Soulmates (2)

(IKA-2 NA LABAS)

Liwayway - - Mga Nilalaman - Ni EVELYN L. ESTRELLA-SEBASTIAN

Evelyn L. Estrella-Sebastian

ROWENA…at may palad na dumantay sa kanyang bisig.

Iminulat ni Rowena ang kanyang mga mata. Namulatan niya ang asawang nakatayo sa kanyang tabi. “Naidlip ka. Bakit di ka sa kama nahiga?”

Agad tumayo si Rowena, ang diyaryo sa kandungan niya ay nahulog at napailalim sa mesita. “Bakit ka bumangon? Kaya mo ba?”

“Oo naman. Sobra kang magalala. Uminom lang ako.” “Bakit di mo ako ginising.” “Di na kailangan. Hayan lang naman ang pitsel.”

“Sige, pero huwag masyadong magpagod. Baka ka mabinat. Higa ka na ulit. Susunod na ‘ko mayamaya. Tatapusin ko lang iyong binabasa ko,” at muli niyang inayos sa paghiga ang asawa.

Bago pa nagkasakit ito ay halos ganoon na lagi ang takbo ng kanilang araw na mag-asawa na karaniwang nakikita sa matagal nang nagsasama. Na naiiba lamang nang bahagya kapag may nagkakasakit, tulad noon. Sa gabi, pagkapanood ng ilang panoorin sa telebisyon at pagkatapos magbasa ng gustong basahin, nagpapahinga na rin sila. At tulad ng kinagawian, kanyang inilalagay ang estasyon ng radyo sa paborito nilang programa ng mga lumang awitin. Pampatulog, wika nga. O panggising ng mga nahihimlay nang gunita ng lumipas na panahon, gumuhit sa isipan niya.

SI SERGIO ang unang lalaking inisip ni Rowena kung soulmate niya nang magpakita ito ng atensiyon sa kanya. Unang taon niya sa

high school sa kanilang bayan. Isang pribadong eskuwelahan na pinamamahalaan ng mga madre na ang karaniwang mag-aaral ay anak ng mga nakaluluwag sa buhay. Si Sergio ay nasa ikaapat na taon, magtatapos na. Magkabukod ang gusali ng mga istudyanteng lalaki sa mga babae, ngunit ang lahat ng mga estudyante ay sama-samang nagtitipon sa malaking quadrangle sa pagitan ng mga gusali tuwing Lunes ng umaga para sa flag ceremony. Dito rin ginaganap sa harap ng nagiisang stage ang mga palatuntunang sinasalihan ng lahat sa panapanahon. Mga ipinagdiriwang na

feast day ng mga Santo o kaarawan ng mga bayani, Linggo ng Wika, Oratorical Contest, Declamation,

drama, pag-awit ng Glee Club o pag may bisita. Kahit freshman lamang

Si Sergio ang unang lalaking inisip ni Rowena na soulmate niya nang magpakita ito ng atensiyon sa kanya.

siya ay sumali na si Rowena sa Glee Cub dahil mahilig siyang kumanta at maganda ang kanyang boses. Dito siya nakita ni Sergio.

Bawal mag-usap ang mga istudyanteng lalaki at babae sa loob ng eskwelahan. May sariling Glee Club ang Boys Department kung saan kasapi si Sergio. Nang taong iyon ay may malaking pagdiriwang na idaraos ang eskuwelahan para sa anibersaryo ng pagkakatatag nito. Pinagkaisahang pagsamahin sa isang malaking presentasyon ang dalawang Glee Club. Dito nagkaroon ng pagkakataong makipagkilala si Sergio kay Rowena habang hinihintay nila ang gurong mamamahala sa kanilang praktis.

“Rowena… ganda ng pangalan mo. Ngayon lang ako nakarinig ng ganyang pangalan. Siguro, ikaw pa lang ang Rowena sa buong bayan natin,” wika ni Sergio.

