Sibuyas At Bawang (14)
Neri Jedeliz
NAKITA ni Lumen na pumasok ang Kano sa pansiteria at umupo ito sa isang bakanteng mesa na di kalayuan sa kinauupuan nila ni Boy Batman. At kaharap pa nila ngayon ang Amerikano.
Umorder ng kape ang Kano. Ngunit di nagpapahalata na tinitigan nito si Lumen. Nakaw na pasulyap-sulyap lamang ang ginagawa nito. At gayon din si Lumen, di nagpapahalatang pasulyap-sulyap din siya sa Amerikano. Kunwari’y di niya ito pansin.
Si Boy Batman lang naman ang maulirat.
“Bossing, talagang kayo ang pakay nitong Amerikanong parang si Clint Eastwood noong araw. Panay ang sulyap niya sa ‘yo,” ani Boy.
“Nahalata ko nga, e. Bakit kaya?” tugon ni Lumen.
“Ilang araw na iyon na tila nagmamasid doon sa inyong restoran na Sibuyas at Bawang. May kotse ‘yon, at pina-park lang sa labas. Maliwanag na kayo ang kanyang target, sapagkat sinusundan ang mga galaw mo.”
“Biente kuwatro oras ka palang nagbabantay doon sa labas ng aming restoran?”
“Aba, opo. Ginagawa ko lang ang aking trabaho sapagkat binabayaran mo ‘ko.” “Baka tauhan iyan ni Brigida?” “Saan kukuha si Brigida ng tauhan na Kano? Kilala ko lahat ang mga alipores ni Brigida. Mga ultimo lang silang mga palaboy sa lansangan, kagaya ko. Pero ito, mukhang kakaiba ito. Mukhang propesyonal.” “Ano sa tingin mo sa Kanong ‘yan?” “Mukha namang maginoo. Minsan, naka-coat and tie pa ‘yan. Nakita mo naman, nakakurbata pa ngayon. Ewan ko kung ano talaga ang kelangan niya sa ‘yo. Baka may balak siyang masama sa iyo.” “Ano ba ito? Mukhang mga
international assassin na itong sumusubaybay sa akin. Ano kaya ang kelangan nila sa akin? Di naman ako mayaman,” napahinga nang malalim si Lumen. “Teka, Batman, ba’t di mo aabangan sa labas itong Kano at kausapan mo, upang magkalinawagan na.”