Dapat Bang Maging Good Role Models Ang Ating Mga Celebrities?

Liwayway - - Mga Nilalaman - Lilia Borlongan Alvarez

KAMAKAILA’Y nagulat at nalungkot ang mga tagahanga ni Sarah Geronimo nang mapaiyak siya sa isang concert sa Las Vegas at ibinahagi niya sa lahat ng nanonood ang sentimiyento niya tungkol sa pagiging artista at celebrity – ang pressure na maging isang role model, ang “maging perpekto.”

Ang tingin nami’y maaaring talagang pagod na pagod na siya. (Minsan nga’y tinagurian siyang “artistang walang pahinga” ng isang kolumnista.)

Bukod sa simpatiyang nadama namin, lalo kaming humanga sa kanya hindi lamang sa kanyang pambihirang talino sa pag-awit kundi rin dahil nagkaroon siya ng lakas ng loob na sabihin sa kanyang mga tagahanga ang nasa kaibuturan ng kanyang puso – ang kanyang mga agam-agam sa buhay at ang kanyang mga limitasyon. (Matagal nang alam ng madla na siya’y isang good role model dahil kung ikukumpara natin siya sa iba nating mga artista, hindi siya nasangkot sa anumang kontrobersiya o iskandalo.)

Dapat nga bang maging good role models ang ating mga artista at iba pang celebrities? Ang sagot dito’y: OPO!

Sapagkat, ayon sa ebanghelyo, “…Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng maraming bagay; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin sa lalong maraming bagay.” (Lucas 12:48) Ang mga “bagay” na ito’y maaaring tumukoy sa talino, kakayahan, kayamanang materyal, kagandahan, lakas ng katawan, tibay ng loob, awtoridad na ipinagkaloob sa kanila, at mga oportunidad na dumating sa kanila hanggang sa sila’y maging pamoso.

May naisip kaming isang wish list sa mga artista at iba pa nating sikat na personalidad (kabilang dito ang marami nating socialites at beauty queens) na ibig maging good role models. (Dito’y isasama natin ang mga napabantog sa iba’t ibang larangan tulad ng negosyo, pamamahayag, panitikan, siyensiya, at iba pa):

Sana’y maisip nila ang mga kapus-palad, mga maysakit, o mga nalulumbay sa tuwing may grand blow-out sa kanilang kaarawan o kasal. Maraming report sa peryodiko at social media na si ganitong artista o socialite ay naghanda nang en grande para sa kanilang mga kaibigan, kasama sa trabaho at kakilala sa showbiz. Totoo namang marami sa kanila’y nagkakawanggawa o nag-aabuloy sa mga charitable causes nang walang hangaring mabasa sila sa diyaryo. Ngunit ang mga pahina ng lifestyle sections ay hindi nagsisinungaling – nakatambad ang mga litratong nagsasaya silang lahat, nagkakainan, at nagsasayawan, at iniuulat pa kung gaano kalaki ang ginasta para idaos ang gayong pagsasaya! May isa pa ngang artistang nagdiwang ng kanyang kaarawan sa loob ng halos isang linggo! Ang iba’y nagpapakasal pa sa mga secluded tourist destinations sa Pilipinas at sa ibang bansa para hindi sila puntahan ng mga yagit nilang tagahanga! Wala tayong mababasa o maririnig na si ganito at si ganoong showbiz celebrity o socialite ay nag-imbita ng mga pobre nilang tagahanga o mga kapus-palad sa kanilang komunidad upang ipagdiwang ang kanilang kaarawan! Bihira ang mga celebrities na bumibisita sa mga charity wards ng ospital at mga nalulumbay na senior citizens sa mga homes for the aged! Sumasagi kaya sa isip ng mga celebrities natin na tayo’y isang mahirap na bansa? Na napakaraming mahihirap sa kanilang paligid? Na milyun-milyong tao sa mundo ang nagugutom?

Sana’y hindi sila maging bahagi ng mga palabas at pelikulang malalaswa. Kabilang dito ang mga babasahing

masasabing pornographic at mga materyales na nagpapakita sa kanilang baluktot na fashion sense – mga damit na halos wala ng iniwan sa imahinasyon! Maaari naman silang kumita nang hindi naghuhubad!

