Ang Karibal

Liwayway - - Mga Nilalaman - Armando T. Javier

IBIG matawa ni Zaldy nang sabihin sa kanya ni Debbie na ang punggok, maitim, sarat ang ilong at magaspang ang mukhang lalaki ay manliligaw rin nito.

“’Anlakas ng loob, ha?” sabi ni Zaldy. “Ano nga’ng pangalan no’n?” “Emoy.” “Waw! Pati pangalan nangangamoy! E, ano naman ang trabaho?” “Taxi driver.”

Agad ding nagpaalam si Emoy kina Debbie at Aling Desta nang makitang bisita nila si Zaldy.

“B-Babalik na lang ho ako sa ibang araw…”

“Sige, Emoy,” sabi ni Aling Desta, “’wag kang madadala, ha?” “H-Hindi ho.” Nang magbalik sa kusina ang ina ni Debbie, nagmahina ng boses si Zaldy sa katabi.

“Muk’ang boto sa kanyang mother mo…”

Umingos si Debbie. Nilingon kung naririnig sila ng ina saka sinabing, “Sila’ng magsama…!”

Tatlong taon nang biyuda si Aling Desta mula nang mamatay sa sakit sa atay ang mister. Ang kabutihan lang, naipasok ni Mang Badong si Debbie ng on-the-job-training sa pinagtatrabahuhang kompanya. Nang makatapos nga si Debbie ng secretarial course, tuluyan siyang kinuhang empleyado, probational sa simula, ni Mr. Pancho, ang manager doon na dati ring boss at kainuman ng kanyang yumaong ama. Kaklase raw sa high school ni Mr. Pancho si Mang Badong.

Isang oras pa ang itinagal ni Zaldy kina Debbie at nang makita niyang naghihikab na si Aling Desta, bandang alasnuwebe ay nagpaalam na rin siya.

“Balik ka, ha?” nakangiting sabi sa kanya ni Debbie. “Oo naman. Gusto mo, bukas uli?” Tinawanan siya ni Debbie. Naglalakad pabalik sa kalsada, hindi nawawala ang ngiti ni Zaldy. Tila nakikini-kinita niya na ilang dalaw pa ay sasagutin na siya ni Debbie. Kumpara naman sa kanyang karibal na taxi driver daw, sa porma pa lang ay malaki na ang

kanyang lamang. Maputi siya, matangkad, slim at walang tiyan. Pagdating sa trabaho, lalo na. Team leader na siya ngayon sa call

center at mataas na ang kanyang suweldo. Binalikan ni Debbie ang bag niya sa salas at nagkatinginan sila ni Aling Desta. “Boypren mo na ba’ng lalaking ‘yon?” “Di pa ho, ‘Nay.” “O, e bakit kasama mong umuwi?” “Sinundo ho ako sa office, alangan namang ipagtabuyan ko. Sayang din ‘yung malilibre ko sa pamasahe.”

“O, e ba’t pag si Emoy ang sumusundo sa ‘yo—de-taksi ka na nga—e tinatanggihan mo pa?”

“Ayoko nga. Baka isipin pa ng mamang ‘yon na me gusto ako sa kanya.”

“Ano ba’ng ikinaaayaw mo ke Emoy? Mabait naman ‘yong tao, masipag, magalang, taga-rito pa sa ‘tin…” “Basta…!” Hindi masabi ni Debbie sa ina na alangan sila ni Emoy. Matangkad siya, punggok ito; maganda siya, chaka ito. Baka kung maging boyfriend niya ito ay pagtawanan lang siya ng kanyang mga kaibigan.

Nagtuloy na sa kanyang silid si Debbie at hindi na nakipagtalo. Inis pa rin siya. Tila ba itinutulak siya ng kanyang ina para sagutin si Emoy.

