Pag-Usapan Natin!

Liwayway - - Mga Nilalaman - Kuya Sam

DEAR KUYA SAM: Walang patlang ang aking pagbabasa ng magasing Liwayway. Itago mo na lang ako sa pangalang Becky, 32, taga-Maynila, may tatlong anak, nagtitinda ng mga kakanin. Ang problema ko, Kuya Sam, ay tungkol sa aking kinakasama. Meron po kaming tatlong anak na pilit kong itinaguyod ngayon. Masipag naman po ako, Kuya Sam, kaya hindi ko inaasahan ang kinakasama ko. Kung kumita siya o hindi, matitiis ko iyon basta huwag lang siyang humanap sana ng iba. Hindi ko rin naman inaasahan ang kita niya sa paekstraekstra sa konstruksiyon.

At iyon na nga, isang araw, umalis siya sa pamamahay namin. Ang sabi ng nasagap kong balita, may kinakasama raw siyang mas bata sa akin. Sa tuwing may away kasi kami, iyon palagi ang bukambibig niya. May bago na raw siyang minamahal. Hindi ko pinansin ang mga pasaring na iyon, Kuya Sam, dahil nakatuon ang aking atensiyon sa aking hanapbuhay. Kung papatulan ko iyon, gutom ang abutin ng mga bata dahil batugan ang kanilang tatay.

Noong malaman kung tuluyan na siyang naglayas kasama ang kanyang bagong girlpren, hindi na ako naghabol, Kuya Sam. Bahala siya sa buhay niya. Kung saan siya masaya, eh di, doon siya. Tutal puro pahirap lang naman ang idinulot niya sa sampung taon naming pagsasama. Ako talaga ang kumakayod at obligadong kumita araw-araw. Sa awa ng Diyos, nakakaraos din naman. Hindi pa naman nagutuman ang mga bata. Mas gumanda nga ang buhay naming mag-ina noong umalis na ang kanilang tatay.

Ngunit bigla siyang nagpakita sa amin, Kuya Sam, at gusto na raw niyang bumalik at nagsisi na raw siya sa mga ginawa niya. Ayun, sa sala siya natutulog at nagtino na sa kanyang trabaho sa konstruksiyon. Pero hindi ko siya iniimikan. Sa mga bata niya inaabot ang kanyang sahod at ipinaabot sa akin.

Naawa naman ako sa kanya, Kuya Sam. Bibigyan ko kaya siya ng ikalawang pagkakataon? – BECKY

DEAR BECKY: Alam mo, Becky, napakabait mong tao. Hindi ko ma-imagine ang langit kong ang mga katulad mo ay wala roon. Kung naiibang babae lang, baka hindi na pinabalik o pinatuloy man lang sa bahay. Iyong iba nga riyan, pinabarangay pa para matauhan sa kanilang kapabayaan at pagiging iresponsable. Ngunit ikaw, natatangi ka. Binigyan mo siya ng sala na matutulugan, at least. At ngayon, you are on the verge of giving him a chance. What a soul! And to your partner, what a nerve!

Pagkatapos ng lahat... ng kahibangang ginawa niya, ang lakas naman ng apog niyang bumalik sa inyo. Saan siya kumuha ng lakas para gawin ito? Sandali, gaano ba kakapal ang mukha niya?

Suwerte siya, Becky. Ginintuan ang iyong puso. Diyan kita labis na hinahangaan. Kaya lang, sana huwag masanay ang partner mo na mabait ka sa lahat ng panahon. You should be firm din. Baka abusuhin naman ang iyong kabaitan at walang katapusan itong paglalayas niya sa inyo— aalis-babalik, paulit-ulit na parang nakasanayan na lang.

Sige, bigyan mo siya ng chance, last chance. Kapag nagloko ulit, sarado na ang inyong pintuan para sa kanya. Isara mo na rin ang iyong puso para sa awa. Hindi puwedeng puro awa lang ang pairalin mo. Dapat manindigan ka rin, piliin mo ang tama at nararapat.

Kausapin mo ang partner mo nang masinsinan. Tanungin mo siya kung sigurado na ba siyang nagbago na. Baka naman para kaawaan lang kaya nagdrama-dramahan. Huwag ganoon, Becky. Kung seryoso siya para kuning muli ang tiwala mo, let him prove it.

Sana tumino siya kasi napakasuwerte niya sa iyo. – KUYA SAM (MAAARI ninyong isangguni kay Kuya Sam ang inyong mga problema sa pag-ibig at buhay sa pamamagitan ng e-mail address: kuyasam29@ yahoo.com o kaya’y ipadala sa: PAG-USAPAN NATIN c/o Liwayway Magazine, Manila Bulletin Publishing Corporation, Muralla cor. Recoletos Sts., Intramuros, Manila.)

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.