Higante Ang Tatay Ko

Liwayway - - Mga Nilalaman - KC Daniel Inventor

KINATATAKUTAN ang Tatay ko sa lugar namin. Ang sabi kasi ng mga kapitbahay namin, hindi raw ordinaryong tao si Tatay Simo. Isa kasi siyang higante! Totoong higante ang Tatay ko. Mahahaba ang kanyang mga binti. Kasing haba ng mga ito ang mga poste ng kuryente sa aming lugar. Mahahaba ang kanyang mga braso. Parang mga puno ng kawayan sa bakuran namin ang mga ito. Ang laki-laki ng kanyang ulo. Kasinlaki ito ng limampung bola ng basketball na pinagsama-sama. Ang laki-laki ng kanyang boses. Kapag nagsasalita siya ay umuugong ito sa buong paligid. Ang lakilaki rin ng kanyang tiyan. Bilog na bilog na bilog ito na parang buwan.

Kapag tumatayo siya sa loob ng bahay ay nasisira ang aming bubong. Kaya madalas siyang nagtatapal ng mga butas sa bubong ng aming bahay. At sa tuwing lumulusot ang ulo niya sa yero ay nagugulat ang mga kapitbahay namin.

Kapag nag-iinat siya ay nasasagi niya ang mga gamit sa loob ng bahay. Nalalaglag ang mga baso at plato sa mesa, nahuhulog ang mga nakasabit na paninda sa aming munting tindahan, nalalaglag ang orasang nakasabit sa dingding, at madalas nababasag ang mga palamuti naming pigurin.

Kapag dumudungaw siya sa bintana ay napapasigaw at napapatakbo ang mga batang gaya ko. Natatakot kasi sila sa laki ng ulo ni Tatay Simo. Para itong dambuhalang batong galing sa bundok. Iyon nga lang, mayroon itong mata, ilong, bibig, tainga, buhok, at balbas.

Kapag gumigising siya sa umaga ay nabubulabog ang mga kapitbahay naming natutulog pa. Pagkalakas-lakas kasi ng boses niya. Umuuga ang buong kapitbahayan kapag binabati niya ako ng, “Anak, gising na. Magandang umaga!”

Kapag nagpapatahi siya ng kanyang damit kay Aling Tuyang, inaabot ng isang buong araw ang kapitbahay naming sastre, sa pagkuha ng sukat ng kanyang katawan. Kailangan niyang ipasadya ang kanyang mga damit. Hindi kasi kasya sa kanya ang maliliit na damit na binibenta sa mga tindahan. Kapag isinuot niya na kasi ang mga ito ay bigla na lang napupunit sa may bandang tiyan.

Dahil dito, kaya talagang takot na takot sa Tatay ko ang mga tao sa amin.

Makita pa lang nilang naglalakad si Tatay sa malayo ay naghahanap na kaagad sila ng matataguan. Sa sobrang laki at tangkad daw kasi ni Tatay Simo, baka sila ay matapakan!

Natatakot din silang utusang bumili ang kanilang mga anak, kapag si Tatay ang nagbabantay sa tindahan. Sa sobrang haba ng mga braso at laki raw ng mga palad ni Tatay Simo, baka sila ay mahablot papasok sa tindahan!

Kahit ang mga kaklase at guro ko ay nangangatog kapag hinahatid at sinusundo ako ni Tatay sa eskuwelahan. Baka raw

kasi sa bigat ng mga hakbang ni Tatay Simo ay magkaroon ng lindol, at kainin ng lupa ang buong eskuwelahan! Kaya matuto na raw akong pumasok at umuwi nang mag-isa para hindi na pumunta si Tatay roon.

Minsan ay dinalaw ni Kapitan Tagoy si Tatay Simo. Nagusap sila nang seryoso. Ang palaging bilin sa akin ni Tatay ay huwag akong makikinig at sasabat sa usapan ng matatanda. Pero gustong-gusto kong malaman kung ano ang pinaguusapan nila. Nakita ko kasi na nakayuko lang si Tatay habang pinakikinggan si Kapitan. Para bang ang lungkot-lungkot niya. Kaya dinikit ko ang tainga ko sa dingding para marinig ko sila.

“Pasens’ya ka na, Simo. Lahat sila ay nagrereklamo. Grabe na ang takot nila sa iyo,” narinig kong mahinahong sabi ni Kapitan.

“Sige po, Kapitan. Lilipat kami ng anak ko doon sa malaking kubong ginawa ko sa labas ng bayan, para malayo kami sa ibang tao. Humihingi po ako ng paumanhin sa nagawa ko,” mahinang sagot ni Tatay.

“Paano itong tindahan mo? Paano ang pag-aaral ni Mino?” sunod-sunod na tanong ni Kapitan Tagoy.

“Isasara ko po muna itong tindahan. Naturuan ko na rin pong pumasok at umuwi nang mag-isa ang anak ko galing sa eskuwelahan,” dugtong ni Tatay.

Pagkaalis ni Kapitan ay kinausap kaagad ako ni Tatay. Ipinaliwanag niya sa akin ang napag-usapan nila ni Kapitan. Hindi raw sanay sa pambihira niyang laki ang mga tao sa lugar namin. Kaya kailangan naming lumipat malayo sa kanila. Pero hindi raw ako dapat mag-alala, dahil hindi ako titigil sa pagaaral.

Hindi alam ni Tatay na narinig ko ang sinabi ni Kapitan sa kanya. Tinawag siyang perwisyo ng mga kapitbahay namin. Kaya pagdating ng gabi ay hindi ako nakatulog. Iniisip ko kasi kung bakit kailangan naming lumipat. Kung bakit sinasabi ng mga tao sa lugar namin na perwisyo si Tatay Simo.

Naalala ko na kapag kausap ko ang mga kapitbahay, kaklase, at guro ko, lagi nilang binabanggit ang mga kinatatakutan nila kay Tatay. Kaya may naisip akong paraan kung paano mababago ang isip nilang lahat tungkol kay Tatay Simo. Sigurado akong hindi na kami lilipat sa labas ng bayan kapag nagawa ko iyon.

Kinabukasan ay mag-isa akong pumasok sa eskuwelahan. Gulat na gulat na lumapit sa akin ang mga kaklase at guro ko.

“Totoo bang hindi ka na ihahatid-sundo ng tatay mo?” tanong ng aking guro.

“Wow! Hindi na uuga ang lupa sa tuwing papasok at uuwi si Mino!” nagagalak na sigaw ng isa kong kaklase.

“Tama! Tinuruan kasi ako ng napakabait kong tatay, kung paano pumasok at umuwi nang mag-isa,” pagmamalaki ko sa kanila.

“Talaga bang mabait ang tatay mo, Mino?” usisa ng isa kong kaklase. “Sooooobrang bait!” sagot ko. At ikinuwento ko sa kanila kung anong klaseng tatay, si Tatay Simo. Ikinuwento ko na mahinahon siyang makipagusap sa akin. Ikinuwento ko na naglalaan siya ng oras para turuan ako sa aking mga aralin, at ng iba pang mga bagay na dapat kong matutuhan. Ikinuwento ko na nagkukuwento siya ng mga nakakamanghang istorya bago kami matulog sa gabi. Ikinuwento ko na napakasarap niyang magluto ng paborito kong adobo. Ikinuwento ko rin sa kanila ang paborito naming gawin ni Tatay Simo sa tuwing walang pasok – ang maglaro nang maglaro!

Ikinuwento ko na hinahayaan niya akong maglambitin sa kanyang mga braso. Hinahayaan niya akong sumampa sa kanyang likod, para kargahin ako sa kanyang balikat. Hinahayaan niya akong akyatin na parang burol ang kanyang bilog na bilog na tiyan. Hinahayaan niya akong sumakay sa kanyang binti habang siya ay naglalakad. At sabay kaming tumatawa sa sobrang saya!

Pagkatapos ng mahabang-mahaba kong kuwento ay ayaw pa rin nilang maniwala sa akin. Sinasabi ko lang daw na mabait si Tatay Simo dahil tatay ko siya.

Pagdating ng hapon ay mag-isa akong umuwi sa bahay. Gulat na gulat din ang mga kapitbahay namin nang makita akong naglalakad mag-isa.

“Aba, Mino! Mabuti at hindi ka na sinusundo ng Tatay mo?” bati ni Aling Tuyang.

“Mabuti naman at hindi na namin kailangan magtago kapag nariyan na ang tatay mo,” dugtong ni Mang Lino.

“Opo. Tinuruan po kasi ako ng tatay kong sobrang bait, kung paano pumasok at umuwi nang mag-isa,” pagmamalaki ko sa kanila.

“Totoo ba iyan, Mino? Mabait nga ba talaga si Simo?” tanong ni Aling Kuring. “Naaaaaapakabait po!” sagot ko. At ikinuwento ko sa kanila kung gaano kabait si Tatay Simo. Ikinuwento ko na kapag may naliligaw na mga hayop sa bakuran namin, tulad ng aso, pusa, o kalapati, ay hindi niya tinataboy ang mga ito, kundi pinapakain. Ikinuwento ko na kapag natutulog siya sa gabi ay iniiwasan niyang humilik, dahil ayaw niyang magising ang mga kapitbahay namin. Ikinuwento ko na mahilig siyang makipagkaibigan at makipagusap, kaya tuwang-tuwa siya sa tuwing nagbabantay ng aming tindahan. Ikinuwento ko na kapag may nakikita siyang sirang mga bubong ay sikreto niyang tinatapalan ang mga ito sa gabi. Ikinuwento ko rin sa kanila na mahal na mahal ako ng tatay ko, kahit hindi niya ako tunay na anak.

Ang totoo kasi, ipinaampon ako sa kanya ng totoo kong mga magulang, dahil hindi na nila ako kayang alagaan. Napakarami kasi naming magkakapatid. Pero kahit kailan ay hindi pinaramdam ni Tatay Simo na hindi niya ako totoong anak. Napakabuti niyang tatay sa akin. Hindi niya ako hinahayaang magutom. Hindi niya ako hinahayaang magkasakit. Pinag-aaral niya ako. Tinuturuan niya akong maging mabuting bata. Higit sa lahat, minahal niya ako na parang totoo niyang anak.

Pagkatapos ng mahabang-mahaba kong kuwento ay ayaw pa rin nilang maniwala sa akin. Gawa-gawa ko lang daw ang mga iyon para magmukhang mabait si Tatay Simo.

Akala ko ay mababago ko ang tingin nilang lahat kay Tatay Simo, kung ikukuwento ko sa kanila ang kabaitan niya. Pero hindi iyon nangyari. Kaya kinabukasan ay lumipat na kami sa bago naming bahay, sa labas ng bayan.

Kinagabihan ay walang tigil na umulan nang malakas na malakas. Hindi ako makatulog dahil natatakot akong pumasok ang baha sa bahay namin, tulad sa dati naming tinitirhan. Ang sabi ni Tatay, hindi ako dapat matakot dahil hindi naman bumabaha sa bago naming bahay. Hindi raw ito tulad ng dati naming tinitirhan, na kaunting ulan lang ay lumulubog na kaagad sa baha.

Pero kanina pa nakatingin si Tatay Simo sa bintana. Kitangkita ko sa mukha niya na nag-aalala siya. Nag-aalala kaya siya na lalong lumakas ang ulan at abutin kami ng baha? Nag-aalala kaya siya na baka liparin ng hangin ang bubong namin? Nagaalala kaya siya na lumubog na sa baha ang iniwan naming tindahan? Ang dami-dami kong tanong sa isip, hanggang sa nakatulog ako nang mahimbing dahil sa lamig.

Nagulat ako pagkagising ko, dahil wala na si Tatay Simo sa aking tabi. Kinabahan ako! Saan kaya siya pumunta? Bakit kaya

Ipinagmamalaki niya sa lahat na hindi ordinaryong tao ang kanyang tatay, dahil isa itong higante.

siya lumabas ng bahay kahit ang lakas-lakas ng ulan? Mayamaya ay nakita ko siya sa bintana. Naglalakad siya sa kalsada papunta sa akin. At namangha ako sa aking nakita!

Kasama niya ang lahat ng dati naming kapitbahay! May mga nakasakay sa kanyang balikat, may mga nakalambitin sa kanyang mga braso, may mga nakayakap sa kanyang mga binti, may mga nakaupo sa kanyang tiyan, may mga nakatuntong sa kanyang ulo, at may mga nakasabit sa kanyang balbas! Niligtas pala niya ang mga kapitbahay namin sa baha!

Pinasilong silang lahat ni Tatay Simo sa bago naming bahay. Binigyan niya sila ng tuwalya para magpatuyo. Tinulungan ko siyang magpakulo ng tubig para sa titimplahin niyang kape para sa kanila. Binigyan niya ng gamot ang mga batang nilalagnat. Kinumusta niya ang mga matatanda, lalo na ang paborito niyang sastre na si Aling Tuyang.

Paulit-ulit na nagpasalamat kay Tatay Simo, ang mga kapitbahay namin. Paulit-ulit silang humingi ng tawad dahil tinawag nilang perwisyo si Tatay. Paulit-ulit nilang sinabi na bumalik na kami ni Tatay sa dati naming bahay, kapag tumila na ang ulan. Paulit-ulit din silang humingi ng paumanhin sa akin, dahil hindi sila naniwala sa mga kuwento ko.

“Kalimutan na po natin iyon. Ang mahalaga ay ligtas na kayong lahat,” sagot ni Tatay Simo.

“At pagtila po ng ulan ay babalik na tayo sa mga bahay natin. Tutulungan ko po kayong ayusin ang mga sira sa mga bahay ninyo,” pangako pa ni Tatay sa kanila, at walang tigil ulit silang nagpasalamat sa kanya.

Lalo kong ipinagmalaki si Tatay Simo simula noon. Ipinagmamalaki ko sa lahat na hindi ordinaryong tao ang tatay ko, dahil higante siya. Palagi kong sinasabi na higante ang Tatay Simo ko, at higante rin ang puso niya.

Maya-maya ay nakita ko siya sa bintana. Naglalakad siya sa kalsada papunta sa akin. At namangha ako sa aking nakita!

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.