Sa Ibang Pagkakataon (1)

(UNANG BAHAGI)

Liwayway - - Mga Nilalaman - Armando T. Javier

ANG lalaki ay nakita ni Marita na tumitingin sa salansanan ng mga romance novels na Tagalog sa bookstore. Siya man ay tumitingin din, namimili, ng kanyang kursunada. Napansin niya, nahuhuli pala, na patingin-tingin sa gawi niya ang lalaki. Gusto sigurong makipagkilala. Uso na naman ngayon ang ganoon kahit wala pa naman siyang nakakatagpo na nakikipagkilala sa kanya. Mukha kasi siyang suplada; may katangusan ang kanyang ilong at habaan ang kanyang mukha. Maputi rin siya.

Lumayu-layo siya sa lalaki. Tanghali at kapag gayong tanghali, kakaunti ang kostumer sa bookstore lalo na sa romance section. Nagtataka nga siya kung bakit romance pocketbooks pa ang napiling bilhin ng lalaki. Ka-lalaking tao! At ang laki ng katawan! Baka naman bading, nasabi ni Marita sa sarili. Natawa siya nang lihim.

May napili nang dalawang libro ang lalaki pero hindi pa rin umaalis sa pocketbook section. Baka kumukuha nang tiyempo, naisip uli ni Marita.

Siya man ay may napili na rin: dalawang pocketbook ng paborito niyang awtor na si Teri Tecson at doon nakatingin ngayon ang lalaki.

“Maganda ba ‘yang librong ‘yan, miss?”

Sabi na nga ba, sabi ni Marita sa sarili, gumagawa ng paraan ang lalaki para makipagkilala sa kanya. Kung pagsupladahan kaya niya. Kaso, iba ang nasabi niya. “Oo naman!” Siguro’y gusto rin nga niyang makipagkilala sa kanya ang lalaki na hindi naman kapangitan at hindi rin naman guwapung-guwapo. Iyong tipo ng lalaki na kung magiging boyfriend ay hindi naman ikahihiyang makasabay ng babae sa kalsada.

Pagkarinig sa sinabi niya, napangiti nang maluwang ang lalaki, tila may kinatuwaan.

“Miss, maniniwala ka bang ako’ng sumulat ng librong ‘yan?” Ang reaksiyon niya ay magkahalong pagkamangha at hindi paniniwala. “Talaga…?” Muli niyang pinagmasdan ang lalaki: ang mamasel na mga braso, ang slim na pangangatawan, ang humahakab na poloshirt sa malapad na katawan. Mas mukhang bouncer ito kaysa sa writer.

Inilabas ng lalaki ang wallet, dumukot ng isang calling card at iniabot sa kanya. ELEUTERIO TECSON, nabasa niya, WRITEREDITOR, kasunod ang telephone number nito. Muli niyang pinagmasdan ang mukha ng lalaki. “Bakit Teri? Di ba dapat Terry?” “Gusto ng publisher. May survey yata sila na mas mabili’ng pocketbooks—lalo’t romance—kung babae ang by-line— ang pangalan ng sumulat.”

Hindi pa rin kumbinsido si Marita. Ang tingin niya kasi sa lalaki ay mukhang sanay, mukhang bolero. Nakikipag-eye contact nga kapag kinakausap siya. “May pangalan ka naman siguro?” “Meron naman.” “Hulaan ko.” “Ano?” “Joyce?” 1994 noon, kasikatan ni Joyce Jimenez. Pinamulahan siya ng mukha at wala-sa-loob na napababa ang tingin sa tapat ng kanyang dibdib. Sing-prominente rin ng dibdib ng ‘pantasya ng bayan’ ang kanyang dibdib. Sumungit ang kanyang mukha. “Hindi ‘no!” “E, ano pala?” “Marita,” paiwas na sabi niya at humakbang patungo sa cashier. Kasunod niya ang lalaki. “Magkasama kayo?” tanong ng cashier nang magkasunod nilang ilapag sa tapat ng kaha ang kani-kanilang napiling pocketbooks.

“Oo,” sagot ni Terry. “Ako’ng magbabayad.” Nilingon niya ang lalaki. Nagpalipat-lipat sa kanila ang tingin ng kahera. “Pagbukurin mo’ng supot, miss,” sabi ni Marita. “Oho, ma’m.” Iniabot nito kay Terry ang sukli sa limandaang pisong ibinayad nito at pinagbukod nga ng supot ang tigalawa nilang pocketbooks. Sinabayan pa rin siya ni Terry paglabas sa bookstore. “Nagmamadali ka ba, Marita?” “Bakit?” “Wala. Baka mag-iikut-ikot ka pa sa mall, p’wede kitang samahan. Maluwag ako sa oras…”

“Di ba ang mga writer, dapat laging nakaharap sa typewriter?”

“Dapat talaga, pero kailangan ding paminsan-minsan, e lumabas—magrelaks, mag-unwind; kung hindi, baka mabaliw!” Napatawa siya. “Komedyante ka, alam mo ba ‘yon?” “Matagal na!” Muli siyang napatawa. Kasabay pa rin niya ang lalaki. “Wala ka bang ibang bibilhin?” “Wala. Pag hindi ako nagsusulat, nag-iikot lang ako sa mall, tumitingin-tingin ng libro sa bookstore…” “—Nakikipagkilala sa mga babae?” “Ngayon lang. Sa ‘yo lang.” “Maniwala?” Nagkibit-balikat si Terry. Naglakad sila, magkasabay, sa paligid-ligid ng Greenbelt. “May bibilhin pa ‘ko.” “Sige lang. Nagpapatay lang naman ako ng oras.” Hinanap ng mga paa ni Marita ang botika, pumasok doon at lumapit sa counter. Dumistansiya si Terry, nililingon lamang siya. “Okey na?” “Oo.” May mga bangkong bato pa sa paligid ng Greenbelt Park noon. Nagyungyong ang mga sanga nang madahong puno, mahangin pa. Nang maupo si Terry sa isa sa mga bangkong bato, napasunod siya, ipinatong sa hita ang supot ng biniling gamot at ng dalawang pocketbooks.

“May mga nasulat kang istorya dito?” tanong ni Marita, palinga-linga sa paligid, tila sinisino ang mga nagdaraan. “Wala pa. Pero, siguro ngayon me maisusulat na ‘ko.” Napangiti si Marita. “Lahat ba ng sinusulat mo, nangyari talaga sa ‘yo?” “’Yung iba. Mas maraming imbento lang.” “Di marami ka na ring love affairs?” “Konti lang.” “Maniwala?” Napangiti uli si Terry. Sa tantiya ni Marita’y wala pa itong treinta anyos, baka beinte otso o beinte nuwebe lamang. “Kain tayo, treat ko?” Napatingin sa kanyang relos si Marita, pasado alas-dos pa lamang. “Treat mo, sure ka?” “Oo naman. Sa’n mo gusto?” Ilang hakbang lamang ang pizza house na iyon, na nasa harap ng Sto. Nino Chapel. Doon sila. Siya ang pinaorder ni Terry. Isang pandalawahang pizza ang inorder niya: mug ng beer para sa manunulat at baso naman ng root beer para sa kanya.

“Parang date na ‘to, a?” sabi ni Marita. “Wala pang isang oras tayong magkakilala.” “Masama ba?” Nagkatinginan sila. Nagbaba ng tingin si Marita, tila napaso sa pagkakatingin ni Terry, at para makaiwas, binuksan niya ang supot ng biniling pocketbooks, inilabas at binuklat. “Gusto mo, i-autograph ko ‘yan?” “P’wede?” “P’wedeng-p’wede!” Kinawayan nito ang waitress, na nag-akalang oorder uli sila. Napakunot-noo nang manghiram ng bolpen si Terry. Sinulatan nito ang dalawang pocketbooks, saka ibinalik sa waitress ang bolpen.

“’Yan,” tila may pagmamalaking sabi ni Terry, “me value na ‘yan. Me autograph na.” “Gano’n ba ‘yon?” “Oo.” Binasa ni Marita ang isinulat ni Terry: Marita: Sa uulitin…Teri Tecson.

“Umaasa ka pa, ha?” “Masama ba?” Naroon na naman ang tinging iyon, marubdob, tila ibig tumagos sa kanyang kaluluwa. Ipinagpatuloy nila ang pagkain. Maya-maya pa… “Pasaan ka?” Nakatayo sila sa kalsada, daan-daanan ng jeep. “Pasay Road. Ikaw?” “Libertad pa. Tena.” Sumakay sila, walang kibuan sa biyahe. Sa pagtataka niya, nang sapitin nila ang intersection ng Tengco St. at Pasay Road at

Kay Marita, isang simpleng pagkikilala ang nangyari sa kanila ni Terry. Pero paano kung higit pa roon ang gustong mangyari ni Terry?

“Maganda ba ‘yang librong ‘yan, miss?” Sabi na nga ba, sabi ni Marita sa sarili, gumagawa ng paraan ang lalaki para makipagkilala sa kanya. Kung pagsupladahan kaya niya. Kaso, iba ang nasabi niya. “Oo naman!”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.