Kailan Ba Dapat Magretiro?
PARA sa nakararaming propesyonal, lalo na ang kalalakihan, sapat nang hudyat ng pagreretiro sa trabaho ang pagsapit sa mandatory retirement age na 65. Walang isyu ang pagreretiro kung may naipon naman sila o kung talagang sila’y naging sakitin na.
Ngunit may choice sila para magretiro nang maaga kahit na sila’y 50 anyos pa lamang at hindi pa opisyal na senior citizens. Ang tanong: kailan ba sila maaaring magretiro? Ayon kay Ronald Riggio sa kanyang artikulong “At what
age should you retire?” (www.psychologytoday.com), may kailangan munang saguting mga tanong bago magdesisyong magretiro:
Masaya ba kayo sa inyong trabaho? “May kabuluhan sa inyong buhay ang inyong pagtatrabaho? Para sa ilan, hindi mabuting magretiro kung wala kayong ipapalit na gawaing kasinghalaga ng inyong trabaho o propesyon. May kaibigan ako sa Peace Corps na nagtagumpay bilang executive. Nang siya’y magretiro, sumapi siya sa isang nonprofit
organization bilang volunteer. Naging pangalawang career ito para sa kanya, sapagkat gayon ang kanyang pagkatao – isang masipag na executive,” ani Riggio.
Kung stressful ang inyong trabaho, pagreretiro ba ang hinahanap ninyo o pagbabago lamang sa
inyong career? “Ang inyong pagreretiro’y tungkol sa inyong mga values o mga bagay na pinahahalagahan. Kayo ba’y working type o creative leisure type?” ang mga tanong ni Riggio.
Binibigay ba ng inyong trabaho ang mahahalagang social
needs sa inyong buhay? “Ang mga kaibigan ba ninyo’y mga kasama ninyo sa opisina? Kung ‘oo’ ang inyong sagot, maaaring ipagpaliban muna ang pagreretiro hanggang makabuo kayo ng isang network ng mga kaibigan o kakilala na hindi ninyo katrabaho,” ang payo ni Riggio.
Handa ba kayo psychologically na magretiro? Ang tanong na kaugnay nito, ayon kay Riggio, ay: may mga libangan
o aktibidad ba kayo na maaari ninyong pagkaabalahan pagkatapos ninyong magretiro? (Sa aking karanasan, naging madali ang pagreretiro ko at ng aking ama, sapagkat itinuloy lang namin ang aming propesyon sa pagsusulat ng mga artikulo at libro.)
Sa mga working women, maaaring hindi gaanong mahalaga ang isyu ng pagreretiro, sapagkat sila ang nagpapatakbo ng tahanan – napakaraming gawain sa bahay: ang mamalengke, magluto, maglaba, mamalantsa, maglinis ng bahay, mag-ayos ng hardin, mag-alaga ng anak (o apo), at iba pa.
Iba ang perspektibo ng mga lalaki at babae tungkol sa pagreretiro. Ang karamihan nga sa mga lalaking hindi alam kung ano ang kanilang gagawin matapos magretiro’y nakasuot na lamang ng pajama at nanonood ng TV mula umaga hanggang hapon! Ang resulta: nagiging ugat ng resentment o pagkayamot ng mga asawa nila ang kanilang katamaran sa bahay! Parang gustong sabihin ng mga babae: bakit kaya hindi na lamang ako tulungang maglinis ng bahay, magluto o maglaba ng asawa kong retirado, sa halip na makipag-inuman sa kapitbahay? (Sana’y alam namin ang kasagutan dito.)
Ang maaari lamang siguro naming maipayo ay: maaaring pag-usapan ng mga mag-asawa kung ano ang gagawin ng nila matapos silang kapwa magretiro. At napakaraming bagay ang puwedeng gawin sa inyong oras! Kung labis-labis naman ang naipon, bakit hindi kumonsulta sa duktor at magkaroon ng executive checkup? Maaaring mag-ballroom dancing, o maging interesado sa sports tulad ng tennis o badminton, o dili kaya’y paghahardin. Maaaring gawing apostolate ang paglilingkod sa inyong parokya, o pagbisita sa mga piitan.
Maaari ring puntahan ang mga lugar na hindi pa ninyo nararating (hindi ninyo kailangang mangibang bansa). Kay raming lugar dito sa ating bansa ang madaling puntahan – mga historical sites tulad ng Fort Santiago, Luneta, UST, at marami pang iba. At kung handa naman kayong gumasta, maaaring mamasyal sa Batanes, Palawan, Baguio, Cebu, Dumaguete, o Davao.
Napakaraming maaaring gawin matapos magretiro. Sa ganang amin, kulang ang panahon ng pagreretiro para magawa ang lahat ng ibig nating gawin sa buhay!