Kunsabagay, matagal na ngang nanliligaw sa kanya si Emoy. Malaki ang una nito kay Zaldy, na nakilala lamang niya sa facebook. Malimit din na may pasalubong si Emoy sa kanyang ina at kung natitiyempuhan sa kalsada, isinasakay nito sa taksi at inihahatid pauwi. Malaki rin ang agwat ng edad nila. Beinte dos lang siya; si Emoy, beinte nuwebe na. Ang naunang dalawang boyfriend niya ay pawang kasing-edad lamang niya.

Walang kibong umuwi si Emoy. Nadaanan niya ang ilang ka-barangay na nag-iinuman. Natagayan siya, uminom at saglit na nakipagkuwentuhan. Matapos makapag-abot ng pandagdagalak, nagpaalam na siya

“Nagmamadali ka yata, ‘Moy? Wala ka namang watot, walang sisita sa ‘yo?”

“Maaga pa ‘kong gigising bukas, bib’yahe—kakayod, mga pards!”

Pinawalan din siya ng mga ka-barangay. Sinapit niya ang hinuhulugang bahay at habang naghuhubad ng sapatos, naalala niya ang tagpong dinatnan niya kina Debbie at sa bisita nitong lalaki--ang kanyang karibal, na makisig, maputi, makinis at mukhang mabango. Sa tinginan at pag-uusap ng dalawa, tila ba may intindihan na sina Debbie at ang lalaki. Ayaw tanggapin ng isip ni Emoy na naunahan na siya sa nililigawan.

Estudyante pa lamang si Debbie ay kursunada na niya. Nanlalabasan pa siya noon ng jeep ay naisasakay na niya ito kung umuuwi mula sa eskuwela. Laging may nakabuntot na estudyante ring lalaki kay Debbie, sadyang ligawin. Maganda naman talaga kasi at parang laging mabango.

Nang lumipat siya sa panlalabasan ng taksi, si Aling Desta naman ang naging suki niya. Minsan, binanggit niya rito si Debbie. “Bakit, Emoy, me gusto ka ba sa anak ko?” “M-Meron ho.” “O, e ba’t di mo ligawan…” “N-Nakakahiya ho, parang alangan ako.” “’Ow, binata ka naman, di ba? Malay mo…” Nakapagpalakas ng kanyang loob ang sinabi ni Aling Desta. At isang gabi nga, may dala siyang siopao at hopya, dinalaw niya si Debbie. Pagtataguan sana siya pero nakita niyang itinutulak ito ni Aling Desta palabas sa silid. Pinakiharapan man siya ni Debbie, sinlamig naman ng yelo ang pakikitungo nito sa kanya. At nang siya’y magpaalam at sabihing babalik uli… “—Kahit hindi na…!” nakasimangot na sabi ni Debbie. Pinalampas niya ang parunggit nito, desididong ituloy ang panliligaw habang wala pa siyang nakikitang boyfriend nito. Titiyagain niya, sabi nga, para makatikim ng nilaga.

Pinalis niya sa kanyang isip ang mukha ng kanyang karibal, at sa kanyang pagtulog, ang mukha ni Debbie ang kanyang pinagpantasyahan.

DESIDIDO rin si Zaldy na maging syota si Debbie. Wala pa siyang niligawang babae na hindi niya naging girlfriend. Gumagasta naman kasi siya, galante at nagreregalo. Talagang ganoon. Ang hindi makuha sa gandang lalaki, daanin sa regalo. Naglalaway-laway na nga siya kay Debbie. Makinis naman kasi at ang mapula pang labi ay parang kay sarap siilin ng halik. Kinilig at napangiti si Zaldy. Kung ang Emoy na iyon din lamang ang kanyang nag-iisang karibal, sisiw. Gugustuhin ba naman ni Debbie ang punggok, maitim at magaspang-ang-balat na taxi driver? Magiging katawa-tawa si Debbie sa makakakita sa kanila. Muling pinagmasdan ni Zaldy sa kanyang cellphone ang mga larawan ni Debbie sa facebook

