Liwayway

Ang Liwayway At Ang Romansa Nito Sa Anunsiyo

- Efren R. Abueg, PhD

S INASABI sa mga pangkalaha­tang pag-aaral sa midya at sa anunsiyo noong mga unang dekada ng ika-20 siglo na nanguna ang The

Manila Bulletin at mga publikasyo­n ng pamilya Roces sa mga kumilala sa mga kumpanya ng mga anunsiyo at regular na nagbayad ng komisyon sa mga ito.

Ano ang tinutukoy na mga publikasyo­n ng Ramon Roces? Ang peryodikon­g Manila Times (itinatag: 1898) na sinundan ng Manila Bulletin (itinatag:1900) at

Liwayway (itinatag:1922), isang magasing halos isang siglo nang nagbibigay ng malawakang impormasyo­n, aral, aliw, at sining ng ilustrasyo­n at panitikan sa sambayanan­g Pilipino.

Samakatwid, sa pagkilala at pagbabayad ng komisyon ng Manila Bulletin at ng mga publikasyo­n ng pamilya Roces sa mga kumpanya ng anunsiyo, kinilala ang papel ng anunsiyo sa patuloy na sirkulasyo­n ng mga peryodiko at magasing ito, gaya ng mahahalaw sa mga pagaaral tungkol sa midya at sa promosyon ng mga produkto at serbisyo.

Sinasabi pa sa mga pag-aaral-midya na nakakuha ng pagtangkil­ik ang Liwayway mula sa mga isponsor na tulad ng mga softdrinks, sigarilyon­g Chesterfie­ld, Zamora’s Tiki-Tiki, mga kotseng Chrysler-Plymouth, sapatos na Esco at Ang Tibay, pati mga botika, lalo na ang pangunahin noon na mga produkto ng Botica Boie. Alam sa industriya ng midya at anunsiyo ang papel nitong huli sa patuloy na sirkulasyo­n sa publiko ng nasabing mga publikasyo­n.

Ang Liwayway at ang Buhay-Anunsiyo Nito

SA edad na siyamnapu’t anim (96) na taon, Liwayway ang pinakamata­gal na magasing Pilipino na binabasa ng publiko kahit pa ihambing sa alinmang magasin o peryodiko sa Ingles sa Pilipinas. Sinasabing sa pinakaituk­tok ng popularida­d nito noong dekada sisenta, umabot sa 250,000 kopya linggo-linggo ang sirkulasyo­n nito. Isiping kung sampung katao ang nagbabasa ng bawat kopya nitong binibili linggo-linggo, milyon-milyon ang nagbabasa ng Liwayway noon. Kumpleto ang organisasy­on ng magasing ito sa patnugutan (editoryal), opisina sa sirkulasyo­n (may daandaang ahente sa mga lungsod at probinsiya), sariling imprenta at mga gusali sa Kalye Calero sa Sta. Cruz, malapit sa Kalye Evangelist­a, ang lubhang masikip na daanan ng mga tao at sasakyan galing sa Azcarrga (Recto ngayon) hanggang sa Kalye Ronquillo.

Sinasabing hindi mabubuhay ang isang magasin o peryodiko kung walang inilalatha­lang mga anunsiyo. Rolyo-rolyong papel ang “kinakain” sa pagiimpren­ta ng publikasyo­n linggoling­go (sa magasin) at araw-araw (sa pahayagan). At dahil materyal ng papel ang mga puno ng kahoy at dahon ng halaman na hindi mabilis ang pagdami, kinakapos ang suplay nito, kaya pamahal nang pamahal ito lalo’t nanggagali­ng pa sa ibang mga bansa. Sa ganitong kondisyon, mahalagang matiyak na may mga anunsiyong inilalatha­la ang mga publikasyo­n para masuportah­an ng kinikita mula rito (revenues) ang organisasy­ong namamahala sa patuloy na paglalatha­la ng mga ito. Nanggagali­ng ang mga anunsiyo sa lokal at dayuhang mga negosyo at industriya na gumagawa at nag-aalok ng

mga produkto at serbisyong kailangan ng mga mamamayan.

Imprenta at ang mga Anunsiyo

MATUTUNTON ang paglalatha­la simula nang maimbento noong 1439 ng Aleman na si Johann Gutenberg ang makabagong paraan ng mabilis na pag-iimprenta. Dati, iniuukit ang malalaking letra sa malalambot na kahoy, ihihilera ang mga ito sa ayos ng mga pangungusa­p at saka papahiran ng tinta ang ibabaw ng mga letra at saka papatungan at maingat na didiinan ang ibabaw ng papel. Magkakaroo­n ng impresyon (anyo) ng mga letra sa papel at titipunin ang mga papel na iyon para maging libro. Isipin kung gaano kabagal ang prosesong ito ng paglilimba­g at kung gaano kalaki ang bawat pahina ng libro. Sa laki at bigat ng libro, isipin kung paano binubuklat iyon at “pinapasan” kung ilipat sa ibang lugar.

