Ano Ang Kahalagahan
Onil Lavares
MADALAS ipadala sa ating bansa ang ang iba’t ibang relics ng mga santo. Dinala sa Pilipinas ang relics ni St. Therese ng Lisieux nang maraming beses, at madalas itong ilagak para makita ng madla sa Shrine of St. Therese of the Child Jesus sa Pasay City. Kamakailan nama’y ipinakita sa madla ang blood relic ni St. John Paul II sa Manila Cathedral. At may mga relic na permanenteng nakalagak para pagdasalan at pagnilayan. Halimbawa, ang bone relic ni St. Peregrine (ang patron ng mga may sakit na kanser) ay makikita sa isang relic chapel na katabi ng altar ng simbahan.
Iba’t ibang uri ng relics
ANG relic ay mga labi ng iba’t ibang bahagi ng katawan o mga personal na gamit ng isang santo o isang idineklarang blessed na siyang ipinakikita sa mga deboto upang ito’y igalang (venerate).
May tinatawag na real o first-class relics. Ito’y tumutukoy sa mga materyal na labi ng santo matapos siyang mamatay, tulad ng balat, buto, damit, mga bagay na kanyang ginamit sa pagtitika o pananalangin. Maaari ring tumukoy ito sa mga bagay na kaugnay sa kanyang pagkakapiit sa kulungan, tulad ng mga relics ng mga martir (those who died for the faith).
May tinatawag namang representative relics. Ito’y mga bagay na itinatabi sa mga labi o katawan ng santo o martir, o dili kaya’y puntod niya.
Hindi eksklusibo sa Kristiyanismo ang relics ng isang banal na yumao. Ito’y mahalagang aspekto rin ng ibang relihiyon tulad ng Buddhism, Islam at Hinduism.
Paggalang, hindi pagsamba
BAKIT kailangang igalang (hindi sambahin) ang mga relics ng lahat ng mga banal o santo? (Ang katumbas ng “paggalang” sa kontekstong ito ay “veneration” – hindi “pagsamba” (worship) na siyang iniuukol lamang para sa Diyos ng mga Kristiyano.)
Ayon sa isang polyeto ng Shrine of St. Therese of the Child Jesus na sinipi ang sinulat ni St. Thomas Aquinas sa kanyang Summa Theologica, ito’y sapagkat sila’y para kay Kristo. “Sila’y mga anak ng Diyos at kanyang mga kaibigan, at dahil dito, sila’y mga tagapamagitan ng Diyos para sa mga nabubuhay na tao. Samakatuwid, ang bawat relic ay isang tala tungkol sa isang santo… ang pinag-uukulan nang malalim na paggalang at pagdangal ay ang mga santo…ang kanilang mga
relics ay pawang mga tanda o paalaala lamang.”
Dagdag ng polyeto: “Binibigyan ng katwiran ang kulto ng paggalang sa mga relics ayon sa tatlong prinsipyong itinatag ng Council of Trent: ang mga katawan ng mga santo’y templo ng Espiritu Santo, mga kasapi ng Katawan ni Kristo, at itinadhana sila sa muling pagkabuhay.”
Paano naman dapat igalang ang mga relics ng mga santo? Ayon pa rin sa polyeto, ito’y dapat gawin gaya ng ginagawa natin para sa ating mga yumao (sila ma’y mga mahal natin sa buhay, kamag-anak, kaibigan, kakilala) sa harap ng kanilang mga labi – iginagalang ang mga ito ng lahat ng tao, anuman ang kanilang edad o kultura.
“Ang mga relics ng mga santo’y pagpapakita ng kanilang naging buhay sa mundo. Ipinamamalas nito ang kanilang pagiging tao – paano sila namuhay, nagtrabaho, nagdusa at nanalangin. Sa pamamagitan ng kanilang relics, ipinamamalas ng Diyos ang kanyang presensiya, at ang kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian…” ayon sa polyeto. “Ang paggalang at pagdalangin sa mga relics ni St. Therese, halimbawa, ay pagdalangin mismo sa santong ito.”