Buklat /Mulat
Dr. Eugene Y. Evasco
AKMA para sa pagtatapos sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, pagbubukas ng mga klase, at sa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Aklat Pambata ang “Tumba-tumba: Children’s Museum of Philippine Art” na tampok sa Jorge B. Vargas Museum sa pangunguna ng The Center for Art, New Ventures, and Sustainable Development (CANVAS). Nagbukas ito noong ika-19 ng Hunyo at matutunghayan hanggang ika-27 ng Hulyo, 2018.
Mapalad akong maimbitahan sa pagbubukas ng exhibit bilang awtor ng isang aklat pambata na kanilang inilunsad—
Ang Aklatang Pusa (The Cat Library) na may mga ilustrasyon at eskultura ni Jared Yotke. Nangangako ang nasabing exhibit na maging “fun, interactive, memorable, filled with stories, and
triggers for imagination.” Ang mga pangakong nabanggit ang gagamitin kong pamantayan sa pagsusuri ng aking kaunaunahang danas sa isang art museum para sa mga bata.
Ito ang kauna-unahang pagsisikap ng CANVAS na ipakita sa publiko ang kanilang pangarap na museong pambata. Sa bungad pa lamang, makikita na ang seksiyon ng “Abubot” na naglalaman ng mga sining buhat sa mga bagay na nawawala, itinapon, at nahanap. Bukod sa hitik sa sopresa ang bahaging ito ng museo, napahalagahan sa mga likhangsining na maaaring makalikha ng extraordinaryo mula sa mga karaniwang bagay. Naibigan ko ang isang likha ng siyudad na yari sa mga staple wire o staples. Makaagaw-pansin din ang isang ukit ng aklat na yari sa kahoy. Nagtatalo kaming magkakaibigan kung ito ba’y ukit o isang pinatigas na lumang aklat.
Pangalawang bahagi ay ang Children’s Stories (CANVAS, 2018) mula sa pananaliksik at mga likhang-sining ni Renato Barja. Ito’y naisaaklat din sa panulat nina Daniel Tayona at Gigo Alampay. Ayon kay Barja, “dalawang dekada niyang nilikom ang mga kuwento” buhat sa kaniyang engkuwentro sa iba’t ibang bata sa bansa.
Sensitibo ang nilalaman ng aklat na ito at nangangailangan ng patnubay ng magulang o mas nakatatanda kung babasahin para sa mga bata. Tampok sa exhibit ang mga eskultura at pintura ni Renato Barja. Kung papansinin ang guhit sa mga bata, halos lahat ay gulat ang mga mata, naglalaman ng mga tanong, o kaya nama’y tulalang nakatitig sa sinuman. Maiuugnay sa kaniyang likha ang mga pelikula ni Tim Burton, partikular na ang The Nightmare Before Christmas at Corpse
Bride. May kapangyarihan itong manligalig ng konsensiya ng tumutunghay.
Tampok sa aklat ang mumunting kuwento ng mga batang may kakaibang karanasan na hindi madalas mabasa sa mga karaniwang aklat pambata. Narito ang kuwento at danas ng batang bulag na mang-aawit, batang “nangangalakal” o naghahanap ng kabuhayan sa basurahan, batang hikain, batang maninisid, batang anak ng OFW, batang siga (bully), batang nanlilimos, batang lulong sa shabu at sa rugby, batang bakwit, batang mandirigma, at dalawang batang laki sa isang beerhouse.
Bulong sa akin ng kaibigan, ang mga pinturang tampok ay hinding-hindi maisasabit sa bahay bilang dekorasyon. Ang mga eskultura ay hindi nilikha upang maging dekorasyon sa mga silid ng bata. Sang-ayon ako rito. Hindi ito ang tipikal na pinturang naisasabit sa sala o sa kusina. Ngunit hindi ibig sabihin na wala itong halaga. Hindi naman ipinipinta ang sining upang maging palamuti sa tahanan. Makapangyarihan ang sining ni Barja upang imulat ang mga bata sa ibang danas ng kaniyang kapwa-bata. Ipinapakilala nito na hindi laging masaya at makulay ang daigdig. Isang silip ito sa marahas na realidad ng lipunan.
Pangatlong bahagi ang Ang Aklatang Pusa (CANVAS, 2018) na aking isinulat buhat sa pintura ni Jared Yotke na nakabase sa Tarlac. Sa aking pakiramdam, ang bahaging ito ang exhibit ay isang pahinga buhat sa seryosong nilalaman ng naunang bahagi. Litaw ang pagiging interaktibo sa bahaging ito. Maaaring hawakan ang mga ukit na pusa sa museo, tila paghimas sa isang alagang pusa. Napakahusay ni Yotke sa pagpili ng mga kilos at anyo ng mga pusa. Nagkalat ang mga ukit sa museo upang mailarawan ang munting aklatan ng isang retiradong librarian na nag-ampon ng mga kuting at pusa. May mga pusang nag-iinat, may pusang lumulukso, may pusang naghihikab, may pusang naglalambing, may
pusang alerto sa isang paparating na panauhin.
Napahalagahan ko ang konsepto sa bahaging ito na itinatampok ang mga elemento sa aking kuwento—ang kahon ng mga itim na kuting na itinapon sa bakuran ni Aling Salvacion, ang card catalog o
library catalog na naglalaman ng impormasyon sa personalidad ng mga inampon na pusa, ang mga estante ng aklat na pinamugaran ng mga pusa, at ang nagkalat na pusa sa paligid na may nakarekord pang mga ngiyaw.
Nagtagumpay si Yotke na bigyang-buhay ang mga karakter sa aking kuwento. Makikita sa kaniyang mga pintura na gamit ang
acrylic ang tiyaga sa paglalarawan ng mga eksena at emosyon. Nais niyang maging multisensory ang karanasan sa exhibit kaya may tunog at mga sining-biswal. Lumikha pa siya ng “Cats and Ladders,” isang
board game na nakapinta sa mesang kahoy. Nanghihinayang lang ako na walang amoy ang pagdumi sa litter box ng isang inukit na pusa. (Baka magalit ang pamunuan ng Vargas Museum.)
Paakyat ng museo, makikita ng mga bisita ang likhang “Lampara” (2018) ni Elmer Borlongan. Natuwa kong may gawain sa bahaging ito na pinapaguhit ang mga bata ng nakadispley na antigong lampara sa mesa. Natural nga namang hikayatin ang mga bata na maging artist pagkaraang bumisita sa isang art museum. Maghahatid din ng saya at pagkamangha sa mga bata ang mixed
metals automaton na “The Longest Distance” nina Daniel dela Cruz at Micah Alampay. Sana’y may paliwanag ang likhang ito na maaari itong paglaruan dahil sa mga unang bisita ko, hindi ito ginagalaw ng mga tao. May patakaran kasi sa mga museo sa daigdig na bawal hipuin o galawin ang mga likhang-sining o artifact.
Naibigan ko rin ang “Bak(w)it?” (2018) ni Archie Oclos, isang tanyag na street artist at pintor ng mga mural na kadalasang nagtatampok ng mga usaping panlipunan at danas ng mga lumad o katutubo. Una kong naengkuwentro ang kaniyang likha sa isang dingding ng mall sa Taguig na inilarawan ang mukha at disenyo ni Whang-od Oggay, isang mambabatok mulang Kalinga. Sa kaniyang likha para sa museong pambata, itinanghal ang buhay ng mga batang Aeta na naglalaro at mga batang lumad na nagdarasal. Gaya ng mga likha ni Borja, layunin ng sining ni Oclos na ipasilip sa mga bata ang danas ng ibang batang katutubo mula sa kabundukan ng Pampanga at Mindanao.
Huling bahagi ng museo ang Ipapasyal Namin si Lolo (CANVAS, 2018) buhat sa panulat ni Genaro Gojo Cruz at mga sining-biswal ni Arvi Fetalvero. Tungkol sa alaala ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang kuwento at ang mga sining-biswal. Nagkalat sa bahaging ito ng museo ang mga origami, ang mga eroplanong papel (na inilarawang umiipot na ibon sa kuwento), mga lumang larawang pampamilya at ng kasal, mga lumang gamit, tumba-tumba, at isang maletang naglalaman ng mga alaala.
Lahat ng mga pintura ni Fetalvero ay nasa oleo o oil painting na sepia. Idagdag pa ang ibang mga artifact na nagpapaalala ng isang museo ng kasaysayan o kaya’y pagpasok sa isang lumang tahanan sa lalawigan.
Mabisa ang paglalarawan ni Fetalvero para sa exhibit at para sa aklat pambata. Litaw ang kaniyang pananaliksik sa malagim na nakalipas—ang eskuwelahang Gabaldon, ang lumang tulay, ang lumang simbahan, at ang lumang tahanan na hindi nakaligtas sa lagim ng digmaan.
Naibigan ko ang kaniyang teknik ng pagtatagpo ng luma at bagong imahen, ng nakaraan at ng kasalukuyan sa kaniyang mga pinta. Napag-ugnay niya ang mga ito na siya ring hangarin ng kuwento—ang muling makaalala, makalikha, at maghilom sa isang kahindik-hindik na yugto ng ating kasaysayan.
Binabati ko ang CANVAS sa kanilang pagsusumikap na itanghal ang sining para sa mga bata. Mainam ito upang maipakilala sa mga bata na mayaman ang ating bansa sa sining na hindi lamang eskapista (escapist) at nang-aaliw, kundi may kakayahang palawakin ang imahinasyon at manghikayat ng pakikisangkot sa mga usaping pangkasaysayan at panlipunan. Hangad kong magkaroon ng permanenteng museong pambata para sa sining ang ating bansa sa lalong madaling panahon.