Liwayway

Mga Bituin Sa Tubig (18)

- Efren Abueg

(IKA-18 NA LABAS)

TOTOO kay Armand ang pangako niya kay Bart. Naintindih­an niya ang damdamin ng kaniyang pamangkin. Hindi niya masabing karaniwang nangyayari iyon sa mga tin-edyer. Nangyari iyon sa kaniya at naiiba iyon, maaaring hindi pa tulad ng bakas sa mukha ni Bart ang tindi ng mga tusok ng kirot sa kalooban nito.

Hindi na kailangang ihanap pa ng kabataang matatanong tungkol sa gayong karanasan dahil higit pa roon ang sugat na likha sa puso niya nang unang karanasan niya sa pag-ibig. Sa kagustuhan niyang matuto agad ng encoding sa computer, dagdag sa limitadong pag-aaral nito sa klase, nagtungo siya sa isang maliit na computer shop malapit lamang sa kanilang unibersida­d. Nakaranas na siya ng “puppy love” sa haiskul, at naulit pa pagkaraang tarayan siya ng unang ginusto niya. Ngunit lumipas lamang iyon na parang masamang bangungot nang makatapos siya’t mapasama sa abentura ng ilang maykayang kabarkada na nagbigay sa kaniya ng pagkakatao­ng makapasyal sa tatlong probinsiya sa loob lamang ng dalawang buwan.

Napansin niya si Sonia sa maliit na computer shop na iyon nang ikapito ng gabing makalabas siya sa klase. May limang talampakan lamang ang taas, tabain, malakrema ang kinis ng balat, napatitig agad siya sa biloy nito sa magkabilan­g pisngi.

“Maglalaro ka?” inis na tanong nito sa kaniya dahil

nakaharang siya sa pintuan ng maliit na puwestong iyon.

“Me…me upuan pa?” usisa niya, ngunit nakatitig pa rin sa mga biloy na iyon.

“’Intay ka!” Tumalikod ito sa kaniya, hindi nagbago ang maktol sa mukha.

Pumasok siya. Nag-abang ng mababakang­teng computer kahit mahigit kalahating oras na siyang naghihinta­y. Nagtiyaga siyang sumandal sa gilid ng computer booth at hindi niya mapigil ang sarili sa paghabol-habol ng tingin sa mga biloy ni Sonia.

Nahalata ni Armand na panakaw rin na sumusulyap sa kaniya si Sonia mula sa puwesto nito. Kasama ng isa pang kabataang babae, kahera at tagabantay ito ng oras na inilalaro sa computer ng mga kabataang kostumer doon. Nakapagpas­iya siyang maghintay pa kahit nakatayo. At nakapaghin­tay siya ng dagdag na kalahating oras.

Ilang minuto pa lang siya sa harap ng computer nang nilapitan siya ni Sonia. “Gaano ka katagal maglalaro?”

“Di ko alam…kasi, di pa ako marunong mag-computer!” sagot niya, nakabaling kay Sonia.

“Di ka naman pala marunong, e…bigay mo na lang ‘yang upuan sa iba!”

May nasulyapan siyang dalawang kabataang naghihinta­y. Hindi siya tuminag sa harap ng computer.

“Kaya nga mag-aaral, e...basta ilista mo kung anong oras ako matapos.” “Eight thirty lang dito!” “Di eight thirty!” Parang napahiya, iniwan siya ni Sonia at bumalik ito sa puwesto. Pakapa-kapa siyang nagkompyut­er. Nirepaso ang mga

icon ng command na itinuro ng kanilang guro. Alas otso medya na nang mamalayan niyang isa-isa nang umaalis ang mga naglalaro sa shop.

“Eight thirty na!” Narinig niyang may nagsalita sa kaniyang likuran. Si Sonia ang nabalingan niya.Wala na ang maktol sa mukha. “Pasensiya na’t lumampas yata ako sa oras!” “Talagang lumampas ka!” Mababa ang boses nito. Nagbayad siya, pati “lampas” niya sa oras. At bumalik siya kinabukasa­n. Sa ikatlong balik niya, hindi niya namalayan na lumapit ito sa tabi niya.

“Di ganiyan ang tipa…ang diin-diin!” narinig na lang niyang sabi nito. “Paano ba?” “Di ba itinuro ng inyong teacher?” Nakagamit siya ng lumang typewriter sa probinsiya. Inabot na siya ng luwas ng Maynila.

Umupo si Sonia katabi niya sa bakanteng booth. Ipinakita nito sa kaniya ang pagtipa sa keyboard at naisip niyang sanay nga ito sa computer. Ginaya niya at napatawa na ito. “Sisirain mo’ng computer!” Nagbiro na. At hinawakan nito ang kaniyang kamay at parang batang hinayaan niyang itipa nito ang kaniyang mga daliri. Ang init ng palad na iyon at ang titig niya sa biloy ni Sonia hanggang sa magsara ang computer shop ang tuminag sa damdamin niya para rito.

Madalas, kahit marunong na siyang mag-encode, naglalaro pa rin siya sa computer shop nina Sonia. Hinihintay niya ang pagsasara ng puwesto, ang pagsabay niya rito kasama ang isa pang kabataang babae na katrabaho nito. Walang palya siya kung may pasok sa paghahatid niya rito sa lugar na iyon sa Sta. Ana na malapit sa kanal. Nalaman niya rin na naka-first

year college si Sonia, ngunit napahinto nang mamatay ang ama sa probinsiya.

Isang pagabi na, umulan nang malakas. Bumaha. Maagang isinara ng may-ari ang computer shop. Inihatid niya si Sonia sa may Sta. Ana. Hanggang baywang na ang tubig.

“Kailangan akong makauwi…kagagalita­n ako ng tinitirhan kong relative!”

Kumukulog. Buhos ang ulan. Bumilis pa ang taas ng tubig paglusong nila sa baha. Nagsimulan­g lumakas ang agos. Dama niya ang puwersa ng tubig. Niyapos niya si Sonia, saka inilangoy niya ang isa niyang kamay. Ngayon, may kidlat pang kasama ang kulog, tumataas pa ang baha, hila nito ang kanilang mga paa. Nakatanaw siya sa isang abandonado­ng bodega. “D’un muna tayo! Baka matangay tayo ng baha! ” At humuhulas sa kanilang katawan ang tubig nang sapitin nila ang bodega. Naghubad siya ng pantaas na damit pati diyaket. Piniga niya ang t-shirt niya, saka muling isinuot. Idinodble niya sa basang damit ni Sonia ang piniga rin niyang diyaket. Kinakaligl­ig ito sa ginaw. “Yakapin kita, Sonia…giniginaw ka!” Tumingin lamang sa kaniya si Sonia. Nang yakapin niya ito, kuminig ang katawan nito sa dantay ng kaniyang katawan. At nakita niyang umiiyak ito sa takot. Naawa siya rito, hinigpitan niya ng yakap, siniil ito ng halik sa bibig, suminghap saglit at sinalubong ang kaniyang mainit na hininga. Magdamag sila roon. At sa init na nadarama niya, lumanghap ang init ng katawan ni Sonia.

Hindi na umiiyak si Sonia pagkaraang maghiwalay sila ng yakap. Nakatitig ito sa kaniya na parang nagpapauba­ya pa. Muling nagdiit ang kanilang mga labi, hininga, pati katawang parang may hinihingi pa sa isa’t isa.

Madilim pa ang madaling-araw nang ihatid niya si Sonia malapit sa tinitirhan nito.

“Makakagali­tan ako pag nalamang nilang may kasama ako…” At hindi na niya narinig ang anas: lalaki.

Dalawang araw na nanalasa pa ang bagyo. Walang pasok.

Baha sa may puwesto ng computer shop. Nagbalik siya sa ikatlong araw. Nag-aayos ng mga gamit ang may-ari at dalawa pang babae, kasama ang katrabaho ni Sonia.

“Umuwi sa probinsiya, naistrok ang Nanay niya!” sabi sa kaniya ng katrabaho ni Sonia. “Saan?” “Sa Samar!” Ang laki ng Samar! Saan doon si Sonia? Hindi alam ng katrabaho niya. May labinliman­g araw siyang bumalik sa computer shop. Hindi na nagbalik doon si Sonia. Nagbilin siya sa katrabaho nito na nagbigay sa kaniya na address nito at numero ng telepono. Kamag-anak pala ito ng may-ari ng computer shop. Tinawag-tawagan niya ito hanggang sa makatapos siya ng pag-aaral. Isang araw, napadaan siya sa computer shop. Yumao na ang may-ari nito at ang dating katrabaho ni Sonia ang nagpapatak­bo ng puwesto.

“Nag-asawa siya…walang magsususte­nto sa kalagayan ng kaniyang ina!” sabi nito.

Sa sarili niya, buong pait niyang tinanggap iyon. Parang dagok. Bigla ang yapos sa kaniya ng lungkot. Ilang araw niyang ininda iyon. Hindi siya makatulog. Nawalan ng ganang kumain. Nang makakuha na lang siya ng trabaho sa pangunahin­g presinto sa Maynila napag-isip niyang kailangang limutin ang lahat para sa kaniyang kinabukasa­n.

Nakatitiya­k ba si Armand na mga pamangkin ni Virmin ang dalawang kabataang babae matunton man niya ang mga ito?

Hindi niya ikinuwento iyon kangino man. Sinarili na lamang niya. Matamis-mapait na alaala. Pampatinin­g ng damdamin. At hindi niya ikukuwento iyon kay Bart o kangino man. Paano kung hindi nila makita si Normi? Maaga niyang ipadarama sa pamangkin ang kabiguan?

NAGBAWA na ang init ng araw. Muli, naupo sina Armand at Bart sa ilalim ng punong mangga. Madalang ang nagdaraang mga sasakyan sa panlalawig­ang lansangan. Parang halik lamang ang haplos sa kanila ng mga hibla ng papababa nang araw sa kaparangan­g iyon ng mga halaman at punongkaho­y.

“Sigurado kang itim na SUV ang sinasakyan ng mga lumabas sa gubat?” tanong ni Armand sa pamangkin. “Oo naman, Uncle.” “Walang isa pang SUV na umeskort sa sinakyan nina Zaida at Normi?” “Wala, Uncle. Iisa lang talaga!” At ibubuka na lang ni Armand ang kaniyang bibig para magtanong nang iniharap sa kaniya ng pamangkin ang bukas na cellphone nito. “Narito nga ang plate number…tingnan mo!” Itatanong pa lang niya iyon kay Bart at sa maliksi nitong pagbubukas ng cellphone, inunahan siya nito.

“Good job, Bart! Sige, itext mo ‘yan sa cellphone ko!” Nagtawa si Bart. “Ba’t di mo buksan ang inbox mo, Uncle?” Parang may isip ang isang kamay niya na kumilos. At sa papalagana­p nang dilim, maliwanag ang plate number sa screen ng cellphone niya.

Babalik siya sa Pangasinan, naisip ni Armand. Hahagipin niya sa kaniyang cellphone ang numero ng SUV na lumalabas sa bakuran ni Mr. Kirkuyo.

“Kailan ka lilibot sa mga bayan ng ating probinsiya, Uncle. Sana, gawin mo kung Sabado at Linggo para makasama naman ako!”

“Paano ko makakausap ang mga opisyal ng mga iskuwelaha­n o ang security personnel man lang ng mga ito?” “So, kailan ka mag-uumpisa, Uncle?”

“Anytime, Bart. Sasabihan kita para di mo ako hanapin.” Tumango-tango si Bart. “Gawin mo kaagad, Uncle. Missed ko talaga si Normi.”

Inabot ni Armand ang ulo ng pamangkin. Ginulo ang buhok nito. “Para ka namang manliligaw na agad. Aral muna, ha?” Ngumisi si Bart. “Friend muna kami siyempre. Wala pa naman akong trabaho…student pa!”

Itinuro niya pataas ang kaniyang hinlalaki. Tumawa uli si Bart. Itinuro rin nitong pataas ang sarili nitong hinlalaki.

Tiniyak ni Armand na tulog na nang hatinggabi­ng iyon si Bart. Maingat siyang nanaog. Binuksan ang compartmen­t sa likod ng kaniyang dalang kotse. Kinuha ang kulay-itim na uniporme na ginagamit niya kung may operation ang pangkat nila sa Middle East. Idinoble niya sa kaniyang suot.

“May pasok si Bart sa iskul bukas. Matutulog ‘yon nang mahimbing!”

Nakapanaog si Armand nang walang kilatis. Natalaktak agad niya ang daang pamilyar sa kaniya. Lumampas siya sa kadawagan na dinadausdu­san nila ni Bart pababa sa tubig ng putol na ilog. Sa bahaging nahaharang­an ng malalaking batong pader siya bumaba. Saka naghanap siya ng landas paakyat sa batuhan sa gilid ng ilog. Doon sila nagkita nina Zaida at nitong huli, Normi. Doon sila sinalakay ng mga aso na muntik nang ikalunod ng nakalakadk­ad na si Gunggoy. Mula rito, pasukot siyang dumako sa gilid ng gubat na sinusulput­an ng magkapatid. Sa manipis na liwanag na buwang gasuklay pa lamang, pinasok niya ang loob ng gubat.

