Bakit Mahalaga Ang Pagpapakasal?

Liwayway - - Mga Nilalaman - Chad Faller

KAPAG makakaengkuwentro natin ang salitang ‘pagpapakasal,’ pumapasok sa isip natin ang maraming mga paghahanda ukol dito — mula sa wedding invitation, venue, entourage, bridal shower, wedding ceremony,

reception hanggang sa honeymoon. Ngunit marami sa ngayon ang hindi na pinag-uukulan ng panahon ang mga bagay na ito. Hindi na nagpapasailalim sa seremonyas ng kasal, basta nagli-live in na lang hanggang magkaroon ng mga anak. Dahil walang ‘kasalan’ na naganap, ang madalas tuloy maging sitwasyon ay puwedeng pumatol sa ibang babae si mister, puwedeng tumingin sa ibang babae si misis o maghiwalay sila kailanman nila gustuhin.

Ang nagiging kaawa-awa tuloy ay ang mga bata na naiiwan sa single parent, naipapaalaga sa mga lolo’t lola o tuluyang nawawalan ng pamilya. At sa murang isipan, hindi nila lubosmaisip kung bakit ganoon ang nangyari. Higit sa lahat, ang pangako ng pagmamahalan na iniuukol ng lalaki at babae sa isa’t isa ay nababalewala. Gaano ba kahalaga ang pagpapakasal? Maaaring hindi na nga uso ang kasal para sa maraming mga Filipino sa panahon ngayon. Nakukuntento na sila sa diretsong pagsasama sa iisang bubong. Naiisip din kasi nila ang abala o gastos. Lalo na at pagkatapos ng seremonyas ng kasal sa simbahan na pagkakagastusan ay kailangan pa ng handaan sa reception.Mayroon ding ayaw ipaalam ang pagsasama nila. O hindi naniniwala sa kasagraduhan ng pagpapakasal. O baka naman wala talagang planong maging tapat sa kanilang pagsasama? Katwiran naman ng iba, nagsasama na rin lang sila at nagawa na ang lahat ng mga bagay na ginagawa ng magasawa, bakit kailangan pang magpakasal?

Ngunit nakatutuwang isipin ang mga magkaparehang talagang pinaghahandaan at nagsisikap na mapaganda ang kanilang kasal. May nagsasagawa ng beach wedding, garden

wedding, underwater wedding at iba pa. May ilan namang simpleng seremonyas lang sa simbahan at kaunting salusalo ay okey na. Habang ang iba pa ay sa huwes na lang nagpapakasal.

Ang mahalaga, naniniwala sila sa kasagraduhan ng kasal.

Naiisip mo ba kung ano ang mangyayari sa isang bahay na itinayo nang walang pundasyon? Kapag dumating ang isang bagyo ay maaari itong magiba at pagkatapos ng isa pang unos ay posibleng tuluyan na itong malansag. Kailangang isipin din natin kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ganito rin ang kahalagahan ng pagpapakasal. Dapat itong ituring na isang bagay na sagrado. Ang pagpapakasal ay nagsisilbing matibay na pundasyon ng pagsasama ng mag-asawa. Kailangan ito upang tumagal at maging kasiya-siya ang kanilang pagsasama.

Kailangan ang pundasyon dahil ang pag-aasawa ay habambuhay. Si Hesus na rin ang nagsabi, “Hindi ba ninyo nabasa na sa pasimula’y nilalang ng Diyos ang tao na lalaki at babae? At Siya rin ang nagsabi, ‘Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina, at magsasama sila ng kanyang asawa at sila’y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya’t ang pinagsama ng Diyos ay hindi dapat paghiwalayin ng tao” (Mateo 19:4-6).

Ibig ng Diyos na maging permanenteng pagsasama ang pagpapakasal ng isang lalaki at isang babae. Gusto rin niyang maging tapat sila sa isa’t isa (Hebreo 13:4). Mapagtitibay ang pundasyon sa pamamagitan ng pagmamahalan ng mag-asawa at pagpapalaki ng kanilang magiging mga anak.

Sa pagpapakasal, inihahayag din ng isang tao sa publiko ang kanyang pangako ng katapatan para sa iisang tao — magpakailanman. Ang pag-ibig na iniuukol ng isang tao sa kanyang asawa ay hindi rin naghahanap ng sariling kapakanan. Lahat ay dapat kaya niyang gawin o handang ialay.

Kung may diwang nagbubuklod sa magasawa, hindi maiisipan ng isa na tumingin sa iba dahil nakatali na nga siya. Magkakaroon siya ng pananagutan at responsibilidad para sa kanyang asawa at mga anak. At sino bang asawa ang hindi magnanais na mapasaya ang kanyang kabiyak at mga supling? Lagi niyang isasaalang-alang ang kanyang tungkulin para sa pamilya. Magsisikap siya at uunahin ang responsibilidad para rito kaysa sa ibang mga tao. Pupunan niya ang pangangailangan ng mga ito hindi lang sa mga materyal na bagay kundi maging sa emosyonal.

Mabubuo ang pagmamahalan na magbubuklod sa isang mag-anak. Sa diwa ng pagmamahalan, pagdadamayan, pagbibigayan, pagtutulungan at pagkakaisa ay magiging masaya ang pamilya. Sisikapin ng bawat isa na mapanatili ang kanilang pagsasama-sama.

Hindi rin dapat magmaliw ang pag-ibig. Ayon sa 1 Corinto 13:4-7: Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit. Ang pag-ibig ay hindi nagmamapuri o nagmamataas. Ito ay hindi nag-uugali ng di-nararapat, hindi ito naghahangad ng sariling kapakinabangan, hindi madaling magalit at hindi nag-iisip ng masama. Hindi ito nagagalak sa kalikuan kundi nagagalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay nagtatakip ng lahat ng bagay. Ito ay naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagbabata sa lahat ng bagay.

Dahil sa pagpapakasal, nabubuo ang kasagraduhan ng isang pamilya. Kaya hindi lang sa pisikal na katawan nagiging iisa ang mag-asawa — kundi maging sa puso at kaluluwa.

Mga larawang mula sa Google

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.