Wanted: Bedspacer

Liwayway - - Mga Nilalaman - Chad Faller

MAAARING isa ka sa libu-libong mga taong nangungupahan bilang bedspacer. Kung ikaw ang tipo na tumatagal nang kung ilang taon sa iyong inuupahan, masuwerte ka. Ngunit hindi maitatangging maraming mga problemang kinakaharap ang isang bedspacer. May iba pa na nagkakaroon ng hindi magandang karanasan. Kaya marami ang nagpapalipatlipat ng matitirhan. Na lubhang nakababahala at nakaaabala. Natural na hindi mo rin gustong mangyari ito sa iyo.

Paano ba makakahanap ng mainam na bahay o dormitoryong matitirhan mo bilang bedspacer? O paano ka makatatagal sa inuupahan?

Maaaring isa kang estudyante, reviewee o empleyado na gustong malapit lang sa iskuwelahan o trabaho ang inuuwian. O isang naghahanap pa lang ng mapapasukan. O kaya ay isang retiree na. Anupaman ang maging katayuan sa buhay, karapatan ng bawat isa na maging kombinyente, komportable at masaya sa kanyang tinitirhan. ‘Feel at home,’ ika nga.

Hindi naman mahirap malasap ito. Kailangan lang isaalang-alang ang ilang mahahalagang panuntunan.

Una ay ang lokasyon. Ano bang klase ang komunidad o barangay kung saan naroon ito? Disente ba ito, commercial o squatters’ area? Wala bang mga nakawan o krimeng nagaganap sa lugar? Hindi ba ito pugad ng mga adik? Makabubuting magtanung-tanong. Isang pukol ng bato lang ba ang layo nito o kaya ay isang sakay lang sa iyong papasukan?

Magkano ba ang upa? Baka naman parang sardinas na sa pagsisiksikan ang mga boarders sa kuwarto at plywood lang ang dingding pero napakamahal ng upa? Dapat ay reasonable ang presyo. Alamin din ang terms of payment— deposit, advance at kung kailan ka ulit magbabayad.

Itanong din sa landlady kung ano ang propesyon ng mga boarders doon. May boarder kasing walang trabaho na malikot ang kamay. O kahina-hinala ang gayak, iisa lang ang bag — at magnanakaw pala saka maglalahong parang bula.

Aalamin din kung hindi ba maingay sa lugar. Baka naman kasi laging nagpapatugtog ng videoke ang kapitbahay. O may kalapit na beerhouse. O baka isang pamilya ang nasa katabing kuwarto na maraming mga anak at magugulo. Mag-obserba muna.

Siyasatin ang mga pasilidad. Maayos ba ang kama o baka naman sinusurot na? May study table ba? Kung marami kang mga gadget, siguraduhing may sarili kang locker. May landline phone ba na puwede kang gumamit? May tv, radyo, washing

machine? Puwede ka bang tumambay sa salas ng bahay? O magluto sa kusina? Tumanggap ng bisita? May curfew ba? Hindi ba madalas mawalan ng kuryente o tubig?

Alamin din ang rules and regulations ng boarding house at isipin muna kung kaya mong sundin ang mga iyon.

Paano ka naman makatatagal kapag nagsimula ka nang mangupahan?

Matutong makibagay. Hindi porke boarder ka ay maglalagay ka na ng demarcation line at magkakaroon ng sariling mundo.

Laging bumati at mangumusta. Ipinta ang ngiti sa labi. Makipagkuwentuhan. Makipagpalagayang-loob. Be

friendly. Makipagbiruan. Pero huwag mang-asar at lalong huwag maging pikon.

Makiumpok kapag nagkakaumpukan. Maging ito ay panonood ng video sa cell phone, paggigitara o simpleng paguusap. Maki-jamming. Ilagay ang sarili bilang bahagi ng grupo.

Pero matuto ring rumespeto. Kapag nakitang abala ang isa sa ginagawa, huwag istorbohin.

Maging concerned sa iba. Maging simpatiko. Huwag iyong parang tren ka sa bilis na aalis sa umaga at pagdating sa gabi ay tulog ka na agad na para bang wala kang nakikitang ibang tao.

Maging mapagbigay at mapagpasensiya. Huwag iyong kapag nauna na sa iyo sa pagpasok sa banyo ang isa ay uunahan mo pa. Kapag may naranasan namang hindi kanaisnais — habaan ang pisi. Maging malawak ang pag-unawa.

Ibigay ang bahagi o silbi sa mga kasamahan. Kung may talent ka sa pagdo-drowing at kailangan ito ng isang boardmate, irepresenta ang sarili. Kung magaling kang sumayaw, ipakita ang dance

moves para mang-aliw o turuan ang iba. Kung nasira ang gadget ng isang kasama at alam mo ang troubleshooting, ibahagi ang kakayahan.

Tumulong. Kung may ‘dinadala’ ang isa, dumamay at magbigay ng payo. Kung kinapos sa pera, magpahiram kung ipinangako namang babayaran agad iyon kapag sumuweldo o may natanggap na pera. Tumulong din sa paglilinis ng kuwarto.

Huwag maging burara. Baka naman pagkahubad mo ng underwear mo ay iitsa mo na lang kung saan? O ang mga gamit mo ay nagkalat hanggang makaabot na sa kama ng boardmate mo?

Isa iyon sa maaaring pagmulan ng away ninyo. Matutong magpahalaga sa kapwa. Kung hindi nagpapalaundry, itakda sa bawat kasama ang kani-kanyang araw ng paglalaba. Hindi rin kasi siguro ganoon kalawak ang hangganan ng inyong sampayan.

Kung maliligo naman, huwag magpatagal nang kung ilang oras na para bang napakarami mong kailangang gawing mga seremonyas. Baka napakahaba na ng pila ng mga susunod sa iyo at katok na nang katok sa pinto pero dedma ka pa rin.

Huwag mag-iwan ng cell phone, gadgets o pera kahit saan dahil posibleng mawala ito. May mga bagay na mainit sa mga mata lalo na kung walang nakakakita at mayroon ding takaw-tukso. Kahit kaibigan na, huwag basta magtitiwala sa ibang tao.

Hingin muna ang permiso ng mga kasama kung may gagawin kang puwedeng ika-shock nila o hindi magustuhan. Halimbawa ay kung naka-underwear ka lang talaga kung matulog.

Kung may pagkakataon, sumama sa mga gimik ng mga boardmates. O kahit sa paghahapunan lang sa kanto. Mahalagang mabuo ang bonding.

Resolbahin din agad kung magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa kasama. Mabuting magkabati agad dahil magkasama kayo sa iisang kuwarto. Huwag iyong mag-iisnaban kayo, mag-aasaran hanggang pisikal na magkasakitan. Kung may gustong mangyari, huwag mahiyang magsabi at pagkasunduan ninyo.

Dapat na magturingan ang bawat isa na parang magkakapatid at parang isang pamilya dahil nagsasalo kayo sa iisang bahay. Dapat pairalin ang pagkakaibigan, pagkakasundo, pagbibigayan, pagdamay at pagtutulungan sa tuwina.

Sabihin mang nagbabayad ka pa, mahirap pa ring makituluyan bilang bedspacer dahil maraming mga bagay na dapat mong isaalang-alang. Hindi mo nga kasi solo ang lugar. Ngunit kung matututuhan mo lang ang sining ng pakikisama at panunuluyan — maaasahan mong magkakaroon ka ng maraming mga kaibigan, magandang mga karanasan at magiging masaya at kaaya-aya ang iyong pannirahan sa iyong pangalawang tahanan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.