Sana’y isulong nila ang mga advocacies na hinihintay ng madla. Halimbawa, isinusulong ni 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach ang kamalayan tungkol sa AIDS at paano ito maiiwasan. Kaya, bahagi siya ng mga awareness campaigns tungkol sa pag-iwas sa paggamit ng mga bawal na

gamot, at clean living.

Bukod dito, alam nating siya ang nagtaguyod sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng modeling, hosting at pag-aartista bago siya naging Miss Universe. Ginamit niya sa ikabubuti niya at ng kanyang pamilya ang kanyang mga talino. Naging makeup

artist din siya at nagsulat pa para sa isang sikat na pahayagan! At sa kabila ng lahat ng kanyang mga narating, nananatili siyang mapagpakumbaba. Sana’y iwasan nilang masangkot sa anumang iskandalo.

Hindi ba’t laman ng social media at mga balita sa radyo at telebisyon ang mga showbiz celebrities nating nahuling bumibili at gumagamit ng shabu, cocaine o marijuana (na hindi naman medicinal marijuana)? Hindi ba’t marami sa kanila’y napapabalitang nanggugulo, nanunutok ng baril, o nambubugbog sa isang club o disco? Hindi ba’t marami sa kanila’y napapaulat na lango habang nagmamaneho? Nandaraya kapag nailuklok na sila sa isang posisyon sa gobyerno? Nang-aabuso ng asawa? Hindi ba’t nalalaman na lamang nating manggagantso at estapador pala si ganitong artista?

Sa ganang amin, hindi po gusto ng madla o ng kanilang mga tagahanga na sila’y litisin sa hukuman at makulong, o mapahamak dahil sa kanilang kahangalan (o katangahan)! Sana’y matutuhan nila ang kahalagahan ng pahinga sa gitna ng kanilang hectic na pagtatrabaho. Marahil ay ganito ang nangyari kay Sarah Geronimo – hindi siya nagkaroon ng pagkakataong maglibang at magpahinga sa bawat kontratang kanyang pinirmahan at iba pa niyang commitments. Huwag sana silang gumaya sa mga maling gawi ni Michael Jackson at iba pang dayuhang artista – umiinom ng droga para magising at magampanan ang inaasahan sa kanya sa mga concerts, at pagkatapos ay magpapasaksak ng pampatulog para mapahinga sa buong gabi! Sa ating mga mang-aawit at musicians, sana’y lagi nilang ibahagi ang kanilang talino. Totoo, malaking bagay ang mga programa sa telebisyong nagpapakita na sila’y mga coach sa mga ibig maging propesyonal na mang-aawit. Pero, naisip kaya nilang ibahagi ang kanilang talino sa pamamagitan ng pag-awit sa Santa Misa? May nabalitaan na ba tayong mang-aawit na naging regular na miyembro ng isang choir sa simbahan tuwing Linggo? Sana’y makabangon sila sa bawat pagkakadapa. Lahat

tayo’y nagkakamali. Ngunit mas malakas ang pressure sa mga sikat at pamosong tao tulad ng mga artista at celebrities. Ang kanilang buhay ay nasa ilalim ng microscope. Ngunit hindi naman natin inaasahang sila’y maging perpekto (tulad ng inaasam ni Sarah). Alam ng kanilang mga tagahanga na mapatatawad nila ang hinahangaan nilang idolo kung ipaaalam nilang sila’y nagsisikap na magbago.

Kung sakali namang sila’y maging bahagi ng isang iskandalo, ibig natin silang makitang maayos at matiwasay ang kanilang personal na buhay pagkatapos nito. Ibig natin silang magtagumpay sa pinili nilang propesyon habang nasa puso nila ang mga taong pinagkakautangan ng loob, lalo na ang mga sumusuporta at sumusubaybay sa kanila. Ibig natin silang bumangon sa tuwing sila’y madadapa.

Paano nila ito gagawin? Sana’y huwag silang mahiyang humingi ng tulong sa mga nagmamahal at nagmamalasakit sa kanila (kasama ang kanilang mga tagahanga), at higit sa lahat, huwag makalimot na tumawag sa Maykapal.

Mga larawang mula sa Google

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.