Liwayway

Pag-Usapan Natin!

Palabas

- Kuya Sam

DEAR KUYA SAM: Itago mo na lang ako sa pangalang Adeva, 23 taong gulang, office worker sa isang retail company, tagaCandel­aria, Quezon. Meron po akong boyfriend for two years na, si Mon (hindi niya totoong pangalan). Marami akong naririnig na sabisabi na babaero siya ngunit hindi naman ako naniwala. Until recently lang. Ganito ang kuwento:

Humiram ako sa kanya ng flashdrive dahil naiwan ang mga gamit ko sa office at kailangan kong magsubmit ng report the following day. Ihinatid niya sa bahay ang flashdrive dahil nasa kabilang subdivisio­n lang naman ang bahay nila.

Nang binuksan ko ang flashdrive, may nakita akong file na kahinahina­la. Video pala. Sinubukan kong i-play. Isang malaswang video ang napanood ko. Ngunit hindi ako makapaniwa­la. Si Mon ang lalaki. Parang sinadyang i-video ang pagtatalik at hindi ito alam ng babae. Ang babae na kapareha niya ay kaibigan ko pa, hindi ako p’wedeng magkamali.

Tinawagan ko kaagad si Mon. Pinakuha ko sa kanya ang flashdrive niya. Nagtataka siya kung bakit pero alam kung kunwari lang. Ang sabi ko, hindi binasa ng PC ko ang flashdrive niya. Pagdating niya sa bahay, medyo namutla siya. Tinatanong niya ako kung talaga bang hindi binasa. Ang sabi ko naman, oo. Ang sabi ko pa, kahit siya pa ang magsaksak sa PC ko, hindi talaga ito babasahin. Sabi naman niya, di bale na lang, baka raw may virus ang flashdrive niya. At inilagay niya kaagad ito sa bulsa at nagmamadal­ing umalis.

Kuya Sam, bakit pinagtaksi­lan ako ni Mon? Bakit hindi niya ako masabihan nang harap-harapan na ayaw na niya sa akin, palalayain ko naman siya. Opo, mahal ko siya. Ngunit huwag naman sana niya akong pagtaksila­n dahil ibang usapan iyon.

Sa totoo lang, hindi ko kayang pagsabihan siya, Kuya Sam. Natatakot ako. Mahal na mahal ko kasi siya. Kung maghihiwal­ay man kami, gusto kong siya ang humanap ng paraan. Ayokong ako. Payuhan mo ako, please. – ADEVA

DEAR ADEVA: Sa totoo lang, Adeva, hindi lang pagtataksi­l ang ginawa ni Mon kundi panlilinla­ng na rin. Pinapaniwa­la ka niya na ikaw lang ang mahal tapos may iba rin pala siyang karelasyon, at worst, sinisiping­an pa. Hindi ko maarok kung anong klaseng gayuma ang ginamit ni Mon kung bakit patay na patay ka sa kanya sa kabila ng lahat.

Kumbaga, kung ebidensiya lang ang pag-uusapan, hawakhawak mo na ang pinakamati­bay na ebidensiya, ngunit kalmado ka pa rin at gusto mo pang panghahawa­kan ang paniniwala na mahal ka ni Mon. Manhid ka ba, Adeva? Ayan na, o... pinapanood mo na ang kahayupan ni Mon, ngunit nagdadalaw­ang-isip ka pa kung hihiwalaya­n mo siya. Grabeng emotional torture ang dinanas mo ngunit kaya mong tiisan ang lahat ng ito. Adeva, ako na mismong magsabi sa iyo na it’s a lost battle loving this kind of person. Wala kang mapapala rito maliban sa masasaktan ka lang.

Walang kakuwenta-kuwentang tao itong si Mon. Maliwanag pa sa sikat ng araw na nangungule­kta lang ito ng babae. Kasuklamsu­klam ang ginagawa niyang pagkuha ng video ng pakikipagt­alik na lingid sa kaalaman ng kanyang kapareha. Sa totoo lang, may batas tayo rito at maaaring habulin si Mon sa kanyang ginawa. Pasalamat siya na mabait ka.

Ang ganitong klaseng mga lalaki ay walang respeto sa mga babae. Kaya, Adeva, wala na kayong dapat pag-uusapan ni Mon. Gusto mo bang darating ang panahon na mai-video ka rin niya? Huwag naman sana.

Habang maaga pa, hiwalayan mo siya. Sabihin mo, may napanood kang magandang palabas sa kanyang flashdrive at sapat nang katwiran iyon. – KUYA SAM (MAAARI ninyong isangguni kay Kuya Sam ang inyong mga problema sa pag-ibig at buhay sa pamamagita­n ng e-mail address: kuyasam29@ yahoo.com o kaya’y ipadala sa: PAG-USAPAN NATIN c/o Liwayway Magazine, Manila Bulletin Publishing Corporatio­n, Muralla cor. Recoletos Sts., Intramuros, Manila.)

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines