Bestida

Liwayway - - Mga Nilalaman - Ni JENG GUANSING-DE DIOS

Jeng Guansing de Dios

T

UWING Sabado, sanay na si Clark na nasa sampayan ang bulaklaking pulang bestidang pag-aari ng kanyang Tatay Domeng. Katulad ngayon, nagsasampay na naman ito habang sila ng kanyang limang kaklase ay nakapuwesto sa sala, nag-aaral nang sama-sama.

“Clark, kanino ang bestidang isinasampay ng Tatay Domeng mo? Wala naman kayong kasamang babae dito ‘di ba?”

Natigilan siya nang biglang magtanong si Lana— ang babaeng lihim niyang minamahal. “Alin?” patay-malisyang tanong niya

“‘Yong bestidang pulang isinasampay ng tatay mo, kanino?” pag-

Karampot na lihim lamang ang hiniling niyang malaman, subalit ang sumambulat sa kanya’y kabaliktaran ng niyakap na katotohanan.

uulit ng dalaga.

Nilingon niya nang bahagya ang ama. “A, ‘yan ba? Bestida ni Nanay ‘yan. Ibinabalot ni Tatay sa kanyang unan kaya madalas labhan.”

“Wow! Grabe naman ang pagmamahal ni Tatay Doms kay Nanay Delia. Eighteen years na silang pinaghiwalay ng tadhana, pero parang hindi nagbabago ang pagmamahal niya sa nanay mo. Nakakatuwa! Sana balang-araw, makatagpo rin ako ng katulad niya.”

Kinilig ang binata sa sinabing iyon ni Lana, lalo na nang tudyuin sila ng mga kasama.

“Sure ako, si Clark ay magiging kapareho rin ng Tatay Domeng, Lana. Kaya ‘wag ka nang maghanap pa ng iba,” pangunguna ni Marcus.

“Korek! Romantiko ‘yan, torpe nga lang,” hirit naman ng kakambal nitong si Mateo, na sinabayan pa nang pagtawa.

Pangiti-ngiti lamang si Clark habang tinitingnan ang kinikilig ding dalaga. Halos magtatalon ang kanyang puso sa saya. Subalit sumagi sa kanyang isipan ang kuryosidad nito tungkol sa bestida ng ama. Bestidang siya man, hindi rin maipaliwanag ang halaga.

Pagkaalis na pagkaalis ng mga kaklase, hinarap niya ang ama. “‘Tay, bakit naman po ngayon pa ninyo isinampay ‘yong bestidang pula. Nagtanong tuloy ang isang kaklase ko kung kanino ‘yon.” Mataman siya nitong tiningnan. “Anong sinabi mo?” “Ano pa po ba ang dapat kong sabihin? E, ‘di sabi ko kay Nanay ‘yon, tapos ibinabalot ninyo sa unan kaya palaging nilalabhan.”

“Korek! Ang galing talaga ng anak ko!” sagot nito, saka pinanggigilan ang magkabila niyang pisngi.

Hindi na siya kumibo. Hindi na balak mag-urirat pa sa ama. Ilang ulit na ba niyang tinanong kung ano ang kuwento ng bestidang iyon? Maraming beses na. Ni hindi na nga niya mabilang kung ilan. Ang totoo, gusto na nga niyang sunugin ang damit na iyon upang hindi na maintriga pa ng mga kapitbahay. Papaano’y madalas isiste ng mga ito na ang mismong Tatay Domeng daw niya ang nagsusuot ng naturang bestida. Hindi siya naniniwala. Ang tingin niya sa mga ito’y mga nag-aasar lamang. Mga walang magawa. Mga sisteng hindi na dapat pansinin at patulan, bagaman gumuhit ng pagdududa sa kanyang isipan. “‘Tay, labas po muna ako.” Muli, mataman siyang tinitigan ng ama. “Ba’t lalabas ka pa? Matulog ka na lang, anak, nang tumaba ka. Ampayatpayat mo na dahil sa kaaaral. ‘Yan namang mga kaklase mo, panay ang pagpapaturo sa ‘yo kapag Sabado, sa halip sanang nakapagpapahinga ka. Pare-pareho lang naman kayong may mga mata at tainga, bakit hindi sila natututo sa pagtuturo ng guro ninyo?”

Napasimangot siya nang bahagya. “‘Tay, ako naman po ang nag-offer na turuan sila sa auditing problems. Medyo mahirap po kasi talaga. Pare-pareho nga po kaming may mga mata at tainga, pero hindi naman magkakapareho ang talas ng mga utak namin at ang bilis makaintindi sa topics. Ayaw po ba ninyong nakakatulong ako sa iba?” May pagmamaktol ang tono ng kanyang pananalita. Papaano’y ang lagay pala, may isyu sa ama ang sama-samang pag-aaral nila ng mga kaklase tuwing Sabado. Oo nga naman, naisip niya, nakadaragdag pa sa kanilang mga gastusin ang pagpapamiryenda. Kadalasan, may pananghalian pa.

“Hindi naman sa ayaw kong makatulong ka sa iba, anak. Ang gusto ko lang naman…”

“Hayaan po ninyo, magsa-sideline ako sa karinderya ni Lola Guada kapag Linggo. Para naman mabayaran ko ‘yong miryenda’t pananghalian ng mga kaklase ko.”

Tumalikod na si Clark. Hindi na hinintay ang isasagot ng ama. Ni hindi na nga inalam kung pumapayag ba itong lumabas siya, kahit papagabi na. Papaano’y naiinis siya. Nagtatampong hindi rin niya mawari. Nagtatampo sa mga bagay na sinabi nito kanikanina lamang, maging sa mga bagay na matagal nang hindi nito sinasabi sa kanya. May inililihim ito, damang-dama niya, bukod pa sa pagdududang mula sa bulong-bulungan ng iba. Hindi naman na siya bata. Labing-walong taong gulang na siya kaya marunong nang mag-analisa ng mga bagay-bagay.

“Clark, tagay muna! Tagal mo nang ‘di nakiki-jamming sa ‘min, a! Iba ka na talaga!”

“S’yempre naman iba na ‘yan. Nag-aaral kasi ‘yan, ‘di katulad natin mga dakilang tambay pa rin.”

Kahit nag-aalangan, nilapitan niya ang mga dating kabarkada— sina Caloy at Markie. Kala-kalaro niya ang mga ito noong nasa elementarya pa lamang sila. Kasa-kasama sa mga pambatang kalokohan at kapilyuhan. Ang totoo, nasasabik din naman siya sa kakulitan ng dalawa, dangan nga lamang at madalas banggitin ng kanyang ama na huwag na huwag sasama sa mga ito dahil mga adik daw at basagulero. Wala raw umanong ituturo sa kanya ang mga ito kundi kung papaanong sirain ang sariling buhay.

“Wow, uso na talaga ang himala ngayon, Pareng Caloy. Hamakin mong mapalapit natin itong si Clark dito!”

Tinapik ni Markie ang kanyang balikat. Mabilis din nitong hinila ang kanyang braso upang makaupo siya. Bagaman muntik nang maubo nang magbuga ng usok ang katabi, hindi naman siya gaanong nahalata ng dalawa. Halos masuka rin siya sa amoy ng hininga nito. Pinaghalo-halong amoy ng alak, sigarilyo at kung ano-anong singaw ng pulutang hindi mawari kung ano-ano.

“Shot mo, ‘Tol. Ngayon lang ‘to. P’wera na lang kung hanaphanapin mo ang sarap.”

Iniabot sa kanya ni Caloy ang maliit na basong may lamang alak— gin-bulag kung tawagin ng mga tagarito. Papaano’y nawawala sa sarili ang mga nakaiinom nito, na para bang nagkakaroon ng kakaibang paningin sa mga bagay-bagay sa kapaligiran. Aywan niya kung totoo, subalit sabi ng kanyang ama, ang alak na ito’y hinahaluan daw ng ipinagbabawal na droga. Mangyari’y iyon ang dahilan kung bakit nawawala sa sarili ang sino mang nakaiinom, lalo’t sobra-sobra. “‘Tol! Ano na? Aamagin ‘to, o!” Tinitigan ni Clark ang iniaabot na baso ni Caloy. Habang nakatitig, para siyang nakarinig ng mumunting batinting sa isipan. Batinting mula sa kanyang Tatay Domeng, na animo’y ibinabalik ang mga paalalang paulit-ulit nitong sinasabi. Subalit ang kabilang bahagi ng kanyang isipan ay bumubulong ng kung ano-ano— subukin daw niyang uminom ngayon, tutal minsan lamang naman ito.

Ipinilig niya ang sariling ulo, saka inabot ang maliit na baso. Naisip niya, kung ang kanyang ama nga’y may inililihim din sa kanya, siguro nama’y hindi masamang kahit minsan ay maglihim din siya. At kung kailan handa na siyang sumuway, saka naman tumunog nang malakas ang kanyang cellphone sa bulsa.

Napanganga ang dalawang kasama nang mabilis pa sa alas kuwatro niyang ibaba sa mesa ang tangang maliit na baso, saka dinukot ang nag-iingay nacellphone. “Saglit lang, mga pare, baka kasi si Tatay ‘to.” At nang makita kung sino ang tumatawag, hindi nga siya nagkamali— ang kanyang Tatay Domeng.

Sa halip na sagutin ang naturang tawag, napakagatlabi si Clark, saka muling isinuksok sa bulsa ang hawak na gadget. Naisip niya, hindi naman siya magpapakalasing. Saka minsan lamang naman ito, hindi na mauulit. Pagtatawanan na naman siya’t tutuksuhin ng dalawa kung saka-sakaling talikdan niya ang iniaalok na tagay ng mga ito. Ayaw naman niyang

katandaan ang imaheng ‘Tatay’s boy’.

“O, ano na? Shot na, Parekoy! Kapag nakainom ka na, wala naman nang magagawa si Mang Domeng. Subukin mo namang maging tao kahit paminsanminsan lang!”

Bagaman alam niyang nanunudyo lamang si Markie, nasaling nang bahagya ang kanyang damdamin. Papaano’y may bahid ng katotohanan ang sinabi nito. Dahil sa masusing pambabakod ng ama sa kanya, ang tingin ng marami’y hindi niya nararanasan ang mga bagay-bagay na dapat pinagdaraanan ng isang teenager. O, mas mainam na sabihing ng isang normal na teenager.

“Sige, akina. Pero minsan lang ito, ha,” sabi niya, sabay abot ng maliit na basong tagayan ng alak. Subalit bago tuluyang tunggain ang umaalong likidong laman niyon, biglang sumagi sa kanyang isipan ang imahen ng kanyang Tatay Domeng. Dahil dito, natigilan siya nang bahagya.

“Ano ba ‘yan, ‘Tol! Ambagal naman! Hindi p’wedeng nakababad ang baso sa ‘yo kapag nakikipag-inuman ka.”

Napapitlag pa si Clark nang sikuhin siya ni Caloy. “H-Ha? O-Oo, iinumin ko na. Hindi ko kasi alam kung ano ang lasa nito kaya…” “Parekoy, mga parak!” Nagulantang ang binata nang biglang nagpulasan ang dalawang kasama. Nagsuot ang mga ito sa eskinita sa pagitan ng tindahang kinauupuan nila at ng kasunod na bahay. Kaagad siyang nilukuban ng kakaibang takot at pangamba. Dumadagundong ang kanyang puso dahil sa matinding kaba. Noon niya naalala ang matagal nang sinasabi ng ama na ang dating mga kabarkada, bukod sa basagulero’y mga adik pa sa ipinagbabawal na droga. “Taas ang mga kamay! Saan nagpunta ang mga kasama mo?” Halos hindi maiproseso ng utak ni Clark ang itinanong ng isang pulis. Palinga-linga naman ang apat nitong mga kasama habang solido ang pagkakahawak sa mga dalang baril. Awtomatiko siyang napataas ng dalawang kamay, kahit pa nga hindi mawawaan ang mga nangyayari sa kapaligiran.

“Nakatakas ang dalawa. Bitbitin na natin ang isang ‘to, baka sakaling may maikanta.”

Nang marinig ang sinabing iyon ng isang pulis, saka lamang rumagasa sa isipan ng binata kung ano ang nangyayari sa kanya. May nagaganap na raid at siya ang huhulihin ng mga pulis sa halip na ang kanyang mga kasama. “T-Teka po, mga Sir. Wala po akong kasalanan, wala po akong ginagawang masama,” garalgal na sabi niya. Nanginginig na ang kanyang mga kalamnan at hindi na rin napigil ang mapaluha.

“Mga Sir, sandali lang po! Sandali lang! Walang kinalaman ang anak ko sa dalawang ‘yon!”

Halos tumalon ang kanyang puso nang marinig ang malakas na pagsigaw ng ama. “’Tay! Tatay ko!” Sinalubong niya ito nang yakap. “Tatay, wala po akong ginagawang masama. Maniwala po kayo, ‘Tay,” bulong niya, habang patuloy sa panginginig. Mahigpit na yakap din ang isinukli nito sa kanya. Pagyakap na nagbigay ng kapanatagan sa buo niyang pagkatao.

Bagaman pinakinggan ng mga pulis ang pagpapaliwanag ng kanyang ama at ng iba pang mga kapitbahay, inimbitahan pa rin si Clark sa presinto. Isinailalim siya sa drug testing at pinauwi lamang nang masigurong negatibo siya sa ipinagbabawal na droga. Pagkatapos ng dalawang araw, nabalitaan niyang nadakip na ang mga dating kabarkada.

Natapos ang lahat ng iyon nang hindi man lamang siya pinagalitan ng ama, bagay na bumabagabag sa kanya. Ilang araw na rin itong tahimik at hindi naglalatag ng sangkatutak na paalala. Animo’y dragon na naubusan ng apoy. Apoy na datirati’y madalas niyang iniilagan, subalit ngayo’y kinasasabikan. Ngayon niya napagtanto, ang apoy palang iyon ang simbulo ng mainit na pagmamahal ng ama.

“‘T-Tay, galit po ba kayo sa akin?” Sa wakas ay nagkalakas din ng loob si Clark. Isang bandehadong sinangag na kanin, apat na pirasong longganisa, at dalawang tortang talong ang nasa pagitan nila ng ama. Kung buhay lamang ang mga naturang pagkain, malamang ay kinutya na siya. Papaano’y pinanawan ng

kulay ang mga pisngi niya, na animo’y magdamag na ibinabad sa suka.

Kumurot ng kapirasong longganisa ang ama, saka matamang tumitig sa kanya. “Bakit mo nagawa ‘yon?” Napayuko siya. Napalunok, saka muling nagsalita. “Sorry po, ‘Tay. Hindi ko naman po pinlanong suwayin kayo. Kaya lang naisip ko po, hindi rin naman kayo tapat sa akin, e. May inililihim kayo. Baka po naman ayos lang kung paminsan-minsan ay magsinungaling din ako sa inyo.” Hindi niya gustong sumbatan ang ama, lalo pa’t siya na nga itong muntik nang mapahamak nang dahil sa pagsuway. Subalit ito na rin marahil ang tamang panahon upang pag-usapan nila ang tungkol sa bestidang puno’t dulo ng intriga at mga hinampo sa ama.

