Air BNB: Murang Tirahan Kahit Saan

Liwayway - - Mga Nilalaman - Ni NESTOR CUARTERO

Nestor Cuartero

NATUWA ang pamilya sa aming isang linggong biyahe sa Osaka, Japan nitong Mayo.

Kay babait ng mga Hapon. Kay sasarap ng pagkain, na di naman kamahalan kung marunong kang tumingin at maghanap.

Nadiskubre ni Isabella ang isang super sarap na ramen sa isang sulok ng kalye. Isang maliit na restawran naman na gumagawa ng kay sarap na curry dishes ang nahanap ni Jao.

Ang sarap ding sumakay sa kanilang tren na anong bilis at napakasistematiko.

Bukod sa lahat, mura lang ang aming naging tirahan. Ilang buwan pa kasi bago bumiyahe, nag-book na si Maria Cecile ng studio apartment sa may Matsuyamachi area, Osaka sa pamamagitan ng tinatawag na Airbnb.

Nasa second floor ng isang 4-storey brick building, ang apartment ni Yoko ay maliit lang ngunit kumpleto sa gamit.

Malinis din ito at hindi ka mandidiri. May dalawang kama na kasya ang dalawa. Tama lang sa partido naming apat.

May banyong may hot and cold water, lutuan, TV set, payong, tsinelas, bedsheets, tuwalya, at wi-fi. Lumabas na hindi pa lumagpas sa 2,500 pesos ang naging bayad namin kada araw sa

apartment ni Yoko. Ang maganda pa nito, ang apartment, bagama’t tahimik ang kapaligiran, ay walking distance lamang sa palengke, maliliit na restoran, shops at iba pa.

Sulit na sulit ang pagtira namin sa lugar na ito, salamat kay Yoko at sa Airbnb. Saan at paano ba nagsimula ang Airbnb? Noong ginanap sa San Francisco, California ang Industrial Designers Society of America’s conference noong October 2007, walang matirahan ang ilang delegado.

Fully booked ang lahat ng hotel na nakalista sa website ng conference.

Dahil dito, nagkaroon ng ideya ang dalawang kabataan sa lugar, sina Brian Chesky at Joe Gebbia, kung paano kumita ng pera. Ginamit nila ang bakanteng kuwarto sa kanilang bahay at pinost ito sa internet bilang ‘room for rent.’

Ngayon ay kumikita na ng milyun-milyon ang kanilang

kumpanyang kumalat na sa buong mundo.

Tinawag nila itong Airbnb o Air Bed and Breakfast. Ang pangalang ito ay alay nila sa kanilang unang customer na nagbayad sa kanila ng $80 para matulog ng isang gabi at mabigyan ng almusal kinabukasan.

Nadiskubre nina Chesky at Gebbia na ang pagpaparenta ng bakanteng kuwarto ay isang maganda at bagong paraan para kumita.

Hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ito at mas lalo pang lumalaki. Ang Airbnb sa kasalukuyan ay kahanay na ng mga malalaking hotel sa larangan ng bookings.

Sa isang interview kay Chesky, sinabi niya na mahigit pa sa 140,000 katao sa buong mundo ang nanunuluyan sa mga Airbnb rooms.

Tumataas at umaabot pa raw ito mahigit sa 200,000 tuwing

summer, kung kailan ‘peak season’ ng mga turista. Ang Airbnb ay may mahigit 23,000 rooms na maaaring paupahan sa New York City. Mayroon namang mahigit 24,000

rooms sa Paris. Sa buong mundo, matatagpuan ang Airbnb sa may 34,000 na siyudad sa 192 na bansa. Maging sa China ay bukas na rin ang Airbnb.

Mula nang nagsimula ang Airbnb ay mas lumawak na ang serbisyo nito. Mula sa mga simpleng kuwarto ay mayroon ding nakatala na 600 castles, dose-dosenang igloo, mga tent, at mga maliliit na bahay.

Mayroon din silang inaalok na mga tree house para sa mga taong mahilig sa adventure. Matagal na paghihintay nga lang ang kailangang tiisin dahil umaabot sa anim na buwan ang paghihintay para makatuloy sa kanilang mga tree house.

Gaya rin dito sa atin, ang pagpaparenta ng bakanteng kuwarto ay malaking tulong sa budget ng pamilya. Limampung porsiyento ng Airbnb subscribers ay nagsabi na nakadepende sila sa kanilang kinikita mula sa renta. May downside ba ang Airbnb? Dahil may mga taong hindi mo kilala na titira sa tahanan mo, kailangan mo lamang matutong magtiwala.

Maaari ka namang magbigay ng iyong ‘feedback’ o komento sa mga taong makakasama mo gamit ang website ng Airbnb.

Sa Osaka Castle

Isang eksena sa Osaka Ocean Park

Ang babae sa piling ng mga usa sa Nara

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.