Anna Patricia C. Adiaz

Liwayway - - Mga Nilalaman -

PUMAGASPAS ang mga dahon sa mga púno sa pagdampi ng hangin. Nang-aasar ang langit para sa katulad kong naghihintay ng ulan. Makulimlim at mabigat ang mga ulap, ngunit wala naman yatang balak ang mga ito na magpakawala ng tubig—dito, pababa sa aking katawan, para naman mahugasan ang aking kasalanan sa araw na ito.Maria. Maria ang pangalan ko. Mariang bukod na pinagpala sa babaeng lahat. . . ng mga kamalasan sa búhay. Sa araw na ito, talunan na naman ako. Mali. Buong buhay ko nga pala’y talunan talaga ako.

Tahimik kong binagtas ang kalsada. Maláyo pa ang bahay namin. Hindi ko na nagawang sumakay pa sa tricycle dahil wala na akong pamasahe. Ipinambayad ko sa doktor na pinanggalingan ko.

Dalawa lámang ang naririnig ko: ang kulog mula sa nagbabadyang pag-ulan at ang pagkalansing sa aking bulsa ng dalawang pisong sukli sa aking ipinanlamang-tiyan kanina.

Nakatatawa. Kani-kanina lámang ay sanggol ang laman ng aking tiyan ngunit ngayo’y tinapay na lamang.

Bumuhos na nga ang ulan. Huminto ako sa paglalakad. Pakiramdam ko’y inaasar pa rin ako ng langit. Pinaliliguan na ako ng tubig-ulan, nililinis ang aking katawan mula sa aking mga kasalanan ngunit nadurumihan naman ako ng sarili kong luha na hindi ko namamalayang pumapatak na rin palâ.

Maria. Maria ang pangalan ko. Siguro nga, Mariang bukod na pinagpala sa babaeng lahat, dahil sa maikling panaho’y pinagpala ako ng isang sanggol. Pero hindi ako imakulada. Hindi siya nanggaling sa kung anong banal na espiritu. Nanggaling siya sa espiritu ng alak—ng pagnanasa—ng ilang ulit na pagtanggi’t pagmamakaawa. Hindi ko siya kayang tanggapin. Lumakas pa ang pagbuhos ng ulan. Hindi pa rin ako malinis. Dinurumihan naman ako ng sarili kong dugo. Ang sakit-sakit.

Mula sa nanlalabo ko nang paningin, nakita ko, mas dumilim pa ang kalangitan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.