account nito. Maganda talaga, charming. Virgin pa sana… Dinatnan ni Debbie na nagkukumpulan na naman ang ilang kaopisinang babae nang dumating siya nang umagang iyon. Nang makitang naroon na siya ay isa-isang nagbalikan sa kani-kanilang mesa. Inis siya, ramdam niya na siya na naman ang pinagtsitsismisan ng mga ito. Nagtuloy siya sa CR, nagsuklay, naghilamos at muling nag-lipstick. Inggit lang sila, sinasabi niya sa kanyang sarili. Kasalanan ba niya na makagiliwan siya ni Mr. Pancho? Nag-o-OJT pa lamang siya roon ay espesyal na ang trato nito sa kanya, siguro’y dahil anak siya ng kaklase nito. At noong maging empleyada na siya, sinabi sa kanya ni Mr. Pancho na malaki ang pagkakahawig niya sa nakahiwalayang asawa. “Nasa’n na’ng misis n’yo, sir?” “Nasa Cebu. Me iba nang partner.” “Matagal na ho ba kayong hiwalay?”

“Five years. Buti’t pareho nang professional ang dalawang

anak namin.” “B-Ba’t naman ho kayo nagkahiwalay, sir?”

“Irreconcilable differences…” Kumukuha siya ng dictation noon para sa demand letter sa isa nilang kliyenteng overdue na ang utang. Naka-sick leave ang matanda nang sekretarya nito, si Mrs. Nieves, na isang payat at butuhang babae.

“Napapadalas nang absent ni Mrs. Nieves,” sabi ni Mr. Pancho. “Pagbalik n’ya, aalukin ko nang early retirement. Ipo

promote kita.” “Ipo-promote ako? Saan ho?” “Sa posisyon n’ya. Ikaw ang magiging bago kong secretary.” Dalawang buwan na ang nakakaraan mula noon, at tiyak niya, hindi malimutan ng mga babaeng empleyado roon, na malaki ang seniority sa kanya, na na-by-pass niya ang mga ito. Kaya gayon na lamang ang hinanakit at siguro’y inggit sa kanya.

Manigas kayo, sabi ni Debbie sa sarili, mamatay kayo sa inggit!

Lumabas siya sa CR, nakasuklay na, naka-lipstick na,

Ligawin si Debbie at kinaiinisan niya ang masugid niyang manliligaw na si Emoy…

maganda at mabango na uli at taas-ang-noong tinungo ang kanyang mesang nakapuwesto sa bungad ng silid ni Mr. Pete Pancho. Galing sa pagdyi-gym, nilalaru-laro ni Pete sa kanyang palad ang kahon ng pulseras na binili niya on-line. Bagay na bagay siguro iyon sa makinis at maputing braso ni Debbie. Napangiti siya. Wala pa siyang iniregalo sa kanyang sekretarya na tinanggihan nito. Iyon man ay bag, damit, sapatos o pabango na pawang branded at inorder din niya on-line. “Di ko naman birthday, sir, ba’t n’yo ‘ko nireregaluhan?” “Gusto ko lang. Masama ba?” Ngingiti lang si Debbie at hindi na magtatanong. “Thank you, sir.”

Ngayon lang uli nangursunada ng babae si Pete. Matagal na silang hiwalay ng babaeng naging dahilan ng pag-aaway at paghihiwalay nila ng kanyang misis, bumalik na sa tunay na asawa. At kung siya man ay nangangailangan, isang tawag lang sa kanyang kontak, at presto, may makaka-date na siya sa kama sa tamang presyo.

Iba si Debbie, naiisip ni Pete habang nagbibihis matapos makapag-shower. Mukhang kay bangu-bango, at kung nagka

boyfriend man (alangan namang hindi pa?) mukhang konti pa lang ang natutuhan. Uunti-untiin niya si Debbie, malimit niyang ipinaaalala sa sarili, paaamuin muna, pasasakayin, sisilawin nang dagdag-suweldo at mamahaling regalo saka niya dadagitin, ibabahay kung handang pumatol sa kanya.

