Buklat /Mulat

Liwayway - - Mga Nilalaman - Dr. Eugene Y. Evasco

(HULING LABAS)

M

At si Marya Kapra, Iindak-indak. Lelong niyang si Kuwago, Iiyak-iyak.

Sukat magsayawan, Ipis at daga, At pati si Bestrang Tabas-pindangga.

Parang at pilapil, Nagkabitak-bitak. Alon sa aplaya’y Kikindat-kindat.

Kung si Pepeng Lasenggo ay maituturing na karaniwang tauhan sa isang bayan, sa tula namang “Ang Kilabot ng Islang Luson,” pinaksa ni Tinio ang maalamat na tauhang hindi naman bayani kundi maituturing na higante o “kilabot.” Taglay ng tauhan ang kakaibang lakas na maihahalintulad sa mga bayani ng epikong-bayan ng bansa. Hindi maituturing na bayani ang isang kilabot dahil wala naman itong misyon upang iligtas at ipangtanggol ang isang bayan. Narito ang tula: Ako ang Kilabot ng Islang Luson; Pangalan ko’y parang putok ng kanyon. Pag minsang sumikad sa may Sorsogon, Buong Sierra Madre’y biglang lilindol.

Malalim na dagat, nasisid na rin; Bagyo ang katulad ng aking hatsing! Tuwing maghihikab ay may bagong bangin. Ako’y pag hinamon, anak ng pating! Ako ang Kilabot ng Islang Luson; Pangalan ko’y parang putok ng kanyon.

Kapwa edukasyonal ang mga tulang “Mangapitbahay Tayo” at “Ang Piyesta ni Butong-Pakwan.” Hindi naman talaga naging lantarang didaktiko ang mga tulang ito dahil sa mainam na gamit ng pantasya ng unang tula. Maihahalintuilad ito sa aklat na The

Magic School Bus: Lost in Solar System (Scholastic, 1990) nina Joanna Cole at Bruce Degen (ilustrador) na naglakbay ang mga bata sa kalawakan at nakilala ang iba’t ibang planeta. Narito ang sipi: Mangapitbahay tayo Sa dulo ng dilim; Isa-isang dalawin Ang mga bituin.

At bago magtanghali, Neptuno’y saglitin; Pati Saturnong bakit Kay raming magsingsing?

Sa hapon ay si Benus, Doon magmirindal Ng ulap at kometang Bibingka espesyal.

Gumamit naman ng pamilyar na karanasan si Tinio para sa tulang “Ang Piyesta ni ButongPakwan” na may kasangkapan pang personipikasyon ng mga tipikal na kakanin ng bansa gaya ng kutsinta, espasol, biko, belekoy, ampaw, at sitsaron. Mainam na lagyan ng mga ilustrasyon ang bawat taludtod ng tulang ito at gawing isang picture

book. Tiyak na kagigiliwan ito ng mga bata. Si Conchita Kutsinta ang nagtambol At nagpompiyang si Josefa Espasol. Nang si Rico Biko at magbandurya, Nagkuratsa si Gregoria Gurgurya.

Ani Kokoy Belekoy, “Magtigil na!” Ibig daw bumati sa nagpipista. Tituguk-tigok si Amparing Ampaw Dahil kanyang saya ay lumalawlaw.

Nang mapilay si Rosita Sitsaron, Nagputok sa pagngisngis ang garapon. Di mapigil ninuman ang kantsawan Nang magdiyesiotso si Butong-pakwan, Nang magdiyesiotso si Butong-pakwan.

Sa mga tulang pambata ni Tinio, ang “Mga Labandera” ang maituturing na tradisyonal sa anyo at sa nilalaman. Nagtataglay ito ng makalumang pananaw na dapat manilbihan ang mga anak sa kanilang magulang. May taglay itong edukasyonal na nilalaman na kawangis ng mga tulang nakalimbag sa mga textbook—pagtuturo ng mga kulay, ng iba’t ibang uri ng damit, at ng proseso ng paglalaba. Masisipat sa ibaba ang teksto: Tayong labandera’y magsipaglaba Ng pinagbihisan ni Ina’t Ama.

Akin na ang blusang berde at pula At ang batang rosas na ikukula.

Akin na ang sando, medyas, pantalon, At ang kalsonsilyong dapat masabon.

Tayong labandera’y magsipaglaba Ng pinagbihisan ni Ina’t Ama.

Kung pag-uusapan naman ang pagiging didaktiko ng mga tulang pambata, matagumpay ang “Awit ng Magbubukid.” Hindi lantaran ang pangangaral. May mensahe itong idinidiin kaugnay sa sipag at dedikasyon sa paggawa (“Gusi ng pilak/ nasa sa dulo/ ng paghihirap.”). Higit pa, naipapamalay nito sa mga batang mambabasa ang halaga ng magbubukid sa ating lipunan (“Bukid na aking/ aararuhin,/ di maaaring/ patutulugin.”). Sa huling pagsisiyasat ng STI Education Services Group Incorporated, ang average na edad ng mga magsasaka sa Pilipinas ay 57 taon (Rappler, Peb. 2, 2017). Wala nang kabataang nais maging magsasaka dahil ang sukatan ng tagumpay sa ating lipunan ay ang magkaroon ng “matataas” na trabaho sa mga korporasyon at sa ibang bansa. Mahalagang muling ikarangal ang pagsasaka bilang esensiyal na trabaho sa bansa. At upang maipamalas ito, kailangang tangkilikin ang produksiyon ng ating mga magbubukid.

Umaasa akong muling makilala ng mga mambabasa ang mga tulang pambata ni Rolando S. Tinio. Sana’y matuklasan ito ng mga naghahanda ng mga textbook na pang-elementarya upang gamiting halimbawa ng mainam na tula. Umaasa rin akong maging modelo ang mga likha ni Tinio ng mga makatang nais mag-alay ng mga taludtod, aliw, at talinghaga para sa mga bata.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.