Silang Mga Wasalak (1)

Liwayway - - Mga Nilalaman - Armando T. Javier

A(UNANG BAHAGI)

PAT sila sa tropa, pero si Turo, mula nang makapag-asawa ay lumipat na sa Cavite, sa tinitirhan ng asawa, kaya sila na lamang nina Emeng at Minggoy ang natira sa orihinal na Barangay Tagay. Wala silang pinipiling oras. Basta nangati ang lalamunan, iraraos nila ang bisyong mamam.

Traysikel drayber si Emeng at sila ng pinsang si Minggoy ay kapwa construction worker. Kasakasama siya ni Minggoy kapag may tanggap itong trabaho. Para ngang package deal silang dalawa, na mula pagkabata’y magkabarkada na, tila magkarugtong ang mga bituka. Na si Minggoy, sa edad na treinta’y sais ay binata pa, solong namumuhay sa inuupahang bahay, malimit din na ito ang taya sa inuman.

Sagot naman nila ni Emeng ang pulutan, kalimitan ay calamares, mula sa galamay ng frozen pugita na binibili sa Divisoria. Ipaluluto niya sa kanyang misis.

“Wala kayong kasawa-sawa,” nakaismid na sabi ni Rosa habang piniprito ang pinira-pirasong galamay ng pugita na isanaok sa arina. “Isang araw, pare-parehong bibigay ang mga atay n’yo!”

Palalampasin niya ang parunggit ng asawa, hihintaying maluto lahat ang mga calamares, magiiwan ng pang-ulam para kay Rosa at sa dalawa nilang anak, saka ilalagay sa isang baunan ang nalutong pulutan. Nagdadabog pa rin si Rosa. “Tumutulad ka sa pinsan mong wasalak, e binata ‘yon—walang pinoproblema sa buhay…!”

“Tumigil ka na nga, Rosa, kanina ka pa. Nakukulili na’ng tenga ko!”

Kinuha niya ang baunan at lumabas ng bahay. Hindi na bago sa kanya ang panggagalaiti ni Rosa. Gayundin daw ang misis ni Emeng.

“Pinalalampas ko na lang,” sabi ni Emeng nang magkakaharap na silang tatlo kina Minggoy, “paguwi ko naman sa bahay, kahit lasing at gusto ko, bumibigay din naman!” Nagkatawanan sila. Tahimik kung uminom si Minggoy, nakikinig lang, nakikitawa kung may nakakatawa. Pero maya-maya, may naalala.

“Nag-teks nga pala sa ‘kin si Turo, nangungumusta. Nami-mis na raw n’yang inuman ng tropa…”

“Hindi siguro makaporma kay Soledad, bantay-sarado siguro’ng loko,” sabi ni Emeng.

“Kundi ba naman s’ya sira, sukat na sumama s’ya kay Soledad sa Dasma—sa bahay ng mga b’yenan n’ya—di siguro makagimik at makapambabae,” sabi ni Ante.

“Kung kilala ko si Turo,” sabi ni Minggoy, “gagawa at gagawa ng paraan ‘yon para makapambabae. Di ba, kaya rin nag-alsa-balutan dito ‘yon e natsismis sila no’ng misis ni Kagawad? Selos na selos si Soledad!” Nagkatawanan uli sila. “—Pupuntahan n’ya raw ako ‘sang araw, me ipakikiusap daw sa ‘kin.”

“Baka mangungutang ng pang-materniti. Baka me naasembulan na naman.” “—O baka ng pampalaglag…?” Tawanan uli. Kung anu-ano pa ang napag-usapan nila: tsismis sa kani-kanilang mga ka-barangay, reklamo sa mga misis nina Emeng at Ante—hanggang sa maibuwal nila ang long

neck na bote. “Pabili pa tayo,” alok ni Minggoy. “Pambanlaw.”

Wasalak ang tawag sa kanila: mga manginginom na walang pinipiling oras, mairaos lamang ang bisyo…

Nagkatinginan sina Emeng at Ante. “Ayos na ‘yan, bukas na uli. Baka humiling si Rosa e wala akong ibuga.”

Nagtampalan ng mga palad sina Emeng at Ante. Natawa lang si Minggoy. Inihatid sila nito sa labasan. Magkaakbay na umuwi sina Emeng at Ante. At natapos na naman ang isang masayang araw sa buhay ng Tropang Wasalak.

“PUTSANG Turo ‘yan, binigyan pa ‘ko ng problema!”

Madilim ang mukha ni Minggoy nang datnan niyang naghihintay sa kanya. May tanggap itong trabaho, paglalapat ng tiles sa flooring ng kusina at banyo, isinama siya.

“Dumating s’ya kagabing pagkatapos nating mag-inom. Naghihiga na nga ako nang tumawag at kumatok, mag-aalasd’yes na siguro no’n. Pinagbuksan ko at nagtaka pa ‘ko na hindi nag-iisa…” “M-Me kasama? ‘Wag mong sabihing babae?” “E, ano pa?” “Tapos…?” “Ipinakilala sa ‘kin. Bata daw n’ya, taga-Area sa Dasma. Bagitong GRO daw, pumatol sa kanya, nakuha sa bola.” “Me ‘itsura naman ba?” “Muk’ang tao naman,” walambahalang sabi ni Minggoy. “’Asan ang problema do’n?” “Iniwan sa ‘kin.” “’Yung babae?” “Oo. Nabuking daw sila ni Soledad, nabasa’ng sagutan nila sa teks. Sinugod ni Soledad sa birhaws, sinabunutan, minuramura! Nag-iiyak daw sa kanya si Ana—‘yon ang pangalan ng bata n’ya—napahiya sa mga kasama, gusto nang makipagkalas. Ayaw naman ni Turo. Bata pa kasi ‘yung Ana.” “Ilang taon na ba?” “Beinte siguro o baka beinte uno na.”

Napasipol si Ante. “Kainitan pa ‘yan, kaya siguro di maiwan ni Turo. E hanggang kelan naman daw sa poder mo ‘yung bata n’ya?”

“Sabi n’ya, ihahanap lang daw n’ya ng bahay na mapaggagarahehan. Dito muna para di ma-trace ni Soledad.”

Napangisi si Ante. “Ginawa pang bording haws ang bahay mo.” “Ikaw na’ng magkaroon ng abusadong kaibigan…!” Maghapon silang nagtrabaho. Sa pag-uwi, na kapwa na nila dala ang kanilang suweldo, sumama si Ante kina Minggoy. “Hindi ka ba uuwi muna?” “Sum’yat muna tayo. Mabistahan ko tuloy ang bata ni Turo…”

Bumili sila ng alak at bumili rin ng dalawang klaseng pulutan.

Ang babae nang makita ni Ante ay may hitsura, hindi mukhang tao lang gaya ng sabi kanina ni Minggoy. Payat, hugis-puso ang kayumangging mukha, mahaba ang buhok at pino pang kumilos. Kung hindi sinabi sa kanya ni Minggoy na nagtrabaho ito sa beerhouse, aakalain niyang isang mahinhing probinsiyana. “Si Ante, pinsan ko,” sabi ni Minggoy. “Si Ana.” Yumukod at ngumiti si Ana. Naka-kamiseta itong puti at itim na jogging pants. “Kumain ka na?” Umiling. “Pero, nakasaing na ‘ko.” “Tamang-tama, me uwi kaming ulam.” Nilingon ni Ante si Minggoy. Mukhang mapupurnada pa yata ang kanilang pulutan.

Napatingin si Ana sa bote ng alak na lumilitaw ang leeg sa supot. “Pulutan n’yo yata ‘yan?” “Pulutan at ulam din. Marami naman ‘to. Magsandok ka ng kanin. Kakain muna tayo bago sum’yat.”

Iniabot ni Minggoy kay Ana ang supot ng dalawang klaseng ulam.

Naghahain si Ana ay pasulyap-sulyap sa kanya si Ante. Maamo nga ang mukha, makinis din, pero tila mailap ang mata. Wala silang kibuan habang kumakain. Na may ibang tao silang kaharap, tila naging pino rin ang kilos ng magpinsan.