Nakapagpisik ng pabango, muli niyang napagmasdan ang kanyang sarili sa salamin. Makisig pa naman siya, alaga niya sa tina ang kanyang buhok, maliit na ang kanyang tiyan mula nang magdiyeta at huminto sa pag-inom ng beer. At dahil regular siyang nagdyi-gym, pakiramdam niya’y aagwanta pa siya kahit dalawang round sa laban. Nginitian niya ang sarili sa salamin. Sa isiping makikita na naman niya si Debbie at matutuwa na naman sa regalo niyang pulseras, masigla siyang lumabas ng bahay. Gusto niyang makarating agad sa opisina.

Malimit pagsabihan ni Aling Desta si Debbie na kung ano ang ipinakikita nitong magandang trato at pag-estima kay Zaldy ay gayon din sana nito tratuhin si Emoy.

Pumipiksi si Debbie. “Alam naman n’ya na di ko s’ya type, s’ya lang ‘tong mat’yaga. Balik nang balik dito.” “E, sa gusto ka talaga.” “Kayo na lang kayang magpaligaw sa kanya…” “Debbie!” Iniwan siya ng anak, nagtuloy sa silid nito pero napansin pa rin niya ang bitbit na paper bag na may logo ng isang mamahaling department store. Ano kaya ang binili? Hindi pa naman suweldo? Baka may nagregalo? Malimit na may nagreregalo kay Debbie at tuwing kanyang tatanungin, sinasabing galing sa kanilang kliyente o sa isang supplier. Hinala ni Aling Desta na baka galing sa isang manliligaw. Baka bukod kina Emoy at Zaldy, may iba pang karibal ang dalawa.

Masyadong malihim ang kanyang anak at may pagkawais din. Nagmana sa kanyang mister.

HINDI inabot ni Zaldy sa opisina nang Biyernes nang hapong iyon si Debbie. Maaga raw umalis, sabi ng guwardiya. Kaya kina-Lingguhan, muli niya itong dinalaw sa bahay. Pero sino nga ang kanyang dinatnan? Ang kanyang karibal. May sinasabi ito kay Debbie na tila wala namang interes sa sinasabi ng bisita. Kapwa napalingon sa gawing pinto ang dalawa nang magpatao po siya, tumindig si Debbie at pinapasok siya. Nawala ang ngiti sa mukha ni Emoy. Pinaupo si Zaldy ni Debbie sa tabi nito at iniabot niya rito ang kahon ng cake-black forest—na alam niyang paborito nito.

“Buti ka pa, alam mo’ng weakness ko…” sabing tila sadyang ipinaririnig kay Emoy. Nalingunan ni Zaldy ang supot na nakapatong sa ibabaw ng mesita sa kanilang harapan. Ang regalo siguro ni Emoy. Ano kaya? Pansit? Siomai? Kikiam? Baka puto? Nagpalipat-lipat ang tingin ni Emoy sa kanila ni Debbie.

“Congrats, ha?” sabi ni Debbie sa kanya. “Balita ko, team leader ka na?” “Oo. Ikaw rin, secretary ka na pala. ‘Bilis ng promotion mo, ha?” “Malakas sa boss!” Nagtawa si Debbie. Tumikhim si Emoy at nang lingunin ni Debbie, nagpaalam na. “Sige,” sabi ni Debbie. Tumayo si Emoy, saglit na hinanap ng mga mata si Aling Desta at nang hindi makita’y nagtuloy na sa pinto. Ni hindi pinagkaabalahan ni Debbie na ihatid sa labas. Lihim na napangiti si Zaldy. Pinansin ni Mr. Pancho ang suot na pulseras ni Debbie, ang regalo niya.

“Bagay naman pala,” sabi ni Pete. Alas-singko na at nakaalis na ang ilang empleyado nila. Tangan ni Debbie ang sobre ng kanyang suweldo nang pumasok sa kanyang opisina. “Sir, ba’t biglang lumaki’ng s’weldo ko?”

“Productivity incentive. Para sa magandang performance mo sa trabaho.” “Baka ho kainggitan akong lalo ng mga officemates ko.” “Bayaan mo sila. Desisyon ko ‘yan, wala silang pakialam. Next time, gagawan ko ng paraan na maikuha ka ng car loan. Kahit compact car lang para di ka na nahihirapang mag-commute. Di bagay sa kutis mo’ng naaalikabukan at nauusukan…”

“Sir naman. Talaga ho, ikukuha n’yo ‘ko ng kotse?” “P’wede namang i-advance ng kompanya ang down payment.

Salary deduction na lang.” Hindi napapaknit ang malagkit na pagkatitig ni Pete kay Debbie. Matay mang isipin ni Debbie, kuwentahin sa isip, wala halos matitira sa suweldo niya kung totoong aawasin doon ang panghulog sa inaalok na kotse ni Mr. Pancho. “Sir, baka hindi kayanin ng s’weldo ko.”

“No problem. Ako’ng bahala. Leave it to me.” Hinawakan ni Pete ang palad ni Debbie, muling pinaglunoy ang mata sa makinis, maputi at kaakit-akit na mukha ng kanyang sekretarya.

Tila napaso ang mukha ni Debbie sa malagkit na titig ng kanyang boss. Napatungo siya. “S-Sir, a-ano naman hong kapalit…?”

“Just your company, Debbie. Just your company.” Magkasabay silang umalis ng opisina. Sa pagtataka ni Debbie, nagpapara ng taksi ang kanyang boss. Walang dalang kotse? Baka nasa talyer.

Tumatahip ang kanyang dibdib habang magkatabi silang nakaupo sa likurang upuan, nakahawak pa rin ang kamay ni Mr. Pancho sa kanyang kamay, tila hindi siya bibigyan ng pagkakataong makawala pa. At saan nga sila tumuloy? Sa isang compound na pamilyar na kay Debbie, na napasok na rin niya—nila—ng una at ng pangalawa niyang boyfriend.

Nakatungo siya, nakatingin sa kanyang mga daliri nang lumabas mula sa banyo si Mr. Pancho, nakaligo na, preskungpresko. Tinabihan siya sa pagkakaupo sa kama, inakbayan. “S-Sir…”

“Matagal na kitang type, Debbie. Hindi mo pagsisisihan ‘to. Ibibigay ko sa ‘yo ang lahat ng luhong gusto mo.” “Sir, baka lokohin n’yo lang ako…?” “Hindi. Kung gusto mo, ibabahay na kita. Mag-resign ka na sa office para iwas sa tsismis.” Kinabig ni Mr. Pancho ang kanyang mukha at sabik siyang hinagkan. Nabibilisan pa rin siya sa pangyayari pero tila isang

de-susing laruan na dinampot niya ang isa pang tuwalya at sumaglit din sa banyo.

Napapikit siya nang magbalik sa kama at simulang angkinin ni Mr. Pancho. Magandang buhay, magandang bahay, kotse at pera kapalit ng kanyang puring matagal nang nawala sa kanya.

Abot-tainga ang ngiti ni Pete. Sulit ang nagastos at ipinuhunan niya kay Debbie. Bagama’t hindi na donselya, kumbaga sa kotse ay low mileage pa. Masayang-masaya siya. “Sir, ‘yung pangako n’yo, ha?” “Matutupad. Ngayon pa? Yummy ka pala!” Dinampot ni Pete ang relo niya sa side table. “Maaga pa pala, may one hour pa tayo. Ulit, ha?” “Sir naman…” Ibig magdabog ni Debbie pero muling sinelyuhan ni Pete ng halik ang kanyang bibig.

Nakahilig si Debbie sa balikat ni Pete, may ngiti rin sa kanyang labi. Oo nga’t may edad na si Mr. Pancho pero maresistensiya pa rin. Uminom siguro ng energy drink, naisip niya. Pahalik-halik pa sa kanyang buhok si Mr. Pancho habang hinihintay nila ang pagdating sa drive-in garage ng itinawag nitong taksi sa telephone operator.

Umangat ang tikwasing panara, bahagya silang nailawan ng headlight. Mabilis na binuksan ni Mr. Pancho ang side door at pinauna siyang pumasok. “Sa’n tayo, boss?” tanong ng drayber nang hindi lumilingon sa kanila. Napapiksi si Debbie. Pamilyar sa kanya ang boses. “Sa EDSA,” sabi ni Mr. Pancho. Nag-angat ng tingin si Debbie. Kita niya ang magaspang at maitim na pisngi ng drayber. At nang lingunin niya ang rear view mirror, nakumpirma ang kanyang hinala.

Inakbayan siyang muli ni Mr. Pancho at tila siya nairita. Pahalik-halik uli ang kanyang boss sa kanyang buhok. Walang pakialam kung may nakakakita. “Una na ‘kong bababa, baby. Magpahatid ka kung sa’n mo gusto.” Tumango siya. Napansin ni Debbie na patingin-tingin din ang drayber sa rear

view mirror. Siguro’y kinikilala rin siya. EDSA. Ikinabigla niya ang biglang paghalik ni Mr. Pancho sa kanyang labi. Dumukot ito ng limandaang piso sa wallet at iniabot sa drayber. “Pare, ihatid mo s’ya kung saan n’ya gusto. Keep the change.” “Salamat ho, boss.” Pinisil ni Mr. Pancho ang palad ni Debbie saka bumaba sa taksi. At napag-isa sila ni Emoy. Tila siya matutunaw sa pagkakatingin nito sa kanya sa rear view mirror. Umandar ang sasakyan. Nag-apuhap ng sasabihin si Debbie sa kanyang manliligaw at ka-barangay.

“E-Emoy, b-baka p’wedeng sa ‘ting dalawa na lang ‘to? ‘Wag na sanang makarating sa nanay ko at sa ibang tao…” Hindi kumikibo si Emoy. Nagbubuntunghininga ba? “Napasubo lang ako,” pagbabangong-puri ni Debbie. “Pinilit n’ya lang ako.” Hindi pa rin kumikibo si Emoy. Malayu-layo na rin ang natatakbo nila nang mapansin ni Debbie na tila naraanan na nila kangina ang dinaraanan uli ng taksi. “T-Teka, sa’n mo ‘ko dadalhin?” Hindi makaila ang hinanakit sa boses ni Emoy. “Nagt’yaga akong ligawan ka dahil gusto kita. Tiniis kong pang-iisnab mo sa ‘kin at ang pagpapakita mo ng kagaspangan. Iginalang kita. Akala ko’y talagang kagalang-galang ka…”

Napatungo si Debbie, tila biglang nabingi sa naririnig kay Emoy. At nang mag-angat siyang muli ng tingin, muli niyang nakita ang tikwasing panara sa garahe ng mga paupahang silid sa compound na iyon.

“Nakikiusap ka sa ‘kin na manahimik ako sa nakita ko sa inyo ng boss mo, e pa’no naman ako?” Nakuha ni Debbie ang ibig mangyari ni Emoy. Tutol man sa kalooban niya, wala siyang nagawa nang lapitan na sila ng room boy at ihatid sa kanilang silid. Napakagat-labi si Debbie. Sinulit ni Emoy ang tatlong oras na ibabayad nito sa kuwarto. Sa pagbalik sa taksi, hindi napapaknit ang ngiti ni Emoy. Ang tingin niya sa kanyang sarili ay kay ganda-ganda niyang lalaki.

“’Anlakas ng loob, ha?” sabi ni Zaldy. “Ano nga’ng pangalan no’n?”

“Emoy.”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.