May sampung hakbang na si Armand sa loob ng gubat nang pigil-hiningang hinintay niyang marinig ang kahol ng mga aso. Ngunit napakatahi­mik ang gabi. Walang mga aso’t tao sa loob ng gubat. Nagkalakas-loob siya hanggang sa marating niya ang inakala niyang pinakagitn­a ng gubat.

Namangha siya. May bumulaga sa kaniyang bahay na dalawang palapag. Hindi tulad iyon ng nakikita niyang bahaymayam­an sa mga brochure. Yari sa bato ang unang palapag at parang biniyak na mga puno ng kahoy ang tabiki sa ikalawang palapag. Kapis ang mga bintana. May nakabukas na garahe sa gilid ng bahay.

“May pinuntahan ang mga tao rito?” At naisip niyang babalik ang mga iyon. “Kailangang magmadali ako. Sana makapasok agad ako sa bahay.”

Ngunit napaatras siya. Nakarinig siya ng lagunlong ng makina ng isang SUV. Mabilis na paparating ang sasakyan galing sa dako ng panlalawig­ang lansangan.

Huli na para makalayo siya sa bahay. Nangubli na lamang siya sa kaliwang bahagi ng lampas-balikat na dalawang hanay ng mga palumpong na sadyang ginawa para hindi kung saansaan dumaan ang sino mang papasok sa bakuran.

“Ngayon lang natahimik ang gubat,” anang isang lalaking bumaba sa kotseng pumarada sa harap ng bukas na tarangkaha­n.

“Buti’t naihabol natin sa veterinari­an ang dal’wang asong may sipon,” anang isang boses. “Kung hindi agad naipadala ni Papang sa probinsiya ang tatlo pa...tiyak na mahahawa ang mga ‘yon!” “Nasaan si Bimboy?” usisa ng unang nagsalita. Malalaking lalaki ang dalawang pumasok sa bakuran at bahagyang mataba ang isa. Nakatitiya­k siyang ang kubang nakababata na nakita niya sa Pangasinan ang hinahanap ng mga ito.

“Matakaw ‘yon sa tulog. Puntahan mo nga sa kubakob sa likod ng bahay!” sagot ng ikalawang nagsalita.

“’Wag na nating gisingin. Kunin na lang natin sa itaas ang bilin ni Papang. Baka mainip sa atin sa paghihinta­y sa probinsiya.”

Binuksan ng isa ang pinto sa ibaba. Magkasunod na pumasok sa bahay pagkaraang lumiwanag ang isang bombilya. Narinig pa niya ang salitaan ng dalawa nang paakyat ang mga ito sa ikalawang palapag. Sumalingit naman siya sa pintong bukas sa ibaba at nangubli sa ilalim ng hagdanang hindi abot ng liwanang ng binuksang ilaw.

“Burarang mga bata,” bulalas ng higit na matangkad na lalaking naunang nakarating sa itaas. “‘Dami pang iniwang gamit.”

“Spoil kasi ni Papang. Mga kolehiyala nga na walang ginagawa sa dormitoryo nila kundi ang mag-aral!”

“Mahirap mag-aral,” parunggit ng matangkad. “Grade four lang, di ko pa naipasa!”

“Bobo ka siguro!” Pinapapala­tak pa ng kausap ang dila nito.

“Sobra ka namang manlait. Mag-aral ka ba naman na nagdadamo sa palayan at nangangapa pa ng palaka para pangulam!”

“O, bawi-insulto na,” at tumawa ang nagpalatak ng dila. “Baka may nakaligtaa­n ka pa sa bilin ng mga bata? Bitbit ko na ang mga ibinilin ni Papang!”

Ngayon niya naisip ang kinaroroon­an ng dalawang dalaga. Wala sa kanilang probinsiya. Nasa Pangasinan. Titingnan lamang niya sa internet ang mga kolehiyo ng mga madre sa probinsiya­ng iyon. Matutunton din niya ang magkapatid.

Naisip niya si Bart. Matutuwa ito. Ngunit malulungko­t din dahil kailangang maghintay nga ito ng sampung buwan bago makita sa putol na ilog si Normi na kinagigili­wan ng kaniyang pamangkin.

(ITUTULOY)

 ??  ?? “Gawin mo kaagad, Uncle. Missed ko talaga si Normi.”
“Gawin mo kaagad, Uncle. Missed ko talaga si Normi.”
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines