Liwayway

Sibuyas At Bawang (17)

(IKA-17 NA LABAS)

- Neri Jedeliz

TUMINDI ang pag-alala ni Lumen nang hindi na sumasagot si Atty. Richard White sa kanyang mga tawag. Di siya mapalagay. Naisip niyang baka may nangyaring masama sa abogado.

Kaya lumabas siya sa kanilang barungbaro­ng. Natanaw niya si Boy Batman na naroroon pa rin sa sari-sari store na tinatambay­an nito. Bumilib din siya kay Boy. Hindi lumalayo sa kanyang kinaroroon­an. Kung nasaan siya, naroroon din ito. Kahit di lumalapit ito sa kanya, alam niyang nakamasid lang si Boy, baka may darating na panganib sa kanya.

Nagkataon naman na napasulyap si Boy sa kanilang barungbaro­ng. Ito lang ang hinihintay ni Lumen. Kinawayan niya si Boy upang lumapit. Nakita naman ni Boy ang kanyang pagkaway kaya nagmamadal­ing lumapit ito sa kanya.

“What’s down, Bossing,” tanong ni Boy. “What’s up, hindi down. Sabi nang huwag ka na lang mag Ingles, pati ako nahahawa sa ‘yo.”

“Sige, mukhang namumutla ka at hindi mapalagay. Me nangyari ba?”

“Talagang me nangyari. Alam mo, Boy, ngayon-ngayon lang, kausap ko si Atty. Richard White.” “’Yong Kanong na muntik ko nang bugbugin?” “Oo. Nag-usap kami. Sabi niya’y magkikita kami sa Tagaytay bukas, sapagkat me pipirmahan kaming mga papeles.” “O, e, di magkikita kayo bukas. Sama ako, siyempre.” “Di ko matiyak kung matutuloy na magkita kami bukas. Sa aming pag-uusap, sabi niya nagmamaneh­o siya ng kanyang kotse at patungo siya sa bangko. Bigla na lang me narinig akong putok ng baril, kasabay nito’y ang pagsagitsi­t ng gulong ng kotse. Pagkatapos, di ko na siya makontak. Di na siya sumasagot sa tawag ko sa selpon.” “Me nangyari nga.” “Boy, gusto kong alamin mo kung ano ang nangyari.” “Saan ba siya naroroon nang nag-usap kayo” “Nasa Makati raw siya. Sa Palanca Street” “Ano ngayon? Doon namin siya hahanapin?” “Ewan. Kung paano ninyo siya mahanap. Ang laki ng Makati.”

“Bossing, alam mo namang handa kong itaya ang aking

buhay para sa ‘yo. Kung ikaw ang target ng mga kaaway, daraan muna sila sa ibabaw ng aking bangkay. Pero kung ang Kano ang gusto nilang iligpit, medyo mahirapan tayo. Itong Kano’y parang sanay din sa taguan.” “Subukan n’yo lang. Baka sakali me maitulong ka sa kanya.” “Saan ba itong Kano tumitigil?” “Di ko alam kung saan. Nagtatago rin daw siya. Batid niyang pati siya ay target din ng mga kaaway.”

“Sa tingin ko sa Kano, mukhang sanay din ito sa laban. Malay natin, baka ito si James Bond na naligaw rito sa Pilipinas.” “Boy, di biro ito. Dapat na magkita kami. Importante ito.” “Sige, isama ko si Boy Bak-ap, baka sakaling matagpuan namin siya.”

Dumukot si Lumen ng pera at iniabot kay Boy. “Ito ang panggastos ninyo. Sana’y matagpuan ninyo siya.” “I’ll tray, bossing.”

“Try, hindi tray.” Tumalikod na si Boy Batman na nakangisi. Bumalik naman si Lumen sa loob ng kanilang barungbaro­ng.

NANG mag-alas singko na ng hapon, dumating si Aling Elena. Nakita siya nito na nakahiga sa papag ngunit hindi tulog. Bumangon si Lumen nang makita ang pagpasok ng kanyang ina.

“O, Lumen. Anong nangyari? Sinabi sa akin ni Mrs. Lopez na nasunog daw ang inyong restoran.”

“Opo, Inay. Pero kusina lang naman ang natupok. Kaya baka isang buwan munang wala kaming pasok at ipa-renovate pa ni Rommel ang buong restoran.” “Ano ngayon ang balak mo?” “Uuwi muna ako sa ating probins’ya sa Iloilo.” “Kelan?” “Kung matapos na kaming mag-usap ni Atty. Richard White.”

“Nabanggit mo sa akin itong si Atty. Richard White, na isang Amerikano. Ngunit di mo sinabi sa akin kung sino talaga siya at kung bakit ikaw ang hinahanap niya. Sino ba talaga siya, Anak?”

Napatitig si Lumen sa kanyang ina at huminga nang malalim.

“Dapat nga lang malaman mo kung sino siya. Siya raw ang abogado ni Don Macario Montemayor.”

“Ha?” Nakabadha sa mukha ni Aling Elena ang laking pagkabigla. “Aba, si Don Macario Monteverde. Anak, ‘yan ang aking amo na pinaglilin­gkuran ko noon.”

“Opo. At alam ko namang siya ang…ang nakadisgra­sya sa ‘yo at siya ang aking ama.” “N-nasaan na raw siya?” “Yumao na siya, Inay. Sa Amerika siya namatay.” Di nakahuma si Aling Elena. Napayuko siya, upang maitago ang bumadhang lungkot sa kanyang mukha. Ilang sandali pa, di na niya napigilan ang pagdaloy ng mga luha sa kanyang pisngi.

“Kahit gayon ang nangyari sa amin, napatawad ko na siya,” kalauna’y nawika ni Aling Elena. “Bakit ba pumunta rito sa Pilipinas itong kanyang abogado?”

“Yumao na rin pala ang asawa nitong si…ang aking ama. Dahil wala na silang dalawa, naiwan nila ang kanilang mga ari-arian. Nabatid naman ng aking ama na me anak siya sa ‘yo… ako nga. Kaya ako ang ginawa niyang tagapagman­a ng kanyang naiwang kayamanan.”

“Ha?” muling nabigla si Aling Elena.

“Halos lahat ng naiwan niyang ari-arian ay ako ang tagapagman­a, kabilang ang isang malawak na asyenda sa Palawan.” “Ano?” “At nais nitong abogadong si Atty. Richard White na mailipat na sa aking pangalan ang lahat ng aking namana, kaya nga naririto siya ngayon sa Pilipinas.”

“P-parang di kapani-paniwala ito. Malaking kayamanan itong mapupunta sa ‘yo, Anak. Para ka lang nanalo sa Lotto. Ang s’werte mo. Dapat magpasalam­at ka sa Panginoon.” “Paano, Inay? Tatanggapi­n ko ba ito?” “Aba, bakit hindi? Masama ang tumatanggi sa grasya.” “Tamang-tama lang ito, dahil nagpaplano talaga akong umuwi muna sa ating probins’ya. Kung anuman ang mapaguusap­an namin ni Atty. White, dapat lang na puntahan ko ang malawak na asyenda na aking namana sa Palawan. Ano, ‘Nay, sasama kayo?”

“A, e, Anak, huwag muna. Dapat lang na asikasuhin mo muna itong s’werte na dumating sa ‘yo. Kung maayos na ang lahat, saka na lang ako magpasiya kung ano ang aking gagawin.”

“Sige po. Hindi naman madali ito. Ang totoo ay me gusot pa, sapagkat me mga taong interesado sa aking mamanahin, kaya parang tutulay ako nito sa alambre bago ko ito maangkin. Linisin ko muna ang ating landas.”

“Kumusta kayo ni Rommel? Alam ba niya ang tungkol dito?”

Di kaagad nakasagot si Lumen. Mukhang nakaligtaa­n niya si Rommel sa ngayon. Dapat bang malaman ni Rommel itong magandang kapalaran na dumating sa kanya? Ano kaya ang masabi nito kung malaman nitong may malaking kayamanang mapupunta sa kanya? Para sa kanya, higit pa sa kayamanan si Rommel. Napakislot pa si Lumen nang biglang tumunog ang kanyang selpon. Kaagad niya itong sinagot. Laking tuwa niya nang makilala kung sino ang tumatawag—si Atty. Richard White.

“Attorney, ay, salamat sa Diyos, ligtas kayo. Ano po ba ang nangyari, bigla kang nawala at di na kita makontak. Akala ko kung napa’no na kayo,” nawika ni Lumen na halatang natutuwa.

“Papalapit na ako sa bangko na pakay ko. Nang makarinig ako ng putok. At biglang me humarang na sasakyan sa unahan ko. Buti nakapreno ako kaagad. Natamaan pala ng bala ang gulong ng sasakyan kaya umikis ito sa aking unahan. Hinahabol pala ng mobile patrol ng mga pulis itong sasakyan. Ang narinig kong putok ay nagmula pala sa mga pulis. Bumaba ang tatlong lalaking sakay sa kotse. Nagsipagbu­not ng baril. Alam nilang di na nila magamit ang kanilang kotse sa pagtakas sapagkat flat na ang isang gulong nito na tinamaan ng bala.” “Ano pang nangyari.” “Alam ko kaagad na hindi ako sangkot sa laban. Kaya itinabi ko ang aking sasakyan. Di ako lumabas. Natuloy ang sagupaan ng mga pulis at ng mga lalaking bumaba sa kotse. Nagkaputuk­an. Makaraan ang ilang sandali’y nakabulagt­a na ang tatlo sa kalsada. Dinig ko’y mga wanted na drug pusher ang mga napatay.”

“Salamat naman at di ka pala sangkot sa gulo,” nakahinga nang maluwag si Lumen.

“Oo. Ngunit di na ko tumuloy sa bangko. Umalis na ako sa eksena ng putukan. Mahirap na kung madamay. Di ko nakuha ang mga papeles na pipirmahan mo sana. Babalikan ko na lang

Lalong nagiging masalimuot ang mga bagay-bagay sa paligid nina Lumen at Rommel. Lalo na nang matuklasan ni Rommel ang tungkol kay Lumen.

kung payapa na.”

“Kung gayo’y di tuloy ang tipanan natin sa Tagaytay bukas?”

“Aba, tuloy ‘yon. Bukas nang umaga’y pipilitin kong makuha ang mga papeles sa safe

box ng bangko. At pag nakuha ko na, sa hapon tutuloy na ako sa Tagaytay. Sa hapon ka na lang pumaroon bukas.”

“Attorney, bakit sa Tagaytay pa? P’wede naman tayo magkita rito sa Maynila.”

“Lumen, kelangan mag-ingat tayo. Sa ngayon, me mga tao na nagmamatya­g sa ating mga kilos. Me mga taong nais na mapigilan ang paglagda mo sa mga papeles, sapagkat kung mapirmahan mo na, mahirapan na silang angkinin ang iyong namana.” “Gano’n ba? Nasaan ka ngayon?” “Naririto ako sa isang hotel sa Makati. Ngunit baka mamaya, lilipat na naman ako sa isang hotel. Alam mo, palipat-lipat ako ng tinutuluya­ng hotel upang mahirapan silang matunton ako. Ikaw, nasaan ka?” “Naririto ako sa bahay namin. Kasama ko ang aking ina.” “Dapat umalis ka muna riyan. Maghanap ka muna ng matutuluya­n na walang nakakaalam kung nasaan. Alam mo, itong mga taong sumusubayb­ay sa atin, mga desperado ang mga ito. Sisikapin nilang mawala ang isa sa atin, upang di matuloy na mailipat sa ‘yo ang iyong mamanahin. It takes two to tango, sabi nga. Nauunawaan mo ba ako, Lumen?”

“Loud and clear, Attorney. Salamat sa iyong concern. Sa pakiramdam ko nga, parang me sumusunod sa akin na mga anino kapag lumalakad ako sa labas. Kaya kumuha ako ng badigard, upang kahit paano’y malinis ang aking landas.”

“Kumuha ka ng badigard. Mapagkakat­iwalaan ba itong kinuha mo? Sino ba ito?” “Si Boy Batman, isang ex-convict. Parolado.” “Ano ba? Kukuha ka lang ng badigard, ex-convict pa.” “Mukhang mapagkakat­iwalaan naman siya. Sa tingin ko, handa naman siyang itaya ang kanyang buhay sa pagtanggol sa akin. Nakita mo na siya. Iyong kasama ko noong mag-usap tayo doon sa coffee shop.”

“Siya ba? Ngunit huwag kang masyadong magtiwala. Madaling kumambyo ang isang tapat na tao kapag tapatan ng salapi. Tandaan mo ito, ang tunay lamang na mapagkakat­iwalaan mo ng lubos ay ang iyong sarili. Natutunan ko iyan ng kumuha ako ng crush course sa espionage.”

“Ganoon ba? Sanay pala kayo sa spying. Sabi nga ni Boy Batman, baka kayo si James Bond na naligaw dito sa Pilipinas.”

“Talagang kayong mga Pinoy mahilig sa biro. Nagkakapat­ayan na nga makuha pang magbiro. Sige, hintayin kita bukas sa Tagaytay.”

“Teka, Attorney, di ba kayo nagkita ni Boy Batman? Pinalakad ko siya upang hanapin ka.” “Kung ganoon, siya nga ‘yon.” “Nagkita kayo?” “Noong nakahimpil ako sa tabi ng kalsada, isang lalaki ang lumapit sa aking kotse. Kumatok ng tatlong beses, at narinig kong nagsalita ito. Kinukumust­a lang ako kung okey lang ako. Sabi ko, okey lang ako. Di naman ako sangkot sa gulo. Sa kabila ng kalsada, isa pang lalaki ang nakatayo na parang look out.” “Marahil si Boy Bak-ap ‘yon.” “Nang sabihin kong okey lang ako, umalis na ang lalaking tumawid na sa kalsada. Marahil, nahiwatiga­n nitong lalaking di dapat kami makitang magkadikit nang matagal. Napaligira­n ng CCTV ang aming kinaroroon­an. Ilang saglit pa’y kapwa silang naglaho.” “Galing ano? Mapino ang mga kilos. Si Boy Batman ‘yon.” “Paano mo ba napaamo itong mga ex-con?” “Kung ang mababangis na mga hayop sa gubat ay p’wedeng paamuin, tao pa kayang me isip at damdamin? Attorney,

hindi lahat ng tarantado’y masama. Ang iba’y biktima lang ng karahasan sa kanilang kapaligira­n at pagkakatao­n. Kahit anong sama ng isang tao’y me naiwan pa rin isang butil ng kabutihan sa kanyang puso.” “Hmmm. Pessimisti­c ka nga. Sige, ingat.” “Ingat din, Attorney.” Nang lingunin ni Lumen ang kanyang ina matapos silang mag-usap ni Atty. Richard White, nakita niyang nakahimlay ito sa papag at nakapikit. Baka nakatulog ang kanyang ina dahil sa pagod. Sa trabaho kasi ito nanggaling.

SAMANTALA, ng mga sandaling iyon, nasa Sibuyas at Bawang

restaurant si Rommel. Nakaupo siya at tinutungha­yan ang plano ng ipagagawa niyang renovation ng restoran. Balak niyang palitan din ang interior design ng restoran.

Nang biglang narinig niya ang pagtigil ng isang sasakyan sa labas. Di niya masyadong pinansin ito. Habang sarado ang kanilang restoran, kumuha siya ng mga security guard na nagbabanta­y sa labas. Mahirap nang masalisiha­n ng mga taong masama ang pakay.

Nakita niyang may isang taong pumasok at bumati sa kanya, na nakilala niya kaagad. Si Tenyente Ramos, ang head ng Rodriguez Protection and Investigat­ion Agency.

“O, Tenyente, napasyal ka? Kaya pala tahimik lang ang mga security guard sa labas at hepe pala nila ang dumating. Hindi sila napuhag. O, anong balita?” bati ni Rommel. Umupo sa harapan ni Rommel ang tenyente na mukhang excited.

“Tiyak magagalak ka sa natuklasan namin nitong nagdaang mga araw na paniniktik upang maproteks’yunan ang iyong

girlfriend na si Lumen.” Napangiti si Rommel. Di kasi alam ni Lumen na kumuha siya ng mga detektib upang mapanganga­lagaan ito. Nais niyang matiyak ang kaligtasan ng kanyang minamahal. Pati si Brigida nga ay pinatiktik­an din niya ang galaw ng grupo nito. “Ano ba ang natuklasan ninyo? Tungkol ba kay Brigida?” “Kung tungkol kay Brigida, mukhang laylo sila ngayon. Marahil nararamdam­an nilang me nagmamatya­g ng kanilang mga kilos. Pagkatapos na mangyari ang sunog dito sa iyong restoran, di na sila nakatambay doon sa paborito nilang klab. Inilipat nila ang kanilang operasyon sa isang probins’ya na malapit din dito sa metro.” “O, tungkol kanino itong sabi mo’y me natuklasan kayo?” “Tungkol ito kay Lumen mismo.” “Kay Lumen?” nagtatakan­g tinitigan ni Rommel ang tenyente.

“Oo. Sa aming lihim na pagsisiyas­at, may mga bagay kaming natuklasan tungkol sa kanya.” “Ano ‘yon?” “Di mo ba alam na mayaman na si Lumen? Baka kasinyaman mo na lang siya.”

“Ha? Paano?” Napatda si Rommel.

(ITUTULOY)

 ??  ?? “Mukhang namumutla kayo at di mapalagay. Me nangyari ba?”
“Talagang me nangyari. Alam mo, Boy, ngayon-ngayon lang, kausap ko si Atty. Richard White.”
“Mukhang namumutla kayo at di mapalagay. Me nangyari ba?” “Talagang me nangyari. Alam mo, Boy, ngayon-ngayon lang, kausap ko si Atty. Richard White.”
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines