Haraya

Liwayway - - Mga Nilalaman - Dr. Michael M. Coroza

(IKAPITONG LABAS)

PAMPITO sa walong pinagkalooban ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas 2018 ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) si Cles B. Rambaud. Ang gawad na ito ay ipinagkakaloob sa mga manunulat sa iba’t ibang wikang umiiral sa Filipinas, na may napatunayan na sa buong-buhay na paghahandog ng sarili at talino sa larang ng pagsusulat tungo sa pagbuo ng isang matipunong kalipunan ng panitikang pambansa. Idinaos ang seremonya ng pagpaparangal noong 28 Abril 2018 bilang pinakatampok na bahagi ng ika-44 Pambansang Kongreso ng mga Manunulat ng UMPIL sa Gerry Roxas Training and Convention Center sa Lungsod Roxas, Capiz, na ang naging pangkalahatang tema ay “Kadulom kag Kasanag (Dilim at Liwanag): Ang Panitikan ng Pagasa” at naging susing tagapagpanayam si Dr. Macario Tiu, Propesor ng literatura sa Pamantasang Ateneo de Davao. Panauhing pandangal at nag-abot ng tropeo sa mga nagwagi si Dr. Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at kasalukuyang Tagapangulo ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (National Commission for Culture and the Arts, NCCA) at ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Si Dr. John Iremil E. Teodoro, kawaksing propesor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University Manila at kasalukuyang Sekretaryo Heneral ng UMPIL, ang naging pangkalahatang tagapangasiwa ng programa.

Maikling Talambuhay

ISINILANG sa Pinili, Ilocos Norte noong 24 Enero 1957, si Cles B. Rambaud ay nagtapos ng Bachelor in Secondary Education sa Child Jesus College sa Lungsod Caloocan. Kasalukuyan siyang managing editor ng Bannawag, ang malaganap na pampanitikang magasin sa wikang Ilokano. Naglingkod na siya bilang sekretaryo heneral ng Gunglo dagiti Mannurat nga Ilokano iti Filipinas (GUMIL).

Nakapagsulat at patuloy na nagsusulat siya ng mga kuwento, komiks, tula, at sanaysay, na nagtanghal sa kaniya bilang isa sa mga pangunahing manunulat sa wikang Ilokano sa ngayon. Tumanggap siya ng mga grant mula sa Cultural Center of the Philippines para sa nobelang Ilokano noong 1991, para sa maikling kuwentong pambata noong 1993, at para sa tula noong 1995. Ginawaran din siya ng National Commission for Culture and the Arts ng Gawad Emmanuel Lacaba noong 2000. Noong 2009, tumanggap siya ng NCCA Writers Prize para sa kaniyang koleksiyon ng tula na Tagisam-itek Pay Met Laeng ti Tagapulot. Noong 2011, ginawaran siya ng Gameng Foundation, Inc.Museo Ilocos Norte ng Gameng Lifetime Achievement Award.

Siya ang lumikha ng “Ortograpia ti Pagsasao nga Ilokano” (Ortograpiya ng Wikang Ilokano) na pinagtibay ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 2012 bílang opisyal na ortograpiyang Ilokano.

Pagpapahalaga PARA sa kaniyang malikhain, malinaw at matapat na paglalahad ng mga karaniwang pangyayari sa Kailokanuhan na hindi mapagtakda sa tama at mali sang-ayon sa mga batayang panlipunan, bagkus ay nagpapahiwatig ng mga bagong pananaw sa katotohanan, makatarungan at naaayon sa indibiduwal na danas-Ilokano, na siya rin namang batayang unibersal. At para sa kaniyang patuloy na dedikasyon sa pagsusulong ng wikang Ilokano upang makamtan nito ang pagkilala at pagtuturing bílang wika ng kahusayan at karunungan. Malugod na ipinagkakaloob ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas ang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas kay Cles B. Rambaud.

Halimbawang Akda Manipud iti Dagiti Bin-i ti Kimat (1991)

Adda met dagiti malem a malipatanna a natayen ti asawana ket padpadaananna ti isasangpet daytoy a nakaukod iti nuangda. Ngem sabali met no kua ti sumangpet, ni Bitti a kasla ad-adda a rimmapis, pimmugot, ken rimmaber ti buokna.

Ket no dumtengen iti sumipnget, umay manen ti aligawgaw nga adda manguli kadakuada; no tuman-aw iti bangsal, kasla makitkitana ti daradara nga asawana a napakleb iti katapokan. Ket dina magawidan ti kasla itatal-o ti lalaemna. Manipud ketdi iti daydi a rabii, ad-addan a masapada a mangrikep, nangruna ket nadlawna a kasla managbutbutengen ni Bitti.

Adda dagiti rabii nga agung-ungor ni Bitti, adda kano mangkamkamat kenkuana a pangen dagiti soldado. Uray siririing no agkidem, adda kano pay laeng “makitkitana” a kasla anniniwan ti rupa ti maysa a lalaki a dina am-ammo, ken mabuteng payen nga agkidem.

Inyumanna daytoy a panagbutbuteng ni Bitti ken ni Baket Flora a mangngagas kadagiti naan-annongan ken agballaibi.

Pinatakona ni Bitti iti baket. Adda siam a bukel a bagas nga awan tippingna nga intinnag ti baket iti sangaungot a danum. Nagkararag ket iti di maawatan ni Piling a bileg, pagamammuan simmina ti maysa kadagiti bagas.

“Napukawna ti karkarmana, ‘asang,” kinuna ti baket. “Masapul a pasublientayo. Nagtarayanna kadi iti daydi a rabii?”

Impatuldo ni Piling ti ammona a nagtarayan ni Bitti a nagturong iti kadanglaan iti turod a nakakitaanna kenkuana iti daydi a rabii.

Napanda ken Baket Flora iti “nagtarayan” ni Bitti. Nagdanggayda a nangipakpakaasi iti panagsubli ti karkarma ni Bitti: “‘Maykan, Bitti! “Agawidkan, Bitti!”

Mula sa Mga Binhi ng Kidlat (1991)

May mga hapon din na nakalimutan niyang patay na ang kaniyang asawa at inaabangan niya ang paguwi nito na hila-hila ang kanilang kalabaw. Pero iba naman ang darating, ang anak niyang si Bitti na parang lalong nangayayat, umitim, at kumapal ang buhok.

At sa pagdatal ng dilim, darating na naman ang hilakbot na may aakyat sa kanila; kung dudungaw siya sa batalan, parang nakikita niya ang duguan niyang asawa na nakadapa sa maalikabok na lupa. At hindi niya mapipigilan ang parang pagbaliktad ng kaniyang sikmura. Mula ng gabing iyon, inagahan pa nila ang magsarado, lalo pa’t napansin niyang parang naging matatakutin na si Bitti.

May mga gabi na umuungol si Bitti, may humahabol daw sa kaniya na punglo ng mga sundalo. Kahit gising ito, kapag pumikit, may “nakikita” pa rin daw siyang parang anino ng mukha ng isang lalaki na hindi niya kilala, kung kaya natatakot na ring pumikit.

Idinulog niya itong pagkamatatakutin ni Bitti kay Bakét Flora na isang manggagamot sa mga nabati at naninigas ang sikmura.

Nagsagawa ng táko ang matanda. Kumuha ito ng siyam na butil ng bigas na buo at hinulog sa pinggan na bao na may tubig. Nagdasal ang matanda. At sa kadahilanan na hindi maintindihan ni Piling, biglang humiwalay ang isa sa mga butil ng bigas.

“Naiwan niya ang kaniyang karkárma,” sabi ng matanda. “Kailangan nating pabalikin. Saan ba siya tumakbo nang gabing iyon?”

Itinuro ni Piling ang alam niyang dinaanan ni Bitti patungo sa mga puno ng lagundi sa burol kung saan niya nakita nang gabing iyon.

Pinuntahan nila ni Bakét Flora ang lugar kung saan “tumakbo” si Bitti. Sabay silang nagmakaawa sa pagbabalik ng karkárma ni Bitti: “Halika na, Bitti! Umuwi ka na, Bitti!”

(Salin ni Ariel Sotelo Tabág)

Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas Katha sa Ilokano

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.