na dinig ko ang bulong ng aking puso. Mahal ko siya. Hindi ako nagpapanggap. Totoo ako sa damdamin ko.
Ang hirap ng kalagayan ko, Kuya Sam. Mahal ko siya. At alam ko rin naman na mahal niya ako. Ngunit hindi lubos ang kaligayahan ng aming pagmamahalan dahil sa kanyang kalagayan.
Anong maipapayo mo sa akin, Kuya Sam? – BELLA
DEAR BELLA: Malaking sakripisyo ang gagawin mo para makaiwas ka sa iskandalo, Bella. Sa edad mong iyan, napaka-risky ng pinasok mong sitwasyon. Hindi pa masyadong hinog ang pag-iisip mo at alam kong emosyon mo lang ang umiiral dito. Alam kong naintindihan mo ang lahat ngunit sa pagbaba ng tamang pasya, baka hirap ka nito.
Hindi ko sasabihing mali ka ngunit hindi ko sasabihing tama ka. Ang kulang lang dito ay ang masusing pagninilay-nilay. Bella, mahirap lumaban sa isang giyera na hindi mo masyadong naintindihan ang ipinaglaban ng iyong hanay. Okey lang ang masugatan o malagasan basta alam natin ang kahulugan ng ipinaglaban natin. Sa kaso mo, alam mo ngunit hindi mo naintindihan. Iba ang alam sa naintindihan. Ganito ang maipapayo ko sa iyo, makinig ka: Sabihin mo kay Sir na pansamantala muna kayong mag-cool off hindi dahil sa hindi mo siya mahal ngunit sa kadahilanang wala ka pa sa tamang maturity para pasukin ang ganito kasikip na buhay. Tutal, kung talagang mahal ka ni Sir at maisaayos niya ang personal niyang buhay, nariyan ka lang naman, p’wede naman kayong magbalikan. Sa ngayon kasi, masyado ka pang bata para sa ganitong relasyon. Hindi ko sinasabing hindi ka marunong magbaba ng tamang pasya ngunit batay sa karanasan, malamang sa malamang na damdamin lang ang umiiral sa desisyon mo.
Bella, huwag ka munang magpakaseryoso sa relasyon na iyan. Ayokong magsisisi ka sa bandang huli. Iyang sinasabi ni Sir na nagkalabuan sila ng misis niya, natural na sasabihin niya iyan para makuha ang loob mo. Iba ang katotohanan sa salita at iba ang katotohanan sa lansangan. Kaya huwag kang masyadong magtiwala sa kanyang sinasabi dahil natural lang iyan.
Maging sensible sa mga desisyon mo sa buhay. Sumangguni sa mga kaibigang nakakaalam. – KUYA SAM
(MAAARI ninyong isangguni kay Kuya Sam ang inyong mga problema sa pag-ibig at buhay sa pamamagitan ng e-mail address: kuyasam29@ yahoo.com o kaya’y ipadala sa: PAG-USAPAN NATIN c/o Liwayway Magazine, Manila Bulletin Publishing Corporation, Muralla cor. Recoletos Sts., Intramuros, Manila.)