Ang Tapayan Ni Tatay

Liwayway - - Mga Nilalaman - Armando T. Francisco

KAPAG isinasama akong mamasyal ng kaklase ko sa kanilang bahay, lagi kong nakikita at pinagmamasdan ang mga tapayan na naka-display sa kanilang sala. Ang ganda kasi ng mga ito. Bukod sa may mga kulay, mayroon din itong mga disenyong bulaklak at dragon. Ang sabi niya sa akin, nabili raw ito ng kanyang nanay sa tindahan ng mga Intsik sa Binondo. “Kayo, may tapayan din ba?” tanong ng kaklase ko sa akin.

“Oo,” sagot ko. “Kaya lang luma na ang tapayan ng tatay ko.”

Ang totoo, hindi lang luma ang tapayan ng tatay ko. May bungi pa ito sa labi. Wala itong kulay at marumi na ring tingnan. Ganoon pa man, alaga naman ito sa punas ng tatay ko. Nagtataka nga ako kung bakit napakahalaga nito sa tatay ko. Nakikita ko rin siya na idinidikit ang kanyang tenga

May mga gamit na kahit luma na ay hindi puwedeng ipagpalit sa bago at maganda.

sa bibig ng tapayan na parang may pinakikinggan. May pagkakataon pa nga na ang bibig naman niya ang itinatapat sa bunganga ng tapayan at tila may ibinubulong siya rito. Kung ano man iyon, ang Tatay ko lang ang nakakaalam.

Minsan ay pinaglaruan ng kuya ko ang tapayan ni Tatay. Pinapalo-palo niya ito ng patpat. Nang makita siya ni Tatay, pinagalitan siya. Para hindi na maulit na paglaruan ito ni Kuya, ipinasok na lang ng tatay ko ang tapayan sa loob ng kanilang kuwarto ni Nanay.

Tinanong ko si Nanay kung bakit alagang-alaga ni Tatay ang kanyang tapayan. Sabi niya. “Pamana pa kasi sa tatay mo ang tapayang iyon ng mga lolo at lola mo sa kanya.”

“Bakit hindi na lang po bumili ng bago at maganda si Tatay gaya ng nakikita kong tapayan sa bahay ng kaklase ko?” “Anak, may mga gamit na kahit luma na ay hindi puwedeng ipagpalit sa bago at maganda.”

Hindi ko naintindihan ang sinabi sa akin ni Nanay kung bakit mas gusto ni Tatay ang luma kaysa bago. Naisip kong si Tatay na lang ang tanungin ko dahil kanya naman ang tapayan at nakikita ko ang labis niyang pagpapahalaga rito. Kaya lang may kausap siya sa kanyang cellphone noon at nagtatawa. Maganda sana iyong pagkakataon dahil mabait ang Tatay ko kapag maaliwalas ang mukha at masaya. Ganoon pa man, hindi ko muna siya inabala at hinintay ko na lang na matapos siya sa kanyang pakikipag-usap.

Inulit ko lang kay Tatay ang itinanong ko kay Nanay. Natigilan muna siya at pinagmasdan ako. Nagulat ako nang bigla siyang ngumiti saka kinusot ng kanyang palad ang buhok ko. Sabi niya, “Alam mo ba na ang lumang tapayang iyon ang ginagamit na cellphone ng lolo at lola mo?”

“Celpon?” Napakamot ako sa ulo. Kung hindi ko naintindihan si Nanay sa isinagot niya sa akin nang tanungin ko tungkol sa tapayan, mas lalo akong nalito sa sinabi ni Tatay. Paano nangyayari iyon, sabi ko sa aking sarili.

Napansin naman ni Tatay na tila nalito ako at hindi makapaniwala sa sinabi niya. Tumalikod siya sa akin at nagpunta sa kusina. Paglabas niya ng kusina, nakita ko na may hawak siyang sandok.

“Halika,” sabi niya. “Ipakikita ko sa iyo na ang lumang tapayan ng lolo’t lola mo ang ginagamit nilang cellphone noong panahon nila.”

Niyaya ako ni Tatay sa loob ng kanilang silid ni Nanay na kinaroroonan ng tapayan.

“Noong kasing edad mo ako, sa malayong probinsiya nadedestino ang lolo mo. Driver kasi siya ng truck ng kahoy. Kung minsan ilang araw, bago siya nakakauwi. Dahil hindi pa uso noon ang cellphone, walang tsansa na makontak siya ng lola mo, lalo na’t umaabot na ng isang Linggo na di ito bumabalik. Ang tapayang ‘yan ang ginagamit niya para tawagan ang lolo mo.” “Paano po ‘yon, Tatay?” Napakunot ang noo ko. Hindi na ako sinagot ni Tatay, bagkus, lumapit siya sa tapayan at ipinasok ang bibig niya sa butas nito. Narinig ko na isinigaw ni Tatay nang malakas sa loob ang: “Tatay umuwi ka na sabi ni Nanay!” Pagkatapos sumigaw, humarap si Tatang sa tapat ng bintana saka ikinaway ng paulit-ulit ang hawak niyang sandok.

Nakatawa si Tatay pagsulyap sa akin. “Ganyan ginagamit ng lola mo ang tapayang ito bilang cellphone.”

“Naririnig po ba ni Lolo ang pagtawag ni lola sa tapayan ?” tanong ko kay Tatay.

“Ewan ko,” sagot niya. “Pero maniniwala ka ba na pagkalipas lang ng isang araw, matapos tawagan ng lola mo, ang lolo mo sa tapayan, bigla nga siyang umuuwi? May mga dala pa siyang pasalubong sa amin noon.”

“Kung minsan, ako at ang Tita Carmen mo ang inuutusan ng lola mo na tawagan ang lolo mo sa tapayan. Ako ang sumisigaw at nagpapauwi sa tatay ko, ang kapatid ko namang si Carmen ang nakaharap sa bintana at ikinakaway ang hawak na sandok.”

Ikinuwento rin ni Tatay na ang tapayan daw na iyon ang pinupuno ng tubig ni Lolo kapag ipinag-iigib niya ng tubig si Lola. Panahon daw iyon na naninilbihan pa sa mga magulang ni Lola si Lolo. “Ano po ‘yung naninilbihan Tatay?” tanong ko. “Isa itong lumang pamamaraan ng panliligaw ng isang binata sa isang dalaga noong kapanahunan nila.” “Gano’n po ba.” “Oo at bago namatay ang lola mo para magkapiling na sila ng lolo mo sa kabilang buhay, sa akin niya inihabilin ang tapayang iyan.”

Isang araw na umalis si Tatay at abala naman sa pagluluto sa kusina si Nanay. Hindi niya nakita na pumasok ako sa silid nila ni Tatay. Nilapitan ko ang tapayan na nasa sulok ng kuwarto. Nakatuwaan kong idikit ang aking tenga sa bibig nito gaya ng ginagawa ni Tatay kung minsan. Nagulat ako. Parang kasing nakarinig ako nang mahihinang tawanan sa loob nito. Naulinigan ko rin na may tumatawag sa pangalan ko. “Empoy! Empoy!” dinig kong sigaw nito kaya agad akong lumabas ng kuwarto ni Tatay.

Wala si Nanay sa kusina. Wala rin sa loob ng bahay, pero natanaw ko siya mula sa bintana na papasok na sa aming bakuran.

“Kanina pa kita tinatawag, saan ka ba nagpunta?” usisa niya sa akin. Uutusan sana kitang bumili sa tindahan ng suka pero di ka sumasagot. Ako na tuloy ang sumaglit sa tindahan.”

Sinabi ko kay Nanay na nasa kuwarto lang ako. Hindi na siya nagtanong. Napangiti ako. Maaaring hindi ko naulinigan ang pagtawag sa akin ni Nanay dahil nakadikit ang tenga ko sa butas ng tapayan. Pero bakit narinig ko iyon sa loob ng tapayan? Ganoon din ang mahihina at masasayang tawanan na naulinigan ko. Parang ang saya-saya nila. Naisip ko na baka iyon ang mga boses nina Lolo at Lola na pinakikinggan din ng Tatay ko kapag idinidikit niya ang tenga sa bunganga ng tapayan.

Mula noon, alam ko na kung bakit ganoon kahalaga ang tapayang iyon kay Tatay. Noon ko rin ganap na naintindihan ang sinabi sa akin ni Nanay na may mga gamit talaga na kahit luma na ay hindi puwedeng ipagpalit sa bago at maganda. Nakakatuwa. Ang tapayan pala ang pinakaselpon na ginagamit ng lola sa lolo ko. At si Tatay pa kung minsan ang tagatawag dito. Ang tapayan ni Lola ang selpon na hindi itsina-charge, hindi nalo-low bat, at higit sa lahat, punongpuno ng magagandang alaala ng kanilang masasayang nakalipas.

Naulinigan ko rin na may tumatawag sa pangalan ko. “Empoy! Empoy!”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.