Mga Bituin Sa Tubig (24)
(IKA-24 NA LABAS)
KUTOB lang ang puhunan ni Armand nang magdesisyon siyang isama si Sig sa Daang Kalesa. Saan dadalhin ng tinatawag ng mga ito na Papang nila sina Zaida at Normi kundi sa gubatang iyon? “Oo, Sig…isasama kita sa nilakhan kong lugar!” Tinawagan muna ni Armand si Virmin. “Ako ang magtatago ng lipstick o ikaw na muna?” “Ako muna. When you are ready to go to the laboratory for DNA testing, ibibigay ko sa ‘yo ang lipstick. I know how important this is for you in your investigation.”
“Napag-usapan namin ni Sig ang lukso ng dugo. Ramdam mo ba ‘yon para sa magkapatid?”
Tumawa si Virmin. “I have regarded all the girls I have met as my potential nieces...” “Optimistic ka?” “Desperate. I wish we find them at this early.”
Masaya ang boses ni Virmin. Kung sinasabi man nitong desperado ito, malaki ang tiwala nito na makikita ang mga pamangkin sa di magtatagal na panahon.
“So you realized that your meeting with the girls are staged by me and Sig?”
“Yes. And all steps taken for finding my nieces …isinasama ko ang aking sarili!” Kutob din ang batayan niya kung bakit niyakag niya si Sig
sa Daang Kalesa. Parang may bumubulong sa kaniyang doon dadalhin ang magkapatid kahit ilang araw.
Kung bakit, hindi alam ni Armand. Ngunit iniisip niyang may okasyong pagkakaabalahan ang mga madre kaya maaaring dalawa o tatlong araw na idineklarang walang pasok sa kolehiyo! Iyon ang dahilan kung bakit dadalhin sa gubat ng Papang nina Zaida Papang ang mga kabataang babae.
Tanghali pa lang kinabukasan, dumating na sina Armand at Sig sa Daang Kalesa. Ipinakilala niya agad si Sig sa pinsang si Nancy. Tuwang-tuwa si Bart na kagagaling lang sa eskuwela. “’Nay, aabsent ako bukas. May bisita si Uncle!” “Bakit ka pa aabsent bukas?” Harang agad ni Armand sa sinabi ng pamangkin. “Mamaya lang paglubog ng araw, pupunta na tayo sa putol na ilog .Di tayo uumagahin doon.”
Lumapit nang husto kay Armand si Bart nang nagpunta sa silong si Nancy para tingnan marahil kung ano ang mailulutong manok.
“Narito ba kayo dahil nandyan uli sila sa gubat?” anas sa kaniya ni Bart. Itinaas ni Armand ang kaniyang hintuturo. “Hula lang…” “’Hula lang at ‘wag kang maingay…” Lumitaw mula sa silong ang pinsan niyang si Nancy. “Sunggaban mo ‘yung bulik, Bart. Mataba na!” “Di na kailangan, ‘Insan. Nananghalian na kami sa daan!” Naipakilala na niya si Sig kay Nancy.
“E, paano ang ulam sa hapunan?”
“Isda. Pasaglitin natin si Bart sa talipapa sa kabila nitong highway. Sabi mo n’on, doon kayo namimili!”
“Kami na ang bahala ni Uncle, ‘Nay. Bago kami pumasyal sa putol na ilog, meryenda-hapunan muna kami sa ponda ni Aling Lucy. Okey ba, Uncle?”
Itinaas uli ni Armand ang kaniyang hinlalaki!
Lumulubog pa lang ang araw, natalaktak na nilang tatlo ang daan patungo sa putol na ilog. Iginala pa muna ni Armand si Sig sa bukid na pinatutubigan at binubungkal na kahit tag-araw para tamnan ng manggasa o pulang bigas.
“Hustong pagkawala ng araw, sisipol ka, Bart. Titingnan natin kung may gaganti rin ng sipol!”
“Kung walang gumanti ng sipol, ibig sabihin hindi sa gubat dinala sina Normi at Zaida,” ani Sig. “Ganoon nga…” Nakita ni Armand ang mabilis na yakap ng lungkot sa mukha ni Bart. “Tinext mo ba siya kahapon, the other day rin?” “Hindi sumagot…” Matamlay na ito. “Kung hindi sila nagkaroon ng pagkakataong maka-text, hintay ka lang!” “Hanggang ngayon, walang text si Normi!” Maktol ni Bart. “Matutong maghintay…” parinig pa niya uli rito. Lumampas sila sa hangganan ng putol na ilog. Nangunguna na si Armand.
“Maaga pa. D’un sa nadiskubre kong bababaan makalampas ng batuhang hangganan tayo bababa!” “Alam ko na ‘yon, Uncle. Nag-try akong bumaba d’un
two weeks ago. Sumipol din ako. Walang sumagot. Pati na ang ibon na humahapon sa mga punongkahoy sa gubat!”
“Pambihira! Sinabihan na kitang nasa Pangasinan sina Normi…”
Tumawa na ngayon si Bart. “Dinramahan lang kita!” At nagtawa pang nakakaloko ang pamangkin niya. Mabilis nitong ibalik ang kumpiyansa sa sarili.
NANDIDILAT pa si Sig nang lumitaw mula sa pagkakasisid sa pusod ng ilog.
“By God! Parang sumisid din sa tiyan ng ilog ang mga bituin sa langit.”
Lubog na noon ang araw. Lumutang na ang kaputian ng mga batuhan sa hangganan ng putol na ilog. “Baka ilusyon mo lang….” biro ni Armand. “Hindi. Sure ako na may mga kumikislap.” “Hintayin natin na dumilim nang husto nang sumikat ang mga bituin. Danasin mo ang parang dumalo ka sa isang selebrasyon!”
Sumingit sa usapan si Bart. “May pagaspasan na ng mga ibon sa sanga ng mga punongkahoy.” Hindi nila nasabi ang kanilang iniisip: Nandyan na sila? “Sisipol na ako?” “E, paano kung alamid na nag-aabang ng masisila ang umakyat sa punongkahoy kaya nagugulo ang mga ibon?”
“Uncle, dini-discourage mo naman ako. Alam mo namang sobra akong matutuwa kung bumalik sa gubat sina Normi.”
Dumikit si Sig sa tabi ni Armand. “In love talaga ang pamangkin mo. First love!” Umanas din si Armand. “Puppy love lang ‘yan.” Nilapitan ni Bart ang dalawa. “Ako’ng pinag-uusapan n’yo?”
Bumaling sa pamangkin si Armand. “Siyempre, ikaw ang bida, e. Sige, sumipol ka na!”
Sumipol si Bart, mahaba. Napatunganga rito si Sig. Umulit ng sipol si Bart.
Parang pigil ng tatlo ang hininga sa paghihintay.
“Walang sagot…” nanlulumong sabi ni Bart pagkaraan ng ilang sipol.
Malakas ang dinig ni Armand sa katahimikan. “Lumilitaw na ang mga bituin…” sabi naman ni Sig. “Huwag ka munang sumisid. Tingnan mo ang pagdami ng ningning sa ilalim ng tubig habang dumarami ang kislap ng mga bituin!”
Nagmasid nga si Sig sa langit habang umupo naman sa nakausling batong puti si Bart.
“Amazing, Bart,” sabi ni Sig sa binatilyo na tinabihan nito ng upo. “Kung madalas ka rito, hindi ka pa ba nagsasawa sa nakikita mo?”
“Atty. Seprida, hindi… di lang mga bituin sa tubig ang nakikita ko rito…”
Napansin agad ni Armand ang pagkagitla ni Sig sa sinabi ni Bart. Tinugon nito ang binatilyo.
“Ganiyan din ako n’ung maging tin-edyer ako. Basta naroon ang first crush ko, iba ang kulay ng paligid. Parang hindi totoo. Nagbalik lang ang totoong kulay nang ayaw nang pakita sa akin ang aking crush.” “Ba’t ayaw niyang pakita?” “Kasi, binatilyo rin akong tulad mo noon. Hindi ako nakapagpigil. Niyakap ko siya at hinalikan sa pisngi. Nag-iiyak siya. Tumakbo…palayo. Hindi ko na siya nakita mula noon.”
“So, kahit pala ako manggigil, di ko dapat halikan si Normi?”
“Respeto. Gusto ng babae na nirerespeto sila. Masaya sila roon!”
Nag-isip si Bart. Mamaya, bumaling kay Armand. “Sisipol uli ako, Uncle!”
Napigil si Bart ng malakas uling pagaspasan ng mga ibon.
Ano ang iniisip ni Armand nang iwan niya para mag-usap sina Sig at Zaida?
Nagliparan pa ang iba. “Wala namang tahol ng mga aso…” Si Bart. Tuloy ang pagaspasan. May nababali pang mga tuyong sanga ng kahoy na nayayapakan.
“Lusong muna tayo sa tubig. Magtago tayo sa gilid ng batuhan. Baka binusalan nila ang mga aso!” Si Armand. “Sige, para siguradong safe tayo!” Si Sig. Mabilis at maingat silang nakapagtago sa itinuro ni Armand na batuhan sa gilid ng pader na hangganan ng putol na ilog at ng tuyong bahagi ng ilog. Doon nakakita si Armand ng alternatibong babaan mula sa daanan sa bukid na humahangga sa dulo ng nayon.
Walang nakitang mga aso si Armand sa gilid ng gubat. May lagitik pa rin ng mga tuyong siit na nayayapakan. Alam niyang hindi sila makakakilos kahit nakikiliti siya sa sagi ng maliliit na isdang tabang sa kanyang mga binting litaw sa suot nilang short.
“Si Normi!” napalakas ang usal ni Bart sa natanaw sa bungad ng batuhang waring gumagawa ng liwanag sa landas mula sa pusod ng gubatan.
Kasunod ni Normi si Zaida. May bitbit pa ang dalawa na makukulay na salbabida sa unang tingin ni Armand. Naisip niyang gusto ng dalawa na magtagal sa ibabaw ng tubig na hindi magagawa kung magpapalutang lamang ang mga ito sa pamamagitan ng mga kamay na idinidiin sa tubig.
Samantala, tahimik na ang mga ibon na nagpapagaspasan kangina habang parang may kinaiilangan pa sa paghahanda sa kanilang paghapon sa sanga ng mga punongkahoy.
“Uncle, pakita na tayo!” apura ni Bart na pumustura nang aahon sa puting batuhan.
“Saglit lang, Bart! Paano kung may kasunod sila?” saway ni Armand.
Napapigil si Bart. Nakita ni Armand ang labis na pananabik sa katal sa mga daliri nito.
Nagtatawanan sina Zaida at Normi. Parang solong-solo ng dalawa ang gabi sa batuhang iyon.
Mayamaya nga, inihagis ng dalawa ang salbabida sa tubig, saka sinundan ng maingat na paglusong sa gilid ng bahaging makinis ang mga bato.
“Ang ningning ng tubig!” bulalas ni Sig na ikinabaling ng pansin ni Armand mula sa pagmamasid sa dalawang kabataang babae.
Nagkikislapan din kahit ang mga tilamsik ng tubig sa paglabusaw rito ng dalawa sa pagsakay sa salbabida. “Sumipol ka muna, Bart!” sabi ni Armand sa pamangkin. Tumingin si Bart kay Armand bago sumipol. Mahaba, matagal ang sipol.
Sa kilos ng dalawang babae, halata agad ni Armand na naghahalihaw ng tingin ang mga ito sa paligid.
“Bart!” Kilala agad ni Normi ang sipol ng kaniyang pamangkin.
Hindi na napigil ni Armand ang pamangkin. Umigpaw ito paahon sa kinaroroonan nilang panig ng batuhan, saka patakbong gumawi sa panig ng batuhang kinaroroonan ng dalawang babae. Sumunod na umahon na rin sina Armand at Sig. “Iniiwas ang dalawa sa Pangasinan sa pag-aakalang may interesado sa dalawa. Masyado kasing nagtagal ang pakikipagusap ni Virmin sa dalawang bata!” sabi ni Armand kay Sig. “Kung gayon, tama ang hula mo!”
“There such a thing as kutob, Sig!” Kita nilang hila ni Bart sa paglangoy ang salbabida ni Normi habang palapit sa gilid ng batuhan. Kasunod ng dalawa si Zaida sa salbabida nito.
“Di mo sinagot ‘yung text ko…” dinig pa ni Armand ang parang sumbat na wika ni Bart kay Normi.
“Ay! Kumpiskado’ng cellphone namin ni Ate Zaida. Papalitan daw ni Papang ng high-end!” At tumawa si Normi.
Hindi nakitawa si Zaida. May inililihim sa kapatid. Umahon na silang lahat sa may batuhan. Ipinakilala agad ni Armand kay Zaida si Sig.
“Friend ko…Sig.” Matamlay na nakipagkamay kay Sig si Zaida. Halata iyon ni Armand sa matipid na ngiti nito sa kasamang binata.
“Pati sis mo, papalitan din ng high-end?” kunwa’y inosenteng usisa ni Armand. “Baka di na makakontak ang jurassic na cellphone namin ni Bart!”
Si Normi ang sumabat agad. “Kasi naman, three years ago na’ng cellphone namin. Sabi ni Papang, gusto niyang ma-enjoy namin ni Ate Zaida ang bagong technology. May plano siya na kung mag-e-excel kami sa college, sa England na kami mag-aaral. Doon gustong mag-retire ni Papang.”
“Paano kayo? D’un din kayo?” Inosenteng hintakot ang sagot ni Bart.
“Future pa ‘yon. First year ako’t second year lang si Ate. Saka marami pang inaasikaso sa ‘Pinas si Papang!”
Mayamaya, iniwan saglit ni Zaida sina Armand at Sig sa panig ng batuhang kinauupuan nila. Lumapit ito kay Normi at binulungan. Saka bumalik sa kanila.
“Sabi ni Sister Honorata, napansin daw niyang hindi ako nagpasalamat kay Ms. Arago at sa iyo dahil sa donasyon. Napahiya ako sa kaniya dahil di ako nagpakita ng good manners!”
Matapat sa mukha ni Zaida ang paghingi ng paumanhin. “Okey ‘yon kay Ms. Arago, pero sa akin, di kailangan. Hindi ako ang may-ari ng donated gadgets na ‘yon!” Sinamantala ni Armand ang binuksang paksa ni Zaida. “Di ba kabubukas pa lang ng college…umpisa pa lang ng pasukan? Ba’t parang bakasyon uli kayo ngayon?”
“Nagugulahan si Papang sa Pangasinan. Dami na raw tao. Ibig niyang masolo kami ni Normi kahit ilang araw. Sabi niya, marami pang miting ang mga administrator, saka adjustments sa
enrollment ng iba pang estudyante. Regularize ang klase sa next
week pa.” Tumango-tango si Armand. Saka bumaling kay Sig. “Inimbitahan ko sa birthplace ko si Sig…Sigfredo ang buo niyang pangalan. Naikuwento ko ang tungkol sa mga bituin sa tubig. Ayaw kasi niyang maniwala. Sabi ko, pangangahasan ko nang maging intruder uli sa putol na ilog. Sayang at wala naman halos nakakakita sa miracle of this river. Ewan kong may duplicate na ganitong ilog sa alinmang lugar sa mundo. Magandang tourist spot ito!”
Sumabad si Sig. “Masasalaula ang purity ng ilog na ito pag napasok ito ng maraming tao!”
“Tama ka,” baling ni Zaida kay Sig. “Ayaw ni Papang ‘yan. Milyon daw ang dagdag sa presyo ng gubat na ito dahil lang sa parang himalang mga bituin sa tubig!”
“Sayang naman! Ano ang magiging pakinabang sa ganitong gubat sa panahong nininegosyo na ang lahat!”
Kumunot-noo si Zaida at iyon ang pagkakataong hinihintay ni Armand. “Mag-usap muna kayong dalawa. May sasabihin lang ako kay Bart.”
Kita ni Armand ang pagkabigla ni Sig at ang kawalang masabi ni Zaida. Mabilis siyang nakalapit sa gawing pinaglulunuyang tubig nina Bart at Normi.
“Gusto ninyong i-try natin ang sumisid? Makikita nating mabuti ang dami ng bituin sa ilalim ng tubig!” yakag niya sa dalawa.
“Talaga? Natatakot kami ni Bart na tingnan kung bakit ang dami-dami ng bituin sa ilalim!
Napangiti si Armand. Hinagkis niya ng tingin sina Zaida at Sig na magkatabi sa pagkakaupo sa batuhan, parang masayang nag-uusap.
Napangiti uli si Armand.