Pag-Usapan Natin!

Liwayway - - Mga Nilalaman - Kuya Sam

Napaka-concern

DEAR KUYA SAM: Isa po akong masugid na tagasubaybay sa inyong pitak dito sa Liwayway. Tawagin n’yo na lang ako sa pangalang Cynthia, 27, nagtatrabaho sa isang BPO sa Makati. Mayroon akong kasamahan sa team namin, si Rolly, na pakiramdam ko, may gusto sa akin, Kuya Sam. Hindi ko siya pinapansin dahil wala naman din akong gusto sa kanya, at least, noon. Pero umeepal palagi kapag may chance. May isang gabi na mahaba ang call na natanggap ko kaya medyo na-delay ang aking break. Gutom na gutom na ako, Kuya Sam. Kaya noong matapos na ang call, nahihilo na ako sa gutom at nagkaacid attack na ako.

Hindi ko na namalayan na dinala na pala ako ng mga ka-teammates ko sa clinic namin. Noong naroon na ako, tinatanong ko sila kung sino ang nagdala sa akin. Ang sabi, si Rolly raw. Pero wala si Rolly sa paligid.

Kinabukasan, hinahap ko si Rolly at nagpasalamat sa kanya. Tinatanong ko siya kung bakit wala na siya sa clinic noong nagkamalay na ako. Ang sabi niya, umalis na lang siya baka raw masamain ko pa. Ang sabi ko sa kanya, bakit ko naman masamain, nagmamagandang loob na nga siya. Ang sagot naman niya, feeling daw niya ay umiiwas ako sa kanya.

Nahiya naman ako, Kuya Sam. Dito ko naramdaman ang kanyang malasakit sa akin. Sobrang na-touch ako sa kanya. Hindi pala siya dapat kamuhian, hindi pala siya dapat layuan dahil mabuti siyang tao.

Kuya Sam, na-inlove ako kay Rolly. Paano ko ba ito iparamdam sa kanya na mahal ko rin siya? – CYNTHIA

DEAR CYNTHIA: Dahil wala kang gusto kay Rolly noon, pakiramdam mo ay umeepal lang siya. Pero ngayon— ngayong nalaman mo na ang totoong kulay ng kanyang puso— biglang naging mabait siya sa paningin mo. Ang ibig sabihin nito Cynthia, ang pakikitungo natin sa isang tao ay directly proportional sa ating damdamin. Cute ang dating sa atin kapag nagustuhan natin ang isang tao, epal kapag hindi natin gusto. Ganoon lang iyon.

Sa totoo lang, suwerte ka kay Rolly. Sa tingin ko lang, nakapabait na bata ang mama na ito. Biro mo, pagkakataon na sana na magpa-cute siya sa ginawa niyang tulong. Pogi points na sana iyon. Ngunit anong ginawa niya? Mas pinili niyang mawala sa eksena. Mas pinili niyang ikaw na ang makatuklas sa kanyang kabaitan. At iyon ang palatandaan na hindi siya masamang tao.

Cynthia, kung napamahal ka na kay Rolly ngayon, dapat concern ka rin sa kanya. Sa ganitong paraan mo lang maiparamdam na may pagtingin ka rin sa kanya. Ang simpleng “kumain ka na”, “ingat sa pag-uwi” at iba pang sweet nothings, malaking bagay na iyon para maiparating mo rin sa kanya na mayroon siyang halaga sa buhay mo.

Mas mabuti rin, Cynthia, na mabuo muna ang inyong pagkakaibigan. Lahat ng romantikong relasyon, mas maige kung matibay ang pundasyon. Hindi ako naniwala sa instant magic. Ang magandang relasyon, ito’y binubuo, pinaghirapan. Ang inyong pagiging matalik na magkaibigan... iyan ang magandang simula. Kapag matibay ang pundasyon, hindi bastang mabubuwal ng mga pagsubok. Diyan kasi kayo magkakapaan ng ugali. Kaya kapag may dumating na unos, madali na lang tuntunin kung saan kayo lulugar.

Hindi magtatagal, manliligaw sa iyo si Rolly. Tingnan mo siya sa mata. Kapag sasabihin ng iyong puso na kaya mo siyang mahalin, sagutin mo.

– KUYA SAM (MAAARI ninyong isangguni kay Kuya Sam ang inyong mga problema sa pag-ibig at buhay sa pamamagitan ng e-mail address: kuyasam29@ yahoo.com o kaya’y ipadala sa: PAG-USAPAN NATIN c/o Liwayway Magazine, Manila Bulletin Publishing Corporation, Muralla cor. Recoletos Sts., Intramuros, Manila.)

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.