Soulmates (1)

Liwayway - - Mga Nilalaman - Evelyn L. Estrella-Sebastian

I(UNANG LABAS)

NALALAYAN ni Rowena sa paglalakad ang asawa. “Akbay ka sa ‘kin,” wika niya.

Nginitian siya nito. “Kaya ko na. Lakas ko na, o…” at itinaas pa nito ang bisig, ipinakita ang masel.

Inirapan niya ang asawa at iniakbay ang bisig sa kanya habang nag-abang naman sa kabila nito si Mila, ang caregiver. Dahan-dahan, sa baha-bahagyang paghakbang, narating nila ang kanilang silid. “Gusto mo bang mahiga?” tanong niya. Nilinga siya ng kanyang asawa at tumango, kasabay ang isang ngiti at pisil ng nakaakbay na kamay sa kanyang bisig. “Ikaw?” ang mahinang tanong.

“Maya-maya,” sagot niya. “Magbabasa muna ako ng diyario at makikinig ng oldies sa radyo. Hihinaan ko lang para makatulog ka.”

“Ilakas mo na rin nang bahagya, pampatulog,” muli siyang nginitian nito.

Matapos maiayos nila ni Mila ito sa kama ay sinabihan na niyang iwan siya ni Mila. “Sige na, anuman ang gagawin mo pa. Dito naman ako. Bubuksan ko ba aircon?” baling niya sa asawa.

Umiling ito. “Malamig naman. Gusto ko ng hangin mula sa labas.”

Itinodo ni Rowena ang bukas ng maluwang na durungawan ng kanilang silid. Kahit naka

screen sila, nakakapasok pa rin ang malakas na hanging nagmumula sa dakong Kanluran ng bahay. Pagkatapos ay inayos niya ang salansan ng mga diyaryo sa ibabaw ng kanyang mesita sa tabi ng bintana. Higit dalawang linggong hindi niya nabasa ito ngunit pinatipon pa rin niya dahil nais niyang paraanan pa rin ng tingin pagkagaling nila sa ospital.

Sinulyapan ni Rowena ang asawa sa kama. Nakapikit ito. Bakas pa rin sa humpak na mga pisngi ang matagal na pagkakasakit. Pulmunya. Na akala nila ay simpleng trangkaso lamang. Ginamut-gamot sa bahay na para namang bumuti ang pakiramdam. Lalo pa at ayaw namang magpadoktor o magpadala sa ospital. Kundi nagpabalik-balik ang lagnat at siya ay nabahala.

Kaagad itong dinala sa ospital ng kanyang anak. Alam nitong delikadong dumapo ang pulmunya sa mga may edad na. Sabi nga ng

doctor, mabuti at naagapan. Matagal ding tumigil ito sa ICU. Sa buong paglagi nito sa ospital, naroon din siya, nakabantay, nakaabang sa lahat ng pangangailangan nito kahit maraming umaasisteng nars. At sa loob ng panahong iyon, wari ay isang nakaambang patalim sa kanyang puso ang panganib na pinagdaraanan nito. Hindi kayang abutin ng kanyang isip ang magiging buhay niya kapag may nangyari rito. Ramdam niya, hindi pa man, ang sakit, kapag ito ay nawala.

Tatlong araw na silang nakauuwi at nakabalik na sa kani-kanilang pamilya sa Canada at States ang dalawa niyang anak na babaeng pinauwi niya nang naospital ang ama. Nakabawi na rin siya ng tulog, naayos na ang mga dapat ayusin sa bahay, nasagot na ang mga susun-susong email sa inbox ng kanyang computer galing sa mga nangungumustang kaibigan. Ang natira na lamang na hindi niya nagagawa ay

ang pagbasa sa mga naluma nang diyaryo. At naisip niyang sa gabing iyon, ito ang tatapusin niya.

Naupo si Rowena sa silyong kaharap ng mesita, ang gamay niyang work table. Dito siya nagsusulat, nagbabasa at dito rin niya inilalagay ang radyo para madali niyang baguhin ang estasyon kung tapos na ang programang kanyang pinakikinggan. Kasunod nito ay ibinukas na niya ang radyo na nakapatong sa bilog na mesita sa tabi ng bintana.

Halos iyo’t iyon din naman ang kanyang binubuksang estasyon sa tuwing makikinig sila. Mga lumang-lumang awit ng kanilang panahong mag-asawa. Ang malamig na tinig ng anaunser ay pumailanlang sa kabuuan ng silid. Kaagad hininaan ni Rowena ang volume. Iyong tamang-tama lamang na hindi makakaistorbo sa magpapahingang kabiyak na nang masulyapan niya ay nakatingin sa kanya. “Bakit?” nakangiti niyang tanong. Inihugis ng mga labi nito ang salitang love you. Dali-daling nilapitan ni Rowena ang asawa at marahang kinintalan ng halik sa noo. Love you more, bulong niya, at inulit niya ang paghalik, saka tumalikod at nagtungo sa may pintuan. Nasa labas pa pala ang bagong diyaryo, hindi pa naibibigay sa kanya.

Nasa kabila ng pintuan at akma nang kakatok si Mila, dala ang diyaryo, nang buksan niya ito. “Salamat,” at inabot niya ang diyaryo.

Naupo si Rowena sa dahilig na silyon sa tabi ng durungawan, matapos ilagay sa pinakailalim ng salansan ang hawak na diyaryo at kunin ang nasa ibabaw na mahigit dalawang linggo na kaluma, nang marinig niya ang malamig na tinig ng anaunser. Sa gabing ito, due to incessant public demand, batay sa mga text messages, tweet at iba pang gadget ng mga anak o apo na utos raw ni Mommy o Lola, ang patutugtugin namin para sa inyo ay isang awit na sikat na sikat noong mid sixties. Nagkamit ito ng dalawang Grammys, kasama ang Record of the Year for the title track. Ang umawit ay itinanghal ding Best Male Vocal Performer for the same song. Narito na ang ating panimulang himig.

Parang pinagtiyap, naisip, napahinga nang malalim si Rowena, kalalabas lamang nila ng ospital, ang patutugtugin sa radyo ay ang awit na kay tagal na niyang hindi naririnig. Sinulyapan niya ang asawa, Paborito natin iyan, sasabihin nito kung gising pa ngunit waring naidlip na ito. Pantay na pantay ang pagbaba at pagtaas ng dibdib sa tahimik at ritmikong paghinga. Sumandal si Rowena sa kinauupuan, tiniklop ang hawak na diyaryo, ipinukol ang mga paningin sa labas ng durungawan, inaninaw sa mumunting butas ng screen ang anino ng malalaking puno. Kilalang-kilala niya ang nasabing awit umpisang mga nota pa lamang, ma-gitara, mapiyano, ma-orkestra ang ginagamit sa pagtugtog. At sumingit sa kanyang isipan, o kahit na simpling pagsipol lamang. Inilapag niya sa kanyang kandungan ang diyaryo na sisimulan na sana niyang basahin at nakinig siya. Kalaunan ay pumikit, hinayaang dumaloy ang mga gunita, binayaang dalhin siya ng pumapailanlang na himig sa isang lumipas na panahon. Ang unang pagtatama ng kanilang paningin ng noon ay isang estranghero sa kanya. O, … ang kanyang estranghero… ang kanyang soulmate.

SOULMATE. Saan ba niya unang narinig ang salitang ito? Nasa elementarya siguro siya noon. Wala pang kamuwang-muwang sa mundo ng mga nakatatanda sa kanya na ang usapan ay hindi niya masundan, hindi maunawaan. Isang batang paslit na hinahayaang makiumpok sa mga kuwentuhan ng matatanda, dahil hindi naman daw naiintindihan ang paksang tinatalakay.

Nagbabakasyon noon sa kanilang bahay ang kanyang pinsan, paboritong pamangkin ng kanyang Nanay, anak ng nakatatandang kapatid nito. Dalaga na si Ate Linda. Inuusisa ito ng kanyang Nanay. “May boyfriend ka na ba, Linda?” “Wala pa, Tita.” “Bakit, wala ka bang mapili sa manliligaw mo? May nanliligaw ba sa iyo?”

Natawa ang kanyang pinsan. “Meron naman, Tita. Ganda ko bang ito, mawawalan.”

Napatingin siya sa kanyang Ate Linda na napansin siya. “Nasa lahi natin ang magaganda, Tita. Ito ngang si Rowena, pagdadalaga nito, sasakit ang ulo mo…”

Sinulyapan din siya ng kanyang Nanay, ngunit itinuloy nito ang pag-uusisa sa kanyang pinsan. “E, bakit, wala ka bang mapili?”