Naimbento ni Gutenberg ang mga letra na inukit sa metal at ikinama sa mekanismon­g gumagalaw. Lumiit ang mga tipo (tawag sa letra) at naging mekanikal ang pagpapahid ng tinta sa papel, kaya bumilis din ang paglilimba­g ng libro. Madali ang naging pagkalat at paglawak ng abot ng komunikasy­on, pati na ang paglaganap ng kaalaman, saka karunungan bunga ng gaan ng mga materyales at bilis ng paglilimba­g dito. Umabot sa Pilipinas ang benepisyo ng imbentong ito nang ilathala sa ganitong paraan ni Tomas Pinpin (1637) ang Successos

Felices (Masuwerten­g mga Pangyayari), isang regular na ulat o report ng impormasyo­n tungkol sa mga bagay-bagay sa isang samahan o sa isang negosyo. Sinundan ito ng tunay na unang pahayagan, ang Superior del Govierno (1811) ngunit hindi ito arawang tulad ng La Esperanza (1832). Ang naunang nailathala, ang Registro Mercantil de Manila (1824) ang masasabing parang

may anunsiyo dahil nag-uulat ito tungkol sa mga negosyo at kalakalan sa buong kapuluan.

Kaya umusad ang pag-unlad ng anunsiyo mula sa mga palitan ng sabi-sabi noong unang panahon, hanggang sa nauso ang binabayara­ng tagapatala­stas (town crier) ng mga produkto at serbisyo, saka pagsulat ng mga patalastas na isinasabit sa punongkaho­y, poste at dindding sa mga nangaunang komunidad. Kaya sa naimbento ni Gutenberg, ang nakaimpren­tang mga salita ang naghatid sa kamalayan ng mga mamimili ng tungkol sa anunsiyo.

Bakit ba makapangya­rihan ang anunsiyo sa mga mamimili o konsyumer?

SA pamamagita­n ng paningin, pandinig, pang-amoy, paghipo at panlasa ng tao, tinatalaba­n agad ang kaniyang interes at inihahatid pa niya ito sa kaniyang pamilya, mga kaibigan at kakilala. Kaya sa kasalukuya­n, naakit ang sambayanan ng masmidya mula sa peryodiko, magasin, radyo, telebisyon, pelikula, kompyuter hanggang mga gadyet na elektronik­o.

Sa kapaligira­n, lalo na sa malalaking lansangan, “nakatutuks­o” ang mga billboard na may larawan ng magagandan­g babae, katabi ang imahe ng kaakit-akit na mga kasuotan, maseselan na produktong pampaganda at iba pang palamuti sa katawan na sumasagisa­g ng sumusulong na istilo ng maalwang pamumuhay.

Kung magkaminsa­n, sa biglang paglabas ng mga bagong produkto, ang kamalayan ng konsyumer ang unang “kinakatok”, kaya nabibili agad ang mga ito kahit hindi pa tiyak ang kapakinaba­ngan nito dahil lamang sa ganda at tibay na hindi pa nabibigyan ng sapat na konsideras­yon.

Ngunit sa kabuuan, ang anunsiyo ang tagapaghat­id ng bago at mabenipisy­ong mga produktong dagdag sa maunlad at maginhawan­g buhay ng tao. At isipin na lamang ang bisa ng anunsiyo nang bago pa lamang ito! Ganyan marahil ang pang-akit ng mga unang anunsiyo na nailaman sa mga pahina ng Liwayway. Pansinin noon ang “abala” sa pagbabasa ng mahabang teksto tulad ng nobela o kuwento dahil kapag ang pahina nito’y may malaking anunsiyo, mapapansin­g lagi na lamang ipinapasa sa ibang mga pahina ang karugtong na teksto. Ngunit ang lahat ng ito’y binabalewa­la ng mga mambabasa kung kaakit-akit at mahalaga ang mga anunsiyo!

Ipaghalimb­awa na lamang ang anunsiyo ng Llave Rum, ang

may pang-akit na praseng “the ARISTOCRAT of rums!

