Buklat /Mulat
Dr. Eugene Y. Evasco
ANG Islandborn (Dial Books for Young Readers, 2018) ang kauna-unahang aklat pambata ni Junot Diaz (may-akda ng nobelang The Brief Wondrous Life of Oscar Wao) na may mga ilustrasyon ni Leo Espinosa. Tubong-Dominican Republic si Diaz, mula naman sa Bogota, Colombia si Espinosa. Tugon ang nasabing aklat sa panawagan na magkaroon ng diversity ang panitikang pambata sa US na malaon nang pinaghaharian ng mga manlilikhang Puti. Sa pamamagitan ng pagkakalathala nito, magkakaroon ng representasyon ang mga pamayanang Latino sa aklat pambata. Inaasahang higit na makakaugnay ang mga batang imigranteng mambabasa sa aklat na kanilang hawak. Makikita nila ang kanilang sarili sa mga danas ng bidang tauhan. Mapagtatanto nilang hindi sila nag-iisa sa kanilang pagharap sa mga hamon bilang mamamayan ng US.
Sa simula ng kuwento, nailarawan na agad ni Diaz ang katangiang multikultural ng paaralan sa Amerika. Aniya, “Every
kid in Lola’s school was from somewhere else.” Mahihinuha sa mga susunod na pangungusap ang pinagmulang bayan ng mga kaklase ng bidang si Lola—Mumbai o Delhi (“a city so big that
it was like its own country”), Nepal o Bhutan (“a stony village at the tippy top of the world”), Mexico o Gitnang Silangan (“a desert even the cactus fainted”), at India (“a jungle famous for its tiger and its poets”). Si Lola naman ay nagmula sa “Island”—sinadyang hindi tinukoy ni Diaz ang bansang Dominican Republic na matatagpuan sa rehiyong Caribbean. Kung hindi sasangguni sa talambuhay ng awtor, sa historikal na konteksto ng kuwento, at sa ilang biswal na pahiwatig, aaklain ng mambabasa na ang tinutukoy na “Island” ay Cuba, Jamaica, Haiti, Puerto Rico, o maging ang Bahamas. Ngunit sa mga mapang iginuhit ni Espinosa, tiyak na matutukoy ang Dominican Republic na bansang sinilangan ng awtor.
Lumitaw ang suliranin ng pangunahing tauhan nang inatasan sila ng gurong si Ms. Obi (isang Asyana) na gumuhit ng larawan ng kanilang bansang pinagmulan (“country you are originally
from, your first country”). Lahat ng kaklase ni Lola ay masaya at nasasabik sa gawaing iyon. Maliban kay Lola. Sanggol pa lamang siya noon nang lumisan sila sa kanilang bansa.
May naisip na solusyon si Ms. Obi. Kailangang makipanayam ni Lola sa mga kababayan sa kanilang pamayanan o kapitbahay. Nagalak si Lola at nagwikang “And they’re always talking about the Island.”
Ang kalakhan ng kuwento ay nasa anyo ng paggunita at pagsasalaysay, sa tulong ng mga kababayan at kamag-anak ni Lola. Una niyang tinanong ang kaniyang pinsan na nagbahagi ng mga paniking kasinlaki ng mga kumot. Ito ang nagpapaalala sa kaniya sa kanilang bansa.
Tinanong niya si Mrs. Bernard, na tindera ng mga empanada. Naaalala naman nito ang musika, ang tambol, ang sayawan.
Dumako siya sa barberya at naalala ng mga kababayang barbero ang manggang kasinlaki ng mukha at ang sabaw ng buko (agua de coco). Sumabad naman ang isang babae ay naalala niya ang mga kulay ng kanilang bansa—ang makukulay na kotse, makukulay na tahanan, at ang makukulay na bulaklak.
Kinapanayam din niya ang kaniyang Lola (“Abuela” ang termino) at naibahagi nito ang dagat o ang aplaya. Aniya, “ang ating aplaya ay tula.” Naidagdag pa ng abuela ang mga isda, ang lumba-lumba, ang paglubog ng araw, at ang balyena ng kanilang bansang pinagmulan.
Pagkaraan, ang ina naman ni Lola ang nagbahagi. Naikuwento niya ang napakalakas na bagyo na maihahalintulad sa “the biggest baddest wolf of all” na isang alusyon mula sa “The Three Little Pigs.”
Ang naibigan ko sa aklat ay ang matapang na pagbabahagi sa bata ng katotohanan ng isang nilisang bansa. Sa mga naunang bahagi ng kuwento, tila puro kasiyahan, piyesta, at paraiso ang ipinapakitang mga alaala at larawan. Ngunit habang nagtatagal, naibabahagi na ang masasakit na realidad sa bata tulad ng epekto ng isang kalamidad at ang malagim na kasaysayan ng diktadura.
Si Mr. Mir, ang kanilang kapitbahay, ang nagbahagi nito, bagama’t pinilit lamang ng abuela ni Lola. Sa una’y ayaw niya itong kaswal na ibahagi lamang sa bata. Ngunit sa huli, nanalig siya sa kakayahan ni Lola na maintindihan ang masakit na katotohanan kung bakit sila lumikas sa dating bansa. Ginamit ni Mr. Mir ang talinghaga ng isang halimaw para kumatawan sa malupit na pamumuno ni Rafael Trujillo (binansagang “El Jefe”) mula Pebrero 1930 hanggang Mayo 1961. Iginuhit ni Espinosa ang halimaw na diktador bilang isang dambuhalang paniki na may ulo ng baboy at may mga pangil. Dumating ito sa Pulo kasabay ng daluyong at sigwa. Ayon sa kuwento:
“Our Island has always been a beautiful place. It was when I was your age, and it is today. But even the most beautiful places can attract a monster. A long time ago, long before you were born, that’s exactly what happened: A monster fell upon our poor Island.”
Hindi nagtatapos sa lagim at kalungkutan ang pagbabahaging iyon ni Mr. Mir. Lumitaw ang mga bayani sa kuwento. Ito ang pinakamahalagang bahagi ng aklat—ang pagpapamalas sa bata ng kabayanihan ng mga mamamayan upang labanan at puksain ang “Halimaw.” Hindi lamang kalalakihan ang mga bayani kundi mga babae rin na
magbibigay ng positibong huwaran para sa mga batang babaeng mambabasa. Ayon nga sa kuwento ni Mr. Mir:
“Heroes rose up. Strong smart women just like you, Lola, and a few strong smart men, too. They got tired of being afraid and fought the Monster. What a titanic battle that was. The whole Island shook from their struggle—the Monster tried all of its evil tricks but in the end the heroes found the Monster’s weakness and banished it forever.”
Malaking tulong ang aklat na ito upang talakayin ang kasaysayan ng diktadura sa daigdig at kung paano ito hindi na hahayaang maulit pang muli. Mainam ding gamitin ang aklat upang idiin ang halaga ang pagkilala ng pinag-ugatang kultura at kasaysayan. Naipakita sa kuwento na ang pagkakatuklas ng sariling pinagmulan ang susi upang higit na mapagyaman at maipahayag ang pagkamalikhain. Mababasa sa huling limang
spread ng aklat ang epekto ng pagkakakilala ni Lola sa kaniyang bansa—naging marubdob siya sa paggunita at muling paglikha ng mga alaala ng sinilangang Pulo. Maihahalintulad ang danas ni Lola sa mga manunulat sa US na ginagamit ang kasaysayan ng kanilang unang bansa bilang materyal ng kanilang susulating akda. Maaari ring sabihing si Lola at si Junot Diaz ay magkaugnay sa maraming bagay.
Ang mga ilustrasyon ni Leo Espinosa, bagama’t may tulong ng kompyuter, ay maitutumbas sa lumang maririkit na ilustrasyon ni Ezra Jack Keats (The Snowy Day, Whistle for Willie, at Peter’s Chair). Maaalala ring si Keats ay pinuri, bagama’t isang Polish-Jewish na imigrante, sa kaniyang pagpapasimula ng multikulturalismo sa mainstream na paglilimbag ng mga aklat pambata sa Amerika. Karamihan sa kaniyang matatagumpay na aklat pambata ay nagtatampok ng mga Afro-Amerikanong batang tauhan. Kapansin-pansin din na lubhang nauso ang estilong retro (dekada 1950 at 1960) sa pagguhit sa mga kasalukuyang picture books sa US. Isang matagumpay na ilustrador na kasabayan at kahawig sa estilo ni Espinosa ay si Christian Robinson na gumuhit ng School’s
First Day of School ni Adam Rex, The Smallest Girl in the Smallest Grade ni Justin Roberts, at Last Stop on Market Street ni Matt dela Pena. Nagwagi ang huli ng Newbery Medal at Caldecott Honor noong 2015.
Dagdag pa rito, ang paggamit ni Espinosa ng mga matingkad at malinaw na grapikong hugis at tekstura ay maiuugnay rin sa mga ilustrasyon nina Martin at Alice Provensen, at Leonard Weisgard.
Bagama’t isang dayuhang aklat, makabuluhan ang aklat na ito sa ating bansa. Magkaugnay ang Pilipinas at ang Dominican Republic sa heograpiya, klima, materyal na kultura, wika, kolonyal na kasaysayan, relihiyon, kasaysayan ng diktadura, at mga insidente ng paglikas ng mga mamamayan patungong Amerika. Dahil sa dami ng pagkakatulad, hindi masasabing tunay na banyaga ang aklat na ito. Ang bahagi ng pagharap at paglupig sa diktadura, sa aking pananaw, ang pinakamainam na mensahe ng aklat para sa mambabasang Pilipino.