Buklat /Mulat

Liwayway - - Mga Nilalaman - Dr. Eugene Y. Evasco

MALAKI na ang pagbabago ng panitikang pangkabataan (young adult literature) buhat nang ito’y unang naipakilala sa bansa bilang isang inangkat na anyo mula sa US. Dati, ang mga panitikang pangkabataan sa bansa ay iyong sumusunod sa hulma ng mga naunang problem novel gaya ng The Outsiders ni S.E. Hinton at The Catcher in the Rye ni J.D. Salinger. Nangangapa pa dati ang mga manunulat para sa kabataan kaya ang mga akdang ipinapabasa sa mga mag-aaral ay iyong inaakala nilang mga tekstong mauunawaan, maiibigan, at mapapahalagahan ng partikular na mambabasa. Magkaiba ang tekstong naiintindihan sa tekstong talagang nilikha at inilaan sa tiyak na edad ng mambabasa.

Nagkaroon din ng maling paniniwala na ang panitikang pangkabataan ay mababaw, eskapista, pang-aliwan, at laging nakaangkla sa mga pormula. May masamang impresyon tuloy na nalilikha kapag sinasabing “young adult literature” ang isang teksto. Kahiya-hiya rin sa ilan na makitang nagbabasa ng ganitong uri ng aklat. Tila ba wala nang pag-unlad sa pag-iisip at panlasa ang isang mambabasa. Kapuna-puna rin ang paggamit ng ilang nobelang pangkabataan ng wikang magaan at madaling maintindihan upang makapang-akit ng kabataang takot magbasa. Sa kasalukuyan, pinatunayan ng mga bagong-lathalang aklat para sa kabataan na hindi ito laging totoo. May mga aklat na nilikha para sa aliwan gaya ng pag-iibigan ng bampira sa tao o kaya’y pag-iibigan ng dalawang may malubhang karamdaman, may aklat namang tiyak na isinulat upang gabayan sa buhay ang mambabasa sa pamamaraang malikhain, madiskarte, at makatao.

Sa US, may laganap na kilusan upang bigyan ng kabuluhan ang panitikang pangkabataan. Sa #YAStandsFor, nailista ang mga positibong tunguhin at gampanin ng panitikang ito. Ang mga katangiang ito ang gagawin kong pamantayan upang pahalagahan ang Mga Batang Poz, isang matapang at makabuluhang nobelang pangkabataan ni Segundo Matias, Jr. na kauna-unahang tumalakay sa epidemiyang HIV sa Pilipinas sa panahon ng antiretroviral drugs. May mga nauna nang aklat at pelikula na tumatalakay rito ngunit ang mga ito’y nalikha sa panahong wala pang abanteng medisina upang palawigin ang buhay ng isang poz (HIV-positive).

Una ay ang pagtatampok at pagtatanghal ng bayani. Hindi naman tinutukoy nito ang mga bayani na lumahok sa tunggalian o digmaan. Isinasaad dito ang pagbibigay sa mambabasa ng mga tauhan na kanilang maaaring pamarisan o paghanguan ng lakas ng loob. Sa Mga

Batang Poz, makikilala ang mga tauhang bagama’t hindi perpekto dahil marurupok, nagpapamalas ng kahinaang emosyonal, madaling magtiwala, at padalos-dalos, ay natutong magpakatatag sa dakong wakas ng nobela. Matutuhan nilang pausbungin ang pag-asa sa buhay. Napagtanto nilang ang emosyonal na lakas ay hindi lamang magmumula sa sarili kundi nasa pagbubuo at pagpapaunlad ng pagkakaibigan. Ang nabuong barkada sa nobela—na pinagtibay ng paglalakbay—ay ang tanging hinahangad ng kilusang mapagpalaya ng LGBTQ: ang maitaguyod ang karapatan sa pamamagitan ng isang matatag, lumalaban, at nagkakaisang komunidad na may bisyon sa makatarungan, ligtas, at makataong lipunan.

Kaugnay nito ang paglikha ng malalakas na tauhang bakla. Napakahalaga nito dahil maaaring maging sandigan ng mambabasa ang mga tampok na danas ng mga tauhan sa loob ng nobela. Malaking pagsubok sa kabataang bakla ang ma-diagnose ng HIV. Idagdag pa ang external na problema tulad ng homophobia, hate crime, bullying,

stereotyping, at heterosexismo. Ngunit sa pamamagitan ng nobelang ito, naihapag sa mambabasa ang tila ba alituntunin kung paano mabuhay bilang bakla sa isang marahas at kasumpa-sumpang panahon sa ating lipunan. Mahalaga ang kamulatan upang protektahan ang sarili. Mahalaga ang pagkakaroon ng mga kaibigan bilang support system. At mahalaga na pahalagahan ang sarili nang may dignidad kahit pa may pagtutol ang lipunan sa homosekswalidad.

Mahalaga rin ang nobelang ito na humikayat sa mambabasa na hanapin ang kanilang sariling tinig. Bibihirang magkaroon ng modelo o bayani ang mga bakla na malalapit sa kanilang buhay. Madalas, kailangan pa nilang humanap ng tinig at inspirasyon sa mga artistang napapanood sa pelikula o napakikinggan sa radyo—sina Madonna, Cher, Mariah Carey, Barbra Streisand, at Lady Gaga. Ang mga nabanggit ay maituturing na gay icon. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng nobelang ito, nabibigyan ng pagkakataon ang kabataan na mag-isip ng mga malikhaing paraan upang mabuhay at isabuhay ang kanilang sekswalidad. Magkaiba-iba ang mga tauhan sa nobelang ito—may mula sa mayamang pamilyang konserbatibo at may nagmula naman sa isang maralitang pamilya. Hindi iisa ang hulma ng pagkabakla— may lantad, may discreet, at may straight-acting. Dahil sa magkakaibang hulma at pinag-ugatan, may iba’t ibang rehistro ang kanilang wika at magkakaibang pananaw sa buhay. Hindi nagtatakda ng nobela kung ano ang “tamang” uri ng pagkabakla. Sa halip, nagpapamalas ito ng tila-bahagharing landasin ng buhay ng kabataan.

Sumunod na kahalagahan ay ang pagpapakita ng katapatan. Sa nobelang ito, litaw na litaw ang katapatan ni Matias upang makalikha ng isang pangahas na nobelang pangkabataan. Saksi ako sa kaniyang sigasig sa pananaliksik gaya ng pakikipanayam, pagmamasid, at pakikipag-ugnayan sa mga batang poz (pinaikling positive o positibo). Sumangguni rin siya sa mga institusyon gaya ng ospital, klinika, at NGO na kumakandili sa mga poz.

Hindi rin natakot si Matias na ipakita sa mga mambabasa kung ano at paano ang gay sex, kung ano ang kultura ng kabataang LGBT sa kasalukuyan, ang epekto ng mga dating apps sa kontemporanyong kulturang gay, ang phenomenon ng alter sa komunidad ng Twitter, ang paglaganap ng amateur gay sex videos, at ang epidemiya ng HIV sa lipunang Filipino ngayon.

Ang katapatang ito ng manunulat ay hahantong sa inaasahang kamulatan ng mga mambabasa.

Walang halong panghuhusga ang nobela kaya nga maihahalintulad ko ang aklat na ito bilang isang matalik na kaibigan ng sinumang makababasa. Walang tonong nanunumbat, nananakot, at naninisi. Matagumpay ang pagkakahulma ng mga tauhan at ang depiksiyon ng kanilang kultura upang maghatid ng aralin ng safe sex,

sex-positivity, at empowerment ng kabataang nasasadlak sa panganib at marhinalisasyon.

Kapuri-puri rin ang positibong paglalarawan sa buhay pagkaraang ma-diagnose na positibo sa HIV. Ayon nga sa maraming pahayag, hindi na ito isang death sentence. Maaaring mabuhay nang matagal at makabuluhan ang isang poz sa tulong ng tamang gamot at nutrisyon; malusog at maiging lifestyle; at positibong pananaw sa buhay. Dagdag pa, ipinararating ng nobela sa mambabasa, poz man o hindi, na hindi ka nag-iisa sa buhay. Napakahalagang mensahe nito. May mga taong handang tumulong. May likas na kabutihan sa bawat nilalang. At hindi lubusang masama at madilim ang mundo.

Hangad ko ang maging bukas ng isip ng lahat upang tangkilikin ang aklat na ito. Hindi natapilok ang aklat sa karaniwang suliranin ng mga pangahas na nobela—ang sensasyonalismo at sentimentalismo. Natural at kontemporanyo ang wika; napapanahon at makabuluhan din ang paksain. Nawa’y simula na ito sa paghahawan ng landas sa paglikha ng panitikang makabuluhan para sa kabataang Filipino.

na lang ako ng Accounting. Madaling makatrabaho lalo’t pasado sa board. So, nag

shift ako sa Accounting. Dalawang sems din lang.

Mahina talaga ako sa numbers!” “E, pa’no ka naging writer?” “’Yan ang magandang istorya. ‘Yung girlfriend ko no’n gustong maging writer, malimit magpadala ng tula at kuwento sa mga magasin. Lagi rin namang nare-reject.” Napatawa si Terry. “’Tapos, isang araw nagpasama sa ‘kin. Me writer’s

workshop daw do’n sa magasing pinagsasabmitan niya. Sinamahan ko. Pagdating sa office sa Roces Avenue, akala’y aplikante rin ako. Isang essay at isang short story ang ‘pinasulat sa ‘min—on the spot. Kinuha ang contact number namin, itatawag na lang daw ang resulta.

“Masama ang loob ni Mia—ng girlfriend ko—nang hindi pumasa. Natanggap na pala niya’ng telegrama. Kinabukasan ko pa natanggap ang telegrama ko, binabati ako ng editor at iniimbitahan sa workshop nila na gagawin sa susunod na linggo. Do’n nagsimula.”

“Kelan pa ‘yon?” “Eight years ago.”

“Marami ka na sigurong nasulat?” “Marami-rami na rin.” “Di mapera ka na rin?” “Pera? Sa salita lang mayaman ang writer…” Saglit silang natahimik. “B-Ba’t nga pala ‘andito ka?” “Dinadalaw kita.” Napatuwid si Marita, tila biglang naasiwa, panay ang lingon sa gawi ng pinto at sa wall clock sa dinding. “M-May hinihintay ka?” “O-Oo.” “—Kasama mo sa bahay?” “O-Oo.” Nagkibit-balikat si Terry. Nakaunawang kalabisan nang magtanong pa.

“Okey. Dinalaw lang naman kita, kinumusta. Kung wala kang gagawin sa Sunday, p’wede ba kitang imbitahang magsimba?” “Saan?” “Sa chapel sa Greenbelt, t’yempuhan natin ‘yung 4 p.m. mass.” “D-Di ako sure, Terry.” “Basta, maghihintay ako ro’n.” Tumayo na si Terry at humakbang na patungo sa pinto. “Thank you sa drinks.” “Thank you rin sa rambutan.” At wala na ito. Nakahinga nang maluwag si Marita.

DINATNAN niya si Terry na nakatayo sa pasukan malapit sa lagoon, matikas sa suot na polo at jeans. “Akala ko’y nakalimutan mo?” “Hindi.” Nakaupo pa sila. Nagsimula ang misa. Sa bahagi na nagbabatian ng “Peace be with you.”, pinamulahan ng mukha si Marita nang magbesu-beso ang magkaka-partner. Binati siya ni Terry, ginanti niya ang bati nito at ibinaling na muli ang konsentrasyon sa pagpapatuloy ng seremonya. Labasan. Ibig ni Terry na magtagal pa sila, nagyayaya ngang kumain.

“Next time na lang, Terry, magsisimba lang ang paalam ko.” “Sure ka?”

“Next time,” ulit niya. Sinabayan uli siya sa pag-uwi, at pagsapit sa Tengco St., pinigilan niyang bumaba si Terry. “Sige na. Okey na ‘ko.” Hindi nagpilit si Terry, inihatid siya ng tingin at kumaway nang mapalingon siya. Napangiti si Marita.

At isang araw, sa pagtataka niya, nakita niya si Terry sa labas ng gate ng pinapasukang unibersidad sa Pasay, tila sadyang hinihintay siya. “O, ano’ng ginagawa mo rito?” “Nagbabakasakaling mat’yempuhan ka. ‘Sang sakay lang naman ‘to mula do’n sa haybol ko.” “Teka, ba’t alam mo’ng school ko?” “Nakita ko do’n sa libro mo.”

“Resourceful ka, ha?” “S’yempre. Kain tayo?” Sa relos si Marita, pasado alas-singko na. “Kelangan kong makauwi ka’gad.” “Di mag-take-out na lang tayo, sa inyo na lang natin kainin.” “H-H’wag…” “—Di do’n na lang natin sa haybol ko kainin. Tapos, ihatid na lang kita.” Naghihintay sa kanyang sagot si Terry. “Saglit lang, ha?” “Oo naman!” Nag-take-out sila sa pinakamalapit na fastfood restaurant at sumakay ng jeep patungong Libertad. Nasa itaas pala ng isang

hardware ang tinitirhan ni Terry. May makitid na hagdan patungo sa second floor, dalawang magkadikit na paupahang kuwarto. Maliit ang salas at iisa ang silid, pang-solo katawan lamang. Kumain sila. “Sa’n ka nagsusulat dito?” “Sa k’warto na rin, double purpose!” Natawa si Terry. “Palusot ka pa, ha? Ayaw mo pang amining nagkukuripot ka lang!” Naging halakhak ang tawa ni Terry. “Gusto mong makita?” “Ang alin?” “Ang k’warto ko—at writing room din.” “S-Sige.” Sinaid nila ang plastic cups ng kanilang softdrinks. Sumunod si Marita kay Terry. Tumambad sa kanya ang silid: kama, salansan ng mga libro—hard bound at pocketbooks—sa isang gilid ng dinding, isang mesang sulatan at sa ibabaw niyon, isang asul na portable typewriter—Smith-Corona—at isang bawas nang ream ng newsprint paper.

Tila namamalikmatang hinaplos ni Marita ang makinilya, dinama ng mga daliri ang mga letra. “Dito pala nangyayari’ng magic…” Hinila ni Terry ang silya palayo sa mesa. “Maupo ka, mafeel mo kung pa’no maging writer.” “P’wede?” “P’wedeng-p’wede.” Naupo siya, dinamang muli ang mga letra ng makinilya. “Lagyan natin ng papel.” Kumuha si Terry ng newsprint at isinubo sa makinilya. “’Yan. P’wede ka nang mag-umpisa.” Napangiti si Marita, kinapa-kapa ang mga keys, saka tinipa ang pangalan niya: MARITA.

“Mahirap pala,” sabi ni Marita. “Talent talaga ‘yang pagiging writer.”

“Nakukuha rin sa t’yaga,” sabi ni Terry, dumukwang at dinugtungan ang isinulat ni Marita, tumipa sa keys. PUWEDE BANG MAGING TAYO? TERRY.

Nag-angat ng tingin si Marita, pumako sa mukha ni Terry, na matiim ding nakatunghay sa kanya, saka pumatong sa kanyang palad ang kaliwa nitong palad. Tila napaso si Marita, binawi ang kanyang kamay at mabilis na tumayo. “T-Tayo na. Baka hinihintay na ‘ko sa bahay.” Wala silang kibuan hanggang makababa at makabalik sa kalsada. Sa sakayan ng jeep patungong Pasay Road, nagpasalamat si Marita sa meryenda at sumakay na. Hinintay ni Terry na makaalis ang jeep, bago pumihit at naglakad pabalik sa tinitirhan. Napatingin si Marita sa ibabaw ng kanang palad na hinawakan ni Terry, tila napapaso pa rin siya. Hindi niya maipaliwanag ang kanyang nadarama sa taong ito na dati’y binabasa lamang niya at sa isang biro yata ng tadhana’y nakilala niya nang personal at ngayo’y naghahayag ng pagkagusto sa kanya.

Sana’y gayon lamang kadali at kasimple, naisip ni Marita.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.