Liwayway

Soulmates (5)

- Evelyn L. Estrella-Sebastian

(IKA-5 NA LABAS)

B

INAYBAY nila ni Joey ang Espana hanggang makarating sa may Morayta. Noon lumakas ang buhos ng ulan. Inakay siya ni Joey papasok sa isang kainan.

“Bakit?” tanong niya, ngunit di naman siya nakadama ng pagtutol.

“Sobra tayong mababasa kapag sumugod tayo sa lakas ng ulan. Mahirap nang magkasakit,” sagot ni Joey. “Miryenda muna tayo, tutal narito na.”

Hindi niya kilala ang kainang pinasukan nila. Umorder si Joey ng hotdog na nang dumating ay nagulat siya sa haba. “Ang haba, mauubos ko ba ‘yan? At tiyak, mahal ‘yan,” may pag-aalalang wika niya. Sumingit sa kanyang isipan ang nalamang kuwento ng buhay nito na iginagapan­g lamang ang pag-aaral.

Tumawa si Joey. At lugod niyang pinagmasda­n ang nalarawang tuwa sa mukha nito. “Hati tayo, ubos natin iyan. At di naman masyadong mahal. Saka di naman kita yayayaing kumain nang ganito, araw-araw. Pero...” biglang nagseryoso, napatigil sa pagsasalit­a si Joey.

“Pero ano,” tanong niya, katambal ang pagtatakan­g nakikipag-usap siya rito na waring dati na silang magkakilal­a, matagal nang magkaibiga­n at magkapalag­ayang-loob.

Tiningnan siya ni Joey. “Huwag kang tatawa.” “Bakit ako tatawa?” “Baka sabihin mong nangangara­p ako nang gising.”

“Bakit?” naguguluha­n pa rin siya. “Mahirap lang kami.” “Ngayon, ano?” “Siyempre, gusto kong mabago ang kalagayan namin sa buhay.”

“E, bakit ako tatawa. Lahat naman ng tao, gustong mabago ang lagay nila sa buhay. Kung mahirap, gustong magkapera. Iyong walang bahay, gustong magkabahay. Walang kotse, gustong magkakotse. Iyong mahilig sa negosyo, gustong

Binalikan niya ang nasimulang alaala ng nakaraan. Si Joey. At si Sergio. Nang unang nagkita ang dalawa. Sandaling-sandali lamang.

magkanegos­yo. Iyong mag-ari ng sari-sari store, gustong lumaki ito at maging groseri, iyong…” para siyang nasusian, dahil siguro gusto niyang mapalagay ang loob ni Joey kung anuman ang nasa isip nito.

Matagal na napatitig si Joey sa kanya. May nakabiting ngiti sa mga labi nito. “Naiisip mo ‘yan? May gusto ka pa bang wala sa iyo?”

Nagtatakan­g napatingin siya kay Joey.“Bakit? Ano akala mo sa amin? Mayaman? Empleyado lang sa kapitolyo ang Tatay ko. Mukha lang kaming nakaluluwa­g, kasi iisa akong anak.” Tumango si Joey. “Ako din, nag-iisa akong anak. Pero…” “Ano?” Ngunit binago nani Joey ang usapan. “Saka na lang. Kumain na tayo. Patila na ang ulan.”

Muli, parang naging seryoso si Joey. Nanumbalik ang waring angat, may distansiya­ng pakikitung­o sa kanya, bagaman at naroon ang kilos nang pag-aalaga. Walang imikang natapos nila ang pagkain. Mahina na ang ulan nang makarating sila ng bahay, ngunit magkasukob pa rin sila sa payong. Inaabangan siya ni Thelma sa may pintuan, may hawak na payong.

“Naku,” bulalas nito nang makita sila ni Joey. “Alalangala­la pa naman ako na basang-basa ka, ‘yun pala, may knight in

shining armour ka. Hindi sibat ang dala, payong...” Tumawa siya sa kalukuhan ng pinsan at binalingan si Joey. “Salamat.”

Tumango lamang si Joey at tumawid nang pauwi sa apartment.

Sabi ni Thelma, “Ang seryoso naman ni Joey. Nag-usap ba kayo? Kinausap ka ba naman. Parang a man with few words.” Nagbilang siya ng daliri sa isang kamay. “Mga lima sigurong

sentence mula sa UST,” ngunit hindi niya binilang ang mahabahaba nilang usapang hindi tapos habang kumakain.

Humagikgik si Thelma. “Akala ko, crush ka raw niyan, sabi ni Rolly, tsismis nina Cely. Bakit walang sound.”

Tumayo ang tainga niya sa narinig. Gusto sana niyang usisain si Thelma sa sinabi nitong tsismis nina Cely na crush siya ni Joey, ngunit nagpigil siya. Baka mahalatang sobra siyang interesado. Baka makarating sa kanyang Nanay. Nagsawalan­gkibo na lamang siya at sinarili ang nadaramang kaligayaha­n sa natuklasan­g tsismis.

Ngunit nang gabing iyon, hindi niya narinig ang sinisipol na awit ng kanyang estrangher­o sa gabi.

SINULYAPAN ni Rowena ang orasan. Pasado alauna. Bumiling siya ng higa. Nakaharap pa rin sa gawi niya ang kanyang asawa. Magiliw na hinawi niya ang buhok na nakalawit sa dakong noo nito. Kumilos ito at tumihaya. Sa sinag ng ilaw ng bombilya sa labas ng kanilang durungawan ay pinagmasda­n niya ang tangos ng ilong nitong pinatingka­d nang lalo pang naging hawas na mukha bunga ng pagkakasak­it ng nakalipas na mga araw. Tumihaya na rin siya sa pagkakahig­a. Tuluyan nang iniwan siya ng antok. Binalikan niya ang nasimulang alaala ng nakaraan. Si Joey. At si Sergio. Nang unang nagkita ang dalawa. Sandaling-sandali lamang.

Huling taon na nang pag-aaral ni Sergio sa Los Banos. Dumating itong minsan sa kasera, araw ng Linggo, makapanang­hali. May dalang pasalubong, buko pie, original.

“Sabi ng Nanay mo, paborito mo raw. Iyan lang daw ang nagugustuh­an mo sa mga dinadala ko sa inyo,” wika ni Sergio.

Tumango siya. “Oo nga, pero, ang dami naman ng dala mo. Limang kahon!” “P’wedeng ilagay sa freezer. Thaw na lang pag kakainin.” Siniko siya ni Thelma at bumulong, di mo pa ako ‘pinapakila­la. “Siyanga pala, Ito si Thelma, pinsan ko.” “Hi, Thelma, kilala na kita sa pangalan, ikinuk’wento ni Tita Annie na kasama ni Rowena dito sa kasera.”

“Tita Annie? Kamag-anak din tayo?” nagtatakan­g tanong ni Thelma.

Natawa si Sergio. “P’wede rin...” sumulyap ito sa kanya, “kung sakali...”

Nakataas ang kilay na napatingin si Thelma sa kanya. Bahagya namang kumunot ang kanyang noo. Wari namang nakahalata si Thelma at agad binago ang usapan. “Bigyan kaya natin sina Cely sa kabila. P’wede, Sergio?” hingi nito ng permiso sa nagdala.

“Aba, oo. Bigyan n’yo kung sino ang gusto ninyong bigyan.”

Agad tumakbo sa may bintana si Thelma. Sumilipsil­ip, sunod ay kumaway. Kaway na umaatikabo.

“Ano? May nakakita ba sa iyo?” tanong niya pagbabalik nito. “May pupunta ba?”

Tumango si Thelma. Hindi naglaon ay may kumakatok na sa pinto. Siya ang nagbukas dahil siya ang pinakamala­pit dito. Si Joey ang bumulaga sa kanyang mga mata pagbukas niya ng pintuan. Ang pagkabigla ay kapwa lumarawan sa kanilang mga mukha.

“Tuloy,” nahagilap niyang wika.

“Si Thelma...” lumingap si Joey. “Kumaway, baka ‘kako may sasabihin.”

Lumapit si Thelma. “May ibibigay kami sa inyo, masarap, dala ng kaibigan ni Rowena, galing pa ng Laguna. O, Rowena,

introduce mo iyong dalawa.” “Oo nga pala. Si Sergio, tagaroon sa amin. Sa Los Banos siya nag-aaral. Si Joey, kapitbahay namin, diyan sa tapat,” pagpapakil­ala niya, kalmado na siya.

Nagkamay ang dalawa. Si Sergio ang unang naglahad ng palad na inabot naman ni Joey. Nakangiti si Sergio, pero si Joey ay parang asiwa, hindi palagay ang loob. Pamaya-maya ay nagpaalam na. “May tinatapos akong gawin, salamat dito,” at inabot ang kahon ng buko pie na ibinibigay ni Thelma.

Inihatid niya hanggang makalabas ng pintuan si Joey. Salamat, bahagya nang namulas sa mga labi nito. Tumango siya, saglit na nag-ugnay ang kanilang mga paningin at muli niyang nadama ang hindi maipaliwan­ag, ang tinatawag ng kanyang Ate Linda, na koneksiyon.

Isasara na niya ang pinto nang matanaw niya ang magkapatid na Cely at Nestor na patawid ng daan, waring patungo sa kanila. Nag-usap sandali ang mga nagkasalub­ong. Bumalik nasi Nestor kasama ni Joey ngunit tumuloy si Cely.

Muli, nagpakilal­anan. “Saya siguro ninyo rito. Dami n’yong magkakaibi­gan,” ang obserbasyo­n ni Sergio.

Sabay pang tumango sina Thelma at Cely. “Kulang pa nga ang nakita mo ngayon. Kasama ko sana ang Kuya ko pero bumalik na nang makita ang dala ni Joey na buko pie. Tiyak, lalantakan na ng dalawa iyon,” wika ni Cely. “Baka maubusan ako.”

Agad siyang nagpasiya,”Uwi mo pa itong isa. May tatlo pang matitira, e kami lang naman ni Thelma, saka si Rolly at si Manang ang kakain ng iba. Freezer ko iyong isa para sa pag balik ni Tiya Seang, ‘yung may-ari, umuwi lang ng probinsiya,” wika niyang kay Sergio na tumingin.

“Dami nga pala ninyo. Rowena,” binalingan siya ni Sergio.”Siyanga pala, may pangako ako noon, sinabi ko pa kay Tita Annie, pakakainin kita ng halo-halo na mas masarap kaysa du’n sa nakakain mo sa Central Market. Ngayon na. Sama kayong lahat,” anyaya nito kina Thelma at Cely.

Nagkatingi­nan ang dalawa. Sunod ay sa kanya. Kay Sergio naman siya tumingin. “P’wede namang hindi na. May dala ka na ngang miryenda.”

“Pangako iyon. Saka bihira akong mapunta rito. Sabik na rin akong makakain ng halo-halo sa Little Quiapo. Masarap din ang pancit palabok du’n.”

Nakatingin ang lahat sa kanya, hinihintay ang kanyang pasiya. Halata kina Thelma at Cely na gusto. Napilitan na siyang tumango.

“Paalam muna ako sa Kuya ko,” wika ni Cely na tinungo na ang pintuan.

“Yayain mo na rin, isama natin, pati iyong si...” nag-isip si Sergio, “Joey?” alanganing tanong. Napahinto si Cely sa paglabas sa pinto. “Talaga?” Ngumiti si Sergio. “Oo. Minsan lamang namang mangyari ito.”

Tumingin si Cely sa kanya. Si Thelma rin. Kumibit ang kanyang balikat. “Sabi niya...” paubaya niyang wika.

Takbo nang lumabas si Cely. At sila naman ni Thelma ay nagbihis. Naiwang mag-isa si Sergio sa sala ngunit nang bumalik sila ay naroon na sina Cely at Nestor na naipakilal­a na rin. At parang dati nang magkakakil­alang nag-uusap.

Wala si Joey. Iyon agad ang kanyang napuna ngunit hindi siya kumibo. Si Thelma ang nagtanong. “Si Joey, hindi ba sasama?”

Sabay pang sumulyap ang magkapatid sa kanya. Napansin niyang hindi ito nakaligtas sa paningin ni Sergio. “Salamat na lamang daw, may gagawin kasi siya,” wika ni Nestor.

Hindi na siya pumayag magtaksi. “Nilalakad ko lamang ito araw-araw.”

At naglakad silang lima. Sa paglalakad, magkaagapa­y sila ni Sergio sa unahan at magkakasab­ay na sumusunod sa kanila sina Thelma, Cely at Nestor. Masaya ang tatlo sa likuran habang pasagut-sagot lamang siya sa mga tanong ni Sergio. Ang buong kaisipan niya ay nakatuon kay Joey. Pakiramdam niya ay naiwan ang kanyang puso sa apartment na katapat ng kanilang kasera. General ang usapan sa mesa habang sila ay nagmimirye­nda. Alam niyang curious sina Thelma kung ano ang relasyon niya kay Sergio. Lalo pa siguro si Nestor, sa pakiramdam niya. Malamang na ikukuwento nito kay Joey ang lahat ng nangyari ng hapong iyon. Pasimple lamang naman ang mga tanong, pero alam niya, halata rin ito ni Sergio. Ang kainaman kay Sergio, palibhasa ay higit na nakatatand­a sa kanilang lahat, magaling itong sasagot. Kalimitan nga ay ito pa ang nagpapauna ng pagkukuwen­to tungkol sa kanya. Maingat naman, walang inilalagay na kahulugan.

“Alam ba ninyong maganda ang boses nitong si Rowena?” tanong nito.

Nagulat si Thelma. “Talaga? Ni hindi ko narinig kumanta iyan sa banyo pag naliligo.”

“Member siya ng Glee Club sa esk’welahan namin. Doon ko nga siya unang nakita.”

“Bakit, di ba kayo magkapitba­hay? Sa school mo pa siya nakita?” tanong ni Cely.

Dito siya nakisagot. “Di kami magkakilal­a. Malayo ang bahay nila sa amin. Mayaman sila,” ewan kung bakit niya isinunod iyon.

Kinunutan siya ng noo ni Sergio. “Huwag kayong maniwala dito kay Rowena. Mukha lang akong mayaman dahil nag-iisa akong anak, pinag-aral doon sa esk’welahan ng mga pari sa bayan namin. E, maraming maykayang doon nag-aaral.”

Hindi na siya kumibo. Sumingit bigla sa kanyang isipan ang usapan nila ni Joey noong kumain sila ng foot-long hotdog. Pare-pareho pala silang nag-iisang anak ngunit iba-iba nga lamang ang mga kalagayan nila sa buhay. Tunay na mayaman, bahagyang nakaluluwa­g, at talagang mahirap. Parang lumipad ang kanyang isip, nawala siya sa kanilang harapan.

“Penny for your thought,” narinig na lamang niya, tinig ni Sergio. At ang sabay-sabay na tawag nina Thelma at Cely. Hoy, Rowena…

“Sori, sori…” hingi niya ng paumanhin. Wala na siyang masabi, walang maipaliliw­anag.

Nang pauwi na sila, sa unahan naman naglalakad ang tatlo niyang kasama. Nasa hulihan sila ni Sergio. Noon siya tinanong ni Sergio, “May boyfriend ka na ba, Rowena?”

Inirapan niya si Sergio. “Naku, e, di pinauwi ako ni Nanay niyan. Bawal. Bata-bata ko pa.” “E, may nanliligaw ba?” usisa pa rin nito. Nilingap niya si Sergio. “Alam mo, Sergio, bakit lagi mong itinatanon­g sa akin iyan.

Noon pa. Tuwing nagkakausa­p tayo, iisa ang topic ng usapan natin. Kung may boyfriend ako. Na lagi ko namang sinasabing wala. Pero ngayon, may nadagdag. Kung may nanliligaw. Bakit ba?” kaagad siyang nagsisi sa huli niyang sinabi. Kahit kailan, hindi niya ito binalikan ng tanong kung bakit siya inuusisa. Natatakot siya sa isasagot nito. Parang alam na niya. Ngunit ngayon, nagulat rin siya sa kanyang sarili, sinagot niya si Sergio at kay haba pa ng kanyang diskarte.

Ngunit hindi siya sinagot ni Sergio. Tumawa lamang ito. “Tanda mo pa ba kung kailan ko sinimulang itanong iyan sa iyo?”

Nag-isip siya. “High school ako, doon ka na sa Los Banos, pag umuuwi ka.” “Ano’ng sagot mo sa akin.” “Wala. Wala akong boyfriend.” “Ano’ng katwiran mo kung bakit wala.” “Bata pa ako.” “Bata ka pa rin ba ngayon, Rowena?” “Oo ba. Hindi pa ako bumuboto sa eleksiyon.” Muling natawa si Sergio. “Nakakatuwa ka, Rowena. Stay as sweet as you are…”

Matapos silang ihatid ni Sergio ay umalis na ito dahil babalik pa sa Los Banos. Matagal na itong wala ay hindi pa rin bumabalik sina Cely at Nestor sa kanilang apartment. Hindi kumikibo si Nestor ngunit sina Thelma at Cely ang nag-usisa sa kanya. “Manliligaw mo ba si Sergio?” Umiling siya. “Hindi.” “Wala pang sinasabi,” wika niCely. Nagkibit siya ng balikat. “Wala namang dapat sabihin.” “Pero mukhang interesado. Ay, good catch, pinsan,” wika ni Thelma. Ngunit napailing si Cely, at ang sabi. “Paano na si Joey?” Napabulala­s niya. “Ano ba kayo?Hindi ko naman manliligaw si Sergio. Kababayan, kaibigan, pero hindi naman

very close. At bakit napasok si Joey sa usapan?” Nagkatingi­nan ang kanyang mga kaharap. Nagkindata­n sina Thelma at Cely. Nagpaalam nasi Nestor, kinalabit ang kapatid. “Tayo na.”

“Salamat, Rowena. Sarap ng palabok at halo-halo. Kapag dumalaw nga ulit si Sergio, tawagin mo ulit kami,” nanunukso na si Cely.

Inambaan niya ito ng suntok kuno habang sa likod ng kanyang isipan ay naglalaro ang tanong nitong paano na si Joey?

Nang gabing iyon, muli siyang nabigo. Hindi niya narinig ang sipol ng kanyang soulmate.

(ITUTULOY)

 ??  ?? “Oo nga pala. Si Sergio, tagaroon sa amin. Sa Los Banos siya nag-aaral. Si Joey, kapitbahay namin, diyan sa tapat,” pagpapakil­ala niya, kalmado na siya.
“Oo nga pala. Si Sergio, tagaroon sa amin. Sa Los Banos siya nag-aaral. Si Joey, kapitbahay namin, diyan sa tapat,” pagpapakil­ala niya, kalmado na siya.
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines