Liwayway

Mamang Sorbetero

- Ni ALEX F. ARETA

Alex Areta

K

AHIT walang tunog ng alarm clock, awtomatiko nang nagigising si Pol pagsapit ng alas dos y media ng madaling-araw. Babangon na siya at magtitimpl­a ng kape; lagi nang naghahanda ng mainit na tubig sa termos si Alma. Hindi na niya gigisingin ang asawa, pagod din ito sa pag-aasikaso sa kanilang anak at sa maliit na sari-sari store na pinagkukun­an nila ng dagdag kabuhayan.

Pero mababaw ring matulog si Alma, nagigising sa mumunting kaluskos at yabag kahit dahandahan ang mga kilos ni Pol.

“Gising ka na pala. Nagkape ka na ba?” “Heto, nagtitimpl­a.” “May tinapay d’yan, gusto mo initin ko nang konti sa kawali.” Wala silang bread toaster.

“Huwag na, ayos na ‘to.” Tinikman niya ang kanyang kape. Saka kumuha ng medyo matigas nang tinapay sa supot na natatakpan ng anti-flies dining table cover sa ibabaw ng mesa.

“Pasensiya ka na, ha... hindi na kita naaasikaso bago ka umalis ng bahay,” may himig ng pagpapauna­wa sa boses ni Alma.

“Naiintindi­han ko naman. Mamaya lang ng konti, magbubukas ka na rin ng tindahan. Tapos isasara mo sandali para ihatid sa school si Marisol.” Pumiraso siya ng tinapay at isinawsaw sa kape, isinubo. Saka nagsalita ulit: “Pasensiya ka na rin. Kung hindi ko iniwan ang dating trabaho ko, maluwag sana tayo.”

“Naiintindi­han ko din kita sa desisyon mo.”

Inubos niya ang kape, binitbit ang luma nang backpack. “Aalis na ako.” “Ingat ka.” Mula sa inuupahang bahay sa may squatter’s area, lalakarin lang ni Pol papunta sa kanyang trabaho. Hindi iyon pangkarani­wang pabrika na may takdang oras ng pagpasok at paglabas. Ice cream factory iyon na ang mga manggagawa’y hawak ang sariling oras. Walang supervisor na magagalit kapag na-late.

Noong una, madalas siyang masita ng nagroronda­ng mga barangay tanod kapag nakita siyang naglalakad sa lansangan sa ganoong dis-oras ng madaling-araw. Sinisita siya, kinakapkap­an. “Ba’t gagalagala ka sa ganitong oras? Patingin nga ng bag mo!” Siya na ang kusang nagbukas ng kanyang backpack, iniuho sa bangketa ang lahat ng

laman. Ayaw niyang bigyan ng pagkakatao­n ang mga ito na “makapagtan­im” ng kung anuman sa kanyang bag. Ang laman: ice cream scoop, kuliling, bimpo at t-shirt, pandan leaves. “Bakit may mga ganito ka?” “Sorbetero ho ako.” Ilang beses pa siyang nasita, at pagkatapos ay kilala na siya. Tinatangua­n na lamang siya pati ng mga pulis kapag nasasalubo­ng siya sa daan.

Pagdating niya sa pabrika ng sorbetes, gising na rin ang mga kasamahan niyang sorbetero. Stay-in ang karamihan sa mga ito, na ang iba’y may kasama pang anak na pinag-aaral dito sa Maynila.

Unang proseso—isang panuntunan­g sinusunod kahit di direktang nakasulat, ang pagpapakit­a ng sorbetero sa tumatayong manager ng pagawaan. Pag nakita nito, alam na kung sino ang sinundan at kung sino ang susunod. Parang pagpila sa mga tanggapan ng gobyerno, parang pagpapalis­ta. Ang una sa listahan, unang makagagami­t ng tinatawag na “freezer”, makina kung saan ginigiling at pinipino ang sorbetes. Kanya-kanyang timpla ang bawat sorbetero—rason kung bakit may masarap na “dirty ice cream” at may magaspang na ay matabang pa.

Panlima na si Pol sa pila kahit alas tres pa lamang nang madaling-araw siya dumating sa ice cream factory. Dalawa ang malaking gas stove na ang gatong ay kerosene gas, gamit sa pagpapakul­o ng tubig, pambanli sa gawgaw na isang sangkap ng sorbetes, may pampabango­ng pandan. Kanya-kanya ring kudkod ng niyog na gagamitin. Gata ang pambanaw sa pinaghalon­g klim at asukal.

Naggagata na ng niyog si Pol nang lapitan ni Ka Amado. “Mabuti maaga kang nakarating. Akong stay-in ay tinanghali ng gising.”

“Awtomatik na ho sa ‘kin, nagigising ako pagpatak ng alas dos,” sagot niya. “Nakaubos ho ba kayo kahapon?”

“Awa ng Diyos ay naubos naman ang tinda ko. Pero mag-aalas onse na kasi nang makauwi ako kagabi.” “Magtitinda ho ulit kayo ngayon?” “Huling-huli na ako sa pila, baka hindi na. Baka magpahinga muna ako ngayon.” Gayon ang buhay ng sorbetero. Hawak ng isang ice cream

vendor ang kanyang oras, puwedeng lumabas at puwede ring hindi. Pero kung hindi magtitinda, wala ring kita.

“Nawili ka na rin sa pagsosorbe­tes, ano?” sabi ulit ni Ka Amado, nang balikan siya pagkatapos nitong kumuha ng iinuming kape.

“Oo nga ho. Salamat ho sa hanapbuhay na itinuro ninyo sa ‘kin.”

“Natawa nga ako noong magsabi ka sa akin, eh... ‘ka mo’y gusto mo ring matutong magtinda ng sorbetes. Napansin mo siguro napatitig ako sa mukha mo, parang di ako makapaniwa­la.” “Nakita ko nga ho ‘yung reaksiyon ninyo noon.” “Seryoso ka ba, ‘ika ko? Sabi mo’y oo, hindi ka ‘ka mo nagbibiro. Kaya ayun, isinama kita rito at ipinakilal­a sa aming manager na si Pidyong.” Maluwag ang patakaran sa ganitong hanapbuhay. Kahit no

read, no write, puwede. Di kailangan ang mga clearances. Ang kailangan lang, malusog ka. May lakas na tatagal sa patayang trabaho. Mula madaling-araw sa pagtitimpl­a at paghahanda ng ilalakong sorbetes, hanggang hatinggabi­ng pagtutulak ng ice

cream cart, sa ilalim ng nakapapaso­ng init ng araw o lamig at ulan pagsapit ng gabi. “Mag-iisang taon na rin ho ‘yun.” “At nag-iba na rin ang kulay mo—magkasing-itim na tayo,” nakatawang dugtong nito. “Dati’y medyo mapusyaw ka.”

Mayamaya’y narinig nila ang sigaw ng manager na si Pidyong. “Pol, susunod ka na.”

Turno na niya upang isalang sa “freezer” ang sorbetes na kanyang ititinda.

MALUNGKOT si Pol nang umuwi sa kanilang bahay. Pasalampak siyang umupo sa sofang kawayan sa makipot na salas, saka tila pagod na pagod na naghubad ng rubber shoes.

“May bumibili sa tindahan kaya di agad kita nasalubong pagdating mo,” sabi ni Alma nang lapitan siya. “O, ba’t malungkot ka?”

“Wala akong kinita. Ni hindi nga nangalahat­i ang tinda kong sorbetes. Kakainis kasing ulan ‘yan!”

“’Wag ka nang malungkot. Kahit paano, may konting benta naman ang tindahan. May pambili pa rin tayo ng pagkain.”

“Kanina nu’ng malakas ang ulan, habang nakasilong ako sa harap ng isang tindahan malapit sa Central Market, ang pangupa natin sa bahay ang iniisip ko. Two-five din ‘yun. Tubig pa, saka ilaw.”

Sa pananahimi­k ng asawa, parang nagi-guilty si Pol. Si Alma ang tipo ng babaeng hindi paladaing, hindi mareklamo. Kapag may problema, tahimik itong gumagawa ng paraan upang makahanap ng solusyon. Katulad ng paglalagay nito ng munting sari-sari store sa harap ng kanilang inuupahan. Dating dalawang libo lang ang renta nila sa bahay, pero ginawang twofive ng kanilang kasera nang maglagay sila ng munting negosyo. “Nakapaglut­o na ako ng hapunan... gusto mo nang kumain?” pag-iiba ni Alma sa tema ng usapan. “Mamaya na, sabay na lang tayo pag nakapagsar­a ka ng tindahan mo. ‘Nga pala, si Marisol?”

“Parating na ‘yun. Pumunta sa bahay ng isang kaklase, may gagawin daw silang assignment.”

“Bakit doon pa sa bahay ng classmate niya, bakit hindi dito na lang sa bahay natin?”

“Walang libro si Marisol, nakikihira­m lang.” Pinag-kinder nila ang anak na si Marisol sa isang maliit na private school. Doon din nag-grade one at grade

two. Noong grade three na ito, tumatagili­d na ang kita ni Pol, nahihirapa­n na silang magbayad ng tuition ng anak. Nang mag

grade four ito, pinag-transfer na nila ito sa public school kasabay ng kanilang pag-alis sa inuupahang apartment at lumipat sila sa maliit na paupahang iyon sa squatter’s area.

“Kung gusto mo, ako muna’ng magbabanta­y sa tindahan, magpahinga ka muna,” sabi niya.

“Ku, hindi na. Ikaw ang magpahinga. Alam kong pagod ka.” Tatalikod na sana ang babae nang may maalala: “Siyanga pala, dumating ‘yung kaibigan mo kanina. Hinahanap ka.” Medyo nangunot ang noo ni Pol, nagtaka: “Kaibigan?” “Si Jim. Nagulat nga ako, eh. Tanong ko sa kanya, paano niya nalaman na dito tayo lumipat. Itinanong daw niya du’n sa huling publicatio­n na pinagsulat­an mo. Ang ganda ng kotse, bago.” “Asensado na pala ang loko.” “Oo nga, eh. Samantalan­g noon, wala siyang binatbat sa iyo sa pagsusulat. Ang mga kuwento mo laging cover story noong nasa komiks pa kayo pareho. Hindi nga makapag-construct ng magandang sentence ang kaibigan mong ‘yun.”

Napangiti si Pol. Number one fan pa rin niya ang asawa. “Bakit daw niya ako hinahanap?”

“Siguro, tungkol pa rin sa pagsusulat. Heto, o. Nag-iwan ng calling card. Puntahan mo raw siya. O kaya tawagan mo raw siya agad. Ang yabang nga, eh... Emphatic pa ang pagkakasab­i ng ‘Pagkakaper­ahan daw ang pag-uusapan ninyo’.”

Isang malalim na dahilan kung bakit tinanggiha­n ni Pol ang alok na trabaho ng kanyang kaibigan na makapag-aahon sana sa kanyang pagiging sorbetero.

Matagal-tagal ding nawalan ng kibo si Pol. Pagkuwa’y bahagya niyang sinilip sa ilalim ng kama ang inaalikabo­k nang kahong kinalalagy­an ng lumang modelo ng Underwood typewriter.

Kamangha-mangha ang utak ng tao. Nakapag-iimbak ito ng mga alaala, ng mga kaganapang nangyari kahit ilanpung taon na ang nagdaan. Gaya ng mga gabing walang tigil ang takatak ng kanyang makinilya sa pagkatha ng mga kuwento. Kinabukasa­n, dadalhin niya iyon sa publicatio­n. Sasalubung­in siya ng mga editor at nakangitin­g sasabihin: “’Yung dinala mo nu’ng isang linggo, may tseke na. Puntahan mo na lang sa accounting.” Ang dali ng pera! At nawala sa merkado ang komiks, tinalo at pinatay ng pagsulpot ng mga modernong tema ng entertainm­ent.

Sa kabila nito, hindi nawalan ng hanapbuhay si Pol. Sumulpot at namayagpag naman ang mga pornograpi­yang babasahin. Mga kuwentong tumatalaka­y sa seksuwalid­ad ng tao, mga erotic stories na nanggigisi­ng ng pagnanasa. Mas mabilis ang pera. Kaliwaan ang bayaran. Sinulat niya ngayong gabi, bukas ay kuwarta na.

Nang panahong iyon, sisiw ang sampung libong renta nila sa apartment. Peanut na peanut ang tuition ng kanilang anak sa private school. Pag sinabi ng titser na kailangan ang ganitong libro, bili agad. Pag kailangan ng ganito at ganoon, takbo agad sa mall. At sa labas na rin sila maghahapun­ang mag-anak. Noon iyon. Noong siya’y hindi pa isang ice cream vendor. “O, ano... natahimik ka na d’yan!” untag ni Alma. “Pupuntahan ko ba si Jim?” tanong niya. “Ikaw. Bahala ka.”

LIHIM na namangha si Pol nang makita ang opisina ng kaibigang si Jim. Dalawang palapag na gusali. Imprenta ang ibaba, tanggapan ang second floor. Wala pa si Jim pagdating niya, isang tauhang babae ang nagpatuloy sa kanya. “Maupo muna po kayo diyan. Parating na ho si sir.”

Sir, naibulong niya sa isip. Kung talento sa pagsusulat ang pag-uusapan, malayo ang agwat niya kay Jim. Sa isang linggo, dalawa o tatlong script lang ang nasisingil nito. Siya, laging mahigit sampu. Pero “sir” na ito ngayon. At siya, sorbetero. Dumating si Jim. Naka-slacks pants, naka-leather

shoes, at signature polo shirt ang pang-itaas. Pagkakita sa kanya, ang luwang ng ngiti. Nagkamay sila nang mahigpit. Tinawag nito ang babaeng kanina’y nagpatuloy sa kanya. Lumapit ang babae. “Sir?”

“Ipagtimpla mo kami ng kape.” “Yes, sir.”

Pagtalikod ng babae, sabi niya kay Jim: “’Lang’ya... sir ka na ngayon.”

Bumungisng­is ito. “Sinabi ko naman sa iyo noon, di ba? Weder-weder lang ‘yan!” “Ganda nitong opisina mo.” “Hindi akin itong building, p’re. Inuupahan ko lang. Pag papalarin, baka mabili ko. Nagpaparam­dam na sa akin ‘yung me-ari.” Nagbukas ito ng drawer ng office desk at may kinuhang magasin, iniabot sa kanya: “O, tingnan mo. Isa ‘yan sa mga magasin na ipinapabli­s ko.” Medyo nagulat si Pol. “Bold ito, ah!” “’Yan ang uso ngayon, p’re. Madaling ibenta. Malakas, lalo na sa mga probinsiya.” “Bawal, di ba?” “Bawal pag nahuli. At huhulihin ka lang naman pag di ka marunong maglagay ng padulas.”

Tiniklop ni Pol ang magasin, hindi niya pinagkaaba­lahang buksan ang mga pahina.

“Kaya kita ipinatawag kasi alam ko ang kapasidad mo sa pagsusulat, pare. Natatandaa­n ko pa nu’ng malakas pa ang komiks, ang bilis mong magsulat. Pinagpi-pen name ka pa ng editor para di magmukhang monopolyad­o mo ‘yung komiks niya.” Huminto sandali si Jim, saka bumuwelo: “Sabi ng misis mo, nagtitinda ka na lang daw ng sorbetes. Sobra ka, bakit ibinaba mo’ng pagkatao mo, e may talento ka naman?” “Marangal na trabaho ang pagtitinda ng sorbetes, p’re.” “Magkano ang kinikita mo ro’n?” “Maliit lang.” “Nakakabuha­y ba ng pamilya?” Nagpakawal­a siya ng mapaklang tawa. “Nakita mo naman, di ba? Buhay pa kami.”

“Ang ibig kong sabihin, ‘yung maalwang buhay. ‘Yung nabibili mo ang gusto mo. ‘Yung hindi mo problema ang pangupa sa bahay at pambili ng pagkain.” “Diretsahin mo na ako. Bakit gusto mo akong makausap?” “Magdadagda­g ako ng tatlong magasin. Hawakan mo. Punuin mo ng mga kuwento mo. Mag-pen name ka. Bibigyan kita ng kinse mil isang buwan.” “Ayoko, p’re. Salamat na lang.” “Beinte mil?” “Ayoko talaga.” “Sige, bibigyan kita ng motorsiklo para may service ka at nang di ka mahirapan sa pagpasok... ano, okey na?”

Pumasok ulit sa opisina ang sekretarya ni Jim. Dala ang dalawang tasang kape. Inilapag sa mesa. Tumalikod. Lumabas.

Si Jim ulit: “Sige na, Pol. Kesa naman magtinda ka lang ng sorbetes... ulanin at arawin ka sa kalye. Mas mabuti na ‘yung narito ka... naka-aircon ka pa.”

Tumayo si Pol. Inilahad ang kamay sa kaibigan. “Salamat sa offer, pare. Pero pasensiya ka na. Hindi ko talaga matatangga­p.”

Lumarawan ang lungkot at pagsuko sa anyo ni Jim. “May kinalaman ba ang pagtanggi mo sa ganitong trabaho sa nangyari sa dalagitang kapatid mo?”

Humugot siya nang malalim na buntunghin­inga. “Oo, p’re. Meron.”

“Na-solve na ‘yung kaso, di ba? Minsan nabasa ko sa diyaryo nahuli na ‘yung gumahasa sa kanya?”

“Oo, nakakulong na nga ‘yung kriminal. Pero ang hindi ko makalimuta­n, ‘yung sinabi niya sa mga pulis. Natukso raw siyang haltakin sa damuhan at gahasain ang kapatid ko, kasi nakabasa raw siya ng bastos na kuwento sa tabloid. Nakita pa sa crime scene ‘yung kopya ng diyaryo.”

Nagkibit-balikat si Jim. “W-well, sige. Hindi kita pipilitin, pare. Pero pag-isipan mo ulit. Isang tawag mo lang, may trabahong naghihinta­y sa ‘yo.”

NAGHIHINTA­Y kay Pol ang anak na si Marisol pag-uwi niya sa bahay.

“Papa, sabi po ni Mama, baka raw po tumigil na kayo sa pagtitinda ng ice cream... babalik na po ba ulit kayo sa dati ninyong trabaho. Magmamakin­ilya ulit kayo sa gabi?”

Masuyo niyang kinalong ang magsisiyam na taong gulang na batang babae. “Sa ngayon anak, wala pa. Magtitinda pa rin ako ng sorbetes. Pero sa mga susunod na araw, baka sakaling makapagsul­at ulit si Papa.”

“Di ba po marami tayong pera nu’ng lagi kayong nagmamakin­ilya?”

Natawa siya. “Ganito ‘yun. Dapat kasi iniisip din ng tao kung saan ba nanggagali­ng ang pera niya. Galing ba sa mabuti, o galing sa masama. At ‘yung mga kuwentong sabi mo nga e minamakini­lya ko, nakakalaso­n ba ng isip, o nakapagpap­ayaman ng kaalaman.”

Nangunot ang noo ng batang babae. “Hindi ko maintindih­an, papa?”

“Bata ka pa kasi. Pag medyo malaki ka na, ipapaliwan­ag namin sa iyo ng mama mo.”

Kinabukasa­n, eksaktong alas-dos y medya ng madaling-araw, kusang nagising si Pol. Marahan ang kilos niya nang bumangon. Nagkape. Saka isinakbat ang lumang backpack. Simula na naman ng mahabang araw ng isang sorbetero.

 ??  ?? “Siyanga pala, dumating ‘yung kaibigan mo kanina. Hinahanap ka.”
Medyo nangunot ang noo ni Pol, nagtaka: “Kaibigan?”
“Siyanga pala, dumating ‘yung kaibigan mo kanina. Hinahanap ka.” Medyo nangunot ang noo ni Pol, nagtaka: “Kaibigan?”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines