Sibuyas At Bawang (15)

Liwayway - - Mga Nilalaman - Neri Jedeliz

(IKA-15 NA LABAS)

NASINDAK din si Lumen nang sabihin ni Clara na may sunog sa kanilang Sibuyas at Bawang Restaurant. Dali-daling tinungo niya ang restoran.

Nang makarating siya roon ay nakita niyang may dalawang trak ng bombero na nakahimpil sa paligid. Mukhang nasawata na ng mga bombero ang sunog kahit may kaunting usok pang pumaimbulog sa bahagi ng kusina. Bahagi ng kusina lang pala ang natupok ng apoy.

Nakita niya si Rommel na may kausap na dalawang pulis. Kaagad siyang lumapit.

“Rommel!” ani Lumen na saglit na yumakap sa binata.

“Lumen!”

“Paano nangyari ito?” “Nasunog ang bahagi ng kusina. Mabuti’t dumating kaagad ang mga bombero kaya di na kumalat ang apoy. S’werte nga’t walang nasaktan sa ating mga tauhan.”

“Ang ating mga tauhan, nasaan sila?”

“Tapos naman ang pagsisiyasat ng mga pulis kaya pinauwi ko na muna sila. Tatawagin na lang natin sila upang bumalik sa trabaho kong matapos nang mapagawa ang nasunog na kusina. Marahil isang buwang gagawin ang pagkukumpuni nito.”

Nagpaalam si Rommel sa mga pulis at hinila si Lumen papasok sa bulwagan ng restoran na di naman naabot ng sunog. Kusina lang talaga ang natupok.

“Paano nangyari ang sunog? Kumpleto naman tayo ng mga fire

extinguisher at di naman fire hazard ang ating restoran,” tanong ni Lumen.

“Totoo ‘yan. Kaya ang aking hinala at kahit ang hinala ng mga imbestigador ay mukhang sinadya ang pagkasunog. Sa pagsisiyasat ng arson investigator, isang tangke daw ng gas ang sumingaw at hindi napansin ng ating mga cook. Bigla na lang daw sumabog na siyang pinagmulan ng sunog. Buti’t nasa likuran ng restoran ang sumabog na tangke ng gas kaya nakatakbo upang umiwas ang ating

mga tauhan.” Bilang precautionary measure, ang mga tangke ng gas ay nasa likuran ng kusina at napaikutan ng halang na kahon na kongreta.

“Paanong sumabog ang tangke ng gas na ating ginagamit e, isang respetadong kompanya ng gas ang nagsu-supply sa atin ng gas? Panay bago nga ang tangke ng gas na dinadala rito sa atin.”

“Nagpunta rin dito ang ahente ng kompanya ng gas na ating kinukunan. Di raw kanila ang tangke ng gas na sumabog. Buti’t kusina lang ang natupok. Di gaanong napinsala ang buong restoran.”

“Kung gayo’y me nakahalong ibang tangke ng gas na nakapasok rito sa atin. Kung sino man ang nagdala nitong tangke na sumabog ay iyon ang nagpasimuno ng sunog. Rommel, may mga taong gusto tayong pinsalain.”

“Totoo ‘yan, Lumen. Me mga tao ngayon na gustong bigyan tayo ng sakit ng ulo. Extortion ang tawag dito.” “Sino kaya ang mga taong ito, Rommel?” Ilang saglit silang nagkatitigan. Kapwa silang napabuntunghininga.

“Kung sino man sila, ang hangad lang nila sa ngayon ay bigyan tayo ng babala,” muling nawika ni Rommel. “Ibig lang nilang takutin tayo, pahaging lang muna. Isa lang itong mensahe sa atin, na kung di natin maibigay ang gusto nila’y baka puruhan na ang tama.” “Me kaugnayan kaya rito ang pangkat ni Brigida?” Muling nagkatitigan sila. Muling napabuntunghinga. “Ang hula mo, Lumen, ay hula ko rin. Malamang na sangkot rito ang pangkat ni Brigida,” ani Rommel.

Masusing tinitigan ni Lumen si Rommel bago nagsalita. “Rommel, di ko ito naipagtapat sa ‘yo. Ang totoo’y nakipagkita na ako kay Brigida sapagkat me mga bagay na nais kung malaman at gumugulo sa aking isipan.”

“Kung gayo’y nag-usap pala kayo. Ano naman ang nalaman mo?”

“Nalaman kong binigyan mo pala siya ng dalawang milyong piso.”

“Totoo ‘yon,” pag-amin ni Rommel na napangiti. “Alam mo ba kung bakit binigyan ko siya ng dalawang milyong piso?” Si Rommel naman ang masusing nakatitig kay Lumen.

Si Lumen naman ang napayuko. Tila di niya masasalubong ang mga titig ng binata. Nahuhulaan na niya kung ano ang nasa isip ni Rommel, na siya namang inamin ni Brigida sa kanya. Tila nauulinigan pa niya ang sinabi ni Brigida nang magharap sila: Ang totoo’y naiinggit ako sa ‘yo, Lumen. Sapagkat talagang mahal na mahal ka ni Rommel. Di biro na ang isang lalaki ay magpakawala ng dalawang milyon piso para lamang sa babaeng kanyang minamahal.”

“Ginawa ko ‘yon upang huwag na niya tayong gambalain,” narinig ni Lumen na sambit ni Rommel. Gusto kung mamuhay na tayo ng tahimik, Lumen.” Di nakahuma si Lumen na nananatiling nakayuko. “Ngunit ang mga taong sakim ay di kailan man makuntento,” patuloy ni Rommel. “Kailan lang, muling nakipagkita sa akin si Brigida at humingi na naman ng dalawang milyong piso. Di na ako pumayag. Alam kung blackmail itong kanyang ginagawa, at ang blackmail ay di titigil hangga’t nagbibigay ang biktima. Binantaan niya ako. Ngayon extortion naman ang kanyang ginagawa.”

“Talagang mapusok itong si Brigida,” tugon ni Lumen na napapailing. “Malaking pinsala sa iyong ari-arian ang kanyang ginagawa.”

“Okey lang kung ari-arian lang ang mapipinsala. Madaling palitan ang pag-aari. Ngunit ang pinsala sa buhay ng tao ang siyang dapat pangingilagan.” “Bakit?” “Mukhang sinusukat nila ang aking kakayahan bilang lalaki. Banta lang ang nangyayari ngayon. Pero baka ang banta ay maging totoo.” “Me nangyari ba?”

“Lately, sa pakiramdam ko’y parang me mga taong nakabuntot sa akin, lalo na sa gabi. Kaya iniwasan ko na ang lumakad sa madilim. Gaya ng nangyari noong isang gabi.” “Ano’ng nangyari?” “Kung minsan di ko ginagamit ang aking kotse at kung minsan ay gusto ko ring lumakad o mag-jogging upang makapag-exercise. Isang gabi’y, papunta ako sa ating restoran at closing time na. Di ko dala ang aking kotse at mula sa kabilang kanto lumakad lang ako. Nang mapadaan ako sa madilim na sulok ng kalye’y dalawang tao ang humarang sa akin. May hawak silang pamalo. Sinugod ako.” “Ha?” namutla rin si Lumen. “Di alam nitong mga tao na isa akong Taekwando master.

Blackbelter ako sa karate. Doon sa States, minsan naging kampeon ako sa isang torneo sa Taekwando. Kung mga tambay lang naman sa kalye ang maengk’wentro ko’y pinipitik ko lang ‘yan sa ilong.” “Para ka palang si Jackie Chan. O, pinitik mo?” “Pinatikim ko ng medyo mabigat. Lumaban, e. Ilang sandali pa’y iniwan ko ang dalawa na nakalugmok sa kanal. Binigyan ko lang ng leks’yon.”

Napabuntunghininga si Lumen. Naisip niyang kung itinuloy pala niya ang pagmamaldita noon kay Rommel ay baka napitik din siya sa ilong.

“Mahirap kong baril na ang gagamitin. Di mo mapitik ang bala,” nawika ni Lumen.

“Totoo ‘yan. Baka kalauna’y di na pamalo ang kanilang gagamitin. Baka pumuputok na. Ngunit huwag kang magalala. Naitimbre ko na sila sa mga alagad ng batas. Under surveillance na sila ng PDEA. Ang iba’y natokhang na nga.” “Magkape muna tayo. Pampaluwag ng dibdib,” sabi ni Lumen na tumayo upang magtimpla ng kape. Kahit sa counter ay di nawawalan ng mainit na tubig sa termos.

Tinimplahan niya ng kape ang dalawang tasa at ang isa’y iniabot kay Rommel.

“Ano ngayon ang balak mo, Rommel?” ani Lumen matapos makahigop ng kape.

“Balak kong ipa-renovate muna itong ating restoran hindi lang ang kusina kundi’y pati na ang bulwagan. Isang major renovation, upang lalong gumanda. Magpahinga muna tayo ng isang buwan habang ginagawa pa ang renovation nitong ating restaurant.”

“Maganda ang iniisip mo. Habang ginagawa ang renovation, magbakasyon muna tayo.” “Tayong dalawang magkasama?” “Hindi. Magbakasyon ka kung saan ang gusto mo. Ako, uuwi muna sa aming probins’ya. May aasikasuhin lang ako.”

Naalala ni Lumen ang napag-usapan nila ni Atty. Richard White, ang abogado ng kanyang yumaong ama. Sasabihin kaya niya kay Rommel ang malaking kayamanan na kanyang namana?

Naging marahas na ngayon ang mga katunggali nina Rommel at Lumen. Kaya pansamantala, dapat munang magkahiwalay ang dalawa.

Marahil, sa tamang panahon. “Lumen, nais ko ngang ilayo ka muna rito upang makaiwas ka sa gulo.” “Ako lang? Paano kayo?” “Siyempre maiwan ako rito. Ako ang mamamahala sa renovation ng ating restoran. Kung tungkol sa akin wala kang dapat na ipangamba. Lalaki ako at kaya kong harapan ang mga taong gustong maminsala sa atin. Ikaw ang inaalala ko, Lumen. Baka pati ikaw ay idamay nila.”

Di nakahuma si Lumen. Naalala niya ang nabanggit ni Boy Batman na may mga tao daw na bumubuntot sa kanya. Naisip niyang di lamang si Brigida ang magkainteres sa kanya. Naalala din niya si Atty. Pedro Paguntalan na abogado ni Ramona Monteverde. Mangyaring gagawin ni Ramona ang anumang masamang balak nito upang mapigilan lang na mailipat sa kanya ang malaking kayamanang kanyang namana.

“Ano sa palagay mo, pati ba ikaw ay target din nila?” si Rommel. “Medyo.” “Ang mga walanghiya! Pag ako ang magalit baka kung saansaan lang sila pupulutin!” pagpupuyos ni Rommel.

“Relaks ka lang. Banta lang ‘yan. Alam naman nilang wala silang mapakinabangan kung totoong laban na ang mangyari. Pera lang ang kelangan nila. At wala silang makukuhang pera sa isang patay. Di naman sila mga bobo.”

Magsasalita pa sana si Rommel, ngunit may lumapit na isang pulis.

“Sir, gusto po kayong makausap ni hepe. Me itatanong daw siya sa inyo,” anang pulis. Tumayo si Rommel. “Sige, Lumen. Doon ka muna tumigil sa bahay. Kasama mo si Mama. Walang manggulo doon at me mga security

guard doon,” ani Rommel. Tumango lang si Lumen.

SAMANTALA…

Sa isang abandonadong bodega na ginawang hideout nina Brigida, nag-uusap ang pangkat.

“Bakit naririto tayo sa mabahong bodegang ito? Bakit di doon sa klab, para naman magasolihan ang ating lalamunan habang nag-uusap?” tanong ni Pedro singkit.

“Pagkatapos ng nangyaring sunog sa restoran ni Rommel, di malayong mangyaring hagilapin din tayo ng mga pulis upang sasayasatin,” tugon ni Brigida. “Maglaylo muna tayo. Malinis ba ang pagmaniobra ninyo sa sunog?”

“Malinis, Boss. Ang tangke ng gas na inihalo namin sa kanilang delivery ng gas ay di nila ma-trace kung saan nanggaling. Nanggaling ‘yon sa negosyong scrap iron ng katropa ko,” sambit ni Diego.

