Ang Hinahanap Nina Nelson At Lorna
NANG araw na iyon, pagkalabas sa pabrika, alas tres ng hapon, ay humilata na sa kanyang kama si Nelson. Maraming delivery ng mga raw materials na sangkap sa paggawa ng telecom cables na kinailangan niyang gawan ng initial testings kaya nakaramdam siya ng pagod pagkatapos ng walong oras na pagtatrabaho.
Nag-aagaw-tulog na siya nang tumunog ang kanyang telepono.
“Hindi mo ba ako babatiin? Birthday ko ngayon,” si Lorna ang nasa kabilang dulo.
“Ha? E…Happy Birthday. Wala ka na rin sa kalendaryo, ano?” biro niya.
“Ano ka naman? May dalawang taon pa ako, a. Di ba dalawang taon ang lamang mo sa akin?” ang sagot na nagtatawa. “E, anong balak? Saan ang celebration?” “Dito na lang sa bahay. Nagluto ako ng kung anu-anong alam kong gusto mo. Parito ka mamayang six. Okey?”
“Teka…dumating na ba ang mister mo?”
“Hindi pa nga. Parang nalimutan na yatang birthday ko ngayon. Nag-iisa lang ako rine. Bukas ko susunduin si Cassandra sa kanyang mga lola. Hihintayin kita, okey?”
“Teka, teka…may gusto kang dalhin ko?”
“Wala. Kumpleto na rito. ‘Yon na lang dati mong dala-dala. Bye,” ang sabing binuntutan ng hagikhik sabay patay sa telepono.
Ilang sandaling nakatunganga si Nelson, hawak-hawak sa pagkakatihaya sa kama, ang telepono. Nakaramdam siya ng panginginig habang marahas ang galaw ng mga aninong nagsasalimbayan sa kanyang imahinasyon. Sinalat niya ang kanyang dibdib. Malakas ang kabog at nanginginit ang kanyang kabuuan. Ang init na hinahanap niya sa ilalim ng makapal na quilt noong unang gabi pagkatapos niyang makilala si Lorna ay iilang sandali na lang ang layo sa kanyang mga kamay. At natitiyak niya, mapupunan na ang sinasabi nitong kakulangan sa buhay. Iisa ang kanilang hinahanap at iyon ay matatagpuan nila sa isa’t isa…ngayon.
Paano nga ba pumasok sa tahimik na buhay -TNT niya si Lorna?
Isang matinong guro si Nelson sa isang pribadong paaralan sa Pilipinas at maligayang namumuhay sa piling ng kanyang asawang si Jovette at dalawang munting anghel. Isang kaibigang kaguro nilang mag-asawa ang umengganyo sa kanyang pumunta rito sa Australia kahit bilang turista at malaki raw ang posibilidad na ang mga overstaying at illegal migrants ay mabibigyan ng amnesty para maging permanent resident. Masuwerte ngang nakakita sila ng trabaho bago pa nag-expire ang kanilang visa. At nagpatuloy sila sa pagtatrabaho at paghihintay sa sinasabing amnesty. Yaon ay dalawang taon na ang nakalilipas pero hanggang sa ngayon ay walang balita tungkol dito. Nakapagpapadala naman siya sa
kanyang mag-iina sa Pilipinas pero hindi niya masabing maligaya siya sa ganoong sitwasyon. Mag-iipon lang at uuwi siya sa Pilipinas. Hindi niya pinangarap tumanda sa ibang lupain. Gusto niyang sa kanyang lupang sinilangan humalo ang kanyang alabok pagdating ng panahon.
Maingat at tahimik nga siyang namumuhay kasama ang kaibigan at flatmate na Pinoy. Buhay-TNT…walang night life, bahay-trabaho- bahay lang ang ruta araw-araw para iwas sa mga galamay ng Australian Immigration. Gayunman, paminsanminsan, kapag rostered day off ay binibitbit niya ang kanyang kamera at gumagala sa malaking siyudad ng Sydney para labanan ang pangungulila sa asawa at dalawang anak. Isang oras din ang biyahe mula sa distrito ng Dee Why kung saan naroon ang telephone cable factory na pinapasukan nila ng kaibigang Pinoy. Dito na rin sila umuupa ng flat.
Nitong nagdaang winter dalawang buwan na ang nakararaan, nagkrus ang landas nila ni Lorna.
Day off niya ng Biyernes na iyon at maghapon niyang ginalugad ang pusod ng Sydney. Nag-bus siya mula sa Dee Why hanggang Manly Wharf kung saan sumakay naman siya ng ferry boat hanggang sa Circular Quay. Pagkababa sa ferry boat ay niligid at umakyat muna siya sa marmol na Sydney Opera House. Naging abala ang kanyang mga mata at kamera sa paghuli sa magagandang tanawin pati na ang bantog na Sydney Harbor Bridge. Pagkatapos, lumakad lang siya nang lumakad. Walang tiyak na destinasyon hanggang abutin siya ng dilim at magpasiyang bumalik na sa Dee Why.
Ang unang tinungo niya pagkababa sa bus ay ang kanyang paboritong delicatessen ng isang Griyego sa Dee Why. Tunaw na ang malaking hamburger na tinanghalian niya kanina habang naglilibot sa Sydney at nag-aabiso na ang kanyang sikmura.
Wala nang balak magluto pagdating sa bahay, kaya bibili na lang siya ng hapunan:
one fourth na manok na may kasamang potato chips at kalahating sweet corn. Ayos na ang kanyang tulog sigurado. Dalawa ang nakapilang
costumer sa food stall ng Griyego at ang nasa huli ay isang babaeng may akay na tatatluhing-taong bata, na kulay ginto ang kulot na mahabang buhok. Kayumanggi ang balingkinitang babae na lumingon nang maramdaman ang kanyang paglapit. Ngumiti ito at hinagod siya ng tingin.
“Pilipino ka?” bahagyang nabigla si Nelson sa hindi inaasahang tanong ng babae.
“O…oo. Ikaw?” napabiglang tanong niya na agad na sinundan. “Este…I mean, saan ka rito?” “Diyan lang sa dulo ng Pacific Parade. Ikaw?” “A…dito lang ako sa kanto ng Howard at Avon. Diyan lang sa banda riyan.” “Batangas ka,‘no?” ang tanong pa na nakangiti. Tumango siya. Sadya namang halata ng sinumang kapwa Pilipino ang hindi niya itinatagong lalawiganing punto ng pagsasalita. “Ikaw?” ganti niya. “Taga-Olongapo ako.” Naputol ang kanilang pag-uusap nang nasa harap na ng
counter ang babae. Ilang sandali pa ay nagpaalam na ito sa kanya.
Naglalakad na si Nelson pauwi at inuunti-unti na niyang kukutin ang potato chips nang biglang may pumutpot na sasakyan sa kanyang likuran. Buti na lang hindi niya nabitiwan ang hawak na pagkain.
Sumungaw sa bintana ng kotse ang nakangiting magandang mukha ng babaing kausap niya kanina. “Sakay na, kabayan,” ang sabi. “A…e, diyan lang ako sa kanto, kabayan. Salamat na…” tanggi niya.
“Sige na. Doon din sa kanto mo ako kakanan patungong Pacific Parade. Come on,” pilit nito. Sumakay siya. “Ako nga pala si Lorna…Lorna Stephenson. Amante noong dalaga pa,” anang babae habang mabagal na umuusad ang kotseng minamaneho.
“Nelson Dimaano. Ganoon din…Dimaano, noong binata pa,” sagot niyang binuntutan ng tawa.
“Ay, oo nga, ‘no?” ang sabing nagtawa rin. “Matagal ka na rito…sa Australia?” “Magdadalawang taon na.” “Una lang pala ako ng dalawang taon sa ‘yo rito. Pero dalawang buwan pa lang kami rito sa Dee Why. Dati doon kami sa Mona Vale. Nakabili kami ng bahay dito, malapit sa Dee Why Beach, kaya kami lumipat. Nandito rin ang asawa mo? ”
“Susunod siya rito,” pagsisinungaling niya. “Very soon. May inaayos pa lang siya sa ‘Pinas.” “Paano ang mga anak n’yo? Kasama niya paparito?” “A…e…wala pa kaming anak,” muli, pagsisinungaling niya. Parang nanginit ang kanyang mukha sa mga tanong ni Lorna. Sigurado siyang Australian citizen na ito at maaaring sa katatanong nito ay makalkal pati ang pagiging illegal migrant niya. Ang galing magtanong, e. “Ay, Lorna, diyan na lang ako sa kanto. Nice meeting you and thanks for the ride,” aniya.
“You’re welcome, Nelson,” ani Lorna. “Siyanga pala, nalimutan kong ipakilala sa ‘yo ang aking anak, si Cassandra,” dugtong nito na biglang napahagikhik nang makita ang cute na paslit na tulog na tulog pala sa pagkakaupo sa kanyang carrier sa hulihang upuan ng kotse.
“Diyan ka ba talaga nakatira, Nelson?” tanong ni Lorna nang buksan niya ang pinto ng kotse at akmang bababa na.
“Oo, diyan sa unang pinto,” sagot niya. “Thanks uli. Ingat.”
Wala ang kanyang flatmate. Panghapon, kaya alas onse pa siya magkakaroon ng kasama.
Pagkakain ng iniuwing hapunan ay pumasok na si Nelson sa kanyang silid. Nanunuot sa buto ang lamig ng winter kaya binuhay niya ang kanyang portable room warmer o heater saka pumailalim sa makapal na quilt. Pero naroon pa rin ang lamig.
Nakatutok ang kanyang mga mata sa maputing kisame ng kanyang silid nang unti-unting lumitaw roon ang magandang mukha ni Lorna at ang matamis na ngiting unang ibinati nito sa kanya kanina. Morena, pero mapang-akit ang kabuuang hitsura nito at kung hindi aaminin ay hindi hihinalaing may anak nang isa. Sa loob-loob niya: “Sarap sigurong kayakap ang mainit na katawan ni Lorna sa ilalim ng quilt”.
Nakatulugan niya ang katotohanang ibang init ang hinahanap ng kanyang katawan…hindi ang init na ibinubuga ng namumulang filament ng kanyang room warmer.
Makalipas ang isang linggo, ang sinasabing mapanuksong tadhana ay umeksena.
Pumipili si Nelson ng mababangong body soap sa bunton na may naka-tag na Bargain Sale sa loob ng Woolworth Supermarket, nang isang kamay ang kasama ng dinampot niyang family size na sabon. Nang hanapin niya ang may-ari ng kamay na iyon ay nakangiting mukha ni Lorna ang sumalubong sa kanyang mga mata.
Hindi niya natanggihan ang anyaya ni Lorna. Sa isang magandang restoran sila humantong. “Hindi mo kasama si Cassandra?” tanong niya. “Hiniram ng biyenan ko. Nasa Mona Vale. Dumating na ba ang misis mo?” “Hindi pa. Pero malapit na.” Sa harap ng hapunang iyon ay maraming kuwentong narinig si Nelson mula kay Lorna. Taga-Olongapo nga ito. Anak pala ng isang marinong Brazilian na nakarelasyon ng ina, na,
Bakit nga ba kung minsan ay hinahanap mo pa ang isang bagay na nasa iyo na?
nang pumutok ang Bulkang Pinatubo ay kasamang nawala ng mga Amerikano. Dalaginding na nang mamatay ang ina at upang mabuhay ay sumama sa isang kaibigan at humanap ng trabaho sa Angeles City sa Pampanga. Maganda at bata, madaling tinanggap at tinuruang maging dancer sa isang malaking club doon. Sapat naman ang kita nito bagaman katiting lang daw yaon kung ikukumpara sa mga panahon noong naglipana pa roon ang mga Amerikanong nagpapatakbo ng Clark Air Base.
Kuwento pa ni Lorna, ang kanyang asawa ay isang Awstralyanong Lighting Director sa pelikula na nakilala niya nang minsang nag-shoot ang grupo ng mga ito sa loob ng Clark Air Base, para sa isang war film. Bagaman malaki ang agwat ng kanilang edad ay madali silang nagkaunawaan ng Awstralyano. Pinakasalan siya rito sa Pilipinas, saka siya pinasunod sa Australia. Ayaw siyang pagtrabahuhin kaya full time yaya siya ng kanilang anak.
“Kaganda naman ng istorya ng buhay mo. Masuwerte ka, Lorna,” aniya
“Siguro nga…sa biglang tingin. Pero…ewan…may kulang sa buhay ko.”
“Ano pa ba? May sarili kang bahay, may kotse, hindi magaalalang magugutom, may cute na anak, may mapag-arugang asawa…ano pa?”
“Mapag-aruga, good provider, ok. Pero lagi namang wala sa piling ko. Tulad ngayon, tatlong buwan na siya sa shooting nila sa Vietnam.”
Nakatutok ang magagandang mata ni Lorna kay Nelson. Parang paslit na humihingi ng baon sa ina…parang may gustong hingin sa kanya. Maharot ang kapilyuhang kumislot sa kanyang guniguni.
Bago siya inihatid ni Lorna nang gabing iyon ay nagpalitan na sila ng numero ng telepono. Buo na ang kawing ng kanilang ugnayan.
Sa paglipas ng mga araw ay lalong nagkalapit sina Nelson at Lorna. Walang araw na lumilipas na hindi tumatawag si Lorna. Walang pinipiling oras. Kung minsan ay madaling araw. Minsan naman, nasa pabrika siya, tumatawag ito para lang bumati ng
hello. Walang abog-abog, dumarating ito sa kanilang flat…may dalang meryenda at nakikipagkuwentuhan. May pagkakataong kasama pa si Cassandra. Maganda, malambing, at mabait. Sinong lalaki ang hindi malalamuyot ang kalooban kay Lorna? At alam niya, espesyal siyang kaibigan…maaaring higit pa sa roon, para rito. Sa kanyang sarili ay hindi maitatwa ni Nelson ang pagkahulog ng kanyang loob sa magandang kababayan. “Hindi ka ba natatakot na baka may makasalubong tayong
in-laws mo rito,” tanong niya kay Lorna na nakakawit sa kanyang kaliwang braso habang kanilang binabagtas ang Hyde Park pagkalabas nila ng katabing St. Mary’s Cathedral nang hapon ng Linggong iyon. “That’s a very remote possibility. Iisa lang ang sister-in-law ko, na, sa Queensland pa nakatira, at, ang aking mga biyenan ay busy sa pag-aalaga kay Cassandra. Saka, e, ano ba? Wala pa naman tayong ginagawang masama, di ba?” ang sagot na humalakhak.
Umalingawngaw sa isip ni Nelson ang katagang “pa” pero kunwari’y hindi niya yaon napansin. Sinabayan na lang niya ng halakhak ang tawa ni Lorna.
ILANG sandali pa ay humahalimuyak na ang buong katawan ni Nelson. Lalo siyang kumisig at naging macho sa puting shorts na hanggang tuhod, pulang t-shirt na nakahakab sa kanyang bilugang dibdib, at makapal na beach sandals. Pagkalabas niya ng flat ay ang daang patungo sa kalapit na shops muna ang kanyang tinunton. Tuluy-tuloy siyang pumasok doon at hinanap ang drugstore. “Large?” ang nakangiting tanong sa kanya ng crew na nasa kabila ng counter matapos niyang ibulong ang gusto niyang bilhin.
“No, medium please,” sagot niya. Pagkaabot sa kanya ng isang maliit na kahong kulay ginto ay nakangiting bumulong ang pilyang Australyanang crew ng parmasya.“Enjoy.” Gumanti siya ng ngiti at thumb up.
Balot na ng dilim ang paligid. Matatag ang bawat bagsak ng kanyang mga paa. Hindi nagmamadali ngunit tiyak ang mga hakbang. Isang kanto lang naman ang kanyang lilikuan bago marating ang bahay nina Lorna na humigit kumulang sa limandaang metro ang layo mula roon. Kabisado niya ang lugar dahil malimit na ruta niya iyon kapag may panahon siyang mag-jogging.
Ilang minuto lang ay nasa tapat na siya ng bahay nina Lorna, nakatanaw sa nakapinid na gate sa kabilang gilid ng kalsada. Sinalat niya ang dibdib na malakas na kumakabog.
Tumawid siya sa kalsada. Kakatukin na lang niya ang gate nang magliwanag ang paligid dahil sa headlight ng kotseng biglang lumiko at tumutok doon kasabay ng sunud-sunod na pagbusina. Damdam niya’y sumukdol hanggang lalamunan ang lundag ng kanyang puso sa tindi ng pagkagulat. Napabilis ang hakbang niyang palayo at nagkunwang dumaraan lang. Muli siyang tumawid sa kalsada at tanaw niya nang si Lorna mismo ang nagbukas ng gate. Matagal pang nagyakap ang mag-asawa bago isinara ng lalaki ang gate. Malaking lalaki ang Awstralyano at sa kilos at tindig ay hindi naman katandaang tulad ng nasa kanyang isip.
Ilang sandali pa siyang nanatiling nakatayo sa gilid ng kalsada, nanginginig ang mga tuhod, bago niya nagawang humakbang, pauwi. Darating pala ang asawa, bakit siya inimbita? Paano kung hindi siya dumaan sa drugstore at medyo napaaga siya ng dating at.… nadatnan sila na nasa kainitan ng
…ano? Siguradong isa lang sa dalawa ang lalandingan niya. Alinman sa ospital o sa sementeryo! Ay, pagkalaki palang lalaki ng asawa ni Lorna! Tumunog ang kanyang telepono. “Nasaan ka na?” si Lorna. “Biglang dumating at sinorpresa ako ng aking asawa. Akala ko sa isang linggo pa siya uuwi.
Sorry, saka na lang.” “Okey lang. Narine pa ako sa bahay. Bye,”aniya. Pagkasilid niya ng cellphone sa bulsa ay muling tumunog ito. “’Musta ka na diyan,” ang kanyang asawa, si Joyette. “Buti naman. Akala ko bukas ka pa tatawag,” sagot niya. “E, kasi kinausap ako ni Mr. Atienza kanina. Itinatanong kung kelan ka raw uuwi. Sabi mo raw isang taon ka lang diyan. Inip na inip na sa iyong pagbabalik.”
“Sabihin mo na lang na malapit na. Pero huwag mong sasabihin na bukas na bukas din ay bibili na ako ng ticket at uuwi na ako.” “Ha?! Ganoon ba kadali ‘yon?” “Palagay ko. Kasi may crackdown ngayon ang immigration dine laban sa mga overstaying at illegal migrants at idini-deport agad pag nahuli. E, hindi na nga nila ako hahanapin, kusa akong aalis. Kapag pinigil nila ako, tiyak na Australian government pa ang magbabayad ng plane ticket ko, di ba?”
“Ganoon ba talaga ‘yon? Okey, kung anu’t anuman, sabihin mo sa akin ang eksaktong dating mo at sasalubungin ka namin ng mga bata.”
Pagkatapos ng paalaman nilang mag-asawa ay isinilid niya sa bulsa ang cellphone. Muntik na siyang mapahalakhak nang masalat ang munting kahong iniabot sa kanya kanina ng pilyang Awstralyana sa drugstore. Dinukot niya iyon sa bulsa at biniling-biling sa kanang palad. “Salamat, kaibigan,” bulong niya habang inilalapat sa mga labi ang ginintuang munting kahon. “Kung hindi kita naalaalang isama kanina, baka RIP na ako ngayon.”
Bumilis ang pag-uunahan ng kanyang mga paa nang matanawan niya ang kongkretong basurahan sa kanto. A, makinang ang kislap ng kulay gintong kahon nang ihagis niya iyon sa wari’y humahalakhak na nakangangang bunganga ng basurahan.
May nang-uuyam namang tanong na naririnig si Nelson mula sa isang sulok ng kanyang utak. Bakit nga ba kung minsan ay hinahanap mo pa ang isang bagay na nasa iyo na?