Agrikultura

Liwayway - - Mga Nilalaman - Zac B. Sarian

SA pagdalo namin sa Sima-Asean Agribusiness Show sa Bangkok kamakailan, nakilala namin si Panu Taweepon, 37 anyos na binata na nagtatanim ng milon sa maliit lamang na lupa sa lalawigan ng Surat Thani sa katimogang bahagi ng Thailand. Nakatutuwang makapanayam si Panu kasi masaya siyang kausap. At napakaganda naman ang kanyang eksibit sa trade show. Tuluy-tuloy ang pag-andar ng kanyang video na nagpapakita sa magaganda niyang milon na hitik ng bunga. Nagpatayo rin ng isang maliit na greenhouse sa trade show upang makita ng mga bisita ang maliit na greenhouse na napag-aanihan ng maraming bunga.

Ang kanyang pinagtatamnan ng milon ay may sukat na 3,200 metro kuwadrado lamang pero napakarami siyang naani sa kanyang tanim sa loob ng greenhouse. Kung hindi ninyo makita sa video ang kanyang mga tanim, maaaring hindi kayo makapaniwala na sa isang greenhouse na may luwang ng 60 metro kuwadrado ay nakaani si Panu ng limang daan (500) bunga na may timbang na dalawang kilo ang bawat isa o mahigit pa. Ibig sabihin, isang toneladang milon ang napipitas

niya sa 60 metro kuwadradong greenhouse.

Naibebenta niya sa halagang 100 baht ang isang kilo kaya ang isang prutas ay nagkakahalaga ng 200 baht na katumbas ng P322 sa ating pera. Kung sumahin ang kabuuang halaga ng napipitas niyang 500 na bunga sa isang greenhouse, aabot ito sa P161,000. Tatlong beses natatamnan ang isang greenhouse sa isang taon kaya aabot sa halos kalahating milyong piso ang halaga ng produksiyon sa isang greenhouse sa isang taon. Lalong hahanga ka kay Panu kapag malaman mong siya lamang ang nagtatrabaho sa kanyang taniman, maliban sa kanyang nanay na tumutulong magbantay kung nagbibiyahe si Panu. Hindi naman kasi mahirap alagaan ang mga tanim sapagkat naka-drip irrigation sila. Buksan lamang ang gripo at nadidiligan na ang mga tanim. Maaari ring isama sa patubig ang pataba.

Walang problema si Panu sa pagbebenta sa kanyang produkto. Dahil nakikita ng mga tao sa kanyang Facebook account ang magagandang bunga ng kanyang milon, umoorder sa kanya ang mga kustomer mula sa iba’t ibang dako ng Thailand. Malayo ang kanyang farm sa Bangkok. Umaabot sa 500 kilometro ang layo mula sa Bangkok. Pero napapadala niya ang mga order sa kanya sa pamamagitan ng Express Courier Service.

Ayon kay Panu, kung mag-order kayo sa araw na ito, ipadadala niya agad at kinabukasan ay nasa inyo na ang order ninyong milon. Isang tipikal na order sa kanya ang limang prutas na nasa isang kahon. Tumitimbang ang mga ito ng 12 kilo. Ang kabuuang halaga, kasama ang courier service, ay umaabot sa P2,334.50. Wala raw minimum order. Kung isa lang ang gustong bilhin, okey lang kay Panu.

Napag-alaman namin na ang farm ni Panu ay binibisita ng maraming agriturista. Pero kung gusto ninyong bumisita, dapat magreserba kayo ng araw na pagbisita at ito ay inaabot ng isang buwan ang iskedyul.

May mahalagang aral na makukuha sa proyekto ni Panu Taweepon. Maski maliit ang lupang sinasaka kung de kalidad ang mga produkto, tiyak na maraming bibili. Ang social media kagaya ng Facebook ay may malaking maitutulong sa pagbebenta ng mga produkto sa bukid maski saan ka man nakatira.

Tumitimbang ng dalawang kilo ang bawat isang melon. Naibebenta nila ito sa buong Thailand at naidedeliber sa pamamagitan ng express courier.

Sina Zac B. Sarian at Panu Taweepon sa loob ng greenhouse exhibited ni Panu sa Asean Agribusiness trade show sa Bangkok.

Ang batang babae habang napaglitrato sa loob ng greenhouse ng Panu Taweepon sa Surat Thani province.

Makakabili ng mga melon ang mga bisita sa Agribusiness trade show.

Sina Toto Barcelona ng Harbest Agribusiness at Panu Taweepon sa harapan ng Panu’s greenhouse sa trade show.

Ang mga bunga ng melon sa loob ng greenhouse ng Panu Taweepon.

Ang maliit na greenhouse exhibited ng Panu Taweepon’s sa Agribusiness trade show sa Bangkok.

Ang sariwang bunga ng melon mula sa farm ng Panu Taweepon’s.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.