“Ano ang susunod nating gawin upang mahimasmasan si Rommel?” tanong naman ni Kardo.

“Planuhin natin ‘yan. Huwag muna kayong gumamit ng nakamamatay, o sandatang pumuputok. Sagi-sagi lang muna.”

“Mahirap din pala itong si Rommel kalabanin. Di bastabasta. Nang harangin namin doon sa kanto, kapwa kaming tumiwarik sa kanal. Hangga’t ngayon me black-eye pa kami ni Pedro.”

“Nakalimutan ko palang sabihin sa inyo na isa siyang blackbelter sa Taekwando. Isa rin siyang sharpshooter. Doon sa Amerka, ilang torneo sa shooting ang napanalunan niya.”

“Ako naman kaya ang sasagi sa kanya. Gamitan ko ng patalim.”

“Gago! Sabi ko’y wala muna ng nakamamatay. Di tayo makakuha ng pera sa isang taong patay na.” “E, ano na lang ang gagawin natin?” “Kung di natin makaya si Rommel sa harapan, p’wede namang talikuran. Siguradong me Achilles heel din siya

o Waterloo.”

“Ano ba ang Achilles heel o Waterloo, Bossing?” “Ang Achilles heel, kasaysayan sa isang karakter sa Greek Methology kung saan itong si Achilles ay di tinatablan ng anumang sandata kung tatamaan sa katawan. Ngunit p’wede siyang tatablan sa tendon ng kanyang talampakan. Diyan lang siya p’wedeng mamamatay. Ang Waterloo naman, isa itong lugal kung saan nagapi ang malakas na army noon ng matapang na heneral na si Napoleon Bonaparte. Kaya itong Achilles

heel o Waterloo, parang naging simbolo na ng downfall o kahinaan ng isang tao.” “Kung gayon me kahinaan din itong si Rommel?” “Meron. D’yan natin siya magagapi.” “Ano iyon?” “Si Lumen! Sa pamamagitan ni Lumen, natitiyak kong mapalambot natin ang katigasan ni Rommel upang maibigay niya ang dagdag kong hinihingi.” “Kung gayon si Lumen naman ang ating kakalabitin.” Tawanan ang grupo na patuloy ang tungga sa laman ng kuwatro kantos.

NANG makauwi si Rommel sa kanilang bahay, tinanong niya ang katulong na si Inday kung nasaan si Lumen. Tulog na si Mama niya ng mga sandaling iyon.

“Di nakauwi rito si Lumen? Gabi na, a.” “Hindi po, Sir. Pero may text siya sa akin.” “Ano raw? “Kapag dumating na raw kayo, puntahan mo siya sa lugal na ito.”

Tiningnan ni Rommel sa selpon ni Inday kung anong lugal ang nasa teks.

“Aba,” nagtataka rin si Rommel. Pero dali-dali siyang umalis sakay ng kanyang kotse upang puntahan si Lumen.

Sa Boulevard siya napagawi. Ang lugal na nabanggit ni Lumen ay isang five star hotel. Nagtanong siya sa information

desk. Naririyan nga ang pangalan ni Lumen na naka-check in sa isang silid sa third floor ng hotel. Sumakay siya sa elevator upang maabot ang third floor. Natagpuan naman niya kaagad ang numero ng silid. Nang kumatok siya at mabuksan ni Lumen ang silid, nagulat siya sa kanyang nakita. Malaki rin ang silid. May isang magandang matrimonial bed sa isang sulok at may katamtamang laking mesa sa gitna na napaikutan ng mga silya. May mga pagkain sa hapag at may isa pang bote ng champagne at ice bucket na puno ng yelo.

Walang kaabug-abog na umupo si Lumen sa isang silya sa harap ng hapag ng mga pagkain at alak.

“Aba, ano ba ito, Lumen?” napamangha na tanong ni Rommel.

“Umupo ka, Rommel,” nakangiting tugon ni lumen. “Saluhan mo ako sa ating last supper!”

(ITUTULOY)

Si Lumen naman ang napayuko. Tila di niya masasalubong ang mga titig ng binata. Nahuhulaan na niya kung ano ang nasa isip ni Rommel.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.