Paano Babatahin Ang Sepanx?
MAY mga taong sobrang napapalapit sa kanilang kafam o kapamilya, iba pang kaanak, beshie, buddy, peer, crushee, significant other, mate, colleague o sino pa mang taong kanilang nakilala. Hindi man gusto o inaasahan, dumarating ang pagkakataon na kailangan nilang magkalayo o magkahiwalay. Ngunit hindi nila makayanan ang daluyong ng damdaming dulot ng kanilang pagkakalayo.
Ang isang bata ay baka halos maglupasay na sa kaiiyak o magwala. Habang ang isang kabataan naman o adulto ay halos magkaroon ng panic attack.
Ikaw man mismo o ang isang taong pinagmamalasakitan mo ay posibleng nararanasan o maranasan din ito. Paano ba babatahin ang sepanx o separation anxiety?
Ang separation anxiety ay ang sobrang takot o pagkabalisa na dulot ng pagkakalayo ng isang indibidwal sa isang taong sobrang napalapit sa kanya. Normal lang na madama ito ng sinuman. Ngunit kung talagang sobra na at hindi na makatwiran ang takot o pagkabalisa, maikokonsidera na ito bilang separation anxiety disorder.
Bata, kabataan o adulto ay maaaring makaranas nito. Maaaring madebelop ito mula pagkabata o makuha lamang kapag nasa hustong gulang na dahil sa naging mga karanasan sa buhay.
Masasabing may separation anxiety disorder ka kung taglay mo ang kahit tatlo sa mga sintomas nito. Pabalik-balik na sobrang pagkabalisa kung mapapalayo ka sa taong malapit sa iyo. Patuloy at sobrang pag-aalala na mawawala siya sa iyo o mapapahamak siya tulad ng pagkakasakit, pinsala, trahedya o kamatayan. Sobrang pag-aalala na may di inaasahang pangyayari na maghahatid sa paghihiwalay ninyo tulad ng pagkawala, pagkakakidnap o aksidente. Pagtangging umalis ng bahay, eskuwelahan, trabaho o anupamang lugar sa takot na magkahiwalay kayo. Sobrang takot sa pag-iisa nang hindi siya kasama. Pag-ayaw na matulog sa ibang bahay o saan pa mang lugar na wala siya. O hindi ka makatulog kung hindi siya katabi. Paulit-ulit na nananaginip na magkakahiwalay kayo. Madalas na pagdaing ng pananakit ng ulo, tiyan o pagduduwal.
Iba’t iba ang mga dahilan kung bakit umiiral ang sepanx. Maaaring ang pagsasama ay talagang may taning. Halimbawa ay isang kontrata o kasunduan ng pananatili ng taong pinahahalagahan o pagdanas ng iba pang uri ng trahedya. Ang paghihiwalay ng mga magulang ay puwede ring pagmulan ng sepanx. May mga magulang din na overprotective—kaya sobrang nangungulila kapag nawalay sa kanila ang anak.
Maraming mga negatibong bagay ang idinudulot ng sepanx. Naaapektuhan ang emosyon, buhay, pagganap ng tungkulin, pakikisalamuha sa kapwa at kalusugan ng taong dumaranas nito. Natural na maging malungkot siya at magmukhang tila umiiwas sa tao. Nahihirapan din siyang magpokus sa ginagawa. Ang isang magaaral ay maaaring magkaroon ng poor performance sa klase o tumangging pumasok sa eskuwela. Posibleng
magkaroon naman ng frequent absences ang isang empleyado o mag-resign sa trabaho. Madalas din siyang ma-homesick. Maaapektuhan din ang kanyang kalusugan. Magkakaroon din siya ng problema sa pakikisalamuha sa kapwa.
Kung gayon, paano matutulungan ang sarili o ang ibang tao para mapaglabanan ang sepanx? Maraming paraan mula sa praktikal hanggang sa paghingi ng propesyunal na tulong.
Para sa mga paslit, dapat na ipadama sa kanila ang kaligtasan sa kanilang kapaligiran. Turuan silang magtiwala sa ibang tao. Bigyan sila ng pagmamahal at atensiyon upang makadama sila ng seguridad. Ipraktis ang short
term separation sa loob ng bahay—tulad halimbawa kung pupunta ka sa kusina. Huwag ding tatakasan ang bata kung aalis ka ng bahay o pupunta sa malayong lugar. Ituwid ang kanilang unrealistic fears na baka may masamang mangyari habang ikaw ay wala. Udyukan ang bata na maging maaasahan at matatag upang makayanan ang paghihiwalay. Ipaalam din ang mga negatibong resulta ng pagkabalisa.
Gawing pamilyar sa kanya ang kinaroroonang lugar at gayundin ang panibagong lugar. Kapag aalis ng bahay, hayaan siyang magdala ng pamilyar na bagay. Magkaroon ng goodbye
ritual tulad ng paghalik, pagyakap o pagkaway. Tiyakin sa bata na magiging ligtas siya kahit umalis ka.
Para sa mas nakatatandang bata, kabataan at adulto naman, maraming mga therapy na makatutulong. Sa systematic
desensitization, kailangang natuturuan ang pasyente na mapagisa sa paraang nakapagpapakalma at nakabubuti sa kalusugan at isipan. Kalakip din dito ang mga diskarte para marelaks ang isip.
Sa cognitive behavioral therapy, mas lalong inihahantad ang isang indibidwal sa sitwasyong pumupukaw sa kanyang anxiety upang mabawasan ang pagkabalisa. Ang teorya rito: ang dysfunctional na pag-iisip, pag-uugali at paniniwala ng pasyente ay nagdudulot ng kabalisahan ng pagiisip. Tinatanong ang pasyente kung may ebidensiya ba para suportahan ang bagay na kanyang ikinakabalisa. Tinuturuan siya upang palitan ang distorted thought ng realistikong pananaw upang makaagapay. Ikinikintal din sa kanya ang kahalagahan ng reality check.
Sa psychotherapy naman, gumagamit ng mga psychological methods. Nagkakaroon din ng personal interaction ang therapist o psychiatrist sa pasyente. Epektibo naman ang contingency management sa mga bata. Pinupuri o binibigyan ng reward system ang bata kapag na-achieve niya ang isang goal. Nagkakaroon tuloy siya ng positibong emosyon sa halip na kabalisahan. Ang psychodynamic psychotherapy naman ay katulad ng psychoanalysis. Hinahalungkat naman dito ang unconscious mind ng pasyente upang pahupain o bawasan ang psychic tension.
Habang ang family therapy naman ay isang psychological counseling kung saan nakikipartisipa ang mga kaanak para sa kanilang magandang komunikasyon at ikareresolba ng problema. Sa emotive imagery, gumagamit ng mga mental picture o ‘imagery’ upang umantig ng emosyon at malabanan hanggang tuluyang mawala ang takot o pagkabalisa. Isang kaaya-aya at kasiya-siyang imahe ang ipinakikilala upang alisin ang mga negatibong emosyong dulot ng mga nakakabalisang pangyayari.
Hindi talaga maiiwasan na magkahiwalay ang pinagtagpo ng tadhana at matagal na nagkasama. Ngunit dapat kayanin ng isang indibidwal ang konsekwensiya.“Life must go on,“‘ika nga. O malay mo, baka bumalik din siya. O kailangan niyang mawala para malaman mo kung gaano siya kahalaga sa iyo. Para sa muling pagkikita ninyo, mapahahalagahan mo na siya nang husto.