Pagkuwa’y sa harapang bote na. Nagpabili si Ante kay Ana ng yelo at ng family size na softdrink, pang-chaser. Bumalik nang may dala ring kukuting mani. “Kuha ka ng baso mo,” sabi ni Minggoy. “—Para me kateybol kami!” Tiningnan ni Ana si Ante, pumakusina at nagbalik nang may dalang baso at tinilad na yelo.

Sinalinan ni Ante ng alak ang baso ni Ana. “Para sa bagong m’yembro ng Tropang Wasalak!” Nakakunot-noo, nilingon ni Ana si Minggoy. “—Wasalak—walang sawa sa alak!” Natawa si Ana. Mapuputi pa, kumpleto pa ang mga ngipin, napansin ni Ante. Suwerte ni Turo, nakabola. “Matagal na ba kayo ni Turo?” “Si Arthur? Bago pa lang.” Tila ayaw pag-usapan ni Ana ang tungkol doon. “Inaway ka nga ba ni Soledad?” Napatingin si Ana kay Minggoy, nagtataka siguro kung bakit alam ni Ante ang tungkol doon at nahinuhang sinabi nito.

“Oo. Sinabunutan ako, sinampal, kinalmot. Kulang na lang na ingudngod ang muk’a ko sa mesa…” Namumula nga ang braso ni Ana, may mga gurlis. “Waray kasi, kaya matapang,” sabi ni Minggoy, na nakikinig sa pag-uusap ng dalawa.

Pasulyap-sulyap pa rin si Ante kay Ana at tila naaasiwa na ito.

“Matagal ka bang niligawan ni Turo?”

Umiling si Ana. “Me ‘sang linggo na ‘ko sa videoke bar. Nang gabing ‘yon, natakasan ako ng guest ko, malaki’ng bill. Tinubos ako ni Turo. Binayaran n’yang bill, tapos hinintay n’ya ‘kong lumabas. ‘Yon pala, me binabalak s’ya. Binawi n’yang nagastos n’ya, idiniretso n’ya ‘ko sa ano…” Sa motmot, dugtong ng isip ni Ante, dating gawain ni Turo. “Sabi n’ya, babatain n’ya ‘ko, ibabahay n’ya. Gerlpren na raw n’ya ‘ko. Malimit s’yang mag-teks pag nasa b’yahe s’ya…”

Nagtatrabahong delivery driver sa gravel and sand si Turo, alam ni Ante.

“—Naliligo s’ya nang mabasa raw ng misis n’ya’ng mga teks ko. Inaway din s’ya, pinagkakalmot din. Kung pa’no ako na

trace sa videoke bar, sinundan siguro si Turo. Magkateybol nga kami nang biglang sumulpot ang misis n’ya.” Umiwas ng tingin sa kanila ni Minggoy si Ana. “Tagay pa,” sabi ni Minggoy, “porget muna’ng problema.” Sinabayan sila ni Ana sa pag-inom. Pero di tulad nilang pang-derby na, madali palang malasing. Bagito ngang GRO. Sumandal sa silya nang nakapikit.

Nagkindatan at nagngitian ang magpinsan. Inubos nila ang laman ng bote.

Sa pagpapaalam kay Minggoy, nilingon uli ni Ante si Ana, saka bumulong, “Subukin mong kalabitin, pinsan, baka bumigay…” “’Tado! Itutulad n’ya pa ‘ko sa inyo ni Emeng!” Nagtatawang umalis si Ante. Dalawang araw pang nagtrabaho sina Ante at Minggoy. Sa ikalawang araw na mag-iinom uli sila, hinanap ng mga mata ni Ante si Ana.

“Wala, me pupuntahan daw. Nagpaalam sa ‘kin kaninang umaga.”

“Baka makikipagkita ke Turo?”

Sinalinan ni Ante ng alak ang baso ni Ana. “Para sa bagong m’yembro ng Tropang Wasalak!”

Nakakunot-noo, nilingon ni Ana si Minggoy.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.