Nag-isip na saglit si Ate Linda. “Kasi, Tita, hinahanap ko pa iyong aking soulmate.”

Pumasok agad sa kanyang murang isipan. Soul. Kaluluwa. Mate. Ano ba ang mate?

“Soulmate?” tanong ng kanyang Nanay. “Ngayon ko lamang yata narinig ‘yan.”

“Nagkak’wentuhan sa barkada, naik’wento ng isang kaibigan. Nabasa raw niya sa isang libro o magasin. Na ang babae o lalaki, kapag ipinanganak, mayroon na siyang katambal na partner sa mundo. Na tamang-tama sa kanya. Kasundo sa lahat ng bagay. Sa mga kinahihiligan. Sa gustong kainin. Sa mga awit na nais pakinggan o kantahin. Na hindi mo pa sinasabi ang gusto, alam na noong soulmate mo. Parang nababasa ang isip mo.”

“A, alam ko ‘yan, ‘yung tinatawag na ESP,” sambot ng kanyang Nanay.

“Iba pa sa extra sensory perception, Tita. Ang soulmate…” at kunot ang noong tumingala pa sa kisame ang kanyang Ate Linda, “paano ko ba ito sasabihin. Basta, kapag nagkita raw kayo ng isang lalaki o babae, kahit sa unang pagkakataon pa lamang, parang dati na kayong magkakilala. O magkasama. Wala pang namamagitang salita sa inyong dalawa, di pa kayo nag-uusap, parang iisa na kayo. Parang gan’on, Tita…” “Pag-ibig sa unang pagkikita,” wika ng kanyang Nanay. “Parang higit pa sa love at first sight, Tita, na karaniwan nang base lamang sa attraction. Dahil maganda. O guwapo. Mas malalim daw. Kasi, ang feeling iba. Noon lamang nagkita, parang may dati nang pinagsamahan.”

“A, alam ko ‘yan,” at nag-isip ang kanyang nanay. “Narinig ko naman iyan sa ilang matatanda. Parang iyong kapag namatay, sumasanib ang kaluluwa sa bagong panganak. Ano nga’ng tawag du’n? Hindi ko natandaan…”

“Reincarnation, Tita. Pero, siguro nga, sama-sama na iyon. ESP, reincarnation, at iba pa. “Naku, Linda, baka tumanda kang dalaga kahihintay sa soulmate mong iyan. Ang Tatay at Nanay mo ba, e, magkasoulmate kaya?” “Naku, ewan, Tita, lagi ngang nagsusunggilan.” Ang Tatay at Nanay kaya niya, magka-soulmate? Lagi ring nagtatalo. Bagaman at madalas ding makita niyang nagbibiruan, nagtatawanan. A, paglaki niya, pagbo-boyfriend niya, parang gusto

Sa likod ng kanyang murang isipan, sa isang liblib na sulok ng kanyang musmos na puso, natatak ang salitang soulmate.

rin niya iyong soulmate na tulad ng sinasabi ng kanyang Ate Linda. Sa likod ng kanyang murang isipan, sa isang liblib na sulok ng kanyang musmos na puso, natatak ang salitang soulmate. Kalaunan, natingnan na niya sa diksiyunaryo ang ibig sabihin ng mate. Each of a pair, other half. Sa pagkaintindi niya, kalahati ng isang buo. O isa sa dalawa. Kaya ang soulmate, sa kanyang pagsusuma, ay pinag-isang kaluluwa o dalawang kaluluwa na nagkahiwalay. Kung bakit, ewan niya, pero naghahanapan. Na kapag nagkita, alam agad na soulmate mo ito.

Naisip niya noon, sino kaya ang kanyang soulmate? Mayroon kayang nakalaang ganitong tao sa kanya. Ngunit dahil bata pa siya, nalimutan na niya ang usapang yaon. Ang nanikit lamang sa kanyang utak ay ang paliwanag ng kanyang Ate Linda na sa unang pagtatama pa lamang ng paningin ng dalawang tao, madarama na nila na soulmate ang isa’t isa. Hindi lamang love at first sight. Mas malalim. Mararamdaman ang isang hindi maipapaliwanag na koneksiyon. Na siyang nadama niya sa unang pagkikita nila ni Joey.

SI JOEY. Isang estudyanteng katulad niya. Taga probinsiyang karatig ng Maynila, malayu-layo rin, kaya tumira sa isang munting apartment, kasama ang ilang katulad nitong nag-aaral din sa may University Belt. Naghati-hati sa bayad sa renta at sa pagkain. Sa halip magpalaba sa labanderang nag-iikot sa mga kasera at dormitoryo, nagkani-kaniyang laba ng damit. Nagtitipid talaga. Gusto lamang makapag-aral. Ngunit ang lahat ng impormasyong ito ay kalaunan na lamang niya nalaman. Sa simula, wala siyang kaalam-alam. Si Joey ay wala pa sa kanyang bokabularyo. Ang mukha nito, ang mga mata, ang tinig ay hindi pa nakarehistro kumbaga sa kanyang kamalayan.

Nag-aaral siya noon sa UST ng pagka-guro. May pinsan siya, si Thelma, nakababatang kapatid ng kanyang Ate Linda, nasa UE pumapasok at nangangasera sa isang lumang bahay na ginawang kasera ng may-ari. Ang kasera ay higit na malapit sa dakong UE kaysa sa UST, ngunit dito pa rin siya isinama ng kanyang Nanay at Tatay para huwag raw siyang malungkot. Kung sa dormitoryo raw siya ititira ay makikisama pa siya sa marami, mabuti na iyong kilala niya. Kahit gusto niyang makasama ang pinsan, hinangad din niya sa sarili na sana, sa dormitoryo nga siya itinira. Adventure, wika nga. Na agad nabura nang makilala niya si Joey.

Sa simbahan ng San Sebastian sila nagsisimba ni Thelma tuwing Linggo ng umaga. Nilalakad lamang nila ito mula sa tinitirahan nila na nasa gawi ng Gastambide, tatawid ng Recto, dadaan ng Lepanto at doon na sa dakong iyon ang San Sebastian. Hangang-hanga siya sa simbahang ito na gawa sa bakal na inangkat pa raw sa Belgium. Pira-piraso at yari nang bakal para hindi masunog, dahil ang mga nauna raw na simbahan ay tinupok at sinira ng apoy at kalamidad. Ang mga bintana sa may main altar ay gawa sa stained glass na inimporta rin sa Germany, ang holy water fonts ay marble na nagmula sa Romblon. Ang altar, pulpito at kumpisalan ay ayon sa Gothic Revival. Taong 1888 raw sinimulan ang konstruksiyon nito at natapos lamang ng taong 1891. Ang lahat ng data na ito ay inalam lamang niya matapos magkakilala sila ni Joey.

Mag-isa lamang siyang nagsimba ng Linggong iyon. Hindi nakasama si Thelma dahil may sakit. Lumuluhod noon sa may harap ng altar ang nangungumunyon. Nagkasabay sila ni Joey sa pangungumunyon ngunit nauna itong bumalik sa kinauupuan na nasa dakong likuran at kalihis ng kanyang upuan. May aisle sa pagitan nila. Nakayuko siyasa paglalakad ngunit sa pagtaas ng kanyang mukha, nagtama ang kanilang mga paningin ni Joey. Nakatingin pala ito sa kanya. May kakaiba siyang nadama. Parang may humigop sa kanyang kabuuan. Parang pagkit na nagkadikit ang kanilang mga mata. Hindi kaagad niya naialis sa pagkakatingin dito. At wari ito rin. Lumampas nga siya sa kanyang upuan. Parang may daluyong na bumangon sa kanyang dibdib. Pagbalik niya ng upuan ay agad siyang lumuhod. Mula sa kung saan, sumingit sa kanyang isipan ang kuwento ng kanyang Ate Linda tungkol sa soulmate. Nakatagpo na yata niya ang kanyang soulmate. Bakit ganoon ang kanyang nararamdaman.

Nang matapos ang misa at tumayo na siya para umuwi ay saglit niyang sinulyapan ang kinauupuan ni Joey. Wala na ito sa upuan. Nakadama siya nang bahagyang pagkabigo. Ngunit sa may pintuan ng simbahan ay nakita niyang nakatayo ito. Muli, nagdaop ang kanilang mga mata. Kinabahan naman siya. Dalidali siyang tumalilis. Tumatawid siya ng Recto nang nasulyapan niya si Joey na kasabay niya sa pagtawid. Lumakas ang kaba ng kanyang dibdib. Wari, sinusundan siya ni Joey, ngunit hindi naman siya takot, lalo nang lampasan siya nito pagdating sa kalyeng kinaroroonan ng kanyang kasera.

Napagmasdan niyang mabuti si Joey sa paglalakad na nauuna sa kanya. Matangkad ito, balingkinitan ang katawan. Maputi sa kayumanggi. Tsinito ang mga mata, natandaan niya iyon sa ilang sandali ng kanilang pagtitinginan. Matangos ang ilong. Mabilis itong lumakad, kaya nakarating agad sa wari ay tinutuluyan dahil may dala itong susi. Agad itong pumasok at nawala sa kanyang paningin. Muli, ang nadama niyang pagkabigo. Kung soulmate sila, dapat interesado, naisip niya. Bakit parang hindi. At dumalang ang kanyang paghakbang sa paglalakad, para siyang nanamlay.

Pag-akyat sa bahay ay agad siyang sumilip sa bintana, sa likod ng kurtina. Tinanaw niya ang apartment na pinasukan ng lalaking nakatinginan niya sa simbahan. Hindi kaluwangan ang kalye sa kanilang pagitan, hindi daanan ng pampublikong sasakyan. Magkalihis lamang ang kanilang bahay. Nakita niya, nakadungaw ito. Nakatingin sa gawi ng kanilang bahay. Muling nagtama ang kanilang mga mata. Bigla siyang umurong, nagtago. Napansin siya ni Thelma na noon ay nakaupo sa kama nito, nakasandal sa patong-patong na unan. Dalawa silang magkasama sa kuwarto. “Bakit?” ang tanong.

“Wala,” pinayapa niya ang kanyang loob na muling naguluhan. Noon niya naisipang tanungin si Thelma kung may naikuwento si Ate Linda rito tungkol sa soulmate. Kung ano ang alam nito. Umiling si Thelma. “Anong soulmate?”

Nahalata niyang talagang walang alam si Thelma tungkol dito. Iba na lamang ang itinanong niya. “May boyfriend na ba si Ate Linda?”

“Mayro’n. Si Kuya Tony. Para ngang malapit na silang magpakasal. Nagbabalak na.” “Talaga? Sa’n niya nakilala?” “Dati nang kilala.” “Ha? Sino? Kailan pa?” may gusto siyang matiyak. Kung kilala na ni Ate Linda ang naging boyfriend nang narinig niyang kausap ng kanyang Nanay.

“Classmate niya no’ng high school.” Nag-isip siya. Kung magkakilala na iyong dalawa noon pa, bakit sinabi ni Ate Linda sa kanyang nanay na hindi pa nito natatagpuan ang kanyang soulmate. Mayroon bang ganoon?

Kapag nagkita sila ni Ate Linda, tatanungin niya ito. Siguro naman ay puwede na siyang kausapin tungkol sa ganoong bagay, malaki na siya, college na nga. May nanligaw na nga noon pang high school siya. At alam ng nanay niya.

Nang buong araw na iyon, pasilip-silip siya sa bintana ngunit hindi na niya nakita ang kanyang soulmate. Soulmate! Nagtaka rin siya sa takbo ng kanyang isip. Tinawag naniyang

soulmate ang lalaking iyon na hindi niya kilala at minsan lamang nakita. Unconsciously, parang natural na lamang sumulpot sa kanyang utak. Unbidden. Hindi sinadya.

Maaga siyang natulog kinagabihan dahil may pasok kinabukasan. Ngunit sa kalaliman ng gabi ay naalimpungatan siya. Sa gitna ng naghaharing katahimikan at nakalukob na karimlan ay pinukaw siya ng isang pamilyar na himig, usung-uso noon na sinisipol ng kung sinuman, wari ay isang hinaing na sumasanib sa kapayapaan ng paligid. Ang awit ay tungkol sa dalawang estrangherong nagkapalitan ng tingin. Pinakinggan niya ang sinisipol na awit hanggang sa katapusang nota.Sa kanyang puso, alam na niya kung sino iyon. At muli, nakatulog siya, ginising lamang ng tawag sa kanyang pangalan, Rowena, gising na!

(ITUTULOY)

Kalaunan ay pumikit, hinayaang dumaloy ang mga gunita, binayaang dalhin siya ng pumapailanlang na himig sa isang lumipas na panahon. Ang unang pagtatama ng kanilang paningin ng noon ay isang estranghero sa kanya. O, …ang kanyang estranghero… ang kanyang soulmate.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.