Nag-angat ng mukha si Tatay Domeng. “A-Anong inililihim?” May kaunting pangangatal ang tinig ng lalaking nasa mahigit kuwarenta. “Anak, wala naman akong inililihim sa ‘yo. Saka, ano bang naisipan mo’t…” “Tatay naman, please. Aminin na ninyo sa akin ang totoo!” “Anong totoo?” Siya naman ngayon ang nangatal. Hindi mawari kung itutuloy ba ang pang-uurirat sa ama, o hahayaan na lamang na lamunin ng kawalan ang kung ano mang lihim nito na matagal nang gumugulo sa kanyang isipan. Subalit, naisip din niya, hindi na kailan man mabubura ang pagdududa hangga’t hindi mismo nanggaling ang katotohanan sa bibig ng ama.

“Na bakla kayo, ‘Tay! Bakla po kayo… at kayo mismo ang may-ari ng bestidang pula. Na kayo mismo ang lihim na nagsusuot niyon. Na nagkaroon kayo ng relasyon sa ilan nating kapitbahay na lalaki! ‘Tay, pakiusap, sabihin na ninyo ang totoo!” Nagsisigaw siya. Hindi na napigil ang sariling dila. Ang bugso ng damdamin. Ang sigaw ng kaluluwa.

“At ano naman ang masama kung bakla ang Tatay Domeng mo? Mababago ba ng katotohanang ‘yon ang pagmamahal at respeto mo sa kanya? Ha, Clark?” Sabay pa silang napalingong mag-ama nang iluwa ng pinto ang kanyang Lola Guada. Tinalunton ng matalim nitong titig ang mailap niyang mga mata.

“Ano bang ipinagpuputok ng butsi mong bata ka? Bakla nga ang Tatay mo, tama silang lahat. Tama ka. Pero, alam mo bang mas nagpakalalaki ang anak kong ‘yan nang iwan ka sa kanya ng batugan mong ama, habang kumekerengkeng naman kung saan ang magaling mong ina? Nagpakalalaki siya nang arugain ka niya’t buhaying mag-isa, kahit pa nga maisantabi ultimo ang kanyang totoong pagkatao? Lalaking-lalaki siya nang mahalin ka niya na parang sariling dugo at laman?”

“Inang naman, huwag na po nating guluhin ang isip ng bata. Tama na po,” pakiusap ng kanyang ama. Subalit lumapit pa sa kanya si Lola Guada, dinuro ang namumutla niyang mukha.

“Ang bestidang ‘yon ay hindi kay Domeng kundi sa ‘yo. Doon ka nakabalot nang araw na tanggapin ka niya! Ipinambabalot lang niya ngayon sa kanyang tandayang unan dahil ayaw mo na raw magpayakap sa kanya. Sabi mo raw, binata ka na, kaya ‘yon ang niyayakap niya tuwing gabi. At ang Nanay Delia mo, imahinasyon lang namin ‘yon.”

Hindi nakahuma si Clark sa mga narinig. Ang malalim na emosyong bumabalot sa mag-ina ay mistulang sibat na nanoot hanggang sa kanyang kaluluwa. Tantya niya, hindi nagsisinungaling si Lola Guada. Karampot na lihim lamang ang hiniling niyang malaman, subalit ang sumambulat sa kanya’y kabaliktaran ng niyakap na katotohanan.

“Tatay…” Wala siyang kayang sabihin. Wala siyang maaaring isumbat. Bigla siyang pinanawan ng lakas. Nahilam ang mga mata ng luha. “Tatay ko!” Iyon lamang at niyakap na niya nang mahigpit ang ama. Ang amang kanina-kanina’y hinusgahan niya nang dahil lamang sa isang bestida.

Tama. Hindi na nga siya bata upang hindi maintindihan ang mga bagay-bagay. Hindi man siya minahal ng mga totoong magulang, minahal at inaruga naman nang walang pagaalinlangan ng kinagisnang ama. Amang ipagmamalaki niya sa lahat, kahit pa nga madalas itong magsampay ng bulaklaking bestidang pula.

“Clark, kanino ang bestidang isinasampay ng Tatay Domeng mo? Wala naman kayong kasamang babae dito ‘di ba?”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.