Trese lamang siya noon at asiwa siyang kinakausap ng ibang lalaki, lalo pa’t di naman niya talagang kilala. Nag-iisa siyang anak, ang kilala lamang niyang mga lalaki ay ang mga pinsan. Hindi siya kumibo. Hindi naman niya alam ang isasagot. Malay ba niya kung bakit Rowena ang pangalan niya. “Saan ka nakatira?” ang tanong pa ni Sergio. Bahagya siyang kinabahan noon. Bakit pati bahay nila, itinatanong nito. Hindi rin niya ito sinagot. Sa halip, tinalikuran niya. Kalaunan, nakita niyang kinakausap si Sergio ng iba niyang kasama sa Glee Club, na mga mas matatanda sa kanya. Mga nagdadalaga na. Nagkaka-crush na, kumpara sa kanya na mailap pa sa lalaki ng panahong yaon. Noon niya napagalaman, sa mga kuwento ng mga ito, na crush ng marami si Sergio. Good catch daw, whatever it means, naisip pa niya nang marinig ito. Ibig sabihin pala, anak ng maykaya, may mga bukirin, may kono at nag-iisang anak.

Naisip lamang niya, nag-iisa rin siyang anak ngunit hindi sila maykaya sa buhay. Tama lang, sabi nga ng kanyang Tatay na tesorero sa kapitolyo. Na kaya lamang maalwan ang kaniyang kalagayan ay sa dahilang nag-iisa nga lamang siyang anak. Hindi siya na-impress ng mga kuwento tungkol kay Sergio. Ipinagkikibit lamang niya ng balikat ang hayagang naiibang atensiyon nito sa kanya. Para ngang takot siya, aywan ba niya kung bakit. Na lubhang ipinagtataka ng kanyang kaibigang si Lorna. “Bakit ba?” tanong nito. “Ewan,” sagot niya. “Basta ramdam ko lang. Naniniwala ka ba sa premonition?”

“Naku, nariyan ka na naman sa mga esp-esp mo. Ano nga ibig sabihin noon?”

“Extra sensory perception,” ipinakadidiin niyang sagot kay Lorna. Bigla, naalala niya ang kanyang Ate Linda. “Parang kutob,” paliwanag pa niya. Gusto sana niyang ikuwento ang kanyang Ate Linda ngunit nagdalawa siya ng loob. “Saan mo ba pinagkukuha iyang sinasabi mo?” “Basta, nabasa ko siguro. O narinig sa kung sinong naguusap.”

“Naniwala ka naman agad,” wika ni Lorna. “Malay mo kung tama ‘yun. Alam mo, Rowena, ang dali mong maniwala sa naririnig mo, kaya kung anu-ano rin ang pumapasok sa utak mo. Baka pasukan ka ng demonyo, hala ka!” babala nito. “Bawal nga iyan, di ba sabi ni Sister Anna.”

“Huwag mo ‘kong isusumbong. Di na kita babatiin pag ginawa mo ‘yan.”

Nangako naman si Lorna. Nanghinayang lamang ito na hindi niya pinapansin si Sergio. Guwapo na, may kaya pa sa buhay. At mukhang crush siya. Mantak mo iyon, sabi pa nito.

Ano’ng magagawa niya, sa loob-loob niya. Unang-una, wala pa siyang hilig na makipagkaibigan sa mga lalaki. Saka sigurado siyang hindi niya soulmate si Sergio. Wala siyang nadamang kakaiba noong kausapin siya nito. Nainis pa nga siya.

Kaya sa paglipas ng mga araw, habang kapansin-pansin sa iba ang kakaibang pakikitungo ni Sergio sa kanya, wala siyang ginawa. Kapag kinausap, sumasagot din ngunit hanggang doon lamang. Walang

encouragement kumbaga na magkakuwentuhan.

Ngunit may isang pangyayaring nakabahala sa kanya. Minsan, sa isang pagsisimba nila ay nagkatagpo ang kanilang pamilya ni Sergio. Hindi niya akalaing magkakilala pala ang kanilang mga Nanay. At dahil tesorero sa kapitolyo ang kanyang Tatay, kilala rin ito ng Tatay ni Sergio na isang negosyante. Nagkabatian ang mga ito. Nag-usap ang dalawang tatay. Nginitian siya ni Sergio. Hindi siya ngumiti.

“’Oy, Anita,” bati ng Nanay ni Sergio sa kanyang Nanay. “Ngayon lang tayo nagkatagpo.”

“Teresa! Ikaw pala. Kasi, e dati mas maaga kaming magsimba. Tinanghali ngayon.”

Napatingin sa kanya ang Nanay ni Sergio. “Dalaga mo?” ang tanong. “Maganda, a…”

Nilingon siya ng kanyang Nanay. “Maganda ba?” natawa ito. “Maganda ka raw,” at siniko siya nito.

Sinulyapan niya ang nanay ni Sergio na sinundan niya ng yuko.

“Mahiyain yata,” ang puna nito, at pabulong, “may binata ako.”

Natawa ang kanyang nanay at sinilip pa nito si Sergio. “Aba’y guwapo.”

Asiwa na siya. Ang mga matatanda, naisip niya, kung mag-usap, kahit kaharap ang mga taong pinag-uusapan, hindi nababahala. Nang bigla siyang kausapin ng Nanay ni Sergio. “Anong pangalan mo, Ineng?”

Napilitan siyang itaas ang kanyang mukha upang tingnan ang kumakausap, ngunit bago siya nakasagot ay sumingit na si Sergio. “Rowena, Nanay. Siya si Rowena.”

Kitang-kita niya ang pagtatakang lumarawan sa mukha ng nanay ni Sergio na agad napatingin sa kanyang nanay. May bahid ng panunukso ang tinig nitong nagsabi, “Aba, Anita, kilala pala ng binata ko ang dalaga mo.”

Nilingap siya ng kanyang Nanay at tinanong. “Magkakilala pala kayo?”

Bago siya nakahuma ay mabilis nang nakasagot na muli si Sergio. “Magkasama po kami sa Glee Club para sa grand

presentation sa anibersaryo ng school.” Napatango ang nanay si Sergio. “Aba, e dapat na minsan ay marinig nating magduweto ang dalawang ito. Pareho palang kumakanta sa Glee Club. Sino ba ang music teacher na in charge ng Glee Club sa esk’wela ngayon? Si Sister Paula?”

Tumango siya. At kanyang naisip, kailan ba matatapos ang

usapan sa harapang iyon. Sinulyapan niya ang kanyang tatay at ang tatay ni Sergio. Seryoso pa ring nag-uusap tungkol sa nangyayari sa kapitolyo. At napabuntunghininga siya.

NAPANSIN ni Rowena, naging higit na palagay ang loob ni Sergio sa pakikipag-usap sa kanya mula nang magkita-kita sa simbahan ang kanilang mga magulang. Kung dati ay bahagya pa itong nangingimi dahil ayaw na mainis siya, noon ay ipinakikita na sa lahat na gusto siyang kausap at talagang matapang, kumbaga. Siguro, sabi nga, narinig niya sa kanyang Ate Linda, Sergio

started off on the wrong foot. At narinig pa rin niya na kaya hindi nito magustuhan iyong nanliligaw rito ay sigurado itong hindi iyon ang kanyang hanap na soulmate dahil walang namagitang koneksiyon sa pagitan nila. Karamihan daw sa mga lalaki, they

come in too strong, sobrang agresibo, palaban agad, o yabang agad. At iyon ang pakiramdam niya kay Sergio. Sa loob-loob niya, dahil ba maykaya sila sa buhay?

Sabi ni Lorna na best friend niya, “Nagtataka sa iyo mga kaisk’wela natin. Bakit daw ba parang galit ka kay Sergio? Mabait naman. At mayaman…” tumawa ang kanyang kaibigan. Lumabi siya. “Namamatay kayo sa mayaman, ako hindi.”

“Seriously, Rowena,” wika ni Lorna, “bakit ni ayaw mong makipagkaibigan kay Sergio. Kaibigan lang naman, ano’ng masama du’n. Sabi mo nga, kakilala ng Nanay at Tatay mo ang mga magulang niya, aba, wala nang problema sa bibiyenanin,” humagikgik si Lorna.

“Ay, Lorna,” at nagbuntunghininga siya. “E, wala namang mangyayari. Fourth year na siya, graduating na, aalis na, magaaral, pupunta sa Manila. E, first year lang tayo, maiiwan naman. Para que pa makipag-friend?”

“Maiiwan?” At kumanta pa ang pilyang kaibigan niya,

kumakaway ka pa irog nang ako’y iwan, upang tumungo sa ibang bayan, isang panyong puting-puti ang aking tangan, basang-basa ng luha kong di mapigilan…

Inirapan lamang niya ang kaibigan. Paano ba siya magpapaliwanag dito. Sasabihin na naman ba niya ang pinaniniwalaan niyang soulmate? Pagtatawanan lamang siya ni Lorna. Di bale na lang, sasarilinin na lamang niya. Pasensiya ang hindi makaintindi.

Hindi niya akalain, pinuntahan siya sa kanilang bahay ni Sergio isang araw ng Sabado. Nasa kanila si Lorna na malapit lamang ang bahay sa kanila. Nagkukuwentuhan sila habang nakaupo sa swing na kahoy sa kanilang bakuran nang dumating si Sergio. Siya ang unang nakakita rito, bumababa sa sinasakyang bisikleta. May kaangkas ito, isang binatilyong hindi niya kilala. Nanlaki ang kanyang mga mata.

“Bakit?” tanong ni Lorna, kasunod ay lingon sa tinitingnan niya. Si Sergio! Nabigla rin si Lorna, napansin niya. “Ano’ng gagawin ko?” kinakabahan niyang tanong kay Lorna. Sakabila ng mga panunukso ni Lorna, wala rin palang alam itong gagawin sa ganoong pagkakataon. Pareho lamang naman silang trese anyos noon. “Aba, ewan ko sa ‘yo. Tawagin mo’ng Nanay mo.”

Bumaba siya ng swing at akma nang tatakbo papunta sa bahay nang pigilin siya ni Lorna. “Patuluyin mo muna,” wika nito.

Napatigil siya. Ngunit mabilis din ang kanyang pasiya. “Hindi. Ikaw ang magpatuloy.” At tinalikuran niya ito.

Dinatnan niya ang kanyang Nanay sa sala, nanonood ng isang lumang pelikula sa telebisyon. Naipagpasalamat niyang wala roon ang kanyang Tatay. Nasa kuwarto siguro. Natutulog ito makapananghali basta at Sabado at Linggong walang pasok. “’Nay,” sabi niya.

“Ano,” tanong ng kanyang Nanay, ang mga mata ay nakatuun pa rin sa screen ng telebisyon. “Narito si ... si Sergio.” “Sino?” Hindi pa rin siya nililingap ng kanyang Nanay. “Dito ho si Sergio, iyong kasama ko sa Glee Club,” biglang sumingit sa kanyang isipan na sabihin.

Saka pa lamang siya tiningnan ng kanyang Nanay. “Si Sergio? A... Para siguro sa praktis ninyo.” “Praktis? Anong praktis Nanay?” nagtatakang tanong niya. “Ay, di ko ba nasabi. Kinausap ako ni Teresa, Nanay ni Sergio.

Birthday daw sa katapusan ng susunod na buwan ni Armando, Tatay ni Sergio at maghahanda sila sa bahay. Imbitado nga tayo at gusto niya na kumanta kayong dalawa ni Sergio. Surprise daw.” “Ha!” Nakadama siya ng matinding pagtutol. “Bakit?” “Nahiling lamang ni Teresa, p’wede ka raw ba? Magduweto kayo ni Sergio. Iyong paboritong awit ni Armando. Kakausapin raw niya ang kaibigan niyang music teacher sa high

school na siyang magtuturo sa inyo. Bakit naman ako tatanggi? Sa anong dahilan?” hinarap na siya ng kanyang Nanay.

Hindi siya nakahuma. Wala na siyang masabi. Noon niya narinig ang tinig ni Sergio buhat sa kanyang likuran. Napalingon siya. “Magandang hapon po, Tita Annie,” bati nito.

Tumayo ang kanyang nanay at hinarap ang mga dumating. Si Sergio at ang kasama nitong binatilyo at si Lorna. “Magandang hapon din, Sergio.”

“Naabala yata namin kayo. Sabi nga ni Nanay, bandang alas cuatro na kami pumunta dahil oras ng siesta ang makapananghali. Saka ganoong oras din p’wede si Mrs. Santiago, iyong magtuturo sa amin, pero napaaga ho.” Tumingin sa kanya si Sergio. “Para din makipagk’wentuhan nang bahagya kina Rowena at Lorna.”

“Okey lang,” sagot ng kanyang nanay. “Pero mas mabuti siguro, du’n na kayo sa swing para mas mahangin. Saka may natutulog dine sa kuwarto. Alam ko, maingay ang mga teenager, kaya doon ko pinapunta ang dalawang ito,” at tiningnan pa sila ni Lorna ng kanyang nanay.

“Sige po,” payag naman agad ang kumag, sa loob-loob niya, pero talagang naiinis siya. Lalo kay Lorna na waring enjoy na

enjoy ang mga sandali. Naku! Sa swing, magkatabi sila ni Lorna. Umupo agad sa katapat nilang upuan si Ben, ang kasama ni Sergio, samantalang tumayo ito sa labas ng swing, malapit sa kinauupuan niya. “Alam mo na ba kung bakit kami naririto?” tanong ni Sergio. Ang dilim ng kanyang mukha. “Hindi nga. Ngayon ko lang nalaman. Nang dumating ka,” mariin niyang wika. “Pero, ayaw mo ba?” Umiling siya. “Hindi naman. Kaya lang, nakakabigla rin. Bigla ka na lang dumating.”

“Sori, Rowena. Alam mo kasi, sentimental daw ang Tatay ko. Kaya gusto lamang daw mabigyan ng kasiyahan ni Nanay sa birthday nito. All her life daw, ang tatay ko na lamang lagi ang umaalala sa kanya. Kaya naisipan niyang magparti para sa birthday nito. Dapat nga surprise sana. Pero mahirap gawin iyon dahil gusto naman niya, sa bahay namin gawin. Tiyak na mabubuko siya, hindi makapaghahanda. Kaya, iyong mga

surprise numbers ng program ang pang-surprise niya. Isa iyong duet nating gagawin.” Bahagyang nawala ang kanyang inis sa narinig kay Sergio.

Sentimental pala ang Tatay nito. Sentimental din kasi siya.

(ITUTULOY)

Kalaunan ay pumikit, hinayaang “Alam mo na ba kung bakit kami dumaloy ang mga gunita, binayaang naririto?” tanong ni Sergio. dalhin siya ng pumapailanlang na himig Ang dilim ng kanyang mukha. sa isang lumipas na panahon. Ang “Hindi nga. Ngayon ko lang nalaman. unang pagtatama ng kanilang paningin Nang dumating ka,” mariin niyang ng noon ay isang estranghero sa kanya. wika. O, …ang kanyang estranghero… ang kanyang soulmate.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.