Buklat /Mulat
(UNANG LABAS)
BAGONG tuklas ko bilang mambabasa ang ilang tulang pambata ni Rolando S. Tinio na pinamagatang “Mga Awit ng mga Bata” mula sa kaniyang aklat na Kristal na Uniberso (Office of Research and Publication, Ateneo de Manila University, 1989). Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro at Panitikan si Tinio. Ayon sa kaniyang talambuhay buhat sa NCCA, siya ay mandudula, makata, guro, kritiko, at tagasalin. Nakapaglathala siya ng mga mga aklat ng tula na Sitsit sa Kuliglig, Dunung-dunungan, Kristal sa Uniberso, at Trick of Mirrors. May koleksiyon siya ng mga dula na May Katwiran ang Katwiran at Iba pang mga Dula at isang aklat na pumapaksa sa wika, ang A Matter of Language: Where English Fails. Ilan sa kaniyang salin na dula ang Ang Trahedya ni Makbet; Pangarap sa Isang Gabi ng Gitnang Tag-araw; Ikalabingdalawang Gabi: O Kung Ano’ng Ibigin; at ang Ang Trahedya ni Hamlet, Prinsipe ng Dinamarka.
Katangi-tangi sa mga tula ni Tinio ang paggamit ng humor o katatawanan sa kaniyang munting kalipunan ng tulang pambata. Halimbawa nito ang “Irog Kong Tiyo Juan” na maaaring lapatan ng tunog upang maging awitin at mainam sayawin sa mga klase sa pre-school. Gumamit ito ng mga pandiwang “magsayaw,” “lumibot,” “magpaikut-ikot,” “magtanggo,” at “magpandanggo” kaya maaaring lapatan ng kilos habang kinakanta. Sa huling saknong ng tula masisipat ang katatawanan na maiuugat sa isang popular na tukso o pamahiin.
Irog kong Tiyo Juan
Tayo’y magsayaw.
Huwag ka lang aawit,
Tiyak na uulan.
Kaugnay nito, may katangian din ng isang awiting-bayan ang “Sa Liwanag ng Buwan.” Enumerasyon ito ng mga tradisyonal na laro ng mga batang Filipino. Ayon nga sa tula, “Kay sarap magpatintero,/ Tumbang-preso o piko!/ At gaano mang hingalin,/ Di pa rin humihinto.” Naipamalas din dito ang kaugaliang paglalaro noon kapag maliwanag ang buwan—isang bagay na hindi na laganap ngayon dahil sa light pollution at sa mga peligro ng lansangan kapag gabi.
Natatangi rin ang mga tula ni Tinio sa paggamit ng mga tunog, onomatopeya, at malinaw na imahen. Sa tulang “Bugso ng Ulan,” bukod sa paggamit ng mga tunog, napakinabangan din ang biswal na paglalarawan upang maipinta ang eksena ng pagbuhos ng ulan sa isang bayan. Pansinin na tila isang potograpiya ang maikling tula:
Maraming ulap,
Kumikidlat.
Manok sa silong,
Pumuputak.
At may kumokak,
At may kulog.
Paulit-ulit:
Bog bog bog bog!
Maraming ulap,
Kumikidlat.
Ulang bumuhos,
Mukhang sibat.
Ganito rin ang teknik na ginamit para sa tulang “Awit sa Umaga,” na isang aubade o tulang pumapaksa sa bukangliwayway o sa umaga. Ito ay bumabati sa pagdating ng panibagong araw. Gaya ng naunang tula, litaw sa teksto ang paggamit ng mga tunog (pansinin ang maya, batis, at tarat) at malilinaw na biswal na imahen (pansinin ang paglalarawan sa damo at sa sampaga) upang maipinta ang isang umaga sa rural na bahagi ng ating bansa.
Kulay-rosas ang silangan,
Darating na ang umaga.
Ang damo’y nagkikinangan,
Bagong-gising ang sampaga.
Ang kay haba kung matulog,
Wari’y ayaw pang mamulat.
Pag sa papag ay nahulog,
Ni hindi siya magugulat.
Maya’y huni na nang huni,
Bubulung-bulong ang batis.
Parang nagmumuni-muni
Ang tarat sa punong-atis.
Kapansin-pansin sa mga tulang pambata ni Tinio ang pagpaksa sa buhay sa lalawigan, sa kabukiran, at sa tabingdagat. Mabuting desisyon ito dahil karamihan sa mga akdang pambata ay pumapaksa sa buhay ng lungsod, lalo na sa mga
picture book sa kasalukuyan. Halimbawa, sa tulang “Sa Tabi ng Dagat,” naipakita ang buhay at paghahanap-buhay sa dagat.
Pag dapit-hapon
Kay raming huli.
Ang buong nayon,
Nalulundag.
Buhay ni Sebya,
Ni Dikong Teroy,
At nina Loleng
Ay luluwag.
Nalathala ang tulang ito noong 1989. Nakalulungkot na maaaring hindi na ganito ang eksena sa tuwing mapapalaot ang mga mangingisda. Marami nang nasirang korales. Laganap na ang plastic pollution sa karagatan ng daigdig. Tumaas ang insidente ng overfishing ng mga dayuhang mangingisda sa ating teritoryo. Paano pa kaya luluwag ang buhay ng mga mangingisda?
(MAY KARUGTONG)