Pag-Usapan Natin!
Tukso
Kuya Sam
DEAR KUYA SAM: Maraming salamat sa pagkakataon na ibinigay mo sa akin. Masugid po akong mambabasa nitong lingguhang Liwayway. Ako nga pala si Amethyst, 22 taong gulang, dalaga, taga-Leyte ngunit nasa Maynila na ngayon at nagtatrabaho sa isang department store.
Para maintindihan mo, hayaan mong isalaysay ko ang detalye ng problema ko, Kuya Sam. Ganito po iyon:
Pumunta sa aking boarding house ang kasamahan ko sa trabaho na si Fely kasama ang kanyang boyfriend na si Sammy. Ipinagluto ko sila ng sinigang dahil ito raw ang paborito ni Sammy. Pagkatapos naming kumain, umalis si Fely dahil biglang dumating ang kanyang pinsan galing Bicol at susunduin niya ito sa terminal at babalik na lang daw siya sa boarding house pagkatapos niya nitong maihatid sa kanilang tiyahin sa Imus, Cavite. Naiwan si Sam at ako sa boarding house.
Dahil may kaunting alak na natira sa birthday ko, pakonti-konti kaming uminom si Sammy hanggang sa nalasing na kami. Natagalan din si Fely dahil biglang buhos ang ulan at baha.
Kuya Sam, hindi alam ni Fely na may pagtingin ako kay Sammy. Hindi rin ito alam ni Sammy. Kahit noong hindi pa naging sila, may big crush na ako kay Sammy. Grabe ang selos ko noong nalaman ko na naging item na sina Fely at Sammy.
Noong panahon na iyon, may nangyari talaga sa amin ni Sammy. Nang dumating si Fely, patay-malisya lang kami. Sa tingin ko, wala namang pagdududa si Fely. Hindi rin naman kami nagpahalata ni Sammy.
Hindi ko alam kong paano iproseso ang pangyayari, Kuya Sam. Opo, alam ko na walang damdamin para sa akin si Sammy. Utos ng alak at tawag ng laman lang ang nangyari. No commitment, nothing in between, malinaw iyon. Pero may nangyari, di ba? Worse, di na ako dinatnan ng aking period.
Sana mabahaginan mo ako ng inyong ginintuang payo. – AMETHYST
DEAR AMETHYST: Hindi ka naman siguro pinilit ni Sammy. At saka kagustuhan mo rin ang nangyari— ninyong dalawa. Kaya huwag kang aasa na mamahalin ka niya. Ang pananagutan ni Sammy ay limitado lang sa magiging anak ninyo, kung sakali magiging bata ang resulta ng inyong nakaw na pagniniig. Sa madaling salita, wala kang maaasahan sa kanya dahil hindi natin kayang bilhin ang pag-ibig. May sariling kaparaanan ang pag-ibig na hindi natin mapipilit kung wala talagang tibok sa puso. Ganoon ang nangyari sa inyo ni Sammy. Ikaw lang ang meron, si Sammy wala.
At saka isipin mo rin na napakalaking kahihiyan kung agawin mo si Sammy sa piling ni Fely. Magkaibigan kayo ni Fely, Amethyst. Kahit sa ngalan na lang ng pakikipagkaibigan, hayaan mo silang lumigaya. Subukin mong baligtarin ang sitwasyon, ikaw ang susuot sa sapatos ni Fely, matutuwa ka kaya kapag tinraydor ka ng matalik mong kaibigan?
Huwag mo nang pasukin ang isang iskandalosong sitwasyon, Amethyst. Napakatahimik ng buhay mo, huwag mo nang guluhin. Sana hindi ka buntis. Sana. Dahil kung nagdadalantao ka, paano mo ba ito maipaliwanag kay Fely?
Aminin mo na lang na natukso ka, kayo ni Sammy. At saka ikaw na rin ang nagsabi na ginawa ninyo iyon na walang
commitment. Meaning, parang dumumi lang na pagkatapos maiflush ang kubeta, wala nang iisipin. – KUYA SAM