Pag-iwas Sa Paninisi Sa Mga Taong May Problema

Liwayway - - Mga Nilalaman - Marilyn C. Arayata

ILAN sa atin ang guilty sa paninisi sa kapwa kapag may pinagdaraanan silang problema? “Ikaw kasi….”, “Ang tigas ng ulo mo, eh!” “Sinabi ko na ‘yan sa iyo, pero hindi ka nakinig”. Sa halip tuloy na gumaang ang pakiramdam ng taong nabibigatan sa kanyang mga dalahin sa buhay, lalo pa siyang nakakaramdam ng lungkot at sakit ng kalooban. Pakiramdam din niya ay nag-iisa lang siya - walang karamay.

Kapag nakakapagbitiw tayo ng mga salitang katulad ng mga nabanggit, sinasabi nating hinahayaan nating maisip ng ating mga kaibigan/kamag-anak ang kanilang mga pagkakamali. Paano naman natin nasabi na hindi pa nila nari-realize iyon? Bago pa man nila ipinagtapat ang problema nila, naisip na rin nila kung saan sila nagkamali at nagkulang… saan sila nagpabaya, at ano ang mga bagay na sana ay naiwasan na lang. Maaaring hindi lahat ng iyon, pero tiyak ang karamihan doon ay naisip na rin nila at malamang ay pinagsisihan.

Hindi madaling aminin ang mga problema, ang mga nagawang mali, at maging ang mga hindi kaaya-ayang bagay. Sa isang ulat, sinabi ng isang abogada na noong ipagtapat niya ang naranasan niyang sexual harassment sa isang malapit na tao, sinisi pa siya nito sa halip na damayan. Hindi nakagugulat na inamin din niyang dumaranas siya ng depresyon. Dahil sa mga ganitong halimbawa ng paninisi, napipigilan ang mga nakararanas ng pang-aabuso at ang ibang taong may mga pinagdaraanang ibang uri ng pagsubok na mag-confide at humingi ng tulong sa mga kamag-anak at kaibigan.

May mga tao bang malapit sa iyo na kasalukuyang may mabigat na pinagdaraanan sa buhay? Matindi na ang stress na kanilang nararanasan. Marami na silang alalahanin, at ito ang panahon na sensitibo rin sila, madaling masaktan sanhi ng kalungkutan na nakaaapekto maging sa kanilang kalusugan. Kung may gusto kang sabihin na alam mong makakasakit, maganda pang manahimik na lamang. Kung kinokonsulta ka ng isang taong may problema, maaari mong itanong sa taong ito kung ano sa kaniyang palagay ang maaari at kaya niyang gawin para masolusyunan o mapagaan ang kaniyang dalahin sa buhay. Iwasang pabigatin pa ang pakiramdam ng isang taong nahihirapan na at dapang-dapa na. Tulungan siyang makakita ng mga mabubuting pagpipilian, magkaroon ng pagasa.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.