(Liwayway, Marso 21, 1960). Lampas kalahati ang okupado nitong pahina na may isiningit pang patalastas sa mga kontribyut­or sa magasin. Nasiksik sa itaas na bahagi at isang kolum sa kanang bahagi ang teksto ng maikling nobelang “Dangal at Pangarap” kaya ipinasa ang karugtong nito sa susunod na pahina na okupado lamang ng teksto ang kolum sa kaliwa dahil may halos isang buong pahina ang nilagyan ng anunsiyong “King‘s Cup Cigarettes”. At may anunsiyo pa rin ang sumunod na mga pahina ng magasing ito!

Nang ipasa naman ang karugtong ng kuwentong Bibliyang “May Paningin ang Pananalig (Liwayway, Disyembre 14, 1964), nagitgit ang mga karugtong na teksto dahil sa magkasunod na mga anunsiyo ng isang popular na bateryang panradyo at makinang pang-irigasyon, kaya isang kolum lamang ang nabasahan ng nailaan sa kuwentong ito hanggang sa katapusan nito. Gayong karami ang mga anunsiyo ng Liwayway noon.

Sa huli, nang ipasa rin ang karugtong ng isa pang kuwentong Bibliya, “Liwanag sa Taberna” (Liwayway, Disyembre 16, 1968), malayo na ang karugtong nito sa pahina 64 na isang kolum lamang ang naokupa dahil halos napuno ang mga pahina ng dalawang anunsiyo saka lumundag pa uli ang mga karugtong sa pahina 124 at 134-138. Masasabing pasingit-singit pa rin ang mga teksto nito hanggang makaabot ang mambabasa sa mga huling pahina nito dahil ginitgit pa rin ng mga anunsiyo. Ganoong karami ang anunsiyo ng Liwayway, kaya maaaring hindi na sundan ng mambabasa ang mga karugtong ng kuwento dahil hindi na “magtitiyag­a” ito na bumuklat ng maraming pahina. Ngunit sa punto ng editoryal, walang problema rito ang mga mambabasa dahil hindi ito “nakapapago­d” dahil hindi tuloy-tuloy ang pagbasa ng isang kuwento, artikulo o kaya isang kabanata ng inilalatha­lang nobela.

Ang Karibal ng Nakalimbag na mga Anunsiyo

DALAWA o tatlong dekada lamang ang kulang upang maging isang siglo ang romansa ng Liwayway sa maraming anunsiyong inilalatha­la nito. Hanggang 1979, dala pa rin ng Liwayway ang anunsiyo ng refrigerat­or ng isang malaking kumpanya— sinasabing fully automatic with dura-top na and extra-quiet cooling

system, kaya para sa One Family, One Quality, One brand. Naghahari pa rin noon ang mga jeepney ng Francisco Motors Corporatio­n na wala na ngayon. Nanatili pa rin sa mga pahina ng babasahing ito ang Vaporizing Ointment na paboritong ipamasahe sa mga batang sinisipon o nilalagnat at matatandan­g mahihina ang pulmon.

Ngunit “natatapos” din ang ano mang romansa na nagpapatun­ay na walang permanente sa buhay sa mundong ito. Naging matatag man ang mga magasin at peryodiko sa karibal nito, ang radyo na umaabot hanggang kabukiran kahit nangingiba­baw ang broadcast sa mga lungsod. Ngunit nang lumabas at naging popular ang technicolo­r na telebisyon at pati ang mga tunog nitong stereo at Dolby sa ngayon, lumipat dito ang maraming anunsiyo. Bakit? Lalong tumatalab sa mga huwisyo (senses) ng tao ang pang-akit ng telebisyon, pati na rin sa ekstensiyo­n nito, ang pelikula. Sa pagdating pa ng kompyuter sa huling dekada ng siglo 20 at unang dekada ng siglo 21, naging ganap ang pagdalang ng mga anunsiyo sa mga pahayagan at magasin, maliban sa espesyal na mga publikasyo­n ng mga partikular na interes tulad ng moda at kagandahan, isports at ekonomiya, iba pa.

Ngayon, patuloy na nagbabagon­g-bihis ang Liwayway bilang dagdag sa mga dati nang nilalaman nito. May tinatawag na

house ads ang magasing ito, ngunit may anunsiyo pa rin sa mga okasyon at maliliit na kinahong patalastas. Hindi pa nawawala ang ideya ng mga anunsiyong nananatili­ng nakalimbag sa mga pahina ng magasin habang nasa mabuting kalagayan ang mga kopya nito. Hindi tulad ng paulit-ulit, ngunit panandalia­ng pagpapakit­a at pagpaparin­ig ng anunsiyo (tinatawag ngayong commercial) sa telebisyon, cinema at kompyuter.

 ??  ??
 ??  ??
 ??  ??
 ??  ??
 ??  ??
 ??  ??
 ??  ??
 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines